Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kagantihan

Kagantihan

Ang pagbibigay o pagtanggap ng gantimpala o kaparusahan ayon sa nararapat sa isang indibiduwal o sa isang grupo; yaong ibinigay o ipinataw bilang ganti, lalo na dahil sa kasamaan.

Ang naiibang mga anyo ng mga pandiwang salitang-ugat na Hebreo na sha·lamʹ at ga·malʹ, o ang mga salitang hinalaw sa mga ito, ay isinasalin bilang “gantimpalaan,” “gantihan,” “kagantihan,” “kaukulang pakikitungo,” “bayaran,” at iba pa. Ang Griegong a·po·diʹdo·mi, an·ti·mi·sthiʹa, mi·stha·po·do·siʹa, at ang kaugnay na mga salita ay isinasalin din sa katulad na paraan.

Sa mga Bansang Sumiil sa Israel. Sa awit na ibinigay ni Moises sa Israel sa Kapatagan ng Moab nang malapit na siyang mamatay, inilarawan niya si Jehova bilang isa na ‘nagsasagawa ng paghihiganti’ sa Kaniyang mga kalaban at ‘naglalapat ng kagantihan’ sa mga masidhing napopoot sa Kaniya. (Deu 32:35, 41; Heb 10:30) Kapag naglalapat ang Diyos ng paghihiganti at kagantihan, mayroon siyang ganap na pagpipigil sa sarili, anupat lubusang kasuwato iyon ng kaniyang katarungan at laging may sapat na dahilan. Halimbawa, pinarusahan niya ang Israel dahil sa pagsuway, anupat kung minsan ay mga bansang pagano gaya ng Asirya at Babilonya ang ginagamit niya bilang kaniyang mga kasangkapan. (Deu 28:15-68; 2Ha 17:7-23; 2Cr 21:14-20) Ngunit, sa ganang kanila naman, kumilos ang mga bansang pagano na ito dahil sa pagkapoot kay Jehova at sa kaniyang tunay na pagsamba, at nagmalabis sila dahil ipinagbunyi nila ang pagkatalo ng Israel at siniil nila ang Israel. Dahil dito, bumigkas ang Diyos ng mga hatol ng kagantihan laban sa kanila.​—Isa 10:12; 34:1, 2, 8; Jer 51:6, 56; Ob 8-16; Zac 1:15.

Ang Babilonya ay partikular na dumanas ng kagantihan dahil sa malaon nang pakikipag-alit nito kay Jehova at sa kaniyang bayan. Inihulang babagsak ito at lubusang matitiwangwang. Ibinagsak ito ni Ciro na Persiano noong 539 B.C.E. ngunit patuloy itong umiral bilang isang lunsod sa loob ng ilang siglo, anupat sa wakas ay lubusan itong natiwangwang at hindi na muling itatayo. (Jer kab 50, 51) Gayunding kagantihan ang daranasin ng makasagisag na Babilonyang Dakila, anupat ihahagis siya at ‘hindi na masusumpungan pang muli.’​—Apo 18:2, 6, 20, 21; tingnan ang BABILONYANG DAKILA.

Sa Ilalim ng Kautusan. Ang kautusan ng Diyos sa Israel na ibinigay sa pamamagitan ni Moises ay naglapat ng eksaktong kagantihan, bagaman pinagpakitaan ng awa ang nagkasala nang di-sinasadya kung siya’y nagsisisi. (Lev 5:4-6, 17-19; 6:1-7; Bil 35:22-29) Ngunit lubusang ikinapit ang batas ng kagantihan sa nananadya at di-nagsisising manlalabag. (Bil 15:30) Sa mga kaso kung saan tumayo bilang bulaang saksi ang isang tao, anupat nagsinungaling sa kaniyang patotoo laban sa kaniyang kapuwa sa harap ng mga hukom, tatanggap siya ng kagantihan, ang eksaktong kaparusahan na pasasapitin sana niya sa taong walang-sala. Sinabi ni Jehova: “At ang iyong mata ay hindi dapat maawa: kaluluwa ang magiging para sa kaluluwa, mata para sa mata, ngipin para sa ngipin, kamay para sa kamay, paa para sa paa.”​—Deu 19:16-21.

Sa Bansang Judio Noong Unang Siglo. Naging makasarili ang bansang Judio sa kanilang punto de vista hinggil sa pagtanggap ng di-sana-nararapat na kabaitan at mga pabor ng Diyos sa kanila. Pinahintulutan ni Jehova na sapitan sila ng kagantihan dahil sa makasariling landasin at saloobing ito. Sinikap nilang itatag ang kanilang sariling katuwiran sa halip na magpasakop sa katuwiran ng Diyos. (Ro 10:1-3) Dahil dito, natisod kay Jesu-Kristo ang kalakhang bahagi ng bansa at itinakwil nila siya, anupat nakibahagi sa pagkakasala sa dugo may kaugnayan sa kamatayan niya at nagpasapit ng pagkawasak sa kanilang lunsod at templo at ng pagkapuksa naman sa kanilang bansa. (Mat 27:25; Dan 9:26) Sumipi ang apostol na si Pablo mula sa Mga Awit (69:22) at ikinapit iyon sa kanila nang sumulat siya: “Gayundin, sinasabi ni David: ‘Ang kanilang mesa nawa ay maging isang silo at isang bitag at isang katitisuran at isang kagantihan para sa kanila.’⁠”​—Ro 11:9.

Sa Masuwaying mga Kristiyano. Tinukoy ng apostol na si Pablo ang ganting katarungan sa ilalim ng Kautusan upang idiin kung gaano kaselan ang pagsunod ng mga Kristiyano sa Anak ng Diyos: “Sapagkat kung ang salita na sinalita sa pamamagitan ng mga anghel ay naging matatag, at ang bawat pagsalansang at gawang pagsuway ay tumanggap ng kagantihan [sa literal, pagbabayad ng gantimpala] na kasuwato ng katarungan; paano tayo tatakas kung pinabayaan natin ang isang kaligtasan na gayon kadakila anupat pinasimulan itong salitain sa pamamagitan ng ating Panginoon at tiniyak sa atin niyaong mga nakarinig sa kaniya?” (Heb 2:2, 3, tlb sa Rbi8; ihambing ang Heb 10:28-31.) Ang hatol na pagkapuksa sa apostatang “taong tampalasan” ay isang halimbawa ng gayong kagantihan.​—2Te 2:3, 9, 10; tingnan ang TAONG TAMPALASAN.