Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kagubatan

Kagubatan

Ang terminong Hebreo para sa isang makahoy na lupain ay yaʹʽar, isinasaling “kakahuyan” (Deu 19:5; 1Sa 14:25) at “kagubatan.” (Jos 17:15) May panahong ang lupain ng Palestina ay sagana sa kagubatan na may sari-saring uri ng punungkahoy. Ipinakikita ng mga pagtukoy ng Kasulatan sa mga kagubatan at mga kakahuyan at sa paggamit ng mga materyales na kahoy na mas marami roong punungkahoy noon kaysa sa kasalukuyan, sa kabila ng mga pagsisikap ukol sa reforestation nitong nakaraang mga taon. (2Cr 27:4; Huk 9:48, 49) Matitiyak din ito mula sa paglalarawan ng buhay-hayop sa gubat, anupat nagpapakitang ang mga kagubatan ay nakapaglalaan noon ng sapat na kanlungan at tirahan para sa mga oso (2Ha 2:23, 24), mga leon (1Sa 17:34; 1Cr 11:22), at iba pang uri ng buhay-hayop (Eze 34:25).

Ngunit ang pagkakalbo ng malalaking kagubatan ay nangyari dahil sa pananalanta ng digmaan, lansakang paggamit ng kahoy ngunit walang kasabay na pagsisikap upang maipanauli ang mga kagubatan, at walang-kontrol na pagpapanginain kung saan ang mga murang supang ng mga bagong punungkahoy ay kinakain ng mga kambing at ng iba pang mga hayop. Sa kaniyang aklat na The Geography of the Bible (1974, p. 77, 115, 116), binanggit ni Denis Baly ang maraming siglo ng kapabayaan, na naging dahilan ng paglalaho ng maraming kakahuyan at ng pagkawala ng hanggang 2 m (6.5 piye) ng matabang lupa, anupat naiwang mabato at kalbo ang kalakhan ng lupain.

Espesipikong binabanggit sa Bibliya ang ilang kagubatan. Ang mga kagubatan ng Lebanon, na ngayon ay binubuo na lamang ng ilang maliliit na taniman, ay namumukod-tangi noon dahil sa magandang pagtubo ng mga punungkahoy (1Ha 5:2-10, 13-18; 2Ha 19:23), anupat napakarami roong sedro, enebro, sipres, at iba pang mga punungkahoy. Ang “kagubatan ng Efraim” (marahil ay ang “kagubatan ng Mahanaim”), kung saan dumanas ng kasakunaan si Absalom, ay maaaring nasa S ng Ilog Jordan malapit sa Mahanaim, at lumilitaw na isang napakakapal na kagubatan. (2Sa 18:6, tlb sa Rbi8, 8, 17) Ang “kagubatan ng Heret” ay nasa Juda. (1Sa 22:5) Karagdagan pa, ang pook ng Gilead ay napabantog dahil sa mga kakahuyan at mga punong balsamo nito, samantalang ang Basan naman sa dakong H ay nakilala dahil sa “mga dambuhalang punungkahoy” nito, lumilitaw na kabilang dito ang ensina. (Isa 2:13; Zac 11:2) Noong mga araw ni David at ni Solomon, ang mga puno ng sikomoro ay saganang tumutubo sa mababang lupain ng Sepela. (1Ha 10:27; 1Cr 27:28; 2Cr 1:15; 9:27) Ang Libis ng Jordan ay may makapal na kakahuyan ng mga tamarisko at mga sause, kung saan nagkukubli ang mga leon.​—Jer 12:5; Zac 11:3.

Makasagisag na Paggamit. Kung paanong ginagamit ang mga punungkahoy upang sumagisag sa indibiduwal na mga tao at mga tagapamahala, ginagamit din ng Bibliya ang mga kagubatan upang sumagisag sa grupo ng mga tao o mga bansa at sa kanilang mga tagapamahala. Ang kabalakyutan ng apostatang Juda ay naging tulad ng isang apoy na susunog sa kaniyang bayan (Isa 9:18); susunugin ng galit ni Jehova ang timugang kaharian (ang Juda) ng liyab na di-mapapatay. (Eze 20:46-48) Ang katulad na mga hula ay ibinigay laban sa mga bansang pagano, mga kaaway ng bayan ng Diyos. Ang mga Asiryanong mandirigma ay puputulin at paninipising tulad ng mga punungkahoy ng isang kagubatan.​—Aw 83:14, 15; Jer 46:22, 23; Isa 10:19, 34.