Kagayakan
Isang bagay na isinusuot ng isang tao bilang pampaganda, palamuti, pandagdag ng kaningningan, at upang gawing kalugud-lugod o kaakit-akit ang kaniyang sarili, o yaong kinakatawanan niya. Ito ay maaaring para sa mabuti o kaya’y mapanlinlang na layunin. Ang salitang Hebreo para sa “kagayakan” ay hadha·rahʹ, maliwanag na mula sa salitang-ugat na ha·dharʹ na nangangahulugang “parangalan.” (1Cr 16:29; Pan 5:12) Sa 1 Pedro 3:3, ang “kagayakan” ay isinalin mula sa salitang Griego na koʹsmos, na sa ibang mga talata ay isinalin bilang “sanlibutan.” Ang kaugnay na pandiwang ko·smeʹo ay isinasalin bilang “magayakan.”—Tit 2:10.
Hindi hinahatulan ng Kasulatan ang pisikal na kagayakan kung ginagamit iyon nang wasto, ngunit higit nitong inirerekomenda ang espirituwal na kagayakan. Si Jehova mismo ay inilalarawang nadaramtan ng liwanag at napalilibutan ng kagandahan. (Aw 104:1, 2; Eze 1:1, 4-28; Apo 4:2, 3) Sagana niyang pinalamutian ng kulay, pagkakasari-sari, at karingalan ang kaniyang mga lalang.—Luc 12:27, 28; Aw 139:14; 1Co 15:41.
Noong panahon ng Bibliya, ginagayakan ng kasintahang lalaki at ng kasintahang babae ang kanilang sarili para sa piging ng kasalan. Bilang paghahanda, ginagayakan ng kasintahang babae ang kaniyang sarili ng pinakamainam na kasuutan at ng pinakamagaganda niyang palamuti bago siya humarap sa kasintahang lalaki. (Aw 45:13, 14; Isa 61:10) Nang magsalita si Jehova sa Jerusalem, makasagisag niya itong inilarawan bilang isang babae na ginayakan niya ng mainam at mamahaling kasuutan at mga alahas ngunit ginamit nito ang kaniyang kagandahan at kagayakan sa kawalang-katapatan bilang isang patutot. (Eze 16:10-19) Ang Israel ay hinatulan ng propeta ni Jehova na si Oseas dahil ginayakan nito ang kaniyang sarili para sa maling layunin na mang-akit ng mga maalab na mangingibig at magsagawa ng huwad na pagsamba. (Os 2:13) Sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, inihula ni Jehova na isasauli ang Israel kapag lumabas ito mula sa pagkatapon sa Babilonya at muli nitong gagayakan ang kaniyang sarili upang ipakita ang kaniyang kagalakan at pagbubunyi.—Isa 52:1; Jer 31:4.
Ang templo sa Jerusalem at ang mga gusaling pampamahalaan ni Solomon ay may magagandang palamuti, anupat lubhang nalugod dito ang reyna ng Sheba. (1Ha kab 6, 7, 10) Ang templo naman na muling itinayo ni Herodes ay isang maringal na gusaling napapalamutian ng maiinam na bato at mga bagay na inialay. Ngunit ipinakita ni Jesus na magiging walang kabuluhan ang materyal na mga kagayakang ito kapag sumapit sa Jerusalem ang kahatulan ng Diyos dahil sa kawalang-katapatan nito.—Luc 21:5, 6.
Ipinakikita ng Mga Kawikaan na kung maraming tao ang nais mamuhay sa ilalim ng pamamahala ng isang hari at nasisiyahan sila roon, ito’y isang palatandaan ng kaniyang tagumpay. Parang palamuti ito sa kaniya, anupat inirerekomenda siya nito at higit siyang nagiging maningning bilang isang tagapamahala. (Kaw 14:28) Gayong uri ng tagapamahala si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyanikong Kaharian.—Aw 22:27-31; Fil 2:10, 11.
Payo sa mga Kristiyano Hinggil sa Personal na Kagayakan. Madalas na nagpayo si Jesus at ang kaniyang mga apostol na huwag maglagak ng tiwala sa pisikal na mga bagay ni magkunwari man sa pamamagitan ng materyal na kagayakan. Sinabi ng apostol na si Pablo na dapat “gayakan ng mga [Kristiyanong] babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, hindi ng mga istilo ng pagtitirintas ng buhok at ginto o mga perlas o napakamamahaling kagayakan.” (1Ti 2:9) Noong mga araw ng mga apostol, kaugalian ng mga babae sa daigdig na iyon ng kulturang Griego na ipaayos nang magarbo ang kanilang mga buhok at gumamit ng iba pang palamuti. Dahil dito, angkop na angkop ang payo ni Pedro sa mga babae sa kongregasyong Kristiyano na huwag magbigay ng labis na pansin sa ‘panlabas na pagtitirintas ng buhok at sa pagsusuot ng mga gintong palamuti o sa pagbibihis ng mga panlabas na kasuutan,’ kundi sa halip, gaya ng tapat na mga babae noong sinauna, ang dapat nilang maging kagayakan ay ang “lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu.”—1Pe 3:3-5.
Itinawag-pansin ng apostol na si Pablo na sa pagpapakita ng isang Kristiyano ng maiinam na gawa ng kawalang-kalikuan sa kaniyang turo, pagkaseryoso, mabuting pananalita, at wastong paggawi sa lahat ng aspekto ng kaniyang buhay, maaari niyang gayakan ang mga turo ng Diyos, anupat ginagawang kaakit-akit ang mga ito sa iba. (Tit 2:10) Sa ganitong espirituwal na paraan, ang kongregasyong Kristiyano, ang kasintahang babae ni Kristo, ay haharap sa dakong huli, taglay ang lubos na kagandahan, sa kaniyang asawang lalaking si Jesu-Kristo. Inilalarawan din siya sa katulad na paraan sa Apocalipsis 21:2 bilang “nahahandang gaya ng isang kasintahang babae na nagagayakan para sa kaniyang asawang lalaki.” Ang kaniyang espirituwal na kagandahan ay kabaligtaran ng kagayakan ng Babilonyang Dakila, na sinasabing nagagayakan ng materyal na mga bagay, ang kabayaran para sa kaniyang pagpapatutot.—Apo 18:16; tingnan ang DAMIT; HIYAS AT MAHAHALAGANG BATO; KOSMETIK; PALAMUTI.