Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jonatan

Jonatan

[Si Jehova ay Nagbigay].

Isang salin sa Tagalog ng dalawang pangalang Hebreo, Yoh·na·thanʹ at ang mas mahabang anyo na Yehoh·na·thanʹ.​—Tingnan ang JEHONATAN.

1. Isang Levita na naglingkod bilang saserdote may kaugnayan sa huwad na pagsamba sa bahay ni Mikas sa Efraim at nang maglaon ay sa mga Danita. Ang ulat sa Hukom kabanata 17 at 18 ay paulit-ulit na tumutukoy sa isang kabataang Levita na sa Hukom 18:30 ay tinatawag na “Jonatan na anak ni Gersom, anak ni Moises.” Ang naunang paglalarawan sa kaniya bilang “mula sa pamilya ni Juda” ay maaaring tumutukoy lamang sa kaniyang paninirahan sa Betlehem sa teritoryo ng Juda.​—Huk 17:7.

Ang pagala-galang si Jonatan ay nakarating sa tahanan ni Mikas sa kabundukan ng Efraim. Bago nito, isang inukit na imahen ang itinindig ni Mikas sa kaniyang tahanan. Sumang-ayon si Jonatan na maglingkod bilang saserdote para sa sambahayan bagaman hindi siya mula sa pamilya ni Aaron at isang imahen ang ginagamit sa pagsambang iyon. Nang maglaon ay natagpuan si Jonatan ng limang Danita na naghahanap ng isang lugar na matitirhan ng isang bahagi ng tribo. Hiniling nila sa kaniya na sumangguni sa Diyos at alamin kung magtatagumpay sila, at binigyan niya sila ng positibong tugon sa pangalan ni Jehova.

Nang ang pangunahing pangkat ng 600 lalaking Danita, kasama ang kanilang mga pamilya at mga alagang hayop, ay dumaan sa bahay ni Mikas habang patungong hilaga, kinuha nila ang mga kagamitan sa pagsamba pati ang inukit na imahen. Hinikayat din nila ang sakim na si Jonatan na sumama sa kanila, upang maging saserdote nila at hindi ng isang pamilya lamang. (Huk 17:7–18:21) Si Jonatan “at ang kaniyang mga anak ay naging mga saserdote sa tribo ng mga Danita hanggang sa araw na dalhin sa pagkatapon ang lupain.” (Huk 18:30) Ikinapit ito ng ilang komentarista sa isang pagsakop sa distrito, gaya ng ginawa ni Tiglat-pileser III, o sa lahat ng tribo sa hilaga noong 740 B.C.E. (2Ha 15:29; 17:6) Gayunman, yamang maliwanag na si Samuel ang sumulat ng Mga Hukom, tiyak na isang mas maagang pagkakapit ang tinutukoy. Binabanggit ng Hukom 18:31 na ‘pinanatili ng mga Danita na nakatindig sa ganang kanila ang inukit na imahen sa lahat ng mga araw na ang bahay ng tunay na Diyos ay nananatili sa Shilo.’ Nagpapahiwatig ito ng isang yugto ng panahon na maikakapit sa naunang talata, at pinagtitibay nito ang pangmalas na naglingkod ang pamilya ni Jonatan bilang mga saserdote hanggang noong mabihag ng mga Filisteo ang Kaban. Sinasabi ng iba na ang talata 30 ay dapat kabasahan ng, ‘hanggang noong araw na dalhin ang kaban sa pagkatapon.’ (1Sa 4:11, 22) Ngunit ang konklusyong ito tungkol sa panahong saklaw ng pagkasaserdote ng pamilya ni Jonatan ay maaaring tama kahit hindi baguhin ang pagbasa, sapagkat maaaring itinuturing ng talata 30 na sa diwa, ang lupain ay dinala sa pagkatapon nang mabihag ang Kaban.

2. Pinakamatanda at paboritong anak ng Benjamitang si Haring Saul, maliwanag na kay Ahinoam na anak na babae ni Ahimaas. (1Sa 14:49, 50) Pangunahin nang nakilala si Jonatan sa kaniyang di-mapag-imbot na pakikipagkaibigan at pagsuporta kay David bilang ang itinalaga ni Jehova na maging hari.

Si Jonatan ay unang binanggit sa unang mga taon ng paghahari ni Saul bilang isang magiting na kumandante ng isang libong mandirigma. (1Sa 13:2) Malamang na siya ay di-kukulangin sa 20 taóng gulang noon at sa gayon ay malapit na sa edad na 60 nang mamatay siya noong mga 1078 B.C.E. (Bil 1:3) Si David ay 30 taóng gulang nang mamatay si Jonatan. (1Sa 31:2; 2Sa 5:4) Samakatuwid, maliwanag na mga 30 taon ang tanda niya kay David noong panahon ng kanilang pagkakaibigan. Ipinahihiwatig ng ugali at saloobin ni Jonatan na may hustong gulang na siya noong maging hari si Saul. Noong lumalaki siya, maaaring naimpluwensiyahan siya ng kaniyang ama na nagpamalas ng kababaang-loob, pagkamasunurin, at paggalang kay Jehova at sa Kaniyang mga kaayusan, hanggang noong panahong mapili ito upang maging hari.​—1Sa 9:7, 21, 26; 10:21, 22.

Sa unang pagbanggit kay Jonatan, buong-giting at matagumpay niyang pinangunahan ang isang libong lalaki na hindi gaanong nasasandatahan laban sa garison ng mga Filisteo sa Geba. Bilang tugon, nagtipon ang mga kalaban sa Micmash. Palihim na iniwan ni Jonatan at ng kaniyang tagapagdala ng baluti si Saul at ang mga tauhan nito at lumapit sa himpilan ng kaaway. Sa pagkilos pa lamang na iyon ay naipamalas na ni Jonatan ang kaniyang kagitingan, ang kaniyang kakayahang magpatibay-loob, at gayundin ang kaniyang pagkilala sa patnubay ni Jehova, sapagkat ang kaniyang mga pagkilos ay nakadepende sa isang tanda mula sa Diyos. Pinabagsak ng dalawang matatapang na mandirigma ang mga 20 Filisteo, na humantong sa isang malaking pagbabaka at tagumpay para sa Israel. (1Sa 13:3–14:23) Habang nagpapatuloy ang pagbabaka, padalus-dalos na bumigkas si Saul ng isang sumpa sa sinumang kakain bago matapos ang pagbabaka. Palibhasa’y hindi ito batid ni Jonatan, kumain siya ng kaunting pulot-pukyutang ligáw. Nang bandang huli, nang komprontahin ni Saul, handang mamatay si Jonatan dahil sa pagkain niya ng pulot-pukyutan. Gayunma’y tinubos siya ng bayan, na kumilalang ang Diyos ay sumakaniya noong araw na iyon.​—1Sa 14:24-45.

Pinatutunayan ng mga kabayanihang ito na si Jonatan ay isang matapang, may-kakayahan, at tunay na lalaking mandirigma. Siya at si Saul ay angkop na ilarawan bilang ‘mas matutulin kaysa sa mga agila’ at ‘mas malalakas kaysa sa mga leon.’ (2Sa 1:23) Isa rin siyang bihasang mamamana. (2Sa 1:22; 1Sa 20:20) Maaaring ang mga katangian niya bilang isang tunay na lalaki ang dahilan kung bakit lalo siyang napamahal kay Saul. Maliwanag na malapít na malapít sila sa isa’t isa. (1Sa 20:2) Gayunman, hindi ito nakahihigit sa sigasig ni Jonatan para sa Diyos at sa kaniyang pagkamatapat sa kaibigan niyang si David.

Dinala si David sa korte ng hari upang tumugtog ng musika para kay Saul, yamang nilisan ng espiritu ni Jehova ang hari at hinalinhan ito ng isang masamang espiritu, na maaaring napansin ni Jonatan. Bagaman bata pa si David, siya ay “isang magiting at makapangyarihang lalaki at isang lalaking mandirigma,” at ‘minahal ito ni Saul nang lubha, at ito ay naging tagapagdala niya ng baluti.’​—1Sa 16:14-23.

Ang pantanging pagkakaibigan nina Jonatan at David ay nagsimula hindi pa natatagalan matapos patayin ni David si Goliat. Malamang na ang walang-takot na pagkilos na iyon bilang pagtatanggol sa bayan ni Jehova ang partikular na nakaantig sa damdamin ni Jonatan. Nang marinig ang ulat ni David tungkol doon, “ang mismong kaluluwa ni Jonatan ay nalakip sa kaluluwa ni David, at inibig siya ni Jonatan na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.” (1Sa 18:1) Ang dalawang ito na magigiting na mandirigma at tapat na mga lingkod ng Diyos ay “nagtibay ng isang tipan” ng pagkakaibigan. Nakita ni Jonatan na taglay ni David ang espiritu ng Diyos. (1Sa 18:3) Hindi niya ito itinuring nang may paninibugho bilang karibal, gaya ng ginawa ni Saul. Sa halip, ang paggalang niya sa paraan ng Diyos sa paglutas ng mga bagay-bagay ay naging mahusay na halimbawa para sa kaniyang nakababatang kaibigan. Hindi niya sinuportahan si Saul sa hangarin nitong patayin si David kundi, sa halip, binabalaan niya si David at sinikap na mamagitan. Nang mapilitan si David na tumakas, nakipagtagpo si Jonatan sa kaniya at nakipagtipan sa diwa na ipagsasanggalang siya ni David at pati ang kaniyang sambahayan.​—1Sa 19:1–20:17.

Muling nagsalita si Jonatan kay Saul tungkol kay David, ngunit muntik na siyang mamatay dahil dito sapagkat sa bugso ng galit ay hinagisan ni Saul ng sibat ang sarili niyang anak. Ayon sa pinagkasunduan, nagtagpo sina Jonatan at David sa isang parang kung saan pumaroon ang anak ng hari upang kunwari’y magsanay ng pamamana. (1Sa 20:24-40) Muling pinagtibay ng magkaibigan ang kanilang buklod ng pagmamahalan at “hinalikan nila ang isa’t isa at tinangisan ang isa’t isa,” gaya ng mapapansing ginawa ng ibang mga lalaki at ginagawa pa rin sa ilang lupain sa ngayon. (1Sa 20:41; Gen 29:13; 45:15; Gaw 20:37) Nang maglaon, nakipagkita si Jonatan kay David sa huling pagkakataon sa Hores at pinalakas niya ang “kamay nito may kinalaman sa Diyos”; muli nilang pinagtibay ang kanilang tipan.​—1Sa 23:16-18.

Walang pahiwatig sa Bibliya na sumama si Jonatan sa kaniyang ama sa mga pakikipaglaban nito kay David. Ngunit sa pakikipagbaka sa mga kaaway ng Diyos, ang mga Filisteo, nakipaglaban si Jonatan hanggang sa kamatayan, anupat namatay sa iisang araw kasama ng dalawa sa kaniyang mga kapatid at ng kaniyang ama. Ibinitin ng mga Filisteo ang mga bangkay sa mga pader ng Bet-san. Gayunman, inalis ang mga iyon ng magigiting na lalaki ng Jabes-gilead at inilibing ang mga iyon sa Jabes. Nang maglaon ay inilipat ni David sa Zela ang mga buto nina Saul at Jonatan. (1Sa 31:1-13; 2Sa 21:12-14; 1Cr 10:1-12) Labis na ipinagdalamhati ni David ang pagkamatay ng kaniyang matalik na kaibigang si Jonatan, anupat inawit pa niya para kina Saul at Jonatan ang panambitan na pinamagatang “Ang Busog.” (2Sa 1:17-27) Pinagpakitaan ni Haring David ng pantanging kabaitan ang pilay na anak ni Jonatan na si Mepiboset, na limang taóng gulang noong mamatay ang ama nito. Nang dakong huli ay nagkaroon ito ng permanenteng dako sa mesa ng hari. (2Sa 4:4; 9:10-13) Nagpatuloy ang linya ni Jonatan nang maraming salinlahi.​—1Cr 8:33-40.

3. Isang anak ng mataas na saserdoteng si Abiatar at naglingkod bilang mensahero nang tumakas si David mula sa Jerusalem noong panahon ng paghihimagsik ni Absalom; ngunit nang dakong huli ay lumilitaw na pumanig siya sa mapaghimagsik na si Adonias. Ang ama ni Jonatan na si Abiatar ay naglakbay kasama ni David nang ang magiging hari sa hinaharap ay nagtatago dahil kay Saul, at nang maglaon ay ginawa siyang mataas na saserdote. Noong panahong tinatangkang agawin ni Absalom ang trono, pinabalik ni David sina Abiatar at Zadok sa kabisera upang makapangalap sila ng impormasyon. Dito unang binanggit sa ulat ng Bibliya ang saserdoteng anak ni Abiatar na si Jonatan. Siya at si Ahimaas na anak ni Zadok ay maghahatid kay David ng mahahalagang mensahe mula sa kanilang mga ama at mula kay Husai. (2Sa 15:27-29, 36) Ang dalawang mensahero ay hindi makapapasok sa lunsod nang hindi makikilala, kaya naghintay sila sa tabi ng isang bukal o balon na malapit sa lunsod at tinatawag na En-rogel. Nang waring tatanggapin ni Absalom ang payo ni Husai, ipinasabi ito sa dalawang mensaherong naghihintay, sina Jonatan at Ahimaas. Dali-dali nilang inihatid sa hari ang mensahe. Nang may makakita sa kanila at tugisin sila, muntik na silang mahuli. Sa tulong ng isang babae, nagtago sila sa isang balon hanggang sa mawala na ang panganib, pagkatapos ay pumaroon sila kay David at sinabihan siyang tumawid ng Jordan.​—2Sa 17:15-22.

Noong huling mga araw ni David, ang anak niyang si Adonias ay nakipagsabuwatan upang maagaw kay Solomon ang pagkahari, at pumanig sa kaniya si Abiatar. Maaaring dahil naimpluwensiyahan si Jonatan ng pangunguna ng kaniyang ama, maliwanag na lumipat siya sa panig ni Adonias. Si Jonatan ang nagdala ng nakababahalang balita sa nagpipiging na mang-aagaw ng kapangyarihan na binigo ni David ang kanilang pakana sa pamamagitan ng paggawang hari kay Solomon. Wala nang binanggit pa ang Bibliya hinggil kay Jonatan. Maaaring pinalayas din siya kasama ng kaniyang ama, ngunit anuman ang nangyari, ang katungkulan ng mataas na saserdote ay hindi nagpatuloy sa kaniyang pamilya.​—1Ha 1:41-43; 2:26, 27.

4. Pamangkin ni Haring David na nagpabagsak ng isang higante na tumuya sa Israel sa Gat. (2Sa 21:20, 21; 1Cr 20:6, 7) Ang Jonatan na ito ay nakatala bilang anak ng kapatid ni Haring David na si Simea, o Simei. Yamang may Jehonadab na binanggit sa 2 Samuel 13:3 bilang ang anak ng kapatid ni David na si Simeah, ipinapalagay ng ilang komentarista na ang indibiduwal ding iyon ang tinutukoy roon.​—Tingnan ang JEHONADAB Blg. 1.

5. Isa sa makapangyarihang mga lalaki ng mga hukbong militar ni David. Siya ay anak ni Sagee na Hararita.​—2Sa 23:8, 32; 1Cr 11:26, 34.

6. Isang anak ni Uzias, nangangasiwa sa mga kayamanan ni Haring David “sa bukid, sa mga lunsod at sa mga nayon at sa mga tore,” na iba pa sa mga kayamanan ng hari sa Jerusalem. (1Cr 27:25) Binanggit si Jonatan kasunod ng maharlikang ingat-yaman na si Azmavet at bago ang mga indibiduwal na may tungkuling mag-asikaso sa espesipikong mga atas gaya ng mga ubasan o mga taniman ng olibo.​—1Cr 27:25-28.

7. Isang lalaking may pagkaunawa, isang kalihim at tagapayo ni Haring David. (1Cr 27:32) Sa tekstong Masoretiko, ang kaugnayan ni Jonatan kay David ay ipinakikita ng salitang Hebreo na dohdh, karaniwang nangangahulugang “tiyo.” Ngunit dahil sa dalawang pagtukoy sa Kasulatan sa isang pamangkin ni David na nagngangalang Jonatan, malamang na ang salitang iyon ay ginamit dito sa mas malawak na diwa na “kamag-anak,” na dito ay “anak ng kapatid” o “pamangkin.” (Ro; AS, tlb; NW) Kung gayon ay siya rin ang Blg. 4.

8. Isa sa mga pinuno ng militar na nasa parang nang lupigin ni Nabucodonosor ang Jerusalem noong 607 B.C.E.; isang anak ni Karea at kapatid ni Johanan. Matapos ilagay si Gedalias sa pangangasiwa sa bayang nalabi sa lupain, si Jonatan at ang iba pang mga lider ng militar mula sa parang ay pumaroon sa kaniya at tumanggap ng katiyakan hinggil sa kanilang kaligtasan. (Jer 40:7-10) Maliwanag na si Jonatan ay kabilang din sa mga naghatid kay Gedalias ng babala na may gustong pumatay sa kaniya, na ipinagwalang-bahala naman ni Gedalias.​—Jer 40:13-16.

9. Isa sa dalawang anak ni Jada at isang inapo ni Juda sa pamamagitan nina Hezron at Jerameel. Ang kapatid niyang si Jeter ay namatay na walang mga anak, ngunit si Jonatan ay nagkaanak ng dalawa, sina Peleth at Zaza.​—1Cr 2:3, 25, 26, 28, 32, 33.

10. Isang Israelita na mula sa pamilya ni Adin na ang anak na si Ebed ay bumalik sa Jerusalem mula sa Babilonya kasama ni Ezra noong 468 B.C.E.​—Ezr 8:1, 6.

11. Anak ni Asahel na marahil ay sumalansang sa panukala ni Ezra na paalisin ng mga bumalik na Judio ang kanilang mga asawang banyaga. Gayunman, ipinapalagay ng ilan na ang pagsalansang niya ay hindi sa mungkahi ni Ezra kundi sa pinagtibay na paraan ng pagsasagawa nito.​—Ezr 10:15, tlb sa Rbi8.

12. Anak ni Joiada at apo ng mataas na saserdoteng si Eliasib. (Ne 12:10, 11) Ipinapalagay na sa aktuwal, ang talata 11 ay dapat kabasahan ng “Johanan” sa halip na “Jonatan” yamang sa Nehemias 12:22, 23 ay tinutukoy si Johanan bilang “anak ni Eliasib” at ang “anak” ay maaaring mangahulugang “apo.”​—Tingnan ang JOHANAN Blg. 7.

13. Saserdote na ulo ng sambahayan ni Maluki sa panig ng ama noong mga araw ng mataas na saserdoteng si Joiakim.​—Ne 12:12, 14.

14. Anak ni Semaias na mula sa pamilya ni Asap at ama ni Zacarias, isang makasaserdoteng manunugtog ng trumpeta sa prusisyong nagmartsa sa ibabaw ng muling-itinayong pader ng Jerusalem.​—Ne 12:31, 35, 36.