Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Josue

Josue

[pinaikling anyo ng Jehosua, nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan”].

1. Anak ni Nun; isang Efraimita na naglingkod kay Moises at nang maglaon ay inatasan bilang kaniyang kahalili. (Exo 33:11; Deu 34:9; Jos 1:1, 2) Inilalarawan ng Kasulatan si Josue bilang isang matapang at walang-takot na lider, isa na nagtiwala sa katiyakan ng mga pangako ni Jehova, masunurin sa utos ng Diyos, at determinadong maglingkod kay Jehova nang may katapatan. Ang kaniyang orihinal na pangalan ay Hosea, ngunit tinawag siya ni Moises na Josue o Jehosua. (Bil 13:8, 16) Gayunman, hindi isinisiwalat ng ulat ng Bibliya kung kailan nakilala si Hosea bilang Josue.

Nanguna sa Pakikipaglaban sa mga Amalekita. Noong taóng 1513 B.C.E., nang magkampo ang mga Israelita sa Repidim di-kalaunan pagkatapos ng makahimalang pagliligtas sa kanila mula sa kapangyarihang militar ng Ehipto sa Dagat na Pula, ang mga Amalekita ay naglunsad ng isang di-inaasahang pagsalakay sa kanila. Sa gayon ay inatasan ni Moises si Josue bilang kumandante sa pakikipaglaban sa mga Amalekita. Sa ilalim ng kaniyang mahusay na pangunguna at sa tulong ng Diyos, nalupig ng mga Israelita ang kalaban. Pagkatapos nito, itinalaga ni Jehova ang lubos na pagkalipol ng mga Amalekita, anupat tinagubilinan niya si Moises na isulat iyon at iharap kay Josue.​—Exo 17:8-16.

Naging Tagapaglingkod ni Moises. Nang maglaon, sa Bundok Sinai, si Josue, bilang tagapaglingkod ni Moises, ay malamang na isa sa 70 matatandang lalaki na nagkapribilehiyong makita ang isang maringal na pangitain ng kaluwalhatian ni Jehova. Pagkatapos nito, sinamahan ni Josue si Moises sa pag-akyat sa Bundok Sinai ngunit maliwanag na hindi siya pumasok sa ulap, yamang si Moises lamang ang inutusang gumawa ng gayon. (Exo 24:9-18) Silang dalawa ni Moises ay nanatili sa Bundok Sinai nang 40 araw at 40 gabi. Sa katapusan ng yugtong iyon, habang bumababa sa Bundok Sinai kasama ni Moises, napagkamalan ni Josue na “ingay ng pagbabaka” ang ingay ng pag-awit ng Israel may kaugnayan sa kanilang idolatrosong pagsamba sa guya. Tiyak na nagalit din siyang gaya ni Moises nang makita niya ang ginintuang guya at maaaring tumulong pa nga siya sa pagwasak nito.​—Exo 32:15-20.

Dahil sa pagsamba sa guya, sinira ng mga Israelita ang pormal na tipan na ipinakipagtipan nila sa Diyos na Jehova. Maaaring ito ang dahilan kung bakit inilipat ni Moises ang kaniyang tolda (ang “tolda ng kapisanan”) mula sa lugar na pinagkakampuhan ng bayan, yamang hindi pa sila napatatawad ni Jehova sa kanilang pagkakasala at sa gayon ay wala na siya sa gitna ng Israel. Marahil upang hindi makapasok ang mga Israelita sa tolda ng kapisanan habang nasa kanilang maruming kalagayan, nananatili roon si Josue kailanma’t bumabalik si Moises sa kampo ng mga Israelita.​—Exo 33:7-11; 34:9.

Nang maglaon pa, nang madama ni Moises na napakabigat ng kaniyang pasanin dahil sa pagbubulung-bulungan ng bayan, iniutos ni Jehova na pumili siya ng 70 matatandang lalaki upang makatulong niya. Pagkatapos, ang matatandang lalaking ito ay dapat pumaroon sa tolda ng kapisanan. Ngunit ang dalawa sa kanila, sina Eldad at Medad, ay naiwan sa kampo, anupat tiyak na mayroon silang makatuwirang dahilan. Nang kumilos ang espiritu ng Diyos sa 68 na nagkakatipon sa harap ng tolda ng kapisanan, sina Eldad at Medad ay nagsimula ring gumanap bilang mga propeta sa kampo. Mabilis na nakarating kay Moises ang balita tungkol dito. Si Josue naman, udyok ng paninibugho para sa kaniyang panginoon, ay nagsabi kay Moises na pigilan ang mga ito. Yamang maliwanag na tumanggap sina Eldad at Medad ng espiritu nang hindi dumaraan kay Moises, maaaring nadama ni Josue na nakabawas ito sa awtoridad ng kaniyang panginoon. Ngunit itinuwid ni Moises si Josue, na sinasabi: “Nais ko nga na ang buong bayan ni Jehova ay maging mga propeta, sapagkat kung gayon ay ilalagay ni Jehova sa kanila ang kaniyang espiritu.”​—Bil 11:10-29; ihambing ang Mar 9:38, 39.

Naniktik sa Lupang Pangako. Ilang panahon pagkaraan nito, nagkampo ang mga Israelita sa Ilang ng Paran. Mula roon ay nagsugo si Moises ng 12 lalaki upang tiktikan ang Lupang Pangako, at ang isa sa mga ito ay si Josue (Hosea, o Jehosua). Pagkalipas ng 40 araw, tanging sina Josue at Caleb ang nag-uwi ng mabuting ulat. Pinanghina ng sampung iba pang tiktik ang loob ng bayan, anupat sinabing hindi kailanman matatalo ng Israel ang malalakas na taong tumatahan sa Canaan. Bilang resulta, nagkaroon ng mapaghimagsik na bulung-bulungan sa kampo. Nang magkagayon ay hinapak nina Josue at Caleb ang kanilang mga kasuutan at, habang sinisikap nilang pahupain ang takot ng bayan, binabalaan nila ang mga ito na huwag maghimagsik. Ngunit ang kanilang walang-takot na pananalita na nagpapabanaag ng lubos na pagtitiwala sa kakayahan ni Jehova na tuparin ang kaniyang salita ay nawalan ng kabuluhan. Sa katunayan, “ang buong kapulungan ay nag-usap na pagpupukulin sila ng mga bato.”​—Bil 13:2, 3, 8, 16, 25–14:10.

Dahil sa paghihimagsik ng mga Israelita, sinentensiyahan sila ni Jehova na magpagala-gala sa ilang nang 40 taon hanggang sa mamatay ang lahat ng rehistradong lalaki (hindi kabilang ang mga Levita, na hindi inirehistrong kasama ng iba pang mga Israelita para sa tungkuling militar; Bil 1:2, 3, 47) mula 20 taóng gulang pataas. Sa mga rehistradong lalaki, sina Josue at Caleb lamang ang makapapasok sa Lupang Pangako, samantalang ang sampung di-tapat na tiktik ay mamamatay sa isang salot mula kay Jehova.​—Bil 14:27-38; ihambing ang Bil 26:65; 32:11, 12.

Inatasan Bilang Kahalili ni Moises. Sa pagtatapos ng pagpapagala-gala ng Israel sa ilang, sina Moises at Aaron, dahil sa hindi pagpapabanal kay Jehova may kaugnayan sa makahimalang paglalaan ng tubig sa Kades, ay nawalan din ng pribilehiyong makapasok sa Lupang Pangako. (Bil 20:1-13) Dahil dito, tinagubilinan ni Jehova si Moises na atasan si Josue bilang kaniyang kahalili. Sa harap mismo ng bagong mataas na saserdote, ang anak ni Aaron na si Eleazar, at sa harap ng kapulungan ng Israel, ipinatong ni Moises ang kaniyang mga kamay kay Josue. Bagaman inatasan si Josue bilang kahalili ni Moises, hindi siya magiging gaya nito na nakakilala kay Jehova nang “mukhaan.” Hindi isinalin kay Josue ang buong dangal ni Moises kundi yaon lamang kinakailangan para igalang siya ng bansa. Sa halip na magkaroon ng mas tuwirang pakikipagtalastasan kay Jehova gaya ni Moises, wika nga ay “mukhaan,” si Josue ay dapat sumangguni sa mataas na saserdote, na siya namang pinagkatiwalaan ng Urim at Tumim na ginagamit upang alamin ang kalooban ng Diyos.​—Bil 27:18-23; Deu 1:37, 38; 31:3; 34:9, 10.

Gaya ng iniutos ng Diyos, binigyan ni Moises si Josue ng ilang tagubilin at pampatibay-loob upang magampanan nito nang may katapatan ang kaniyang atas. (Deu 3:21, 22, 28; 31:7, 8) Sa wakas, nang malapit nang mamatay si Moises, siya ay dapat nang tumayong kasama ni Josue sa tolda ng kapisanan. Nang magkagayon ay inatasan ni Jehova si Josue, anupat pinagtibay ang naunang pag-aatas na ginawa noong ipatong ni Moises dito ang kaniyang mga kamay. (Deu 31:14, 15, 23) Pagkatapos nito, si Josue ay nagkaroon ng bahagi sa pagsulat at pagtuturo sa mga Israelita ng awit na ibinigay kay Moises sa pamamagitan ng pagkasi.​—Deu 31:19; 32:44.

Mga Ginawa Bilang Kahalili ni Moises. Pagkamatay ni Moises, si Josue ay naghanda nang pumasok sa Lupang Pangako. Nagsugo siya ng mga opisyal upang tagubilinan nila ang mga Israelita na maghanda nang tawirin ang Jordan pagkaraan ng tatlong araw; ipinaalaala niya sa mga Gadita, sa mga Rubenita, at sa kalahati ng tribo ni Manases ang kanilang obligasyon na tumulong sa pagsakop sa lupain; at nagsugo siya ng dalawang lalaki upang tiktikan ang Jerico at ang nakapalibot na lupain.​—Jos 1:1–2:1.

Nang makabalik ang dalawang tiktik, nilisan ng mga Israelita ang Sitim at nagkampo malapit sa Jordan. Nang sumunod na araw, makahimalang pinatigil ni Jehova ang tubig ng Jordan, anupat nakatawid ang bansa sa tuyong lupa. Bilang pinakaalaala ng pangyayaring ito, nagbunton si Josue ng 12 bato sa gitna ng pinakasahig ng ilog at ng 12 bato sa Gilgal, ang unang kampamento ng Israel sa K ng Jordan. Gumawa rin siya ng mga kutsilyong batong pingkian para tuliin ang lahat ng lalaking Israelita na ipinanganak sa ilang. Kaya pagkaraan ng mga apat na araw, sila ay nasa angkop na kalagayan upang magdiwang ng Paskuwa.​—Jos 2:23–5:11.

Nang maglaon, malapit sa Jerico, isang anghelikong prinsipe ang nagpakita kay Josue at nagbigay sa kaniya ng tagubilin kung paano bibihagin ang lunsod na iyon. Gayon nga ang ginawa ni Josue at, pagkatapos na italaga ang Jerico sa pagkapuksa, bumigkas siya ng isang makahulang sumpa laban sa isa na muling magtatayo nito sa hinaharap, na natupad pagkaraan ng mahigit 500 taon. (Jos 5:13–6:26; 1Ha 16:34) Pagkatapos ay kumilos siya laban sa lunsod ng Ai. Sa pasimula ay natalo ang hukbong Israelita na binubuo ng mga 3,000 lalaki, yamang hindi sila tinulungan ni Jehova dahil sa pagsuway ni Acan nang kumuha ito ng samsam mula sa Jerico para sa kaniyang sarili. Pagkatapos na pagbabatuhin ng Israel si Acan at ang kaniyang sambahayan dahil sa pagkakasalang ito, tinambangan ni Josue ang Ai at ginawa itong isang tiwangwang na bunton.​—Jos 7:1–8:29.

Pagkatapos nito, ang buong kongregasyon ng Israel, kasama ang mga babae, mga bata, at mga naninirahang dayuhan, ay pumaroon sa kapaligiran ng Bundok Ebal. Doon sa Bundok Ebal, nagtayo si Josue ng isang altar ayon sa mga detalyeng binanggit sa Kautusan. Habang ang kalahati ng kongregasyon ay nakatayo sa harap ng Bundok Gerizim at ang kalahati naman ay nasa harap ng Bundok Ebal, binasa ni Josue sa kanila ang “kautusan, ang pagpapala at ang sumpa.” “Walang isa mang salita sa lahat ng iniutos ni Moises ang hindi binasa ni Josue nang malakas.”​—Jos 8:30-35.

Nang makabalik na sa kanilang kampo sa Gilgal, si Josue at ang mga pinuno ng Israel ay dinalaw ng mga mensaherong Gibeonita. Palibhasa’y nabatid ng mga Gibeonita na si Jehova ang nakikipaglaban para sa mga Israelita, nilinlang nila si Josue upang makipagtipan ito sa kanila ng isang tipan ng kapayapaan. Ngunit nang mabunyag ang katotohanan, ginawa sila ni Josue na mga alipin. Ang balita hinggil sa ginawa ng mga Gibeonita ay nakarating din kay Adoni-zedek na hari ng Jerusalem. Dahil dito, siya at ang apat pang haring Canaanita ay naglunsad ng isang pagsalakay laban sa kanila upang parusahan sila. Bilang tugon sa paghingi ng mga Gibeonita ng saklolo, magdamag na humayo ang hukbo ni Josue mula sa Gilgal. Pagkatapos ay nakipaglaban si Jehova para sa Israel upang ipagtanggol ang mga Gibeonita, na nagpapahiwatig na sang-ayon siya sa tipan na pinagtibay sa mga ito. Mas marami sa mga hukbo ng kaaway ang nalipol ng isang makahimalang bagyo ng graniso kaysa sa namatay sa aktuwal na pagdidigmaan. Nakinig pa nga si Jehova sa tinig ni Josue anupat pinahaba niya ang mga oras ng liwanag ng araw para sa pagbabaka.​—Jos 9:3–10:14.

Sinundan pa ni Josue ang bigay-Diyos na tagumpay na ito sa pamamagitan ng pagbihag sa Makeda, Libna, Lakis, Eglon, Hebron, at Debir, sa gayon ay iginupo ang kapangyarihan ng mga Canaanita sa timugang bahagi ng lupain. Pagkatapos, sa pangunguna ni Jabin na hari ng Hazor, tinipon ng mga haring Canaanita sa hilaga ang kanilang mga hukbo sa tubig ng Merom upang makipaglaban sa Israel. Bagaman mayroon silang mga kabayo at mga karo, pinatibay-loob ng Diyos si Josue na huwag matakot. Muli, pinagtagumpay ni Jehova ang mga Israelita. Gaya ng iniutos, pinilay ni Josue ang mga kabayo at sinunog ang mga karo ng kaaway. Ang Hazor mismo ay sinilaban sa apoy. (Jos 10:16–11:23) Sa gayon, sa loob ng mga anim na taon (ihambing ang Bil 10:11; 13:2, 6; 14:34-38; Jos 14:6-10), natalo ni Josue ang 31 hari at nasupil ang malalaking bahagi ng Lupang Pangako.​—Jos 12:7-24; MAPA, Tomo 1, p. 737.

Dumating na ngayon ang panahon upang ipamahagi ang lupain sa indibiduwal na mga tribo. Ito ay unang ginawa mula sa Gilgal, sa ilalim ng pangangasiwa ni Josue, ng mataas na saserdoteng si Eleazar, at ng sampung iba pang kinatawan na inatasan ng Diyos. (Jos 13:7; 14:1, 2, 6; Bil 34:17-29) Pagkatapos na mailagay ang tabernakulo sa Shilo, ang paghahati-hati ng lupain sa pamamagitan ng palabunutan ay ipinagpatuloy mula roon. (Jos 18:1, 8-10) Tinanggap ni Josue bilang mana ang lunsod ng Timnat-sera sa bulubunduking pook ng Efraim.​—Jos 19:49, 50.

Pangwakas na Payo sa mga Israelita, at Kamatayan. Sa pagtatapos ng kaniyang buhay, tinipon ni Josue ang matatandang lalaki, mga ulo, mga hukom, at mga opisyal ng Israel, anupat pinayuhan sila na maglingkod kay Jehova nang may katapatan at binabalaan sila hinggil sa mga ibubunga ng pagsuway. (Jos 23:1-16) Tinawag din niya ang buong kongregasyon ng Israel, sinariwa sa kanilang alaala ang nakalipas na mga pakikitungo ni Jehova sa kanilang mga ninuno at sa bansa, at pagkatapos ay namanhik sa kanila na maglingkod kay Jehova. Sinabi ni Josue: “At kung masama sa inyong paningin ang maglingkod kay Jehova, piliin ninyo ngayon para sa inyong sarili kung sino ang paglilingkuran ninyo, kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabilang ibayo ng Ilog o ang mga diyos ng mga Amorita na sa kanilang lupain ay nananahanan kayo. Ngunit kung para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.” (Jos 24:1-15) Pagkatapos nito ay muling pinagtibay ng mga Israelita ang kanilang tipan na sundin si Jehova.​—Jos 24:16-28.

Sa edad na 110 taon, si Josue ay namatay at inilibing sa Timnat-sera. Ang kaniyang matatag na pagkamatapat kay Jehova ay nagkaroon ng mabuting epekto sa bayan anupat binabanggit ng ulat na “ang Israel ay patuloy na naglingkod kay Jehova sa lahat ng mga araw ni Josue at sa lahat ng mga araw ng matatandang lalaki na ang mga araw ay lumawig pa pagkaraan ni Josue.”​—Jos 24:29-31; Huk 2:7-9.

2. May-ari ng isang bukid sa Bet-semes kung saan unang huminto ang sagradong Kaban at nalantad sa paningin pagkatapos na ibalik ito ng mga Filisteo.​—1Sa 6:14, 18.

3. Pinuno ng Jerusalem noong panahon ni Haring Josias. Lumilitaw na ang ilang matataas na dako na ginamit sa huwad na pagsamba ay malapit sa tirahan ni Josue, ngunit iniutos ni Josias na ibagsak ang mga ito.​—2Ha 23:8.

4. Anak ni Jehozadak; ang unang mataas na saserdote na naglingkod sa mga Israelita pagkabalik nila mula sa pagkatapon sa Babilonya. (Hag 1:1, 12, 14; 2:2-4; Zac 3:1-9; 6:11) Tinatawag siyang Jesua sa mga aklat ng Ezra at Nehemias sa Bibliya.​—Tingnan ang JESUA Blg. 4.