Kagamitan
Ang terminong Hebreo na keliʹ ay may napakalawak na pagkakapit at maaaring tumukoy sa mga kagamitan (Gen 24:53; 27:3; 31:37; Exo 3:22; 25:9, 39; 27:3, 19; 30:27, 28; 31:7-9; Lev 13:49, 52, 57-59), bagay (Lev 15:4, 6), lalagyan (Gen 42:25; 43:11), kasangkapan (Gen 45:20; 49:5; 1Ha 6:7), panugtog (1Cr 15:16), sisidlan (Lev 6:28; 11:32-34), kagayakan (Deu 22:5), sandata (Huk 9:54; 18:11, 16, 17), dala-dalahan (1Sa 10:22), bagahe (1Sa 17:22), supot (1Sa 17:40, 49), at katawan (1Sa 21:5).
Kadalasan, ang keliʹ ay tumutukoy sa iba’t ibang kagamitan na ginagamit may kaugnayan sa santuwaryo. Kabilang sa mga kagamitang ito ang mga pinggan, pitsel, pala, mangkok, tinidor, lalagyan ng apoy, pamatay ng apoy, pamatay-apoy, hugasan, at mga kopa. (Exo 25:29, 30, 39; 27:3, 19; 37:16, 23; 38:3; 1Ha 7:40-50; 2Cr 4:11-22) Palibhasa’y ginagamit sa sagradong layunin, ang mga kagamitang ito ay “banal.” (1Ha 8:4) Kaayon nito, yamang ang mga Judiong lumisan sa Babilonya noong 537 B.C.E. ay nagkapribilehiyong dalhin ang sagradong mga kagamitan na kinuha ni Haring Nabucodonosor mula sa Jerusalem, kinailangan nilang manatiling malinis sa relihiyoso at moral na paraan. Kumakapit sa kanila ang makahulang utos na ito: “Lumayo kayo, lumayo kayo, lumabas kayo [sa Babilonya], huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi; lumabas kayo mula sa gitna niya, manatili kayong malinis, kayong mga nagdadala ng mga kagamitan ni Jehova.” (Isa 52:11) Humihiling ito hindi lamang ng panlabas at seremonyal na kalinisan. Kailangan dito ang kalinisan ng puso. Nang sumulat ang apostol na si Pablo sa mga taga-Corinto, ginamit niya ang mga salita ng Isaias 52:11 upang ipakita na ang mga Kristiyano ay dapat ding maging malaya mula sa karungisan ng laman at espiritu.—2Co 6:14-18; 7:1.
Ang tagapagtatag ng Kristiyanismo, si Jesu-Kristo, ay nagpakita ng halimbawa sa bagay na ito sa pamamagitan ng pananatiling “matapat, walang katusuhan, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan.” (Heb 7:26) Noong naririto siya sa lupa, nagpamalas siya ng sigasig upang mapanatili ang kabanalan ng templo ni Jehova, gaya noong makalawang ulit niya itong linisin mula sa komersiyalismo. (Ju 2:13-25; Mat 21:12, 13; Mar 11:15-17; Luc 19:45, 46) May kaugnayan sa ikalawang paglilinis sa templo, iniulat ni Marcos na ‘hindi pinahintulutan ni Jesus ang sinuman na magdala ng kagamitan sa templo.’ (Mar 11:16) Samakatuwid, maliwanag na hindi hinayaan ni Jesus na sirain ng sinuman ang kabanalan ng looban ng templo sa pamamagitan ng pagdaan doon ng taong iyon kapag nagdadala ito ng mga bagay patungo sa kabilang bahagi ng Jerusalem.