Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jokebed

Jokebed

[posible, Si Jehova ay Kaluwalhatian].

Isang anak na babae ni Levi na napangasawa ni Amram na mula sa tribo ring iyon at ina nina Miriam, Aaron, at Moises. (Exo 6:20; Bil 26:59) Si Jokebed ay isang babaing may pananampalataya; nagtiwala siya sa kaniyang Diyos na si Jehova. Salungat sa utos ni Paraon, hindi niya pinayagang mapatay ang kaniyang sanggol, na nang maglaon ay pinanganlang Moises, at pagkalipas ng tatlong buwan, nang hindi na ito maikubli sa kanilang bahay, inilagay niya ito sa isang arkang papiro at inilagay iyon sa gitna ng mga tambo sa pampang ng Nilo. Natagpuan ng anak na babae ni Paraon ang sanggol at inangkin ito para sa kaniyang sarili, ngunit, sa naging takbo ng pangyayari, ang sariling ina ni Moises ang nahilingan niyang mag-alaga rito. Habang lumalaki ang bata, si Jokebed, kasama ng kaniyang asawa, ay nagsikap nang husto na maituro sa kaniyang mga anak ang mga simulain ng dalisay na pagsamba, gaya ng makikita sa naging buhay ng mga ito nang dakong huli.​—Exo 2:1-10.

Ayon sa tekstong Masoretiko, si Jokebed ay kapatid na babae ng ama ni Amram na si Kohat; kung gayon nga, napangasawa ni Amram ang kaniyang tiya, na hindi labag sa kautusan nang panahong iyon. (Exo 6:18, 20) Gayunman, naniniwala ang ilang iskolar na si Jokebed ay pinsan ni Amram sa halip na kaniyang tiya, sapagkat gayon ang mababasa sa Griegong Septuagint, na siya ring ideyang itinatawid sa Syriac na Peshitta at sa mga tradisyong Judio. Halimbawa, ang Exodo 6:20 ay kababasahan: “si Jokabed na anak na babae ng kapatid ng kaniyang ama.” (LXX, Bagster) “Kinuha ni Amram ang anak na babae ng kaniyang tiyo na si Jokhaber.” (La) “Nang mag-asawa si Amram, kinuha niya ang kaniyang pinsan na si Jokabad.” (Fn) “Napangasawa ni Amram ang isa niyang kamag-anak na babae na tinatawag na Jokabed.” (Kx) Isang talababa ni Rotherham sa pananalitang “kapatid na babae ng kaniyang ama” ang nagsasabi: “Malamang na isa lamang babaing miyembro ng pamilya ng kaniyang ama.” Sinabi ni Thomas Scott sa kaniyang Explanatory Notes (1832): “Ayon sa Septuagint at sa mga tradisyong Judio, si Jokebed ay pinsan, hindi tiya ni Amram.” “Ipinapalagay ng pinakamahuhusay na kritiko na si Jokebed ay pinsang buo ni Amram, at hindi kaniyang tiya.” (Commentary ni Clarke) Nang sabihin sa Bilang 26:59 na si Jokebed ay “anak na babae ni Levi,” maaari itong mangahulugang “apong babae,” gaya ng maraming iba pang dako sa Kasulatan kung saan ang “anak na lalaki” ay ginagamit upang tumukoy sa isang “apong lalaki.” Sa kaniyang salin, si F. Fenton ay nagkomento na ang pananalitang ‘ipinanganak kay Levi’ sa talata ring iyon, “sa idyoma ng wikang Hebreo, ay hindi nangangahulugang kay Levi mismo, kundi isa lamang siyang inapo ng Tribo. Dahil sa haba ng panahon ay imposible na maging anak siya mismo ni Levi.”

Sa kabilang dako, kung ang tekstong Masoretiko ay tama sa Exodo 6:20, si Jokebed ay tiya ni Amram at hindi kaniyang pinsan. Kung ipapalagay na si Levi ang ama ni Jokebed, malamang na ang kaniyang ina ay mas bata kaysa sa ina ni Kohat. Kung gayon nga, si Jokebed, bagaman kapatid lamang sa ama ni Kohat, ay tiya ni Amram.