Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kabaliwan

Kabaliwan

Sa Ingles, ang salitang “madness” ay maaaring tumukoy sa pagkasira ng isip, alinman sa pagkabaliw o isang kalagayan ng sukdulang pagngangalit o matinding kahibangan. Iba’t ibang salitang Hebreo at Griego ang ginagamit sa Kasulatan upang tumukoy sa gayong di-kaayaayang kalagayan ng isip, permanente man o pansamantala. Waring ang ilan sa mga salitang ito ay nauugnay o hinalaw sa kakatwa at kung minsan ay marahas o mapanglaw na mga sigaw ng mga taong nababaliw.

Nabaliw ang mapaghambog na Babilonyong si Haring Nabucodonosor. Bilang katuparan ng isang makahulang panaginip na ipinaliwanag ni Daniel, ang monarkang ito ay pinasapitan ng kabaliwan noong panahong naghahambog ito. Nabaliw siya sa loob ng pitong taon, “at nagsimula siyang kumain ng pananim na gaya ng mga toro.” (Dan 4:33) Palibhasa’y nawalan na siya ng katinuan, maaaring inakala ni Nabucodonosor na isa siyang hayop, marahil ay isang toro. May kinalaman sa pagkasira ng kaniyang isip, isang medikal na diksyunaryong Pranses ang nagsasabi: “LYCANTHROPY . . . mula sa [lyʹkos], lupus, lobo; [anʹthro·pos], homo, tao. Ang pangalang ito ay ikinapit sa sakit ng mga taong nag-aakalang sila ay naging hayop, at gumagaya sa hiyaw o alulong, sa mga anyo o mga paggawi ng hayop na iyon. Kadalasan nang inaakala ng mga indibiduwal na ito na sila ay naging lobo, aso o pusa; kung minsan ay toro, gaya sa kaso ni Nabucodonosor.” (Dictionnaire des sciences médicales, par une société de médecins et de chirurgiens, Paris, 1818, Tomo 29, p. 246) Sa pagtatapos ng pitong taon, pinanumbalik ni Jehova kay Nabucodonosor ang unawa nito.​—Dan 4:34-37.

Kabaliwan at ang Pag-ali ng mga Demonyo. Bagaman hindi lahat ng taong nababaliw ay inaalihan ng mga demonyo, maaasahan lamang na ang mga taong inaalihan ng mga demonyo ay kakikitaan ng di-matinong pag-iisip. Sa lupain ng mga Geraseno, nakatagpo ni Jesus ang isang baliw na inaalihan ng demonyo. Nakatira siya sa gitna ng mga libingan, at bagaman madalas siyang gapusin sa pamamagitan ng mga pangaw at mga tanikala, “ang mga tanikala ay nalalagot niya at ang mga pangaw ay nagkadurug-durog pa nga; at walang sinuman ang may lakas upang supilin siya.” Karagdagan pa, “patuluyan, gabi at araw, sumisigaw siya sa mga libingan at sa mga bundok at hinihiwa ang kaniyang sarili ng mga bato.” Matapos palayasin ni Jesus ang mga demonyo, ang lalaki ay nagkaroon ng “matinong pag-iisip.” (Mar 5:1-17; Luc 8:26-39) Gayunman, naipagsasanggalang ang mga Kristiyano mula sa pagsalakay ng mga demonyo na nagdudulot ng kabaliwan kung isusuot nila at pananatilihing nakasuot ang “kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.”​—Efe 6:10-17.

Nagkunwaring Baliw. Noong panahong tinutugis siya ni Haring Saul, nanganlong si David sa teritoryo ni Akis na hari ng Gat. Nang matuklasan nila kung sino siya, sinabi ng mga Filisteo kay Akis na si David ay isang banta sa seguridad, at ikinatakot ito ni David. Dahil dito, nagbalatkayo siya ng kaniyang katinuan sa pamamagitan ng pagkukunwaring baliw. Siya ay “patuloy na gumagawa ng mga paekis na marka sa mga pinto ng pintuang-daan at pinatutulo ang kaniyang laway sa kaniyang balbas.” Sa pag-aakalang nasisiraan ng bait si David, pinayaon siyang buháy ni Akis, bilang isang di-nananakit na sintu-sinto. Nang maglaon, kinasihan si David na isulat ang Awit 34, na doon ay nagpasalamat siya kay Jehova dahil pinagpala Niya ang estratehiyang ito at iniligtas siya.​—1Sa 21:10–22:1.

Ang Kabaliwan ng Pagsalansang kay Jehova. May-kamangmangang ninais ng propetang si Balaam na manghula laban sa Israel upang tumanggap siya ng salapi mula kay Haring Balak ng mga Moabita, ngunit nanaig si Jehova at hinadlangan ang kaniyang mga pagsisikap. Tungkol kay Balaam, isinulat ng apostol na si Pedro na “isang walang-imik na hayop na pantrabaho, nang magsalita sa tinig ng tao, ang humadlang sa baliw na landasin ng propeta.” Upang ilarawan ang kabaliwan ni Balaam, ginamit ng apostol ang salitang Griego na pa·ra·phro·niʹa, na may diwa ng “pagiging wala sa sariling pag-iisip.”​—2Pe 2:15, 16; Bil 22:26-31.

May kinalaman sa mga bulaang propeta ng Israel, sumulat ang propetang si Oseas: “Ang propeta ay magiging mangmang, ang lalaking may kinasihang kapahayagan ay mababaliw dahil sa dami ng iyong kamalian, at maging ang matinding poot ay laganap.” (Os 9:7) Pinasasapitan ni Jehova ng kabaliwan ang mga sumasalansang sa kaniya at yaong mga nagtatakwil ng kaniyang karunungan, anupat ipinakikilala niya ang kaniyang sarili bilang “ang Isa na nagpapakilos sa mga manghuhula na parang baliw,” samakatuwid nga, binibigo niya ang kanilang mga panghuhula. (Isa 44:24, 25) Tungkol sa mga hukom sa sanlibutan, sinabi ni Job na ‘pinangyayari ni Jehova na mabaliw ang mga hukom.’​—Job 12:17.

Ang mga taong sumalansang sa katotohanan at nagtangkang pasamain ang kongregasyong Kristiyano ay inihambing ni Pablo kina Janes at Jambres, na sumalansang kay Moises. Nagbigay-katiyakan siya: “Hindi na sila susulong pa, sapagkat ang kanilang kabaliwan ay magiging napakalinaw sa lahat, gaya nga ng kabaliwan ng dalawang lalaking iyon.”​—2Ti 3:8, 9.

Kabaliwan Dahil sa Paniniil at Kalituhan. Kabilang sa napakasamang ibubunga ng pagsuway ng mga Israelita kay Jehova ay ang pagpapasapit sa kanila ng kabaliwan. Dahil sa paniniil ng kanilang mga manlulupig, mababaliw sila, anupat tutugon sila nang di-makatuwiran dahil sa pagkasiphayo. (Deu 28:28-34) Kaayon nito, sinabi ni Haring Solomon na “dahil sa paniniil ay napakikilos na parang baliw ang marunong.”​—Ec 7:7.

Sa hula, ang Babilonyong si Haring Nabucodonosor ay inihalintulad sa ‘kopa ng alak ng pagngangalit ni Jehova.’ Kailangan itong inumin ng mga bansa, at sila ay “magpapasuray-suray at kikilos na gaya ng mga taong baliw dahil sa tabak na isusugo ko [si Jehova] sa kanila.” (Jer 25:15, 16) Sa kalaunan, pasasapitan din ng kabaliwan ang Babilonya mismo, anupat ang kaniyang mga mananamba sa idolo ay magkakaroon ng nakapangingilabot na mga pangitain, ‘at dahil sa kanilang nakatatakot na mga pangitain ay gagawi sila na parang baliw.’ (Jer 50:35-38) Siya rin ay kailangang uminom mula sa kopa ng pagngangalit ni Jehova.​—Jer 51:6-8.

Sukdulang Pagngangalit. Ang kabaliwan, gaya ng pagkakagamit sa Bibliya, ay maaari ring tumukoy sa sukdulang pagngangalit. Noong isang araw ng sabbath, pinagaling ni Jesus ang isang lalaki na tuyot ang kanang kamay. Sa gayon, ang nagmamasid na mga eskriba at mga Pariseo ay ‘napuno ng galit [sa Ingles, madness] at nagsimula silang mag-usapan sa isa’t isa kung ano ang gagawin nila kay Jesus.’ (Luc 6:6-11) Upang ilarawan ang kalagayan ng kanilang isip, ginamit ni Lucas ang salitang Griego na aʹnoi·a, sa literal ay nangangahulugang “kawalan ng pag-iisip” (ang salitang Ingles na paranoia ay nauugnay sa terminong ito). Maliwanag na ang nasa isip ni Pablo ay ang sukdulang pagngangalit o poot nang aminin niya na sa pag-usig sa mga Kristiyano ay ‘sukdulan ang galit (sa Ingles, madness) niya sa kanila.’​—Gaw 26:11.

Kabaligtaran ng Karunungan. Sa aklat ng Eclesiastes, isinisiwalat ng tagapagtipon na iniukol niya ang kaniyang puso “na makaalam ng karunungan at makaalam ng kabaliwan.” (Ec 1:17) Hindi lamang karunungan ang siniyasat niya kundi isinaalang-alang din niya ang kabaligtaran nito gaya ng ipinamamalas ng mga tao. (Ec 7:25) Sa Eclesiastes 2:12, muling isinisiwalat ni Solomon na pinagtimbang-timbang niya ang karunungan, kabaliwan, at kahibangan. Sa ganitong paraan, maaari niyang tiyakin ang pagkakaiba-iba ng kanilang halaga. Ang labis-labis na kasayahan ay itinuring niyang kabaliwan, anupat sinabi niya, “Sinabi ko sa pagtawa: ‘Kabaliwan!’⁠” sapagkat, kung ihahambing sa karunungan, wala itong kabuluhan, anupat hindi nagdudulot ng tunay na kaligayahan.​—Ec 2:2.

Nang magkomento si Solomon sa kalagayan ng pag-iisip ng isa na hangal, sinabi niya: “Ang pasimula ng mga salita ng kaniyang bibig ay kamangmangan, at ang huling wakas ng kaniyang bibig ay kapaha-pahamak na kabaliwan.” (Ec 10:13) Ang kamangmangan ay maaaring nasa anyo ng isang gawang pandaraya, na kung minsan ay maaaring makapinsala nang husto sa biktima nito anupat ang nandaraya ay inihahalintulad sa isang baliw na armado ng nakamamatay na mga sandata.​—Kaw 26:18, 19.

Ang ilan ay hindi umaasa sa pagkabuhay-muli ng mga patay, anupat nag-aakalang kamatayan ang wakas ng lahat ng bagay para sa lahat ng tao. Bilang katibayan ng kanilang di-timbang na pangmalas, binibigyang-kasiyahan lamang nila ang kanilang makalamang mga hilig at hindi nila ikinababahala ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Binigyang-pansin din sila ni Solomon, sa pagsasabing: “Sa dahilang may iisang kahihinatnan ang lahat, ang puso ng mga anak ng mga tao ay puspos din ng kasamaan; at may kabaliwan sa kanilang puso habang sila ay nabubuhay, at pagkatapos nito​—patungo sa mga patay!”​—Ec 9:3.

Makatalinghagang Paggamit. Ang awtoridad at pagka-apostol ni Pablo ay hinamon ng ilan sa Corinto na may-panunuya niyang tinawag na “ubod-galing na mga apostol.” (2Co 11:5) Upang matauhan ang kongregasyon ng Corinto, “ipinaghambog” ni Pablo ang kaniyang mga kredensiyal, ang kaniyang mga pagpapala at ang mga bagay na naranasan niya sa paglilingkod kay Jehova, bilang patunay sa kaniyang pag-aangkin. Ang paghahambog na ito ay salungat sa karaniwang pananalita ng isang Kristiyano, ngunit sa kasong ito ay kinailangan itong gawin ni Pablo. Kaya tinukoy niya ang kaniyang sarili na waring ‘nasisiraan ng kaniyang isip’ at sinabi niya tungkol sa diumano’y ubod-galing na mga apostol: “Sila ba ay mga ministro ni Kristo? Tumutugon akong gaya ng isang baliw, ako ay higit na namumukod-tanging gayon.”​—2Co 11:21-27.