Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Juda

Juda

[Pinuri; [Pinatungkulan ng] Papuri].

1. Ikaapat na anak ni Jacob sa kaniyang asawang si Lea. (Gen 29:35; 1Cr 2:1) Pagkatapos gugulin ang mga siyam na taon ng kaniyang buhay sa Haran sa Padan-aram, si Juda ay dinala sa Canaan kasama ang buong sambahayan ni Jacob. (Ihambing ang Gen 29:4, 5, 32-35; 30:9-12, 16-28; 31:17, 18, 41.) Sumunod ay nanirahan siya kasama ng kaniyang ama sa Sucot at pagkatapos ay sa Sikem. Matapos halayin ng anak ni Hamor ang kaniyang kapatid na si Dina, at maipaghiganti ito nina Simeon at Levi sa pamamagitan ng pagpatay sa lahat ng kalalakihan ng Sikem, maliwanag na nakibahagi si Juda sa pandarambong sa lunsod.​—Gen 33:17, 18; 34:1, 2, 25-29.

Kaugnayan kay Jose. Sa paglipas ng panahon, dahil mas nilingap ni Jacob si Jose, kinapootan siya ni Juda at ng kaniyang ibang mga kapatid sa ama. Lalo pang tumindi ang kanilang pagkapoot pagkatapos isaysay ni Jose ang dalawang panaginip na nagpahiwatig na magiging nakahihigit siya sa kanila. Kaya nang isugo ni Jacob si Jose upang tingnan ang kaniyang mga kapatid sa ama habang inaalagaan ng mga ito ang mga kawan, nang makita nila siya mula sa malayo, nagpakana silang patayin siya. Ngunit sa mungkahi ni Ruben, na nag-iisip na iligtas ang buhay ni Jose, inihagis nila siya sa isang tuyong balon.​—Gen 37:2-24.

Pagkatapos nito, nang makita nila ang isang pulutong ng mga Ismaelita, kinumbinsi ni Juda ang iba pa, lumilitaw na wala noon si Ruben, na sa halip na paslangin si Jose, mas mabuting ipagbili na lamang siya sa dumaraang mga mangangalakal. (Gen 37:25-27) Sa kabila ng pagsusumamo ni Jose na kahabagan siya, ipinagbili nila siya sa halagang 20 pirasong pilak (kung siklo, $44). (Gen 37:28; 42:21) Bagaman lumilitaw na ang pangunahing ikinabahala ni Juda ay ang pagliligtas ng buhay ni Jose at na ang mismong pagbebenta sa kaniya ay naging isang pagpapala sa lahat ng kasangkot, si Juda, tulad ng iba, ay nagkasala nang malubha na bumagabag sa kaniyang budhi nang matagal na panahon. (Gen 42:21, 22; 44:16; 45:4, 5; 50:15-21) (Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko na ibinigay sa mga Israelita nang dakong huli, ang pagkakasalang ito ay may kalakip na parusang kamatayan; Exo 21:16.) Pagkatapos nito, nakisama rin si Juda sa iba pa sa paglinlang kay Jacob upang akalain nito na pinatay si Jose ng isang mabangis na hayop. (Gen 37:31-33) Si Juda noon ay mga 20 taóng gulang.

Ang Pamilya ni Juda. Waring pagkatapos ng insidenteng ito ay iniwan ni Juda ang kaniyang mga kapatid. Nagtolda siya malapit kay Hira na Adulamita, at maliwanag na naging magkaibigan sila. Noong panahong iyon ay napangasawa ni Juda ang anak ng Canaanitang si Shua. Nagkaanak siya rito ng tatlong lalaki, sina Er, Onan, at Shela. Ang bunso, si Shela, ay ipinanganak sa Aczib.​—Gen 38:1-5.

Nang maglaon, pinili ni Juda si Tamar bilang asawa para sa kaniyang panganay na si Er. Ngunit dahil sa kasamaan ni Er, pinatay siya ni Jehova. Nang magkagayon ay tinagubilinan ni Juda ang kaniyang ikalawang anak, si Onan, na tuparin ang pag-aasawa bilang bayaw. Bagaman sinipingan ni Onan si Tamar, “pinatapon niya ang kaniyang semilya sa lupa upang hindi magbigay ng supling sa kaniyang kapatid.” Dahil dito ay pinatay rin siya ni Jehova. Kaya inirekomenda ni Juda na bumalik si Tamar sa bahay ng ama nito at maghintay hanggang sa lumaki si Shela. Ngunit kahit noong lumaki na si Shela, hindi pa rin siya ibinigay ni Juda upang mapangasawa ni Tamar, marahil ay nangangatuwirang baka mamatay ang kaniyang bunsong anak.​—Gen 38:6-11, 14.

Dahil dito, pagkaraang mabalo si Juda, nang malaman ni Tamar na papunta sa Timnah ang kaniyang biyenan, nagbalatkayo siya bilang isang patutot at saka umupo sa pasukan ng Enaim sa daang lalakaran ni Juda. Dahil hindi nakilala ni Juda ang kaniyang manugang at inakalang isa itong patutot, sinipingan ito ni Juda. Nang mabalitaan niya nang dakong huli na nagdadalang-tao si Tamar, iniutos niya na sunugin ito bilang isang patutot. Ngunit nang iharap ang mga katibayan na siya mismo ang ama ng ipinagdadalang-tao nito, ibinulalas ni Juda: “Siya ay higit na matuwid kaysa sa akin, sa dahilang hindi ko siya ibinigay kay Shela na aking anak.” Kaya sa di-sinasadya ay nakuha ni Juda ang dako ni Shela sa pagbabangon ng legal na supling. Pagkaraan ng mga anim na buwan, isinilang ni Tamar ang kambal na sina Perez at Zera. Hindi na siya sinipingang muli ni Juda.​—Gen 38:12-30.

Pumaroon sa Ehipto Para Kumuha ng Pagkain. Pagkalipas ng ilang panahon, nakarating sa Canaan, na noo’y sinasalot ng taggutom, ang ulat na may makukuhang pagkain sa Ehipto. Kaya tinagubilinan ni Jacob ang sampu sa kaniyang mga anak, kabilang na si Juda, na pumaroon para kumuha ng pagkain. Nang panahong iyon, si Jose na kanilang kapatid sa ama ang administrador ng pagkain sa Ehipto. Bagaman agad silang nakilala ni Jose, hindi naman nila siya nakilala. Inakusahan sila ni Jose ng paniniktik at binabalaan sila na huwag bumalik kung hindi kasama si Benjamin, na kanilang binanggit nang itanggi nilang sila’y mga tiktik. Ipinagapos din ni Jose ang isa sa kaniyang mga kapatid sa ama, si Simeon, at ipinaiwan ito bilang bihag na panagot.​—Gen 42:1-25.

Palibhasa’y iniisip ni Jacob na nawala na sa kaniya sina Jose at Simeon, ayaw niyang pasamahin si Benjamin sa iba pa niyang mga anak patungong Ehipto. Ang marubdob na pananalita ni Ruben na maaaring ipapatay ni Jacob ang kaniya mismong dalawang anak kung hindi niya maibabalik si Benjamin ay hindi naging epektibo, marahil ay dahil ipinakita niyang hindi siya mapagkakatiwalaan nang sipingan niya ang babae ng kaniyang ama. (Gen 35:22) Nang dakong huli ay napasang-ayon ni Juda ang kaniyang ama nang ipangako niyang siya ang magiging panagot para kay Benjamin.​—Gen 42:36-38; 43:8-14.

Nang papauwi na pagkatapos makabili ng mga binutil sa Ehipto, ang mga anak ni Jacob ay hinabol ng katiwala ni Jose at inakusahan ng pagnanakaw (na sa totoo ay isang pakana ni Jose). Nang matagpuan sa supot ni Benjamin ang diumano’y nakaw na bagay, ang mga lalaki ay bumalik at pumaroon sa bahay ni Jose. Si Juda ang sumagot sa paratang at nagsumamo nang marubdob at buong-husay alang-alang kay Benjamin at alang-alang sa kaniyang ama, anupat hiniling na siya ang gawing alipin sa halip na si Benjamin. Lubhang nabagbag ang loob ni Jose sa taimtim na pakiusap ni Juda anupat hindi na niya napigil ang kaniyang damdamin. Pagkatapos, nang sila-sila na lamang ng kaniyang mga kapatid ang maiwan, si Jose ay nagpakilala. Pagkatapos silang patawarin dahil ipinagbili nila siya sa pagkaalipin, tinagubilinan ni Jose ang kaniyang mga kapatid sa ama na kunin si Jacob at bumalik sa Ehipto, sapagkat magpapatuloy pa nang limang taon ang taggutom.​—Gen 44:1–45:13.

Nang maglaon, samantalang papalapit na sa Ehipto si Jacob at ang kaniyang buong sambahayan, “isinugo [ni Jacob] si Juda sa unahan niya kay Jose upang maghatid ng impormasyon nang una sa kaniya sa Gosen.”​—Gen 46:28.

Nakahihigit sa Kaniyang mga Kapatid. Dahil sa pagkabahala niya sa kaniyang matanda nang ama at sa kaniyang kapuri-puring pagsisikap na maingatan ang kalayaan ni Benjamin kapalit ng sa kaniya, pinatunayan ni Juda na nakahihigit siya sa kaniyang mga kapatid. (1Cr 5:2) Hindi na siya ang Juda na nakibahagi noong kaniyang kabataan sa pandarambong sa mga Sikemita at nakipagsabuwatan laban sa kaniyang kapatid sa ama na si Jose at pagkatapos ay nanlinlang sa kaniya mismong ama. Ang kaniyang maiinam na katangian sa pangunguna ang nagpaging karapat-dapat kay Juda, bilang isa sa mga ulo ng 12 tribo ng Israel, na tumanggap ng nakahihigit na makahulang pagpapala mula sa kaniyang ama noong mamamatay na ito. (Gen 49:8-12) Ang katuparan nito ay tinatalakay sa sumusunod na mga parapo.

2. Ang tribo na nagmula kay Juda. Mga 216 na taon pagkaraang pumaroon si Juda sa Ehipto kasama ng sambahayan ni Jacob, ang matitipunong lalaki ng tribo mula 20 taóng gulang pataas ay dumami at naging 74,600, na mas malaki kaysa sa bilang ng alinman sa 12 tribo. (Bil 1:26, 27) Sa katapusan ng 40-taóng pagpapagala-gala sa ilang, ang mga rehistradong lalaki ng Juda ay dumami nang 1,900.​—Bil 26:22.

Ang Judeanong si Bezalel at ang kaniyang Danitang katulong na si Oholiab ang nangasiwa sa paggawa ng tabernakulo at ng mga kasangkapan at kagamitan nito. (Exo 35:30-35) Pagkatapos itong maitayo, ang Juda, kasama ang mga tribo nina Isacar at Zebulon, ay nagkampo sa S panig ng santuwaryo.​—Bil 2:3-8.

Maagang Patotoo ng Kaniyang Pangunguna. Ayon sa makahulang pagpapala ni Jacob, isang prominenteng papel ang gagampanan ni Juda (Gen 49:8; ihambing ang 1Cr 5:2), at ang katuparan nito ay ipinakikita maging ng maagang kasaysayan ng kaniyang tribo. Sa ilalim ng pangunguna ng pinuno nito na si Nason, pinangunahan ng Juda ang paghayo sa ilang. (Bil 2:3-9; 10:12-14) Nagmula rin sa tribong ito si Caleb, ang isa sa dalawang tapat na tiktik na nagkapribilehiyong muling makapasok sa Lupang Pangako. Bagaman matanda na siya, si Caleb ay aktibong nakibahagi sa pagsakop sa lupaing itinakda sa Juda. Ang tribo mismo ang inatasan ng Diyos na manguna sa pakikipaglaban sa mga Canaanita, at gayon nga ang ginawa nito kasama ng mga Simeonita. (Bil 13:6, 30; 14:6-10, 38; Jos 14:6-14; 15:13-20; Huk 1:1-20; ihambing ang Deu 33:7.) Nang maglaon, salig muli sa pahintulot ng Diyos, pinangunahan ng Juda ang aksiyong militar na nilayong maglapat ng parusa sa Benjamin.​—Huk 20:18.

Mana ng Juda. Ang hangganan ng teritoryong nakatakda sa tribo ni Juda ay ang mga teritoryo ng Benjamin at Dan sa H (Jos 15:5-11; 18:11), ang Dagat Asin (Dagat na Patay) sa S (Jos 15:5), at ang Malaking Dagat (Mediteraneo) sa K (Jos 15:12). Lumilitaw na ang hangganan sa T ay umaabot sa direksiyong timog-kanluran mula sa pinakatimugang dako ng Dagat na Patay hanggang sa sampahan ng Akrabim; mula roon, nagpapatuloy ito sa Zin, patungo sa hilaga malapit sa Kades-barnea, at pagkatapos ay dumaraan sa Hezron, Addar, Karka, Azmon, at sa agusang libis ng Ehipto patungo sa Mediteraneo. (Jos 15:1-4) Ang bahagi ng teritoryong ito na pangunahin nang nakasentro sa palibot ng Beer-sheba ay nakaatas sa mga Simeonita. (Jos 19:1-9) Ang mga Kenita, isang di-Israelitang pamilya na kamag-anak ni Moises dahil sa pag-aasawa, ay nanirahan din sa teritoryo ng Juda.​—Huk 1:16.

May ilang magkakaibang likas na mga rehiyon sa loob ng takdang mga hangganan ng sinaunang Juda. Ang Negeb, na ang kalakhang bahagi ay isang talampas na nasa pagitan ng 450 at 600 m (1,500 at 2,000 piye) ang taas mula sa kapantayan ng dagat, ay nasa gawing T. Sa kahabaan ng Mediteraneo ay naroon ang Kapatagan ng Filistia, na may mga burol ng buhangin na kung minsan ay may lapad na halos 6 na km (3.5 mi) mula sa dalampasigan. Noong unang mga panahon, ang alun-along kapatagang ito ay isang rehiyon ng mga ubasan, mga taniman ng olibo, at mga bukid ng butil. (Huk 15:5) Sa gawing S nito ay may dakong maburol, na hinahati-hati ng maraming libis at umaabot sa taas na mga 450 m (1,500 piye) mula sa kapantayan ng dagat sa T. Ito ang Sepela (nangangahulugang “Mababang Lupain”), isang rehiyong nababalutan ng mga punong sikomoro noong sinaunang panahon. (1Ha 10:27) Isa itong mababang lupain kung ihahambing sa bulubunduking pook ng Juda, na nasa dako pang S at may iba-ibang taas mula sa mga 600 hanggang sa mahigit na 1,000 m (2,000 hanggang 3,300 piye) mula sa kapantayan ng dagat. Ang kalbong mga burol na nasa silangang dalisdis ng kabundukang Judeano ang siyang bumubuo sa Ilang ng Juda.

Sa ilalim ng pangunguna ni Josue, lumilitaw na ang kapangyarihan ng mga Canaanita ay nalansag sa teritoryong ibinigay sa Juda. Gayunman, yamang maliwanag na walang naitayong mga garison, waring bumalik ang orihinal na mga tumatahan sa mga lunsod na gaya ng Hebron at Debir, malamang na habang nakikipagdigma sa ibang lugar ang mga Israelita. Kaya naman kinailangang muling bihagin ang mga dakong ito. (Ihambing ang Jos 12:7, 10, 13; Huk 1:10-15.) Ngunit ang mga tumatahan sa mababang kapatagan, na may mga karong pandigma na lubos na nasasandatahan, ay hindi naitaboy. Tiyak na kabilang dito ang mga Filisteo ng Gat at Asdod.​—Jos 13:2, 3; Huk 1:18, 19.

Mula sa mga Hukom Hanggang kay Saul. Noong maligalig na panahon ng mga Hukom, ang Juda, tulad ng iba pang tribo, ay paulit-ulit na nahulog sa idolatriya. Kaya naman pinahintulutan ni Jehova ang nakapalibot na mga bansa, partikular na ang mga Ammonita at mga Filisteo, na pasukin ang teritoryo ng Juda. (Huk 10:6-9) Noong mga araw ni Samson, hindi lamang naiwala ng mga Judeano ang ganap na kontrol sa mga Filisteong lunsod ng Gaza, Ekron, at Askelon kundi aktuwal na napamunuan sila ng mga Filisteo. (Huk 15:9-12) Maliwanag na nabawi lamang sa mga Filisteo ang mga teritoryo ng Juda noong panahon ni Samuel.​—1Sa 7:10-14.

Pagkatapos pahiran ni Samuel si Saul na mula sa tribo ni Benjamin bilang unang hari ng Israel, ang mga Judeano ay matapat na nakipaglaban sa ilalim ng kaniyang pangunguna. (1Sa 11:5-11; 15:3, 4) Malimit silang nakipagdigma sa mga Filisteo (1Sa 14:52), na waring muling nananaig sa mga Israelita. (1Sa 13:19-22) Ngunit unti-unting humina ang kanilang kapangyarihan. Sa tulong ni Jehova, nagtagumpay si Saul at ang kaniyang anak na si Jonatan laban sa kanila sa rehiyon mula sa Micmash hanggang sa Aijalon. (1Sa 13:23–14:23, 31) Nang salakayin ng mga Filisteo ang Juda noong dakong huli, muli silang natalo pagkatapos na mapatay ng kabataang pastol na Judeano na si David ang kanilang tagapagtanggol na si Goliat. (1Sa 17:4, 48-53) Nang maglaon, inilagay ni Haring Saul si David, na bago nito ay pinahiran na bilang hari ng Israel sa hinaharap, upang mamahala sa mga mandirigmang Israelita. Sa katungkulang ito ay matapat na sinuportahan ni David si Saul at nagkamit siya ng iba pang mga tagumpay laban sa mga Filisteo. (1Sa 18:5-7) Noong panahong iyon, ang tribo ni Juda ay tulad ng “isang anak ng leon,” na hindi pa nagtatamo ng maharlikang kapangyarihan sa katauhan ni David.​—Gen 49:9.

Nang ituring ni Saul si David na isang banta sa kaniyang paghahari at isang kaaway, nanatili pa ring matapat si David kay Saul bilang pinahiran ni Jehova. Hindi siya kailanman pumanig sa mga kaaway ng Israel ni personal man niyang sinaktan si Saul o pinahintulutan ang iba na gawin iyon. (1Sa 20:30, 31; 24:4-22; 26:8-11; 27:8-11; 30:26-31) Sa halip, nakipaglaban si David sa mga kaaway ng Israel. Noong isang pagkakataon ay iniligtas ni David ang Judeanong lunsod ng Keila mula sa mga Filisteo.​—1Sa 23:2-5.

Natupad kay David ang Pagpapala ni Jacob. Sa wakas ay dumating ang takdang panahon ng Diyos upang ilipat ang maharlikang kapangyarihan mula sa tribo ni Benjamin tungo sa tribo ni Juda. Sa Hebron, pagkamatay ni Saul, pinahiran ng mga lalaki ng Juda si David bilang hari. Ngunit ang iba pang mga tribo ay nanatili sa panig ng sambahayan ni Saul at ginawa nilang hari sa kanila ang anak nito na si Is-boset. Paulit-ulit na naglabanan ang dalawang kahariang ito hanggang sa ang pinakamalakas na tagasuporta ni Is-boset, si Abner, ay lumipat sa panig ni David. Di-nagtagal ay napaslang si Is-boset.​—2Sa 2:1-4, 8, 9; 3:1–4:12.

Nang makamit na ni David ang paghahari sa buong Israel, pinuri ng ‘mga anak ni Jacob,’ samakatuwid nga, ng lahat ng tribo ng Israel, ang Juda at nagpatirapa sila sa kinatawan nito bilang tagapamahala. Dahil dito, nakakilos din si David laban sa Jerusalem bagaman ito ay nasa teritoryo ng Benjamin at, pagkatapos niyang mabihag ang moog ng Sion, ginawa niya itong kaniyang kabisera. Sa kalakhang bahagi ay kapuri-puri ang naging paggawi ni David. Kaya sa pamamagitan niya, ang tribo ni Juda ay pinuri dahil sa mga katangiang gaya ng katarungan at katuwiran, at dahil din sa mga serbisyo nito sa bansa, kasama na ang pagpapanatili ng katiwasayan ng bansa, gaya ng inihula ni Jacob sa kaniyang pagpapala nang mamamatay na siya. Tunay na pumatong ang kamay ng Juda sa batok ng mga kaaway nito habang sinusupil ni David ang mga Filisteo (na dalawang beses na nagtangkang ibagsak siya bilang hari sa Sion), gayundin ang mga Moabita, mga Siryano, mga Edomita, mga Amalekita, at mga Ammonita. Kaya sa ilalim ng pamamahala ni David, sa wakas ay umabot ang mga hangganan ng Israel hanggang sa mga dakong itinakda ng Diyos.​—Gen 49:8-12; 2Sa 5:1-10, 17-25; 8:1-15; 12:29-31.

Dahil sa walang-hanggang tipan ukol sa isang Kaharian na ipinakipagtipan kay David, tinaglay ng tribo ni Juda ang setro at ang baston ng kumandante sa loob ng 470 taon. (Gen 49:10; 2Sa 7:16) Ngunit noon lamang panahon ng mga paghahari nina David at Solomon nagkaroon ng nagkakaisang kaharian, kung kailan lahat ng tribo ng Israel ay nagpapatirapa sa harap ng Juda. Dahil sa pag-aapostata ni Solomon nang papatapos na ang kaniyang paghahari, pinunit ni Jehova ang sampung tribo mula sa sumunod na Judeanong hari, si Rehoboam, at ibinigay ang mga ito kay Jeroboam. (1Ha 11:31-35; 12:15-20) Tanging ang mga Levita at ang mga tribo nina Benjamin at Juda ang nanatiling matapat sa sambahayan ni David.​—1Ha 12:21; 2Cr 13:9, 10.

3. Ang Juda bilang isang kaharian, kasama ang tribo ni Benjamin. (2Cr 25:5) Pagkamatay ni Solomon, ang sampung iba pang tribo ay bumuo ng isang independiyenteng kaharian sa ilalim ng Efraimitang si Jeroboam.

Di-nagtagal pagkaraan nito, noong ikalimang taon ni Rehoboam, sinalakay ni Haring Sisak ng Ehipto ang kaharian ng Juda hanggang sa Jerusalem at binihag ang mga nakukutaang lunsod na dinaraanan patungo roon.​—1Ha 14:25, 26; 2Cr 12:2-9.

Sa isang yugto na mga 40 taon noong panahon ng paghahari ng mga Judeanong hari na sina Rehoboam, Abiam (Abias), at Asa, paulit-ulit na nagkaroon ng labanan sa pagitan ng mga kaharian ng Juda at Israel. (1Ha 14:30; 15:7, 16) Ngunit ang humalili kay Asa na si Jehosapat ay nakipag-alyansa sa balakyot na si Haring Ahab ng Israel ukol sa pag-aasawa. Bagaman nangahulugan ito ng kapayapaan sa pagitan ng dalawang kaharian, ang pag-aasawa ng anak ni Jehosapat na si Jehoram sa anak ni Ahab na si Athalia ay naging kapaha-pahamak para sa Juda. Sa ilalim ng impluwensiya ni Athalia, si Jehoram ay nagkasala ng tahasang pag-aapostata. Noong naghahari siya, sinalakay ng mga Filisteo at mga Arabe ang Juda at binihag at pinatay ang lahat ng kaniyang mga anak maliban kay Jehoahaz (Ahazias), ang bunso. Nang maging hari si Ahazias, sinunod din niya ang mga utos ng balakyot na si Athalia. Pagkatapos ng marahas na kamatayan ni Ahazias, pinatay ni Athalia ang lahat ng maharlikang supling. Ngunit, tiyak na dahil sa patnubay ng Diyos, ang sanggol na si Jehoas, ang lehitimong tagapagmana ng trono ni David, ay naitago at nakaligtas. Samantala, ang mang-aagaw ng kapangyarihan na si Athalia ay namahala bilang reyna hanggang noong patayin siya sa utos ng mataas na saserdoteng si Jehoiada.​—2Cr 18:1; 21:1, 5, 6, 16, 17; 22:1-3, 9-12; 23:13-15.

Bagaman mabuti ang pasimula ng paghahari ni Jehoas, lumihis siya sa tunay na pagsamba pagkamatay ng mataas na saserdoteng si Jehoiada. (2Cr 24:2, 17, 18) Ang anak ni Jehoas, si Amazias, ay nabigo ring magpatuloy sa matuwid na landasin. Noong naghahari siya, pagkaraan ng mahaba-habang panahon ng mapayapang pagsasamahan, ang sampung-tribong kaharian at ang kaharian ng Juda ay muling nagsagupaan sa pagbabaka, at ang Juda ay dumanas ng kahiya-hiyang pagkatalo. (2Cr 25:1, 2, 14-24) Maliban sa panghihimasok niya sa santuwaryo, ang sumunod na Judeanong hari, si Uzias (Azarias), ay gumawa ng tama sa paningin ni Jehova. Ang kahalili niya na si Jotam ay napatunayang isang tapat na hari. Ngunit ang anak ni Jotam na si Ahaz ay napabantog sa pagsasagawa ng malawakang idolatriya.​—2Cr 26:3, 4, 16-20; 27:1, 2; 28:1-4.

Noong panahon ng paghahari ni Ahaz, ang Juda ay sinalakay ng mga Edomita at ng mga Filisteo, gayundin ng hilagang kaharian at ng Sirya. Ang tambalang Siro-Israelita ay nagbanta pa nga na alisin sa trono si Ahaz at ilagay bilang hari ng Juda ang isang lalaki na hindi nagmula sa linya ni David. Bagaman tiniyak ng propetang si Isaias na hindi ito mangyayari, sinuhulan ng walang-pananampalatayang si Ahaz ang Asiryanong si Haring Tiglat-pileser III upang tulungan siya. Dahil sa di-matalinong pagkilos na ito, ang Juda ay sumailalim sa mabigat na pamatok ng Asirya.​—2Cr 28:5-21; Isa 7:1-12.

Isinauli ni Hezekias, na anak ni Ahaz, ang tunay na pagsamba at naghimagsik siya laban sa hari ng Asirya. (2Ha 18:1-7) Dahil dito, sinalakay ni Senakerib ang Juda at binihag ang maraming nakukutaang lunsod. Ngunit hindi kailanman nakuha ang Jerusalem, sapagkat sa isang gabi ay pinatay ng anghel ni Jehova ang 185,000 sa kampo ng mga Asiryano. Matapos dumanas ng gayong kahihiyan, bumalik si Senakerib sa Nineve. (2Ha 18:13; 19:32-36) Mga walong taon bago nito, noong 740 B.C.E., ang sampung-tribong kaharian ay nagwakas na nang ang kabisera nito, ang Samaria, ay bumagsak sa kamay ng mga Asiryano.​—2Ha 17:4-6.

Muling binuhay ng sumunod na hari ng Juda, ang anak ni Hezekias na si Manases, ang idolatriya. Ngunit nang dalhin siyang bihag ng hari ng Asirya sa Babilonya, nagsisi siya at, pagbalik niya sa Jerusalem, nagsagawa siya ng mga reporma sa relihiyon. (2Cr 33:10-16) Ngunit ang kaniyang anak na si Amon ay bumalik sa idolatriya.​—2Cr 33:21-24.

Ang huling malawakang kampanya laban sa idolatriya ay dumating noong panahon ng paghahari ng anak ni Amon na si Josias. Ngunit noon ay huling-huli na upang taimtim na makapagsisi ang mga tao sa pangkalahatan. Dahil dito, itinalaga ni Jehova ang lubusang pagkatiwangwang ng Juda at Jerusalem. Nang dakong huli, si Josias mismo ay napatay sa Megido nang tangkain niyang paatrasin ang mga hukbong Ehipsiyo habang paparoon ang mga ito upang tulungan ang hari ng Asirya sa Carkemis.​—2Ha 22:1–23:30; 2Cr 35:20.

Ang huling apat na Judeanong hari, sina Jehoahaz, Jehoiakim, Jehoiakin, at Zedekias ay naging masasamang tagapamahala. Pinatalsik ni Paraon Necoh si Jehoahaz, pinatawan ng mabigat na multa ang lupain ng Juda, at ginawang hari ang kapatid ni Jehoahaz na si Jehoiakim. (2Ha 23:31-35) Lumilitaw na pagkaraan ng walong-taóng paghahari, si Jehoiakim ay ginawang basalyo ni Nabucodonosor na hari ng Babilonya, na bago nito ay lumupig sa mga Ehipsiyo sa Carkemis. Naglingkod si Jehoiakim sa hari ng Babilonya sa loob ng tatlong taon ngunit pagkatapos ay naghimagsik siya. (2Ha 24:1; Jer 46:2) Dahil dito, si Nabucodonosor, maliwanag na may balak na dalhing bilanggo sa Babilonya ang mapaghimagsik na hari, ay umahon laban sa Jerusalem. (2Cr 36:6) Ngunit hindi kailanman nadala sa Babilonya si Jehoiakim, sapagkat namatay siya sa paraang hindi binanggit sa Bibliya. Kasunod nito ay naging hari si Jehoiakin. Pagkatapos mamahala sa loob lamang ng tatlong buwan at sampung araw, siya ay kusang sumuko kay Nabucodonosor at itinapon sa Babilonya, kasama ng iba pang mga miyembro ng maharlikang pamilya at ng libu-libo sa kaniyang mga nasasakupan. Sumunod ay inilagay ni Nabucodonosor sa trono ng Juda ang tiyo ni Jehoiakin, si Zedekias.​—2Ha 24:6, 8-17; 2Cr 36:9, 10.

Noong kaniyang ikasiyam na taon bilang basalyong hari, si Zedekias ay naghimagsik at umasa sa tulong ng kapangyarihang militar ng Ehipto laban sa Babilonya. (2Ha 24:18–25:1; 2Cr 36:11-13; Eze 17:15-21) Dahil dito, pinahayo ni Nabucodonosor ang kaniyang mga hukbo patungo sa Juda. Sa loob ng 18 buwan, ang Jerusalem ay kinubkob hanggang sa masira ang mga pader nito. Bagaman tumakas si Zedekias, nabihag siya, pinatay sa harap niya ang kaniyang mga anak, at pagkatapos ay binulag siya. Nang sumunod na buwan, ang karamihan sa mga nakaligtas ay dinala sa pagkatapon. Inatasan si Gedalias bilang gobernador sa iilang taong maralita na naiwan sa Juda. Ngunit kasunod ng pagpaslang sa kaniya, ang mga tao ay tumakas patungong Ehipto. Sa gayon, noong ikapitong buwan ng 607 B.C.E. ang lupain ng Juda ay lubusang natiwangwang.​—2Ha 25:1-26; para sa detalye tingnan ang mga artikulo tungkol sa indibiduwal na mga hari.

Hindi Naiwala ang Pamamahala. Gayunman, ang kapaha-pahamak na wakas na ito ng kaharian ng Juda ay hindi nangangahulugang naalis ang setro at ang baston ng kumandante mula sa tribo nang habang panahon. Ayon sa hula ni Jacob nang mamamatay na siya, ang tribo ni Juda ang pagmumulan ng permanenteng maharlikang tagapagmana, ang Shilo (nangangahulugang “Siya na Nagmamay-ari Nito; Siya na Kinauukulan Nito”). (Gen 49:10) Kaya naman bago ang pagbagsak ng kaharian ng Juda, angkop na sinabi ni Jehova kay Zedekias, sa pamamagitan ni Ezekiel, ang mga salitang ito: “Hubarin mo ang turbante, at alisin mo ang korona. Hindi na ito magiging gaya ng dati. Itaas mo ang mababa, at ibaba mo ang mataas. Kagibaan, kagibaan, kagibaan ang gagawin ko roon. Kung tungkol din dito, hindi nga iyon aariin ninuman hanggang sa dumating siya na may legal na karapatan, at ibibigay ko iyon sa kaniya.” (Eze 21:26, 27) Ang isa na may legal na karapatan, gaya ng ipinahiwatig sa patalastas ng anghel na si Gabriel sa birheng Judio na si Maria pagkaraan ng mga 600 taon, ay walang iba kundi si Jesus, ang anak ng Diyos. (Luc 1:31-33) Samakatuwid, angkop na taglayin ni Jesu-Kristo ang titulong “ang Leon na mula sa tribo ni Juda.”​—Apo 5:5.

Inihambing sa Hilagang Kaharian. Ang kaharian ng Juda ay naging mas matatag at tumagal nang mga 133 taon ang kahigitan kung ihahambing sa hilagang kaharian. May ilang salik na nagpangyari nito. (1) Dahil sa tipan ng Diyos kay David, ang maharlikang linya ay hindi napatid, samantalang sa hilagang kaharian ay wala pa sa kalahati ng mga hari ang hinalinhan ng sarili nilang mga anak. (2) Ang pagpapatuloy ng Aaronikong pagkasaserdote sa templo sa Jerusalem ay may pagpapala ni Jehova at nakatulong upang mas madaling makapanumbalik sa kanilang Diyos ang di-tapat na bansa. (2Cr 13:8-20) Sa kabilang dako, ang pagtatatag at pagpapatuloy ng pagsamba sa guya sa hilagang kaharian ay inakalang kailangan upang manatili silang independiyente sa Juda, at maliwanag na dahil dito ay walang ginawang pagsisikap upang alisin ito. (1Ha 12:27-33) (3) Ang apat sa 19 na Judeanong hari, sina Asa, Jehosapat, Hezekias, at Josias, ay namumukod-tangi sa kanilang debosyon sa tunay na pagsamba at nagsagawa ng malawakang mga reporma sa relihiyon.

Gayunpaman, ipinakikita ng kasaysayan ng dalawang kaharian ang kahibangan ng pagwawalang-bahala sa mga utos ni Jehova at ng pagtitiwala sa mga alyansang militar para sa katiwasayan. Gayundin, naitampok ang mahabang pagtitiis ni Jehova sa kaniyang masuwaying bayan. Paulit-ulit niyang isinugo ang kaniyang mga propeta upang himukin ang bayan na magsisi, ngunit kadalasan ay hindi pinakikinggan ang kanilang mga babala. (Jer 25:4-7) Kabilang sa mga propetang naglingkod sa Juda sina Semaias, Ido, Azarias, Oded, Hanani, Jehu, Eliezer, Jahaziel, Mikas, Oseas, Isaias, Zefanias, Habakuk, at Jeremias.​—Tingnan ang ISRAEL Blg. 2 at 3.

Pagkaraan ng Pagkatapon. Noong 537 B.C.E., nang magkabisa ang utos ni Ciro na nagpapahintulot sa mga Israelita na bumalik sa lupain ng Juda at muling itayo roon ang templo, maliwanag na ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang tribo ay bumalik sa kanilang sariling lupain. (Ezr 1:1-4; Isa 11:11, 12) Bilang katuparan ng Ezekiel 21:27, walang hari mula sa linya ni David ang nangasiwa sa nakabalik na bayan. Kapansin-pansin din na walang binanggit na nagkaroon ng anumang paninibugho sa gitna ng mga tribo, na nagpapakitang ang Efraim at Juda ay talagang naging iisa.​—Isa 11:13.

4. Maliwanag na ito rin ang Levitang si Hodavias, o Hodeva, na ang mga anak ay bumalik sa Jerusalem kasama ni Zerubabel.​—Ezr 2:40; 3:9; Ne 7:43.

5. Isang Levita na itinalang kabilang sa mga bumalik kasama ni Zerubabel.​—Ne 12:1, 8.

6. Isang Levita na kabilang sa mga nagpaalis sa kanilang mga asawang banyaga at mga anak.​—Ezr 10:23, 44.

7. Isang Benjamitang nanirahan sa Jerusalem at naglingkod doon sa isang gawaing pangangasiwa pagkaraan ng pagkatapon.​—Ne 11:7, 9.

8. Isang indibiduwal na nasa martsa ng pasinaya na isinaayos ni Nehemias nang matapos ang pader ng Jerusalem.​—Ne 12:31, 34.

9. Isang saserdoteng manunugtog na nasa martsa ng pasinaya.​—Ne 12:31, 35, 36.