Kadmonita, Mga
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “silangan”].
Isang bayan na nakatalang kabilang sa iba pang mga bansa na ang mga lupain ay ipinangako ni Jehova sa binhi ni Abram. (Gen 15:18-21) Maliwanag na sila ay isang tribong nagpapastol o pagala-gala, tulad ng mga Kenita at mga Kenizita na kasama nilang binabanggit. (Gen 15:19) Hindi tiyak kung saan ang eksaktong lokasyon ng kanilang teritoryo, bagaman iminumungkahi na nanahanan sila sa disyerto ng Sirya sa pagitan ng Palestina-Sirya at ng Ilog Eufrates.
Ang pangalang Hebreo ng bayang ito (qadh·moh·niʹ) ay may anyong kapareho ng pang-uri na qadh·moh·niʹ (silanganin, Eze 47:18); sa gayon ay iminumungkahi ng ilan na maaaring nangangahulugan lamang ito na “mga taga-Silangan.” (Huk 8:10) Gayunman, ipinakikita ng paggamit sa terminong Hebreong ito bilang isang pangalan sa Genesis 15:19 na maaari itong tumukoy sa isang espesipikong tribo.