Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jotam

Jotam

[Si Jehova ay Sakdal; o, Gawing Ganap Nawa ni Jehova].

1. Isang inapo ni Juda na tinukoy bilang isang ‘anak’ ni Jahdai.​—1Cr 2:47.

2. Bunsong anak ni Hukom Gideon (Jerubaal) na naninirahan sa Opra. (Huk 8:35; 9:5) Pagkamatay ni Gideon, pinatay ni Abimelec, na anak nito sa isang aliping babae, ang lahat ng iba pang anak ni Gideon, na mga kapatid sa ama ni Abimelec, samakatuwid nga, lahat maliban kay Jotam, na nagkubli. Pagkatapos nito, nang gawing hari ng mga may-ari ng lupain ng Sikem sa kanila si Abimelec, tumayo si Jotam sa taluktok ng Bundok Gerizim at, sa pamamagitan ng isang ilustrasyon may kinalaman sa mga punungkahoy, bumigkas siya ng isang makahulang sumpa sa mga may-ari ng lupain ng Sikem at kay Abimelec. Pagkatapos ay tumakas si Jotam at nanirahan sa Beer.​—Huk 9:6-21, 57.

3. Anak ng Judeanong si Haring Uzias (Azarias) kay Jerusa(h) na anak ni Zadok. (2Ha 15:32, 33; 1Cr 3:12; 2Cr 27:1; Mat 1:9) Matapos kapitan si Uzias ng ketong noong magalit ito sa mga saserdote dahil sinaway nila siya sa labag na pagpasok niya sa templo at pagtatangkang maghandog ng insenso, sinimulan ni Jotam na asikasuhin ang mga tungkulin ng hari bilang kahalili ng kaniyang ama. Ngunit lumilitaw na sinimulan lamang ng 25-taóng-gulang na si Jotam ang kaniyang 16-na-taóng pamamahala (777-762 B.C.E.) nang mamatay si Uzias.​—2Ha 15:5, 7, 32; 2Cr 26:18-21, 23; 27:8.

Sina Isaias, Oseas, at Mikas ay naglingkod bilang mga propeta noong panahon ni Jotam. (Isa 1:1; Os 1:1; Mik 1:1) Bagaman ang kaniyang mga sakop ay nagsagawa ng di-wastong pagsamba sa matataas na dako, personal na ginawa ni Jotam ang tama sa paningin ni Jehova.​—2Ha 15:35; 2Cr 27:2, 6.

Maraming gawaing pagtatayo ang isinagawa noong panahon ng paghahari ni Jotam. Itinayo niya ang mataas na pintuang-daan ng templo, gumawa ng maraming pagtatayo sa pader ng Opel, at nagtayo rin ng mga lunsod sa bulubunduking pook ng Juda at gayundin ng mga nakukutaang dako at mga tore sa mga kakahuyan.​—2Cr 27:3-7.

Ngunit hindi nagtamasa si Jotam ng mapayapang paghahari. Nakipagdigma siya sa mga Ammonita at nang dakong huli ay nagtagumpay siya laban sa mga ito. Bilang resulta, sa loob ng tatlong taon ay nagbayad ang mga ito ng taunang tributo na 100 talentong pilak ($660,600) at 10,000 takal na kor (2,200 kl; 62,500 bushel) kapuwa ng trigo at ng sebada. (2Cr 27:5) Sa panahon ng paghahari ni Jotam, ang lupain ng Juda ay nagsimula ring dumanas ng mga panggigipit ng militar mula sa Siryanong si Haring Rezin at sa Israelitang si Haring Peka.​—2Ha 15:37.

Sa kaniyang kamatayan, inilibing si Jotam sa Lunsod ni David, at ang kaniyang anak na si Ahaz, na mga apat na taóng gulang na noong maging hari si Jotam, ang lumuklok sa trono ng Juda.​—2Cr 27:7–28:1.

Yamang namahala lamang si Jotam ng 16 na taon, ang pagtukoy ng 2 Hari 15:30 sa “ikadalawampung taon ni Jotam” ay maliwanag na nangangahulugang ang ika-20 taon pagkaraan niyang maging hari, samakatuwid nga, ang ikaapat na taon ni Ahaz. Maaaring ipinasiya ng manunulat ng ulat ng Mga Hari na huwag munang ipakilala ang kahalili ni Jotam na si Ahaz dahil kailangan pang maglaan ng mga detalye tungkol sa paghahari ni Jotam.

[Larawan sa pahina 1262]

Singsing na panlagda na may pangalang Jotam