Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Judio

Judio

[Ni (Kay) Juda].

Taong mula sa tribo ni Juda. Sa ulat ng Bibliya, ginamit lamang ang katawagang ito pagkatapos bumagsak ang sampung-tribong kaharian ng Israel. Noong panahon ni Hezekias, gumamit si Isaias ng isang anyong pang-uri ng salitang ito, na isinaling “wika ng mga Judio.” (Isa 36:11, 13) Kadalasan, ang timugang kaharian ay tinatawag na Juda, at ang mga mamamayan nito ay tinatawag na mga anak ni Juda o tribo ng mga anak ni Juda. Walang alinlangan na ang unang manunulat ng Bibliya na gumamit ng katawagang “Judio” upang tukuyin ang mga mamamayan ng Juda ay ang manunulat ng mga aklat ng Mga Hari, si Jeremias, na nagsimulang maglingkod bilang propeta noong 647 B.C.E. (Tingnan ang 2Ha 16:6; 25:25.) Pagkatapos ng pagkatapon, ikinapit ang katawagang ito sa lahat ng mga Israelitang nagbalik (Ezr 4:12; 6:7; Ne 1:2; 5:17) at nang maglaon, sa lahat ng Hebreo sa buong daigdig, upang ipakita ang kaibahan nila sa mga bansang Gentil. (Es 3:6; 9:20) Ang mga lalaking Gentil na tumanggap sa pananampalatayang Judio at naging mga tinuling proselita ay nagpakilala rin bilang mga Judio. (Es 8:17) Gayunman, sa Hebreong Kasulatan, ang pananalitang “naninirahang dayuhan” ay maaaring tumukoy sa isa na tumanggap sa relihiyon ng mga Judio (Jer 22:3), at maging sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, kung minsa’y ipinakikilala sila sa pamamagitan ng terminong “mga proselita.” (Gaw 2:10; 6:5; 13:43) Ang terminong “babaing Judio” ay ginamit sa Gawa 24:24.

Noong bata pa si Jesus, may mga astrologong dumating sa Jerusalem at nagtanong: “Nasaan ang isa na ipinanganak na hari ng mga Judio?” (Mat 2:1, 2) Sa pahirapang tulos ni Jesus, inilagay ni Pilato ang titulong “Si Jesus na Nazareno ang Hari ng mga Judio.”​—Ju 19:19.

Makasagisag na Paggamit. Ipinakita ng apostol na si Pablo na hindi dapat ipagmapuri ng mga Judio ang kanilang pinagmulan sa laman at hindi sila dapat manalig sa mga gawa ng Kautusan upang magtamo ng lingap ng Diyos. Nangatuwiran siya: “Sapagkat siya ay hindi Judio na gayon sa panlabas, ni ang pagtutuli man ay yaong nasa panlabas sa laman. Kundi siya ay Judio na gayon sa panloob, at ang kaniyang pagtutuli ay yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu, at hindi sa pamamagitan ng isang nakasulat na kodigo. Ang papuri ng isang iyon ay nanggagaling, hindi sa mga tao, kundi sa Diyos.” (Ro 2:28, 29) Dito, ginamit ni Pablo ang kahulugan ng pangalang Juda at ipinakita niya na ang tunay na saligan upang magtamo ng papuri mula sa Diyos ay ang pagiging isang lingkod ng Diyos mula sa puso, sa pamamagitan ng espiritu. Ang argumentong ito ay kasuwato ng kaniyang pangangatuwiran sa Roma kabanata 4 na ang tunay na binhi ni Abraham ay yaong mga may pananampalatayang gaya ng kay Abraham. Itinawag-pansin din niya na hindi mahalaga sa kongregasyong Kristiyano ang nasyonalidad, sapagkat “walang Judio ni Griego [Gentil] man.” (Gal 3:28) Nang kausapin ng binuhay-muling si Jesu-Kristo ang kongregasyon sa Smirna upang aliwin sila dahil sa pag-uusig na dinaranas nila, pangunahin na mula sa mga Judio, sinabi niya: “Alam ko . . . ang pamumusong niyaong mga nagsasabing sila nga ay mga Judio, at gayunma’y hindi sila gayon kundi isang sinagoga ni Satanas.”​—Apo 2:9.