Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jordan

Jordan

Pangunahing ilog ng Lupang Pangako. Ito’y nagsilbing likas na hanggahan ng kalakhang bahagi ng S at K Palestina. (Jos 22:25) Noong sinaunang panahon, ang landas ng mismong Jordan ay nagsisimula paglabas nito mula sa Lunas ng Hula, na isang latiang dako at lawa na tuyo na sa ngayon. Ang lugar sa H ng Lunas ng Hula ay kilala sa maraming daanang-tubig nito, na mga pinagmumulan ng tubig ng Jordan. Ang tatlong pangunahing batis na bumubuo sa Jordan, mula sa S hanggang sa K, ay ang Nahr Banyas (Nahal Hermon), ang Nahr el-Leddan (Nahal Dan), at ang Nahr Hasbani (Nahal Senir). Ang Yarmuk at ang Jabok ang pangunahing mga sangang-ilog ng Jordan mula sa S. Sa ngayon, ang kalakhan ng Jordan ay isang napakaputik na ilog.

Pagkalabas nito mula sa Lunas ng Hula, banayad na umaagos ang Jordan nang mga 3 km (2 mi) ngunit pagkatapos ay humuhugos ito sa mga basaltong bangin patungo sa Dagat ng Galilea. Mula sa timugang dulo ng Dagat ng Galilea, ang Jordan ay paliku-likong umaagos nang mga 320 km (200 mi) patungo sa Dagat na Patay, bagaman ang tuwid na distansiya nito ay mga 105 km (65 mi) lamang.​—LARAWAN, Tomo 1, p. 334.

Sa distansiyang mga 16 na km (10 mi) sa pagitan ng Lunas ng Hula at ng Dagat ng Galilea, ang Jordan ay lumulusong nang mga 270 m (890 piye). Habang nagpapatuloy ito mula sa Dagat ng Galilea patungo sa Dagat na Patay, ang Jordan ay nagkakaroon ng 27 seksiyon ng rumaragasang agos at lumulusong pa nang mga 180 m (590 piye).

Sa ibaba ng Dagat ng Galilea, ang Jordan ay umaagos sa isang libis na may lapad na mga 6 hanggang 13 km (3.5 hanggang 8 mi). Ngunit sa Jerico, ang libis na ito’y may lapad na mga 22 km (14 na mi). Sa mababang bahagi ng libis na ito (ang Zor), na may lapad na mga 0.5 hanggang 3 km (0.3 hanggang 2 mi), ang Jordan ay nagpapaliku-liko at dumaraan sa makakapal na palumpungan ng mga tinik at mga dawag, mga baging at mga palumpong, mga adelpa, mga tamarisko, mga sause, at mga alamo. Noong sinaunang panahon, may mga leong gumagala-gala sa “mapagmalaking mga palumpungan sa tabi ng Jordan.” (Jer 49:19; 50:44; Zac 11:3) Sa ngayon ay mayroon pa ring mga lobo at mga chakal doon. Napakainit at napakaalinsangan ng mga tag-araw sa kagubatang ito, anupat ang temperatura rito ay lumalampas pa ng 38° C. (100° F.). At kapag tagsibol, habang natutunaw ang niyebe sa Bundok Hermon, inaapawan ng Jordan ang Zor.

Ang itaas na bahagi ng libis (ang Ghor) ay mga 46 na m (150 piye) sa itaas ng kagubatan ng Jordan at inihihiwalay mula roon ng kalbo at natitibag na abuhin at mabuhaghag na mga burol. Ang bahagi ng Ghor na sumasaklaw nang mga 40 km (25 mi) sa T ng Dagat ng Galilea ay may sakahang lupain at mga pastulan. Ngunit maliban dito, ang kalakhang bahagi ng Ghor ay hindi sinasaka. Gayunman, noong panahon nina Abraham at Lot, bago puksain ang Sodoma at Gomorra, lumilitaw na mas malaking bahagi nito ang mabunga, lalo na sa kapaligiran ng Dagat na Patay.​—Gen 13:10, 11.

Dahil mababaw lamang ang tubig ng Jordan at marami itong rumaragasang agos at mga alimpuyo, hindi ito madaanan ng mga bangka. Ayon sa ulat, may di-kukulangin sa 60 lugar kung saan posibleng tawirin nang naglalakad ang ilog kapag hindi ito umaapaw. Noong sinaunang mga panahon, ang pagkontrol sa mga tawiran ng Jordan ay may bentaha sa mga operasyong militar, yamang sa mga tawirang ito pangunahing matatawid ang ilog.​—Huk 3:28; 12:5, 6.

Kadalasan, ang seksiyon ng Jordan sa ibaba ng Dagat ng Galilea ay may katamtamang lalim na mula 1 hanggang 3 m (3 hanggang 10 piye) at humigit-kumulang 27 hanggang 30 m (90 hanggang 100 piye) ang lapad nito. Ngunit kapag tagsibol, inaapawan ng Jordan ang mga pampang nito at ito’y nagiging higit na mas malapad at mas malalim. (Jos 3:15) Kapag umaapaw, mapanganib para sa bansang Israel na binubuo ng mga lalaki, mga babae, at mga bata ang tumawid sa Jordan, lalo na malapit sa Jerico. Napakalakas ng agos doon anupat nitong nakalipas na mga panahon ay may mga naliligo roon na aktuwal na natangay. Gayunman, makahimalang pinatigil noon ni Jehova ang Jordan, anupat ang mga Israelita ay nakatawid sa tuyong lupa. (Jos 3:14-17) Pagkaraan ng ilang siglo, isang katulad na himala ang nangyari kay Elias habang kasama niya si Eliseo, at noong minsan ay kay Eliseo lamang.​—2Ha 2:7, 8, 13, 14.

Nagkaroon din ng papel ang Jordan sa makahimalang pagpapagaling kay Naaman. Itinuring ni Naaman na ang mga ilog ng Damasco ay mas mabuti kaysa sa lahat ng tubig sa Israel, ngunit matapos siyang tulungan ng kaniyang mga lingkod na magkaroon ng tamang pangmalas, masunurin siyang naligo nang pitong ulit sa Jordan. Pagkatapos ng ikapitong ulit, lubusan siyang gumaling mula sa kaniyang pagiging ketongin.​—2Ha 5:10-14.

Noong unang siglo C.E., inilubog ni Juan na Tagapagbautismo sa tubig ng Jordan ang maraming nagsising mga Judio. Nagkapribilehiyo rin siyang bautismuhan doon si Jesus, ang sakdal na Anak ng Diyos.​—Mat 3:1, 5, 6, 13-17; tingnan ang DISTRITO NG JORDAN.