Jonas
[Kalapati].
1. “Anak ni Amitai”; isang propeta ni Jehova na mula sa Gat-heper (2Ha 14:25), na isang hanggahang lunsod sa teritoryo ng Zebulon. (Jos 19:10, 13) Bilang katuparan ng salita ni Jehova na sinalita sa pamamagitan ni Jonas, nagtagumpay si Haring Jeroboam II ng Israel na isauli ang “hangganan ng Israel mula sa pagpasok sa Hamat hanggang sa dagat ng Araba [ang Dagat Asin].” (2Ha 14:23-25; ihambing ang Deu 3:17.) Kaya lumilitaw na si Jonas ay naglingkod bilang isang propeta sa sampung-tribong kaharian noong panahon ng paghahari ni Jeroboam II. Maliwanag na siya rin ang taong inatasan ni Jehova upang ihayag ang kahatulan laban sa Nineve (Jon 1:1, 2) at samakatuwid ay siya ring manunulat ng aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan.
Sa halip na gampanan ang kaniyang atas na mangaral sa mga Ninevita, ipinasiya ni Jonas na takasan ito. Sa daungang-dagat ng Jope, sumakay siya sa isang barko na patungong Tarsis (karaniwang iniuugnay sa Espanya) na mahigit 3,500 km (2,200 mi) sa K ng Nineve.—Jon 1:1-3; 4:2.
Pagkalulan sa barkong iyon na may kubyerta, nakatulog nang mahimbing si Jonas sa “kaloob-loobang bahagi” nito. Samantala, ang mga marinero, nang mapaharap sa pinasapit ng Diyos na maunos na hangin na nagbabantang sumira sa barko, ay humingi ng saklolo sa kanilang mga diyos at nagtapon ng mga kagamitan sa dagat upang pagaanin ang barko. Ginising ng kapitan ng barko si Jonas, anupat hinimok din ito na tumawag sa kaniyang “diyos.” Nang dakong huli ay nagpalabunutan ang mga marinero upang alamin kung sino ang dahilan ng pagdaluyong ng bagyo. Maliwanag na pinangyari ni Jehova na mapili si Jonas sa palabunutan. Nang tanungin siya, umamin si Jonas na hindi niya tinupad ang kaniyang atas. Palibhasa’y ayaw niyang mamatay ang iba dahil sa kaniya, hiniling niya na ihagis siya sa dagat. Nang mabigo ang lahat ng kanilang pagsisikap na makabalik sa katihan, ginawa ng mga marinero kay Jonas ang sinabi niya, at tumigil ang pagngangalit ng dagat.—Jon 1:4-15.
Habang papalubog si Jonas sa ilalim ng tubig, pumulupot sa kaniyang ulo ang mga damong dagat. Nang dakong huli ay hindi na siya nakaramdam ng pagkalunod, at natanto niyang nasa loob na pala siya ng isang malaking isda. Nanalangin si Jonas kay Jehova, anupat niluwalhati siya bilang Tagapagligtas at nangakong tutuparin ang kaniyang ipinanata. Noong ikatlong araw ay iniluwa ng isda ang propeta sa tuyong lupa.—Jon 1:17–2:10.
Makatuwiran bang maniwala na ang mga Ninevita ay magsisisi na nakasuot ng telang-sako dahil sa babala ni Jonas?
Nang atasan sa ikalawang pagkakataon na pumaroon sa Nineve, isinagawa niya ang mahabang paglalakbay patungo roon. “Nang dakong huli si Jonas ay nagsimulang pumasok sa lunsod sa layong nilalakad nang isang araw, at siya ay patuloy na naghahayag at nagsasabi: ‘Apatnapung araw na lamang, at ang Nineve ay gigibain.’” (Jon 3:1-4) Hindi sinasabi sa Bibliya kung marunong si Jonas ng wikang Asiryano o kung makahimala siyang pinagkalooban ng kakayahang magsalita ng wikang iyon. Maaari pa ngang nagsalita siya sa wikang Hebreo, at pagkatapos ay isinalin ito niyaong (mga) nakaaalam ng wikang iyon. Kung nagsalita siya sa wikang Hebreo, maaaring lalong napukaw ng mga salita ni Jonas ang pagkamausisa ng mga tao, anupat marami ang nag-isip kung ano nga ba ang sinasabi ng estrangherong ito.
Iniisip ng ilang kritiko na mahirap paniwalaan na ang mga Ninevita, pati na ang hari, ay tutugon sa Jon 3:5-9) May kinalaman dito ay kapansin-pansin ang mga sinabi ng komentaristang si C. F. Keil: “Madaling mauunawaan kung bakit matindi ang naging impresyon ng mga Ninevita sa pangangaral ni Jonas, anupat ang buong lunsod ay nagsisi na may telang-sako at abo, kung isasaisip lamang natin na napakadaling maantig ang damdamin ng mga lahing taga-Silangan, na nasisindak sila sa isang Kataas-taasang Persona na isang katangian ng lahat ng paganong relihiyon ng Asia, at na mataas ang pagpapahalaga ng mga taga-Asirya sa mga manghuhula at mga orakulo mula pa noong sinaunang mga panahon . . . ; at kung isasaalang-alang din natin na ang pagparoon ng isang banyaga, na maliwanag na walang anumang pansariling interes, at taglay ang sukdulang katapangan, upang ibunyag sa dakila at maharlikang lunsod ang di-makadiyos na mga gawa nito, at ipatalastas na malapit na itong mawasak taglay ang kumpiyansa na kilaláng katangian ng mga propetang isinugo ng Diyos, ay tiyak na makalilikha ng matinding impresyon sa pag-iisip ng mga tao, na lalo pa ngang magiging matindi kung nakarating sa Nineve ang ulat tungkol sa makahimalang mga gawa ng mga propeta sa Israel.”—Commentary on the Old Testament, 1973, Tomo X, Jonah 3:9, p. 407, 408.
pangangaral ni Jonas. (Nang makalipas ang 40 araw at wala pa ring nangyari sa Nineve, naging lubhang di-kalugud-lugod kay Jonas na hindi nagpasapit si Jehova ng kapahamakan sa lunsod. Nanalangin pa nga siya na kunin na ng Diyos ang kaniyang buhay. Ngunit sinagot ni Jehova si Jonas ng ganitong tanong: “Tama bang mag-init ka sa galit?” (Jon 3:10–4:4) Pagkatapos nito ay nilisan ng propeta ang lunsod at nang maglaon nagtayo siya ng isang kubol para sa kaniyang sarili. Doon, sa dakong S ng Nineve, nagbantay si Jonas upang makita kung ano ang mangyayari sa lunsod.—Jon 4:5.
Nang isang halamang upo ang makahimalang tumubo upang magbigay ng lilim kay Jonas, lubhang nalugod ang propeta. Ngunit naging panandalian lamang ang kaniyang pagsasaya. Nang sumunod na araw, maaga sa kinaumagahan, sinira ng isang uod ang halaman, anupat natuyo ito. Palibhasa’y nawala na ang lilim nito, si Jonas ay nalantad sa nakatitigang na hanging silangan at sa mainit na araw na tumatama sa kaniyang ulo. Muli, hiniling niyang mamatay na siya.—Jon 4:6-8.
Sa pamamagitan ng halamang upong ito, si Jonas ay tinuruan ng isang aral sa kaawaan. Nanghinayang siya sa halamang upo, anupat malamang na nagtaka siya kung bakit kailangan itong mamatay. Gayunma’y hindi naman siya ang nagtanim o nag-alaga nito. Sa kabilang dako, bilang Maylalang at Tagatustos ng buhay, si Jehova ay may higit na dahilan upang manghinayang sa Nineve. Ang halaga ng mga tumatahan doon at ng mga alagang hayop ay lubhang nakahihigit kaysa sa isang halamang upo. Kaya tinanong ni Jehova si Jonas: “Sa ganang akin, hindi ba ako dapat manghinayang sa Nineve na dakilang lunsod, kung saan may mahigit sa isang daan at dalawampung libong tao na hindi man lamang nakakakilala ng pagkakaiba ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa, bukod pa sa maraming alagang hayop?” (Jon 4:9-11) Natutuhan ni Jonas ang aral at ipinakikita ito ng tahasan niyang paglalahad ng kaniyang sariling mga karanasan.
Maaaring pagkalipas ng ilang panahon ay may nakatagpo si Jonas na kasama noon sa mga taong nakasakay sa barko mula sa Jope, posibleng sa templo sa Jerusalem, at nalaman niya mula sa taong ito ang tungkol sa mga panatang ginawa ng mga marinero pagkahupa ng bagyo.—Jon 1:16; ihambing ang Jon 2:4, 9; tingnan ang JONAS, AKLAT NG; NINEVE.
2. Ama ng mga apostol na sina Pedro at Andres (Mat 16:17; Ju 1:40-42); tinatawag ding Juan sa Juan 1:42; 21:15-17 sa ilang manuskrito.
[Mapa sa pahina 1238]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Jope
Nineve
Malaking Dagat
TARSIS