Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Job

Job

[Tudlaan ng Pagkapoot].

Isang lalaking naninirahan sa lupain ng Uz, sa lugar na ngayon ay Arabia. (Job 1:1) Sinabi ng Diyos tungkol kay Job: “Walang sinumang tulad niya sa lupa, isang lalaking walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at lumilihis sa kasamaan.” (Job 1:8) Ipinahihiwatig nito na naninirahan si Job sa Uz noong panahon na ang kaniyang malalayong pinsan, ang 12 tribo ng Israel, ay nasa pagkaalipin sa lupain ng Ehipto. Nang panahong iyon, si Jose na anak ni Jacob (Israel) ay patay na (1657 B.C.E.) pagkatapos niyang magbata ng maraming kawalang-katarungan at makapag-ingat ng kaniyang kawalang-kapintasan sa harap ng Diyos na Jehova. Hindi pa bumabangon si Moises bilang propeta ni Jehova upang akayin ang 12 tribo ng Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Sa pagitan ng kamatayan ni Jose at ng panahon kung kailan ipinakita ni Moises sa pamamagitan ng kaniyang paggawi na siya ay walang kapintasan at matuwid, walang sinumang tao ang tapat na gaya ni Job. Malamang na sa yugtong ito naganap ang mga pag-uusap may kinalaman kay Job sa pagitan ni Jehova at ni Satanas.​—Job 1:6-12; 2:1-7.

Karaniwan nang si Moises ang kinikilalang sumulat ng ulat ng mga karanasan ni Job. Maaaring nalaman niya ang tungkol kay Job nang gumugol siya ng 40 taon sa Midian at maaaring narinig niya ang tungkol sa kinahinatnan at kamatayan ni Job noong dumaan ang Israel malapit sa Uz sa pagtatapos ng paglalakbay nila sa ilang. Kung natapos ni Moises ang aklat ng Job sa panahon ng pagpasok ng Israel sa Lupang Pangako noong 1473 B.C.E. (malamang na di-nagtagal pagkamatay ni Job), ang panahon ng pagsubok kay Job ay papatak nang mga 1613 B.C.E., sapagkat nabuhay si Job nang 140 taon pagkatapos ng pagsubok sa kaniya.​—Job 42:16, 17.

Si Job ay isang kamag-anak ni Abraham, anupat kapuwa sila inapo ni Sem. Bagaman hindi Israelita, si Job ay mananamba ni Jehova. Siya “ang pinakadakila sa lahat ng mga taga-Silangan,” na nagmamay-ari ng napakaraming kayamanan. Ang kaniyang pamilya ay binubuo ng kaniyang asawa, pitong anak na lalaki, at tatlong anak na babae. (Job 1:1-3) Buong-katapatan niyang isinagawa ang mga tungkulin bilang saserdote para sa kaniyang pamilya, anupat naghahandog siya ng mga hain sa Diyos alang-alang sa kanila.​—Job 1:4, 5.

Si Job ay isang taong iginagalang sa pintuang-daan ng lunsod, anupat nirerespeto siya maging ng mga matatanda na at mga prinsipe. (Job 29:5-11) Siya ay umuupo bilang isang hukom na hindi nagtatangi, naglalapat ng katarungan bilang tagapagtanggol ng babaing balo, at tulad ng isang ama sa batang lalaking walang ama, sa mga napipighati, at sa mga nangangailangan ng tulong. (Job 29:12-17) Nanatili siyang malinis mula sa imoralidad, sakim na materyalismo, at idolatriya, at bukas-palad siya sa mga dukha at nagdarahop.​—Job 31:9-28.

Ang Katapatan ni Job. Hinamon ni Satanas ang katapatan ni Job kay Jehova. Palibhasa’y may pagtitiwala si Jehova sa katapatan ni Job at batid niya na kaya niyang ipanumbalik at gantimpalaan ito, pinahintulutan niya si Satanas na subukin ang katapatan ni Job hanggang sa kasukdulan, ngunit hindi niya pinahintulutan si Satanas na patayin si Job. Sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan, kinuha muna ni Satanas ang mga alagang hayop at mga lingkod ni Job at pagkatapos ay ang kaniyang mga anak (Job 1:13-19), ngunit hindi kailanman pinaratangan ni Job ang Diyos ng kamalian o kasamaan. Hindi rin niya tinalikuran ang Diyos, kahit nang gipitin siya ng kaniya mismong asawa at ng iba pa. (Job 1:20-22; 2:9, 10) Nagsalita siya ng katotohanan tungkol sa Diyos. (Job 42:8) Tinanggap niya ang saway dahil sa kaniyang labis na pagkabahalang maipahayag na matuwid ang kaniyang sarili at sa pagpapabaya niya na ipagbangong-puri ang Diyos (Job 32:2), at kinilala niya ang kaniyang mga kasalanan sa Diyos.​—Job 42:1-6.

Mahal ni Jehova si Job. Sa katapusan ng tapat na landasin ni Job sa ilalim ng pagsubok, ginawa siya ng Diyos na isang saserdote para sa kaniyang tatlong kasamahan na nakipagtalo sa kaniya, at ibinalik ng Diyos si Job sa kaniyang dating kalagayan. Muli siyang nagkaroon ng isang maligayang pamilya (maliwanag na sa dati pa ring asawa) at ng doble ng kaniyang dating kayamanan. Lahat ng kaniyang mga kamag-anak at dating mga kasamahan ay bumalik upang magbigay-galang sa kaniya at magdala sa kaniya ng mga kaloob. (Job 42:7-15) Nabuhay pa siya nang matagal upang makita ang kaniyang mga anak at mga apo hanggang sa apat na salinlahi.​—Job 42:16.

Sa pamamagitan ng propetang si Ezekiel, tinukoy ng Diyos si Job bilang uliran sa pagiging matuwid. (Eze 14:14, 20) Ang kaniyang matiising pagbabata ng pagdurusa ay inihaharap sa mga Kristiyano bilang isang parisan, at ang maligayang kinalabasan ng kaniyang landasin ay tinutukoy na nagtatampok sa pagmamahal at awa ni Jehova. (San 5:11) Ang ulat ng kaniyang napakahirap na karanasan ay nagbibigay ng malaking kaaliwan at lakas sa mga Kristiyano, at maraming simulain sa Bibliya ang itinatampok at binibigyang-linaw ng aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan.