Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kaharian

Kaharian

Pangunahin na, isang maharlikang pamahalaan; tumutukoy rin sa teritoryo at mga taong nasa ilalim ng pamamahala ng isang hari o, sa ilang kaso, sa ilalim ng isang babaing monarka o reyna. Kadalasan, ang pagkahari ay minamana. Ang soberanong tagapamahala ay maaaring may iba pang titulo gaya ng Paraon o Cesar.

Ang mga kaharian noong sinaunang mga panahon, gaya sa ngayon, ay may iba’t ibang sagisag ng maharlikang pamamahala. Karaniwan na, may isang kabiserang lunsod o lugar na tirahan ng hari, isang maharlikang korte, isang permanenteng hukbo (bagaman marahil ay pinaliliit ang bilang nito kapag panahon ng kapayapaan). Sa ganang sarili nito, ang salitang “kaharian,” ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ay hindi nagsisiwalat ng anumang bagay na tiyak hinggil sa kaayusan ng pamahalaan, lawak ng teritoryo, o awtoridad ng monarka. Iba-iba ang laki at impluwensiya ng mga kaharian mula sa malalakas na kapangyarihang pandaigdig gaya ng Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, at Roma, hanggang sa maliliit na kahariang-lunsod gaya niyaong mga nasa Canaan noong panahon ng pananakop ng Israel. (Jos 12:7-24) Maaari ring magkaiba-iba ang kaayusan ng pamahalaan ng bawat kaharian.

Ang unang kaharian sa kasaysayan ng tao, yaong kay Nimrod, ay waring isang kahariang-lunsod sa pasimula, anupat nang maglaon ay lumawak ito at nasakop ang iba pang mga lunsod, ngunit ang sentro nito ay nanatili sa Babel. (Gen 10:9-11) Lumilitaw na isa ring kahariang-lunsod ang Salem, kung saan namahala ang haring-saserdote na si Melquisedec sa unang kaharian na may pagsang-ayon ng Diyos. (Gen 14:18-20; ihambing ang Heb 7:1-17.) Ang mas malalaking kaharian ay sumaklaw ng isang buong rehiyon, gaya ng mga kaharian ng Edom, Moab, at Ammon. Sa pangkalahatan, waring ang malalaking imperyo, na namamahala sa pagkalawak-lawak na mga lugar at sumasakop sa iba pang mga kaharian, ay nagsimula bilang maliliit na mga estadong-lunsod o mga grupo ng tribo na nang maglaon ay nagsama-sama sa ilalim ng isang nangingibabaw na lider. Kung minsan ay pansamantala lamang ang gayong mga koalisyon, anupat kadalasa’y binubuo ang mga iyon upang makipagdigma sa isang kalaban. (Gen 14:1-5; Jos 9:1, 2; 10:5) Kadalasan, ang mga basalyong kaharian ay may malaking awtonomiya, o sariling pamamahala, bagaman sakop pa rin ng kalooban at mga pag-uutos ng namamahalang kaharian.​—2Ha 17:3, 4; 2Cr 36:4, 10.

Malawak na Paggamit. Sa Kasulatan, ang terminong “kaharian” ay maaaring tumukoy sa espesipikong mga aspekto ng maharlikang pamahalaan. Maaari itong tumukoy sa nasasakupan o lugar kung saan namamayani ang soberanya. Kaya naman kasama sa nasasakupan ng kaharian hindi lamang ang kabiserang lunsod kundi ang buong lupaing pinamamahalaan, anupat saklaw pati ang nakabababa o sakop na mga kaharian.​—1Ha 4:21; Es 3:6, 8.

Sa pangkalahatan, ang “kaharian” ay maaaring tumukoy sa isa o sa lahat ng pamahalaan ng tao, isang hari man o hindi ang namumuno rito.​—Ezr 1:2; Mat 4:8.

Maaari rin itong tumukoy sa pagkahari, ang maharlikang katungkulan o posisyon ng hari (Luc 17:21), kasama ang dangal, kapangyarihan, at awtoridad nito. (1Cr 11:10; 14:2; Luc 19:12, 15; Apo 11:15; 17:12, 13, 17) Ang mga anak ng hari ay maaaring tukuyin bilang “supling ng kaharian.”​—2Ha 11:1.

Ang Kaharian ng Israel. Sa tipang Kautusan na ibinigay sa bansang Israel sa pamamagitan ni Moises, may probisyon para sa pamamahala ng isang kaharian. (Deu 17:14, 15) Ang indibiduwal na namumuno sa kaharian ay binigyan ng kapangyarihan at maharlikang dangal, hindi para sa kaniyang personal na katanyagan, kundi upang makapaglingkod siya sa ikararangal ng Diyos at sa ikabubuti ng kaniyang mga kapatid na Israelita. (Deu 17:19, 20; ihambing ang 1Sa 15:17.) Gayunpaman, sa paglipas ng panahon, nang humingi ang mga Israelita ng isang taong hari, nagbabala ang propetang si Samuel hinggil sa mga kahilingang iaatang sa bayan ng gayong tagapamahala. (1Sa 8) Waring ang mga hari ng Israel ay mas madaling lapitan ng kanilang mga sakop kaysa sa mga monarka ng karamihan sa sinaunang mga kaharian sa Silangan.​—2Sa 19:8; 1Ha 20:39; 1Cr 15:25-29.

Bagaman nag-umpisa ang kaharian ng Israel sa isang haring nagmula sa linya ni Benjamin, pagkatapos nito ay nalipat sa Juda ang pagiging maharlikang tribo, bilang katuparan ng hula ni Jacob nang mamamatay na ito. (1Sa 10:20-25; Gen 49:10) Isang maharlikang dinastiya ang itinatag sa linya ni David. (2Sa 2:4; 5:3, 4; 7:12, 13) Nang ‘punitin’ ang kaharian mula sa anak ni Solomon na si Rehoboam, sampung tribo ang bumuo ng hilagang kaharian, samantalang itinira naman ng Diyos na Jehova ang isang tribo, ang Benjamin, upang manatiling kasama ng Juda, “upang si David na aking lingkod ay manatiling laging may lampara sa harap ko sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ko para sa aking sarili upang doon ilagay ang aking pangalan.” (1Ha 11:31, 35, 36; 12:18-24) Bagaman ang Judeanong kaharian ay bumagsak sa kamay ng mga Babilonyo noong 607 B.C.E., nang bandang huli, ang legal na karapatang mamahala ay naisalin sa lehitimong tagapagmana, ang “anak ni David,” si Jesu-Kristo. (Mat 1:1-16; Luc 1:31, 32; ihambing ang Eze 21:26, 27.) Hindi magwawakas ang kaniyang Kaharian.​—Isa 9:6, 7; Luc 1:33.

Isang maharlikang organisasyon ang nabuo noon sa Israel upang mangasiwa sa mga kapakanan ng kaharian. Kinabibilangan ito ng isang maliit na grupo ng mga tagapayo at mga ministro ng estado (1Ha 4:1-6; 1Cr 27:32-34), gayundin ng iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan na may kani-kaniyang tagapangasiwa upang mamahala sa mga lupain ng monarkiya, mangasiwa sa ekonomiya, at maglaan ng mga pangangailangan ng maharlikang korte.​—1Ha 4:7; 1Cr 27:25-31.

Bagaman maaaring magpalabas ng espesipikong mga utos ang mga hari ng Israel sa linya ni David, nasa Diyos ang aktuwal na kapangyarihang gumawa ng mga batas. (Deu 4:1, 2; Isa 33:22) Sa lahat ng bagay, nananagot ang hari sa tunay na Soberano at Panginoon, si Jehova. Kapag ang hari ay nasangkot sa paggawa ng masama at naging suwail, magbubunga iyon ng mga parusa mula sa Diyos. (1Sa 13:13, 14; 15:20-24) Kung minsan, nakikipagtalastasan si Jehova sa hari mismo (1Ha 3:5; 11:11); sa ibang mga pagkakataon naman, binibigyan Niya siya ng mga tagubilin at payo o saway sa pamamagitan ng inatasang mga propeta. (2Sa 7:4, 5; 12:1-14) Makakakuha rin ng matalinong payo ang hari mula sa lupon ng matatandang lalaki. (1Ha 12:6, 7) Gayunman, ang pagpapatupad ng mga tagubilin o saway ay nakaatang, hindi sa mga propeta o sa matatandang lalaki, kundi kay Jehova.

Kapag ang hari at ang taong-bayan ay tapat na nanghahawakan sa tipang Kautusan na ibinigay sa kanila ng Diyos, ang bansang Israel ay nagtatamasa ng isang antas ng kalayaan para sa mga indibiduwal, materyal na kasaganaan, at pambansang pagkakaisa na hindi matularan ng ibang mga kaharian. (1Ha 4:20, 25) Noong mga taóng masunurin pa si Solomon kay Jehova, bantog na bantog at iginagalang ang kaharian ng Israel, anupat marami itong sakop na mga kaharian at nakikinabang ito sa yaman ng maraming lupain.​—1Ha 4:21, 30, 34.

Ang pagkahari ng Diyos na Jehova, bagaman sa loob ng ilang panahon ay ipinahayag sa pamamagitan ng kaharian ng Israel, ay isang pansansinukob na soberanya. (1Cr 29:11, 12) Kilalanin man iyon ng mga bayan at mga kaharian ng sangkatauhan o hindi, ang kaniyang pagkahari ay ganap at di-mababago, at ang buong lupa ay bahagi ng kaniyang legal na nasasakupan. (Aw 103:19; 145:11-13; Isa 14:26, 27) Bilang Maylalang at Soberano, ipinatutupad ni Jehova ang kaniyang kalooban sa langit at sa lupa, ayon sa kaniyang sariling mga layunin, anupat hindi siya nananagot kaninuman (Jer 18:3-10; Dan 4:25, 34, 35), gayunma’y lagi siyang kumikilos kaayon ng kaniyang sariling matuwid na mga pamantayan.​—Mal 3:6; Heb 6:17, 18; San 1:17.