Job, Aklat ng
Isinulat ni Moises, ayon sa mga iskolar na Judio at sinaunang mga iskolar na Kristiyano. Ipinakikita ng panulaan, pananalita, at istilo ng aklat na orihinal itong isinulat sa Hebreo. Ipinahihiwatig ng maraming pagkakahawig
ng Pentateuch at ng pasalaysay na bahagi ng Job na ang manunulat ng aklat ay si Moises. Maaaring napag-alaman ni Moises ang mga detalye tungkol sa pagsubok kay Job noong panahon ng kaniyang 40-taóng pamamalagi sa Midian, at malamang na nalaman niya ang kinahinatnan ng buhay ni Job nang dumaan ang Israel malapit sa Uz habang patungo sa Lupang Pangako, noong 1473 B.C.E.Pagkakaayos. Natatangi ang aklat ng Job dahil pangunahin itong binubuo ng isang debate sa pagitan ng isang tunay na lingkod ng Diyos na Jehova at ng tatlong indibiduwal na nag-angking naglilingkod sa Diyos ngunit nagharap ng maling mga doktrina sa pagsisikap na ituwid si Job. May-kamalian nilang inakala na pinarurusahan ng Diyos si Job dahil sa isang malubha at lihim na kasalanan. Sa gayon, palibhasa’y nangatuwiran salig dito, sila’y aktuwal na naging mga mang-uusig ni Job. (Job 19:1-5, 22) Ang debate ay binubuo ng tatlong sunud-sunod na yugto ng mga pahayag, kung saan nakibahagi ang apat na tagapagsalita, bagaman hindi na nagsalita si Zopar sa huling yugto matapos mapatahimik ng argumento ni Job. Pagkatapos nito, ang lahat ay itinuwid ng tagapagsalita ni Jehova na si Elihu at, nang dakong huli, ng Diyos mismo.
Samakatuwid, maliwanag na dapat isaisip ng isa, kapag bumabasa o sumisipi mula sa aklat, na ang mga argumentong iniharap nina Elipaz, Bildad, at Zopar ay mali. Paminsan-minsan, bumabanggit ng mga katotohanan ang tatlong kasamahang ito ni Job, ngunit mali ang konteksto at pagkakapit ng mga iyon. Ginamit ni Satanas ang taktikang ito laban kay Jesu-Kristo; ayon sa ulat, “dinala siya ng Diyablo sa banal na lunsod, at inilagay niya siya sa ibabaw ng moog ng templo at sinabi Mat 4:5-7.
sa kaniya: ‘Kung ikaw ay anak ng Diyos, magpatihulog ka; sapagkat nasusulat, “Magbibigay siya ng utos sa kaniyang mga anghel may kinalaman sa iyo, at bubuhatin ka nila sa kanilang mga kamay, upang hindi mo kailanman maihampas sa bato ang iyong paa.”’ Sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Muli ay nasusulat, “Huwag mong ilalagay sa pagsubok si Jehova na iyong Diyos.”’”—Sinabi ng mga kasamahan ni Job na pinarurusahan ng Diyos ang mga balakyot. Totoo naman iyon. (2Pe 2:9) Ngunit ipinalagay nila na ang lahat ng pagdurusa ng isang tao ay resulta ng kaniyang mga pagkakasala at nagsisilbing kaparusahan sa kaniya ng Diyos. Ang pagdurusa, ang sabi nila, ay katibayan na talagang nagkasala ang isang indibiduwal. Nagsalita sila nang may kabulaanan may kinalaman sa Diyos. (Job 42:7) Siniraang-puri nila Siya. Inilarawan nila ang Diyos bilang walang awa. Inangkin nila na hindi kinalulugdan ng Diyos ang taong nananatiling tapat at na wala siyang tiwala sa Kaniyang mga lingkod, kahit sa mga anghel. Sinasalungat nito ang maraming pananalita sa Kasulatan na nagsisiwalat sa pag-ibig ni Jehova sa kaniyang matatalinong lingkod. Ang isang halimbawa ng kumpiyansa at tiwala ng Diyos sa kaniyang tapat na mga mananamba ay makikita sa mga pakikipag-usap niya kay Satanas, kung saan itinawag-pansin niya si Job at nagpahayag siya ng napakalaking kumpiyansa sa pagkamatapat ni Job nang pahintulutan niya ang Diyablo na subukin si Job. Gayunman, pansinin na pinrotektahan niya ang buhay ni Job. (Job 2:6) Sinabi ng Kristiyanong manunulat na si Santiago tungkol sa mga pakikitungo ng Diyos kay Job: “Si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.”—San 5:11.
Kahalagahan. Ang aklat ng Job, kaugnay ng Genesis 3:1-6 at ng iba pang mga kasulatan, ay mahalaga sa pagsisiwalat sa malaking usapin hinggil sa pagiging matuwid ng Diyos sa paggamit ng kaniyang soberanya at gayundin kung paano nasasangkot sa usaping ito ang katapatan ng makalupang mga lingkod ng Diyos. Hindi naunawaan ni Job ang usaping ito, gayunma’y hindi siya nagpaimpluwensiya sa kaniyang tatlong kasamahan na mag-alinlangan na siya’y isang taong tapat. (Job 27:5) Hindi niya naunawaan kung bakit siya sinapitan ng kapahamakan, yamang hindi naman siya manggagawa ng kasalanan. Hindi siya naging timbang nang ipagmatuwid niya ang kaniyang sarili, anupat walang alinlangang higit pa siyang ibinuyo rito ng patuloy na pagpaparatang ng kaniyang tatlong kasamahan. Nagkamali rin siya sa pagpupumilit na sagutin ng Diyos ang tanong niya kung bakit siya nagdurusa, gayong dapat sana’y natanto niya na walang sinuman ang wastong makapagsasabi kay Jehova: “Bakit mo ako ginawang ganito?” (Ro 9:20) Gayunpaman, may-kaawaang sinagot ni Jehova si Job, kapuwa sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Elihu at sa pamamagitan ng pakikipag-usap kay Job mula sa buhawi. Samakatuwid ay ipinakadiriin ng aklat na mali ang pagsisikap na magmatuwid sa harap ng Diyos.—Job 40:8.
Autentisidad at Kahalagahan. Tinukoy ni Ezekiel si Job, at binanggit din siya ni Santiago. (Eze 14:14, 20; San 5:11) Mapuwersang sumusuporta sa pagiging kanonikal ng aklat ang pagtanggap dito ng mga Judio bilang may awtoridad na kapantay niyaong sa iba pang kinasihang mga aklat ng Hebreong Kasulatan, kahit na hindi isang Israelita si Job.
Marahil ang pinakamatibay na ebidensiya ng pagiging tunay ng aklat ay ang pagkakasuwato nito sa iba pang bahagi ng Bibliya. Marami rin itong isinisiwalat tungkol sa mga paniniwala at mga kaugalian ng patriyarkal na lipunan. Higit pa riyan, tumutulong ito nang malaki sa estudyante ng Bibliya upang higit na maunawaan ang mga layunin ni Jehova sa pamamagitan ng paghahambing nito sa iba pang mga pananalita sa Bibliya. Maraming punto rito ang may diwa na kahawig niyaong sa iba pang mga talata ng Bibliya, na ang ilan ay nakatala sa kalakip na tsart.
[Kahon sa pahina 1231]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG JOB
Ang ulat ng mga karanasan ni Job noong hamunin ni Satanas ang kaniyang katapatan sa harap ni Jehova
Malamang na isinulat ni Moises noong nagpapagala-gala ang Israel sa ilang, bagaman maaaring naganap ang pagsubok kay Job maraming taon pa bago isilang si Moises
Nagwakas ang masagana at maginhawang buhay ni Job nang pahintulutan ni Jehova si Satanas na subukin si Job (1:1–2:10)
Inangkin ni Satanas na ang pagiging matuwid ni Job ay udyok lamang ng pansariling interes
Sa loob lamang ng isang araw, nawala kay Job ang kaniyang bakahan, mga kawan, at sampung anak, ngunit iningatan niya ang kaniyang katapatan
Pagkatapos ay dinapuan siya ng isang karima-rimarim at makirot na sakit ngunit tumanggi siyang sumpain ang Diyos; sa gayon ay nanatiling tapat si Job
Sina Elipaz, Bildad, at Zopar, tatlong kasamahan ni Job, ay nagkasundong pumaroong magkakasama upang “makiramay” sa kaniya (2:11–3:26)
Naupo sila nang walang imik sa palibot niya sa loob ng pitong araw
Si Job ang unang nagsalita, anupat isinumpa ang araw ng kaniyang kapanganakan
Nagtataka siya kung bakit pinahihintulutan pa siya ng Diyos na mabuhay
Ang tatlong naturingang mang-aaliw ay matagal na nakipagdebate kay Job (4:1–31:40)
Iginiit nila na nagdurusa siya dahil sa kaniyang mga kasalanan, anupat ipinangatuwiran na may nagawang mali si Job yamang pinakikitunguhan siya ng Diyos na parang kaaway
Sinikap nilang hikayatin si Job na tanggapin ito sa pamamagitan ng paggamit ng maling pangangatuwiran at paninirang-puri at sa pamamagitan ng pagtatawag-pansin sa tradisyon at mga pangitaing diumano’y nakita nila
Hinimok si Job ng tatlo niyang kasamahan na ipagtapat ang kaniyang pagkakasala at baguhin ang kaniyang mga lakad; kung magkagayon, ang sabi nila, mababalik sa kaniya ang dati niyang kasaganaan
Iginiit ni Job na siya’y matuwid; hindi niya maunawaan kung bakit pinahihintulutan ni Jehova na magdusa siya, ngunit pinatahimik niya ang maling payo ng kaniyang tatlong kasamahan
Sa kaniyang panghuling mga salita, pinaghambing ni Job ang mga araw noong siya ay isang iginagalang na matanda at ang panahon sa kasalukuyan kung kailan dumaranas siya ng kapighatian at kahihiyan; itinawag-pansin niya na naging napakaingat niya upang huwag magkasala
Itinuwid ng kabataang nagmamasid na si Elihu sina Job at ang mga kasamahan nito (32:1–37:24)
Ipinakita niya na mali si Job nang ipagbangong-puri nito ang kaniyang sarili sa halip na ang Diyos, at tinuligsa niya ang tatlong kasamahan ni Job dahil sa maling pagsagot kay Job
Itinaguyod ni Elihu ang katarungan, kawalang-pagtatangi, kaluwalhatian, at pagiging makapangyarihan-sa-lahat ni Jehova
Si Jehova naman ang nagsalita mula sa isang buhawi (38:1–42:6)
Itinanong ni Jehova kung nasaan si Job noong lalangin ang lupa, at kung nauunawaan nito ang kamangha-manghang mga katangian ng maiilap na hayop, sa gayo’y ipinakikita ang kaliitan ng tao kung ihahambing sa kadakilaan ng Diyos
Pagkatapos ay itinanong niya kung dapat siyang pulaan ni Job
Inamin ni Job na nagsalita siya nang walang wastong unawa; nagsisi siya “sa alabok at abo”
Natapos ang pagsubok kay Job, at ginantimpalaan ang kaniyang katapatan (42:7-17)
Nagpahayag ng pagkagalit si Jehova kina Elipaz, Bildad, at Zopar sapagkat nagsalita sila nang may kabulaanan; inutusan niya silang maghain at hilingin kay Job na manalangin para sa kanila
Gumaling si Job nang manalangin siya para sa kaniyang mga kasamahan
Pinagpala siya ng makalawang ulit ng dami ng mga kawan at bakahan na taglay niya noong una, gayundin ng karagdagang sampung anak, pitong lalaki at tatlong babae
[Tsart sa pahina 1232]
Aklat Puntong Iba pang pagtukoy
ng Job magkakatulad ng Bibliya
3:17-19 Ang mga patay ay walang Ec 9:5, 10;
anumang nalalaman kundi Ju 11:11-14;
gaya ng mga natutulog 1Co 15:20
10:4 Hindi humahatol ang Diyos 1Sa 16:7
ayon sa pangmalas ng tao
10:8, 9, 11, 12 Ang maibiging pangangalaga Aw 139:13-16
ng Diyos nang anyuan niya
ang tao
12:23 Pinahintulutan ng Diyos ang Apo 17:13, 14, 17
mga bansa na maging
makapangyarihan at magkaisa
pa nga laban sa kaniya
upang makatuwiran niya
silang mapuksa nang
minsanan
14:1-5 Ang tao ay ipinanganak na Aw 51:5; Ro 5:12
makasalanan at alipin ng
kamatayan
14:13-15 Pagkabuhay-muli ng mga patay 1Co 15:21-23
17:9 Ang matuwid ay hindi Aw 119:165
natitisod, anuman ang gawin
ng iba
19:25 Ang layunin ni Jehova na Ro 3:24; 1Co 1:30
tubusin (palayain) ang
tapat na sangkatauhan
21:23-26 Ang lahat ng tao ay may Ec 9:2, 3
iisang kahihinatnan; ang
lahat ay magkakatulad sa
kamatayan
24:3-12 Nagdudulot ng kapighatian 2Co 6:4-10; 11:24-27
ang balakyot; gayon ang
pakikitungo sa mga
Kristiyano
24:13-17 Iniibig ng balakyot ang Ju 3:19
kadiliman sa halip na ang
liwanag; natatakot sila sa
liwanag
26:6 Ang lahat ng bagay ay Heb 4:13
nakalantad sa mga mata ni
Jehova
27:8-10 Ang apostata ay hindi Heb 6:4-6
taimtim na tatawag sa
Diyos ni diringgin man
Niya siya
27:12 Yaong mga nakakakita ng Jer 23:16
“mga pangitain” ng kanilang
sariling puso, hindi mula
sa Diyos, ay nagsasalita ng
mga bagay na walang
kabuluhan
27:16, 17 Mamanahin ng matuwid ang Deu 6:10, 11;
yaman na tinipon ng Kaw 13:22
balakyot
Kab 28 Hindi masusumpungan ng tao Ec 12:13;
ang tunay na karunungan 1Co 2:11-16
mula sa ‘aklat ng paglalang
ng Diyos,’ tanging mula sa
Diyos at sa pagkatakot sa
kaniya
30:1, 2, 8, 12 Ang walang-kabuluhan at Gaw 17:5
hangal na mga batugan ay
ginagamit upang pag-usigin
ang mga lingkod ng Diyos
32:22 Ang paggagawad ng Mat 23:8-12
di-makakasulatang mga
titulo ay mali
34:14, 15 Ang buhay ng lahat ng laman Aw 104:29, 30;
ay nasa kamay ni Jehova Isa 64:8;
34:19 Si Jehova ay hindi nagtatangi Gaw 10:34
34:24, 25 Si Jehova ay nagbababa at Dan 2:21; 4:25
naglalagay ng mga
tagapamahala ayon sa
kaniyang kalooban
36:24; 40:8 Ang pagpapahayag tungkol sa Ro 3:23-26
katuwiran ng Diyos ang
siyang mahalaga
42:2 Sa Diyos ay posible ang Mat 19:26
lahat ng bagay
42:3 Di-masaliksik ang karunungan Isa 55:9;
ng Diyos Ro 11:33
Ang iba pang kapansin-pansing mga pagkakatulad ay nasa: Job 7:17 at Aw 8:4; Job 9:24 at 1Ju 5:19; Job 10:8 at Aw 119:73; Job 26:8 at Kaw 30:4; Job 28:12, 13, 15-19 at Kaw 3:13-15; Job 39:30 at Mat 24:28.