Kaharian ng Diyos
Ang kapahayagan at paggamit ng pansansinukob na soberanya ng Diyos sa kaniyang mga nilalang, o ang pamamaraan o instrumentong ginagamit niya para sa layuning ito. (Aw 103:19) Ang pariralang ito ay partikular na ginagamit para sa kapahayagan ng soberanya ng Diyos sa pamamagitan ng isang maharlikang pamahalaan na pinangungunahan ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus.
Ang salitang isinalin bilang “kaharian” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay ba·si·leiʹa, nangangahulugang “isang kaharian, nasasakupan, ang rehiyon o bansa na pinamamahalaan ng isang hari; makaharing kapangyarihan, awtoridad, pamumuno, paghahari; maharlikang dignidad, ang titulo at karangalan ng isang hari.” (The Analytical Greek Lexicon, 1908, p. 67) Madalas gamitin nina Marcos at Lucas ang pariralang “kaharian ng Diyos,” at sa ulat ni Mateo, ang katulad na pariralang “kaharian ng langit” ay lumilitaw nang mga 30 beses.—Ihambing ang Mar 10:23 at Luc 18:24 sa Mat 19:23, 24; tingnan ang KAHARIAN; LANGIT (Espirituwal na Langit).
Sa kayarian at pagkilos nito, ang pamahalaan ng Diyos ay isang ganap na teokrasya (mula sa Gr. na the·osʹ, diyos, at kraʹtos, isang pamamahala), isang pamamahala ng Diyos. Ipinapalagay na ang terminong “teokrasya” ay unang ginamit ng Judiong istoryador na si Josephus na nabuhay noong unang siglo C.E., anupat maliwanag na inimbento niya ito sa kaniyang akdang Against Apion (II, 164, 165 [17]). Tungkol sa pamahalaang itinatag sa Israel sa Sinai, sumulat si Josephus: “Ipinagkatiwala ng ilang bayan ang kataas-taasang pulitikal na kapangyarihan sa mga monarkiya, ang iba ay sa mga oligarkiya, ngunit ang iba naman ay sa masa. Gayunman, ang ating tagapagbigay-batas ay hindi naakit sa
anumang anyo ng mga pulitikal na organisasyong ito, kundi binigyan niya ang kaniyang konstitusyon ng anyo na—kung pahihintulutan ang di-natural na pananalita—maaaring tawaging isang ‘teokrasya [sa Gr., the·o·kra·tiʹan],’ anupat inilagay niya ang buong soberanya at awtoridad sa mga kamay ng Diyos.” Sabihin pa, upang maging ganap na teokrasya, ang pamahalaang ito ay hindi maaaring itatag ng isang taong mambabatas, gaya ng taong si Moises, kundi dapat itong itatag ng Diyos. Ipinakikita ng rekord ng Kasulatan na ganito nga ang nangyari.Ang Pinanggalingan ng Terminong Ito. Maliwanag na pumasok sa wika ng tao ang terminong “hari” (sa Heb., meʹlekh) pagkaraan ng pangglobong Baha. Ang unang kaharian sa lupa ay yaong kay Nimrod na isang “makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova.” (Gen 10:8-12) Pagkatapos nito, mula noong yugtong iyon hanggang noong panahon ni Abraham, nabuo ang mga estadong-lunsod at mga bansa at dumami ang mga taong hari. Maliban sa kaharian ni Melquisedec, haring-saserdote ng Salem (na nagsilbing isang makahulang larawan ng Mesiyas [Gen 14:17-20; Heb 7:1-17]), walang isa man sa mga kahariang ito sa lupa ang kumatawan sa pamamahala ng Diyos o itinatag niya. Ginawa ring hari ng mga tao ang huwad na mga diyos na kanilang sinasamba, anupat itinuring na ang mga ito ay may kakayahang magkaloob sa mga tao ng kapangyarihang mamahala. Sa gayon, ang pagkakapit ni Jehova sa kaniyang sarili ng titulong “Hari [Meʹlekh],” gaya ng matatagpuan sa mga akda ng Hebreong Kasulatan pagkaraan ng Baha, ay nangangahulugang gumamit ang Diyos ng titulo na kinatha at ginamit ng mga tao. Ipinakikita ng paggamit ng Diyos sa terminong ito na siya, at hindi ang pangahas na mga tagapamahalang tao o mga diyos na gawang-tao, ang dapat na asahan at sundin bilang “Hari.”—Jer 10:10-12.
Sabihin pa, matagal nang Soberanong Tagapamahala si Jehova, bago pa man nabuo ang mga kaharian ng tao, sa katunayan ay bago pa umiral ang mga tao. Bilang tunay na Diyos at bilang kanilang Maylalang, iginalang at sinunod siya ng kaniyang milyun-milyong anghelikong mga anak. (Job 38:4-7; 2Cr 18:18; Aw 103:20-22; Dan 7:10) Sa gayon, anuman ang kaniyang titulo, mula pa sa pasimula ng paglalang ay kinikilala na siya bilang ang Isa na ang kalooban ay marapat na maging kataas-taasan.
Pamamahala ng Diyos Noong Maagang Kasaysayan ng Tao. Alam din ng unang mga tao, nina Adan at Eva, na si Jehova ang Diyos, ang Maylalang ng langit at lupa. Kinilala nila ang kaniyang awtoridad at ang karapatan niyang magbigay ng mga utos, magsabi sa mga tao na gawin ang ilang tungkulin o iwasan ang ilang pagkilos, mag-atas ng lupain upang tahanan at sakahin, at magbigay ng awtoridad sa iba pang mga nilalang niya. (Gen 1:26-30; 2:15-17) Bagaman may kakayahan si Adan na kumatha ng mga salita (Gen 2:19, 20), walang katibayan na kinatha niya ang titulong “hari [meʹlekh]” upang itawag sa kaniyang Diyos at Maylalang, bagaman kinilala niya ang kataas-taasang awtoridad ni Jehova.
Gaya ng isinisiwalat ng unang mga kabanata ng Genesis, may-kabaitan at hindi labis na mahigpit ang paggamit ng Diyos ng kaniyang soberanya sa tao doon sa Eden. Ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao ay humiling ng pagsunod na gaya ng pagsunod ng isang anak sa kaniyang ama. (Ihambing ang Luc 3:38.) Walang mahahabang kodigo ng batas ang kailangang sundin ng tao (ihambing ang 1Ti 1:8-11); ang mga kahilingan ng Diyos ay simple at may layunin. Wala ring pahiwatig na nadama ni Adan na napipigilan siya dahil sa walang-tigil at mapamunang pagsubaybay sa bawat pagkilos niya. Sa halip, waring ang pakikipagtalastasan ng Diyos sa taong sakdal ay manaka-naka lamang, ayon sa pangangailangan.—Gen kab 1-3.
Nilayon ang isang bagong kapahayagan ng pamamahala ng Diyos. Ang lantarang paglabag ng unang mag-asawa sa utos ng Diyos, na sulsol ng isa sa mga espiritung anak ng Diyos, ay isang paghihimagsik laban sa awtoridad ng Diyos. (Gen 3:17-19; tingnan ang PUNUNGKAHOY [Makasagisag na Paggamit].) Ang posisyong kinuha ng espiritung Kalaban (sa Heb., sa·tanʹ) ng Diyos ay isang hamon na humihiling ng pagsubok, yamang ang usapin ay ang pagiging marapat ng pansansinukob na soberanya ni Jehova. (Tingnan ang JEHOVA [Ang pinakamahalagang usapin ay isang usaping moral].) Angkop na sa lupa lutasin ang usapin, yamang dito iyon ibinangon.—Apo 12:7-12.
Noong panahong patawan ng hatol ang unang mga rebelde, bumigkas ang Diyos na Jehova ng isang hulang inilahad sa makasagisag na pananalita, na nagsasaad ng kaniyang layunin na gumamit ng isang ahensiya, isang “binhi,” upang maisakatuparan ang lubusang pagdurog sa mga rebelde. (Gen 3:15) Sa gayon, ang pamamahala ni Jehova, ang kapahayagan ng kaniyang soberanya, ay magkakaroon ng bagong aspekto o kapahayagan bilang sagot sa naganap na paghihimagsik. Ipinakikita ng unti-unting pagsisiwalat sa “mga sagradong lihim ng kaharian” (Mat 13:11) na kasangkot sa bagong aspektong ito ang pagbuo ng isang katulong na pamahalaan, isang namamahalang lupon na pangungunahan ng isang kinatawang tagapamahala. Ang pangako tungkol sa “binhi” ay natupad sa kaharian ni Kristo Jesus kaisa ng kaniyang piniling mga kasama. (Apo 17:14; tingnan ang JESU-KRISTO [Ang Kaniyang Mahalagang Dako sa Layunin ng Diyos].) Mula noong panahong ibigay ang pangako sa Eden, ang unti-unting pagsulong ng layunin ng Diyos na magluwal ng “binhi” ng Kaharian ay naging isang pangunahing tema ng Bibliya at isang susi upang maunawaan ang mga pagkilos ni Jehova para sa kaniyang mga lingkod at para sa sangkatauhan sa pangkalahatan.
Ang pag-aatas ng Diyos ng malaking awtoridad at kapangyarihan sa kaniyang mga nilalang (Mat 28:18; Apo 2:26, 27; 3:21) sa ganitong paraan ay kapansin-pansin yamang ang katapatan ng lahat ng nilalang ng Diyos, samakatuwid nga, ang kanilang buong-pusong debosyon sa kaniya at ang pagiging matapat nila sa kaniyang pagkaulo, ay isang mahalagang bahagi ng usaping ibinangon ng Kalaban ng Diyos. (Tingnan ang KATAPATAN [Nasasangkot sa pinakamahalagang usapin].) Yamang pinagkakatiwalaan ng Diyos ang kaniyang mga nilalang ng gayong kamangha-manghang awtoridad at kapangyarihan, pinatutunayan nito ang moral na katatagan ng kaniyang pamamahala, anupat nakadaragdag ito sa pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova at inilalantad nito ang kabulaanan ng mga paratang ng kaniyang kalaban.
Nahayag ang pangangailangan ukol sa pamahalaan ng Diyos. Maliwanag na ipinakikita ng mga kalagayang umiral mula noong panahong magsimula ang paghihimagsik ng tao hanggang noong panahon ng Baha na kailangan ng sangkatauhan ang pagkaulo ng Diyos. Di-nagtagal, nakipagpunyagi ang lipunan ng tao sa kawalan ng pagkakaisa, pisikal na pananakit, at pagpaslang. (Gen 4:2-9, 23, 24) Hindi isiniwalat kung gaano kalaki ang naging awtoridad ng makasalanang si Adan, sa loob ng kaniyang 930 taon ng buhay, bilang patriyarka ng kaniyang dumaraming mga inapo. Ngunit pagsapit ng ikapitong salinlahi, maliwanag na umiral ang nakapangingilabot na pagka-di-makadiyos (Jud 14, 15), at noong panahon ni Noe (na ipinanganak mga 120 taon pagkamatay ni Adan), sumamâ nang husto ang mga kalagayan hanggang sa “ang lupa ay napuno ng karahasan.” (Gen 6:1-13) Nakaragdag pa sa kalagayang ito ang pagpasok ng mga espiritung nilalang sa lipunan ng tao, na salungat sa kalooban at layunin ng Diyos.—Gen 6:1-4; Jud 6; 2Pe 2:4, 5; tingnan ang NEFILIM.
Bagaman naging sentro ng paghihimagsik ang lupa, hindi binitiwan ni Jehova ang kaniyang pamumuno rito. Ang pangglobong Baha ay katibayan na nagpatuloy ang kapangyarihan at kakayahan ng Diyos na ipatupad ang kaniyang kalooban sa lupa, gaya rin sa iba pang bahagi ng sansinukob. Noong panahon bago ang Baha, ipinakita rin niya na nais niyang patnubayan ang mga pagkilos ng mga indibiduwal na humahanap sa kaniya, gaya nina Abel, Enoc, at Noe. Partikular na inilalarawan ng kaso ni Noe ang paggamit ng Diyos ng kaniyang pamamahala sa isang masunuring sakop sa lupa, anupat binigyan siya ng mga utos at mga tagubilin, at ipinagsanggalang at pinagpala ang kaniyang pamilya. Nagbigay rin ito ng katibayan na kontrolado ng Diyos ang iba pang mga nilalang sa lupa, ang mga hayop at mga ibon. (Gen 6:9–7:16) Nilinaw rin ni Jehova na hindi niya pahihintulutan ang lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos na pasamain ang lupa nang habang panahon, at na hindi niya pinipigilan ang kaniyang sarili sa paglalapat ng kaniyang matuwid na hatol laban sa masasama sa panahon at sa paraang minarapat niya. Karagdagan pa, ipinakita niya ang kaniyang kakayahan bilang Soberano na kontrolin ang iba’t ibang elemento sa lupa, pati na ang atmospera nito.—Gen 6:3, 5-7; 7:17–8:22.
Ang lipunan ng tao pagkaraan ng Baha at ang mga suliranin nito. Pagkatapos ng Baha, maliwanag na isang patriyarkal na kaayusan ang umiral sa gitna ng mga tao, anupat nakatulong ito sa pagkakaroon ng katatagan at kaayusan. Inutusan ang sangkatauhan na ‘punuin ang lupa,’ na hindi lamang nangangahulugan ng pagpaparami kundi pati ng unti-unting pagpapalawak ng paninirahan ng tao sa buong globo. (Gen 9:1, 7) Dahil sa mga salik na ito, malamang na nalimitahan ang mga suliraning panlipunan, anupat sa pangkalahatan ay napanatili ang mga ito sa loob lamang ng pamilya at naiwasan ang mga alitang madalas na lumilitaw kapag ang populasyon ay malaki at nagsisiksikan. Gayunman, ang di-awtorisadong proyekto sa Babel ay salungat sa nabanggit na utos, anupat tinipon nito ang mga tao upang huwag silang ‘mangalat sa ibabaw ng buong lupa.’ (Gen 11:1-4; tingnan ang WIKA.) Gayundin, lumihis si Nimrod mula sa pamamahalang patriyarkal at itinatag niya ang unang “kaharian” (sa Heb., mam·la·khahʹ). Bilang isang Cusita na mula sa linya ng pamilya ni Ham, sumalakay siya sa teritoryong Semita, ang lupain ng Asur (Asirya), at nagtayo siya roon ng mga lunsod bilang bahagi ng kaniyang nasasakupan.—Gen 10:8-12.
Nang guluhin ng Diyos ang wika ng mga tao, nangalat sila mula sa Kapatagan ng Sinar, at sa pangkalahatan, ang paraan ng pamamahala na pinasimulan ni Nimrod ang sinunod sa mga lupaing pinandayuhan ng iba’t ibang pamilya ng sangkatauhan. Noong mga araw ni Abraham (2018-1843 B.C.E.), mga kaharian ang nagpupuno mula sa Mesopotamia ng Asia hanggang sa Ehipto, kung saan ang hari ay tinatawag na “Paraon” sa halip na Meʹlekh. Ngunit hindi nagdulot ng katiwasayan ang mga paghaharing ito. Di-nagtagal, may mga haring nagsama-sama sa mga alyansang militar, Gen 14:1-12) Sa ilang lunsod, sinalakay ng mga homoseksuwal ang mga estranghero.—Gen 19:4-9.
anupat nagsagawa ng malawakang mga kampanya ng pananalakay, pandarambong, at pagdukot ng mga tao. (Dahil dito, bagaman tiyak na nagsama-sama ang mga tao sa mga komunidad para sa katiwasayan (ihambing ang Gen 4:14-17), di-nagtagal ay kinailangan nilang lagyan ng mga pader ang kanilang mga lunsod at patibayin ang mga ito laban sa armadong pagsalakay. Ang pinakamaaagang sekular na rekord na natuklasan, na marami sa mga ito ay mula sa rehiyon ng Mesopotamia kung saan unang nagpuno ang kaharian ni Nimrod, ay punô ng mga ulat hinggil sa labanan, kasakiman, intriga, at pagpatay. Ipinakikita ng pinakasinaunang di-Biblikal na mga rekord ng batas na natuklasan, gaya niyaong sa Lipit-Ishtar, Eshnunna, at Hammurabi, na naging napakasalimuot ng buhay ng tao, anupat ang mga alitan sa lipunan ay nagbunga ng pagnanakaw, pandaraya, mga problema sa negosyo, pagtatalu-talo hinggil sa mga ari-arian at pagbabayad ng renta, mga suliranin hinggil sa mga pautang at interes, pagtataksil sa asawa, mga singil at mga pagsala sa panggagamot, mga kaso ng pang-aatake at pambubugbog, at maraming iba pang bagay. Bagaman tinawag ni Hammurabi ang kaniyang sarili na “ang mahusay na hari” at “ang sakdal na hari,” ang kaniyang pamamahala at mga batas, gaya niyaong sa iba pang sinaunang mga pulitikal na kaharian, ay walang kakayahang lumutas sa mga suliranin ng makasalanang sangkatauhan. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 159-180; ihambing ang Kaw 28:5.) Sa lahat ng mga kahariang ito, naging prominente ang relihiyon, ngunit hindi ang pagsamba sa tunay na Diyos. Bagaman ang mga saserdote ay matalik na nakipagtulungan sa mga tagapamahala at nagtamasa ng pabor ng hari, hindi nila napasulong ang moralidad ng mga tao. Ang mga inskripsiyong cuneiform ng sinaunang relihiyosong mga akda ay salat sa espirituwal na pampatibay o moral na patnubay; ipinakikita ng mga ito na ang mga diyos na sinasamba nila noon ay mga palaaway, mararahas, mahahalay, at hindi ginagabayan ng matuwid na mga pamantayan o layunin. Kailangan ng mga tao ang kaharian ng Diyos na Jehova kung nais nilang mabuhay nang mapayapa at maligaya.
Pamamahala ng Diyos may Kaugnayan kay Abraham at sa Kaniyang mga Inapo. Totoo, ang mga indibiduwal na umasa sa Diyos na Jehova bilang kanilang Ulo ay nagkaroon din ng personal na mga suliranin at mga alitan. Gayunman, natulungan silang lutasin o pagtiisan ang mga iyon sa paraang kaayon ng matuwid na mga pamantayan ng Diyos at sa paraang hindi sila mapapasamâ. Binigyan sila ng Diyos ng proteksiyon at lakas. (Gen 13:5-11; 14:18-24; 19:15-24; 21:9-13, 22-33) Kaya naman matapos banggitin na ang “mga hudisyal na pasiya [ni Jehova] ay nasa buong lupa,” sinabi ng salmista tungkol kina Abraham, Isaac, at Jacob: “Kakaunti pa ang kanilang bilang, oo, kaunting-kaunti pa, at mga naninirahang dayuhan [sa Canaan]. At gumagala-gala sila sa bansa at bansa, mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan. Hindi niya [ni Jehova] pinahintulutang dayain sila ng sinumang tao, kundi dahil sa kanila ay sumaway siya ng mga hari, na sinasabi: ‘Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran, at ang aking mga propeta ay huwag ninyong gawan ng masama.’” (Aw 105:7-15; ihambing ang Gen 12:10-20; 20:1-18; 31:22-24, 36-55.) Ito rin ay patotoo na umiiral pa ang soberanya ng Diyos sa buong lupa, anupat ipinatutupad niya ito kaayon ng pagsulong ng kaniyang layunin.
Ang tapat na mga patriyarka ay hindi sumapi sa alinman sa mga estadong-lunsod o mga kaharian ng Canaan o ng iba pang mga lupain. Sa halip na maghangad ng katiwasayan sa isang lunsod na nasa ilalim ng pulitikal na pamamahala ng isang taong hari, namuhay sila sa mga tolda bilang mga dayuhan, “mga taga-ibang bayan at mga pansamantalang naninirahan sa lupain,” anupat sa pananampalataya ay ‘hinihintay ang lunsod na may tunay na mga pundasyon, na ang tagapagtayo at maygawa ng lunsod na ito ay ang Diyos.’ Tinanggap nila ang Diyos bilang kanilang Tagapamahala, hinintay ang kaniyang darating na makalangit na kaayusan, o ahensiya, para sa pamamahala ng lupa, na matibay na nakatatag sa kaniyang awtoridad at kalooban bilang Soberano, bagaman ang katuparan ng pag-asang ito ay “sa malayo” pa. (Heb 11:8-10, 13-16) Kaya naman nang maglaon ay nasabi ni Jesus, na noo’y pinahiran na ng Diyos upang maging hari: “Si Abraham . . . ay nagsaya nang labis sa pag-asang makita ang aking araw, at nakita niya iyon at nagsaya.”—Ju 8:56.
Ipinagpatuloy ni Jehova ang pagsasakatuparan sa pangakong ito may kinalaman sa “binhi” (Gen 3:15) ng Kaharian sa pamamagitan ng pakikipagtipan kay Abraham. (Gen 12:1-3; 22:15-18) Kaugnay nito, inihula niya na “mga hari ang lalabas” mula kay Abraham (Abram) at sa asawa nito. (Gen 17:1-6, 15, 16) Bagaman ang mga inapo ng apo ni Abraham na si Esau ay bumuo ng mga pamunuan ng shik at mga kaharian, sa isa pang apo ni Abraham, kay Jacob, inulit ang makahulang pangako ng Diyos tungkol sa mga inapo na magiging hari.—Gen 35:11, 12; 36:9, 15-43.
Kung paano nabuo ang bansang Israel. Pagkaraan ng ilang siglo, sa takdang panahon (Gen 15:13-16), kumilos ang Diyos na Jehova alang-alang sa mga inapo ni Jacob, na noon ay milyun-milyon na (tingnan ang PAG-ALIS [Ang Bilang ng mga Kasama sa Pag-alis]), anupat ipinagsanggalang sila noong panahong tangkaing lipulin ng pamahalaang Ehipsiyo ang kanilang lahi (Exo 1:15-22) at sa wakas ay pinalaya sila mula sa malupit na pagkaalipin sa rehimen ng Ehipto. (Exo 2:23-25) Ang utos ng Diyos kay Paraon, na inihatid sa pamamagitan ng mga kinatawang sina Moises at Aaron, ay hinamak ng Ehipsiyong tagapamahalang iyon at itinuring na nanggaling sa isa na walang awtoridad sa mga Ehipsiyo. Dahil sa paulit-ulit na pagtanggi ni Paraon na kilalanin ang soberanya ni Jehova, itinanghal ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan sa pamamagitan ng mga salot. (Exo 7 hanggang 12) Sa gayon ay pinatunayan ng Diyos na nakahihigit ang kaniyang kontrol sa mga elemento at mga nilalang sa lupa kaysa sa kaninumang hari sa daigdig. (Exo 9:13-16) Sumapit sa kasukdulan ang pagpapamalas niya ng kaniyang kapangyarihan bilang Soberano nang puksain niya ang mga hukbo ni Paraon sa paraang hinding-hindi matutularan ng sinuman sa mapaghambog na mga mandirigmang hari ng mga bansa. (Exo 14:26-31) Kaya naman umawit si Moises at ang mga Israelita: “Si Jehova ay mamamahala bilang hari hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.”—Exo 15:1-19.
Pagkatapos nito, nagbigay si Jehova ng karagdagang patotoo ng kaniyang kontrol sa lupa, sa mahahalagang bukal ng tubig nito, at sa mga ibon dito, at ipinakita niya ang kaniyang kakayahan na bantayan at tustusan ang kaniyang bansa maging sa tigang at di-kaayaayang kapaligiran. (Exo 15:22–17:15) Matapos gawin ang lahat ng ito, kinausap niya ang pinalayang bayan, anupat sinabi sa kanila na kung magiging masunurin sila sa kaniyang awtoridad at tipan, maaari silang maging kaniyang pantanging pag-aari mula sa lahat ng iba pang bayan, “sapagkat ang buong lupa ay akin.” Maaari silang maging ‘isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa.’ (Exo 19:3-6) Nang ipahayag nila na sila’y magiging masunuring mga sakop ng kaniyang soberanya, kumilos si Jehova bilang Makaharing Mambabatas sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga batas na nasa isang malaking kalipunan ng mga kautusan, kasabay ng dinamiko at kasindak-sindak na pagpapamalas ng kaniyang kapangyarihan at kaluwalhatian. (Exo 19:7–24:18) Isang tabernakulo o tolda ng kapisanan, at partikular na ang kaban ng tipan, ang magpapahiwatig ng presensiya ng di-nakikita at makalangit na Ulo ng Estado. (Exo 25:8, 21, 22; 33:7-11; ihambing ang Apo 21:3.) Bagaman si Moises at ang iba pang mga lalaking inatasan ang humahatol sa karamihan ng mga kaso, kaayon ng kautusan ng Diyos, kung minsan ay personal na namamagitan si Jehova upang magpahayag ng mga hatol at magparusa sa mga manlalabag-batas. (Exo 18:13-16, 24-26; 32:25-35) Kumilos naman ang ordenadong mga saserdote upang mapanatili ang mabuting ugnayan sa pagitan ng bansa at ng makalangit na Tagapamahala nito, anupat tinutulungan ang taong-bayan sa kanilang pagsisikap na sumunod sa matataas na pamantayan ng tipang Kautusan. (Tingnan ang SASERDOTE.) Kaya naman ang pamahalaan ng Israel ay isang tunay na teokrasya.—Deu 33:2, 5.
Bilang Diyos at Maylalang na may lehitimong karapatan sa buong lupa, at bilang “Hukom ng buong lupa” rin (Gen 18:25), iniatas ni Jehova ang lupain ng Canaan sa binhi ni Abraham. (Gen 12:5-7; 15:17-21) Bilang Punong Tagapagpaganap, inutusan niya ang mga Israelita na puwersahang kunin ang teritoryong hawak ng hinatulang mga Canaanita, at ilapat din sa mga iyon ang hatol na kamatayan.—Deu 9:1-5; tingnan ang CANAAN, CANAANITA Blg. 2 (Pananakop ng Israel sa Canaan).
Ang kapanahunan ng mga Hukom. Sa loob ng tatlo at kalahating siglo matapos sakupin ng Israel ang maraming kaharian ng Canaan, ang Diyos na Jehova lamang ang hari ng bansang iyon. Sa iba’t ibang kapanahunan, mga Hukom, na pinili ng Diyos, ang nanguna sa bansang Israel o sa ilang bahagi nito sa pakikipagbaka at sa panahon ng kapayapaan. Nang matalo ni Hukom Gideon ang Midian, hiniling ng marami na siya ang maging tagapamahala ng bansa, ngunit tumanggi siya, yamang kinikilala niya na si Jehova ang tunay na tagapamahala. (Huk 8:22, 23) Ang kaniyang ambisyosong anak na si Abimelec ay panandaliang naghari sa isang maliit na bahagi ng bansa, ngunit humantong iyon sa sarili nitong kapahamakan.—Huk 9:1, 6, 22, 53-56.
Ganito ang ulat tungkol sa kapanahunang iyon ng mga Hukom: “Noong mga araw na iyon ay walang hari sa Israel. Kung tungkol sa bawat isa, kung ano ang tama sa kaniyang sariling paningin ay siyang kinagawian niyang gawin.” (Huk 17:6; 21:25) Hindi nito ipinahihiwatig na walang anumang hudisyal na kontrol noon. Bawat lunsod ay may mga hukom, na matatandang lalaki, upang mag-asikaso sa mga tanong at mga suliranin hinggil sa batas at maglapat ng katarungan. (Deu 16:18-20; tingnan ang HUKUMAN.) Ang Levitikong pagkasaserdote ay nagsilbing isang nakatataas na puwersang pumapatnubay at nagtuturo sa bayan tungkol sa kautusan ng Diyos, yamang taglay ng mataas na saserdote ang Urim at Tumim na ginagamit sa pagsangguni sa Diyos hinggil sa mahihirap na suliranin. (Tingnan ang MATAAS NA SASERDOTE; SASERDOTE; URIM AT TUMIM.) Kaya naman kung sinasamantala ng isa ang mga paglalaang ito, anupat nagtatamo siya ng kaalaman sa kautusan ng Diyos at ikinakapit niya ito, mayroon siyang mahusay na giya para sa kaniyang budhi. Sa ganitong kalagayan, ang paggawa niya ng “kung ano ang tama sa kaniyang sariling paningin” ay hindi magbubunga ng masama. Hinayaan ni Jehova ang taong-bayan na magpakita ng masunurin o masuwaying saloobin at landasin. Noon, walang taong monarka sa bansa ang nangangasiwa sa gawain ng mga hukom ng lunsod o nag-uutos sa mga mamamayan na makibahagi sa partikular na mga proyekto o nagtitipon sa kanila upang ipagtanggol ang bansa. (Ihambing ang Huk 5:1-18.) Samakatuwid, ang masasamang kalagayan na bumangon ay dahil ayaw magbigay-pansin ng karamihan sa salita at kautusan ng kanilang makalangit na Hari at ayaw nilang samantalahin ang kaniyang mga paglalaan.—Huk 2:11-23.
Paghiling ng Isang Taong Hari. Halos 400 taon mula noong panahon ng Pag-alis at mahigit 800 taon mula noong makipagtipan ang Diyos kay Abraham, humiling ang mga Israelita ng isang taong hari na mangunguna sa kanila, kung paanong may mga taong monarka ang ibang mga bansa. Ang kanilang kahilingan ay isang pagtatakwil sa paghahari ni Jehova sa kanila. (1Sa 8:4-8) Totoo, wasto namang asahan ng bayan na magtatatag ang Diyos ng isang kaharian kasuwato ng kaniyang pangako kay Abraham at kay Jacob, gaya ng nabanggit na. Mayroon pa silang higit na saligan para sa gayong pag-asa batay sa hula ni Jacob may kinalaman kay Juda bago namatay si Jacob (Gen 49:8-10), sa mga salita ni Jehova sa Israel pagkatapos ng Pag-alis (Exo 19:3-6), sa mga kundisyon ng tipang Kautusan (Deu 17:14, 15), at maging sa bahagi ng mensahe na pinangyari ng Diyos na salitain ng propetang si Balaam (Bil 24:2-7, 17). Sinambit ng tapat na ina ni Samuel na si Hana ang pag-asang ito sa kaniyang panalangin. (1Sa 2:7-10) Gayunpaman, hindi pa lubusang isinisiwalat ni Jehova noon ang kaniyang “sagradong lihim” may kinalaman sa Kaharian at hindi pa niya sinasabi kung kailan ang kaniyang takdang panahon para sa pagtatatag nito ni kung ano ang magiging kaayusan at kabuuan ng pamahalaang iyon—kung iyon ba ay makalupa o makalangit. Samakatuwid, naging pangahas ang bayan nang humingi sila ng isang taong hari.
Maliwanag na ang bantang pagsalakay ng mga Filisteo at mga Ammonita ay nakaragdag sa pagnanais ng mga Israelita na magkaroon ng isang nakikitang haring punong kumandante. Sa gayon ay nagpakita sila ng kawalan ng pananampalataya sa kakayahan ng Diyos na magsanggalang, pumatnubay, at maglaan para sa kanila, bilang isang bansa o bilang mga indibiduwal. (1Sa 8:4-8) Bagaman mali ang motibo ng bayan, ipinagkaloob ng Diyos na Jehova ang kanilang kahilingan hindi lamang alang-alang sa kapakanan nila, kundi upang matupad ang kaniya mismong mabuting layunin sa pasulong na pagsisiwalat ng “sagradong lihim” hinggil sa kaniyang panghinaharap na Kaharian sa pamamagitan ng “binhi.” Gayunman, ang paghahari ng tao ay magdudulot ng mga suliranin at gastusin sa Israel, at ipinabatid ni Jehova sa bayan ang mga bagay na ito.—1Sa 8:9-22.
Mula noon, ang mga haring inatasan ni Jehova ay dapat maglingkod bilang makalupang mga kinatawan ng Diyos, ngunit hindi ito nakababawas kahit kaunti sa soberanya ni Jehova mismo sa bansa. Sa katunayan, ang trono ay kay Jehova, at naupo sila roon bilang mga kinatawang hari. (1Cr 29:23) Iniutos ni Jehova ang pagpapahid sa unang hari, si Saul (1Sa 9:15-17), kasabay nito ay inilantad niya ang kawalan ng pananampalataya na ipinakita ng bansa.—1Sa 10:17-25.
Upang makapagdulot ng mga pakinabang ang pagkahari, dapat na igalang kapuwa ng hari at ng bansa ang awtoridad ng Diyos. Kung aasa sila sa iba ukol sa patnubay at proteksiyon, sila at ang kanilang hari ay malilipol. (Deu 28:36; 1Sa 12:13-15, 20-25) Dapat iwasan ng hari ang pagtitiwala sa militar na lakas, ang pagpaparami ng asawa para sa kaniyang sarili, at ang mapanaigan siya ng pagnanasa sa kayamanan. Dapat niyang gampanan ang kaniyang pagkahari kasuwato lamang ng balangkas ng tipang Kautusan. Inuutusan siya ng Diyos na sumulat ng sarili niyang kopya ng Kautusang iyon at basahin iyon araw-araw, upang maingatan niya ang wastong pagkatakot sa Soberanong Awtoridad, manatili siyang mapagpakumbaba, at makapanghawakan siya sa isang matuwid na landasin. (Deu 17:16-20) Hangga’t ginagawa niya ito, anupat iniibig ang Diyos nang buong puso at ang kaniyang kapuwa gaya ng kaniyang sarili, ang pamamahala niya ay magdudulot ng mga pagpapala, at walang babangong makatuwirang dahilan upang magreklamo dahil sa paniniil o kahirapan. Ngunit, gaya sa taong-bayan, gayundin ang ginawa ni Jehova sa kanilang mga hari, anupat pinahintulutan niyang ipakita ng mga ito kung ano ang nilalaman ng kanilang puso, kung handa silang kilalanin ang mismong awtoridad at kalooban ng Diyos o hindi.
Ang Ulirang Pamamahala ni David. Dahil winalang-galang ng Benjamitang si Saul ang nakatataas na awtoridad at mga kaayusan ng “Kamahalan ng Israel,” inani niya ang di-pagsang-ayon ng Diyos at inalis ang trono sa linya ng kaniyang pamilya. (1Sa 13:10-14; 15:17-29; 1Cr 10:13, 14) Nang mamahala ang kahalili ni Saul, si David na mula sa Juda, nagkaroon ng higit na katuparan ang hulang binigkas ni Jacob bago ito mamatay. (Gen 49:8-10) Bagaman nakagawa si David ng mga pagkakamali dahil sa kahinaan niya bilang tao, naging uliran ang kaniyang pamamahala dahil sa taos-pusong debosyon niya sa Diyos na Jehova at sa mapagpakumbabang pagpapasakop niya sa awtoridad ng Diyos. (Aw 51:1-4; 1Sa 24:10-14; ihambing ang 1Ha 11:4; 15:11, 14.) Noong panahong tinatanggap ang mga abuloy para sa pagtatayo ng templo, nanalangin si David sa Diyos sa harap ng nagkakatipong bayan, na sinasabi: “Sa iyo, O Jehova, ang kadakilaan at ang kalakasan at ang kagandahan at ang kagalingan at ang dangal; sapagkat ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay sa iyo. Sa iyo ang kaharian, O Jehova, ang Isa rin na nagtataas ng iyong sarili bilang ulo ng lahat. Ang kayamanan at ang kaluwalhatian ay dahil sa iyo, at ikaw ay nagpupuno sa lahat ng bagay; at sa iyong kamay ay may kapangyarihan at kalakasan, at nasa iyong kamay ang kakayahang magpadakila at magbigay ng lakas sa lahat. At ngayon, O aming Diyos, nagpapasalamat kami sa iyo at pinupuri namin ang iyong magandang pangalan.” (1Cr 29:10-13) Ipinakikita rin ng huling payo niya sa kaniyang anak na si Solomon ang mahusay na pangmalas ni David hinggil sa kaugnayan ng makalupang paghahari at ng Diyos na Pinagmulan nito.—1Ha 2:1-4.
Noong panahong ang kaban ng tipan, na iniuugnay sa presensiya ni Jehova, ay dalhin sa kabisera, ang Jerusalem, umawit si David: “Magsaya ang langit, at magalak ang lupa, at sabihin nila sa gitna ng mga bansa, ‘Si Jehova ay naging hari!’” (1Cr 16:1, 7, 23-31) Ipinakikita nito na bagaman ang pamamahala ni Jehova ay mula pa noong pasimula ng paglalang, maaari siyang gumawa ng espesipikong mga kapahayagan ng kaniyang pamamahala o magtatag ng partikular na mga ahensiya upang kumatawan sa kaniya anupat masasabing siya ay “naging hari” sa isang partikular na panahon o pangyayari.
Ang tipan ukol sa isang kaharian. Nakipagtipan si Jehova kay David ukol sa isang kaharian na itatatag nang walang hanggan sa linya ng pamilya nito, na sinasabi: “Ibabangon ko nga ang iyong binhi na kasunod mo, . . . at itatatag ko nga nang matibay ang kaniyang kaharian. . . . At ang iyong sambahayan at ang iyong kaharian ay tiyak na magiging matatag hanggang sa panahong walang takda sa harap mo; ang iyo mismong trono ay magiging isa na itinatag nang matibay hanggang sa panahong walang takda.” (2Sa 7:12-16; 1Cr 17:11-14) Ang pakikipagtipang ito na nagkabisa sa Davidikong dinastiya ay higit pang katibayan ng katuparan ng pangakong ibinigay ng Diyos sa Eden hinggil sa kaniyang Kaharian sa pamamagitan ng inihulang “binhi” (Gen 3:15) at naglaan ito ng karagdagang pagkakakilanlan ng ‘binhing’ iyon kapag dumating na ito. (Ihambing ang Isa 9:6, 7; 1Pe 1:11.) Ang mga haring inatasan ng Diyos ay pinahiran para sa kanilang katungkulan, kaya naman kumakapit sa kanila ang terminong “mesiyas,” nangangahulugang “pinahiran.” (1Sa 16:1; Aw 132:13, 17) Kung gayon, maliwanag na ang makalupang kaharian na itinatag ni Jehova sa Israel ay nagsilbing isang tipo o maliit na paglalarawan ng dumarating na Kaharian sa pamamagitan ng Mesiyas, si Jesu-Kristo, na “anak ni David.”—Mat 1:1.
Paghina at Pagbagsak ng mga Kaharian ng Israel. Dahil sa hindi panghahawakan sa matuwid na mga daan ni Jehova, ang mga kalagayan sa pagtatapos ng tatlong paghahari at noong pasimula ng ikaapat ay naging sanhi ng matinding di-pagkakontento ng taong-bayan na humantong sa paghihimagsik at sa pagkakahati ng bansa (997 B.C.E.). Nagkaroon ng hilagang kaharian at timugang kaharian. Gayunpaman, ang tipan ni Jehova kay David ay nanatiling may bisa sa mga hari ng timugang kaharian ng Juda. Sa paglipas ng mga siglo, bibihira sa mga hari ng Juda ang naging tapat, at sa hilagang kaharian ng Israel ay wala ni isa. Ang kasaysayan ng hilagang kaharian ay batbat ng idolatriya, intriga, at pagpaslang, anupat kadalasa’y mabilis na nahahalinhan ang mga hari. Nagdusa ang bayan dahil sa kawalang-katarungan at paniniil. Mga 250 taon mula noong umiral ito, pinahintulutan ni Jehova ang hari ng Asirya na wasakin ang hilagang kaharian (740 B.C.E.) dahil sa landasin nito ng paghihimagsik laban sa Diyos.—Os 4:1, 2; Am 2:6-8.
Bagaman naging mas matatag ang kaharian ng Juda dahil sa Davidikong dinastiya, nang maglaon ay nahigitan nito ang katiwalian sa moral ng hilagang kaharian, sa kabila ng mga pagsisikap ng may-takot sa Diyos na mga hari, gaya nina Hezekias at Josias, na pigilan ang pagbulusok nito tungo sa idolatriya at pagtatakwil sa salita at awtoridad ni Jehova. (Isa 1:1-4; Eze 23:1-4, 11) Ang kawalang-katarungan sa lipunan, paniniil, kasakiman, pandaraya, panunuhol, seksuwal na imoralidad, krimen, at pagbububo ng dugo, pati ang pagpapaimbabaw ng relihiyon na naging dahilan upang ang templo ng Diyos ay maging isang “yungib ng mga magnanakaw”—lahat ng ito ay tinuligsa ng mga propeta ni Jehova sa mga babalang mensahe na inihatid nila sa mga tagapamahala at sa taong-bayan. (Isa 1:15-17, 21-23; 3:14, 15; Jer 5:1, 2, 7, 8, 26-28, 31; 6:6, 7; 7:8-11) Sa kabila ng suporta ng apostatang mga saserdote at ng pulitikal na pakikipag-alyansa sa ibang mga bansa, hindi maiiwasan ang dumarating na pagbagsak ng di-tapat na kahariang iyon. (Jer 6:13-15; 37:7-10) Noong 607 B.C.E., winasak ng mga Babilonyo ang kabiserang lunsod, ang Jerusalem, at itiniwangwang ang Juda.—2Ha 25:1-26.
Deu 10:12-21; 30:6, 15-20; Isa 1:18-20; Eze 18:25-32) Siya ay nagturo, sumaway, dumisiplina, nagbabala, at nagparusa. Ngunit hindi niya ginamit ang kaniyang kapangyarihan upang pilitin ang hari o ang bayan na sumunod sa isang matuwid na landasin. Ang masasamang kalagayang bumangon, ang pagdurusang dinanas nila, ang kasakunaang sumapit sa kanila, ay pawang kagagawan nila, dahil pinatigas nila ang kanilang mga puso at pilit na tumahak sa landasin ng pagsasarili, isang landasing hangal at nakapipinsala sa kanila.—Pan 1:8, 9; Ne 9:26-31, 34-37; Isa 1:2-7; Jer 8:5-9; Os 7:10, 11.
Hindi nasira ang posisyon ni Jehova bilang Hari. Ang pagkawasak ng mga kaharian ng Israel at ng Juda ay hindi nakasira sa kalidad ng mismong pamamahala ng Diyos na Jehova. Sa anumang paraan ay hindi ito nagpapahiwatig na siya ay mahina. Sa buong kasaysayan ng bansang Israel, malinaw na ipinakita ni Jehova na interesado siya sa kusang-loob na paglilingkod at pagsunod. (Ipinakita ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan bilang Soberano sa pamamagitan ng pagpigil sa agresibo at ganid na mga kapangyarihan ng Asirya at Babilonya hanggang noong dumating ang kaniyang takdang panahon, anupat minaniobra pa nga niya sila upang tuparin nila ang kaniyang mga hula. (Eze 21:18-23; Isa 10:5-7) Nang tuluyang alisin ni Jehova ang kaniyang proteksiyon sa bansa, iyon ay kapahayagan ng kaniyang matuwid na paghatol bilang Soberanong Tagapamahala. (Jer 35:17) Ang pagkatiwangwang ng Israel at Juda ay hindi ikinagulat ng masunuring mga lingkod ng Diyos dahil patiuna silang nabigyang-babala ng kaniyang mga hula. Bilang resulta ng pagbababa sa palalong mga tagapamahala, naitanyag ang “marilag na kadakilaan” ni Jehova. (Isa 2:1, 10-17) Ngunit higit sa lahat ng ito, ipinamalas niya ang kaniyang kakayahang ipagsanggalang at ingatan ang mga indibiduwal na umaasa sa kaniya bilang kanilang Hari, kahit noong napalilibutan sila ng taggutom, sakit, at lansakang pagpatay, at maging noong pinag-uusig sila ng mga napopoot sa katuwiran.—Jer 34:17-21; 20:10, 11; 35:18, 19; 36:26; 37:18-21; 38:7-13; 39:11–40:5.
Ang huling hari ng Israel ay binabalaan na malapit nang alisin ang kaniyang korona, na lumalarawan sa pinahirang pagkahari bilang maharlikang kinatawan ni Jehova. Maglalaho ang pinahirang Davidikong pagkaharing iyon “hanggang sa dumating siya na may legal na karapatan, at ibibigay ko [ni Jehova] iyon sa kaniya.” (Eze 21:25-27) Sa gayon, ang makalarawang kaharian, na naging mga guho noon, ay hindi na gumana, at muling itinuon ang pansin sa hinaharap, sa pagdating ng “binhi,” ang Mesiyas.
Winasak ng pulitikal na mga bansa, gaya ng Asirya at Babilonya, ang apostatang mga kaharian ng Israel at ng Juda. Bagaman inilalarawan ng Diyos ang kaniyang sarili bilang ‘nagbabangon’ o ‘nagdadala’ sa kanila laban sa mga hinatulang kahariang iyon (Deu 28:49; Jer 5:15; 25:8, 9; Eze 7:24; Am 6:14), maliwanag na ito ay sa diwang katulad ng ‘pagpapatigas’ ng Diyos sa puso ni Paraon. (Tingnan ang PATIUNANG KAALAMAN, PATIUNANG PAGTATALAGA [May kinalaman sa mga indibiduwal].) Samakatuwid nga, ‘dinala’ ng Diyos ang sumasalakay na mga hukbong ito sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanila na isagawa ang pagnanasang nasa puso na nila (Isa 10:7; Pan 2:16; Mik 4:11), anupat inaalis ang kaniyang nagsasanggalang na ‘kamay’ mula sa mga tudlaan ng kanilang ambisyosong kasakiman. (Deu 31:17, 18; ihambing ang Ezr 8:31 sa Ezr 5:12; Ne 9:28-31; Jer 34:2.) Sa gayon, ang mga apostatang Israelita, na nagmatigas at tumangging magpasakop sa kautusan at kalooban ni Jehova, ay binigyan ng ‘paglaya ukol sa tabak, salot, at taggutom.’ (Jer 34:17) Ngunit hindi ito naging dahilan upang sang-ayunan ng Diyos ang sumasalakay na mga bansang pagano, ni nagkaroon man sila ng ‘malilinis na kamay’ sa harapan niya dahil sa kanilang malupit na pagwasak sa hilaga at timugang mga kaharian, sa kabiserang lunsod ng Jerusalem, at sa sagradong templo nito. Dahil dito, marapat lamang na tuligsain sila ni Jehova, ang Hukom ng buong lupa, dahil sa kanilang ‘pandarahas sa kaniyang mana’ at hatulang dumanas ng pagkatiwangwang na gaya ng idinulot nila sa kaniyang katipang bayan.—Isa 10:12-14; 13:1, 17-22; 14:4-6, 12-14, 26, 27; 47:5-11; Jer 50:11, 14, 17-19, 23-29.
Mga Pangitain Hinggil sa Kaharian ng Diyos Noong mga Araw ni Daniel. Sa kabuuan nito, lubusang idiniriin ng hula ni Daniel ang tema hinggil sa Pansansinukob na Soberanya ng Diyos, anupat higit nitong nililinaw ang layunin ni Jehova. Habang naninirahan si Daniel bilang tapon sa kabisera ng kapangyarihang pandaigdig na nagpabagsak sa Juda, ginamit siya ng Diyos upang isiwalat ang kahulugan ng isang pangitain na nakita ng monarkang Babilonyo, isang pangitain na humula sa pagkakasunud-sunod ng mga kapangyarihang pandaigdig at sa pagkawasak ng mga ito sa dakong huli sa pamamagitan ng walang-hanggang Kaharian na si Jehova mismo ang magtatatag. Tiyak na labis na nagtaka ang maharlikang korte ni Nabucodonosor, na siya mismong lumupig sa Jerusalem, nang mapakilos siya na magpatirapa bilang pagbibigay-galang kay Daniel na tapon at kilalanin ang Diyos ni Daniel bilang isang “Panginoon ng mga hari.” (Dan 2:36-47) Muli, sa pamamagitan ng pangitaing napanaginipan ni Nabucodonosor tungkol sa ‘ibinuwal na punungkahoy,’ mariing ipinaalam ni Jehova na “ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao at na sa isa na ibig niya ay ibinibigay niya iyon at inilalagay niya sa ibabaw niyaon maging ang pinakamababa sa mga tao.” (Dan 4; tingnan ang pagtalakay sa pangitaing ito sa ilalim ng TAKDANG PANAHON NG MGA BANSA, MGA.) Nang magkaroon ng katuparan sa kaniya ang panaginip, ang tagapamahala ng imperyo na si Nabucodonosor ay minsan pang napilitang kilalanin ang Diyos ni Daniel bilang “Hari ng langit,” ang Isa na ‘gumagawa ng ayon sa kaniyang sariling kalooban sa gitna ng hukbo ng langit at ng mga tumatahan sa lupa. At walang sinumang umiiral ang makapipigil sa kaniyang kamay o makapagsasabi sa kaniya, “Ano ang ginagawa mo?”’—Dan 4:34-37.
Sa pagtatapos ng pandaigdig na pangingibabaw ng Babilonya, nakakita si Daniel ng makahulang mga pangitain tungkol sa sunud-sunod na mga imperyo, na tulad-hayop ang mga katangian; nakita rin niya ang maringal at makalangit na Hukuman ni Jehova habang kasalukuyan itong may sesyon, anupat hinatulan nito ang mga kapangyarihang pandaigdig bilang di-karapat-dapat mamahala; at nakita niya ang ‘isang gaya ng anak ng tao na binigyan ng pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya’ sa kaniyang “pamamahalang namamalagi nang walang takda na hindi lilipas.” Nasaksihan din niya ang pakikipagdigma ng huling kapangyarihang pandaigdig laban sa “mga banal,” na magiging dahilan upang lipulin ito, at ang pagbibigay ng ‘kaharian at pamamahala at karingalan ng mga kaharian sa silong ng buong langit sa bayan na siyang mga banal ng Kadaki-dakilaan,’ ang Diyos na Jehova. (Dan 7, 8) Dahil dito, naging maliwanag na ang ipinangakong “binhi” ay tumutukoy sa isang lupong pampamahalaan na may isang ulong hari, ang “anak ng tao,” at mga kasamang tagapamahala, ang “mga banal ng Kadaki-dakilaan.”
Pamamahala ng Diyos may Kaugnayan sa Babilonya at Medo-Persia. Ang di-mababaling utos ng Diyos laban sa makapangyarihang Babilonya ay isinagawa nang biglaan at sa paraang di-inaasahan; ang kaniyang mga araw ay binilang at winakasan. (Dan 5:17-30) Noon namang panahon ng pamamahala ng Medo-Persia, nagbigay si Jehova ng higit pang pagsisiwalat may kinalaman sa Mesiyanikong Kaharian, anupat inihula ang panahon ng paglitaw ng Mesiyas at ang ‘pagkitil’ dito, gayundin ang ikalawang pagkawasak ng lunsod ng Jerusalem at ng dakong banal nito. (Dan 9:1, 24-27; tingnan ang PITUMPUNG SANLINGGO.) At gaya ng ginawa niya noong panahon ng pamamahala ng Babilonya, muling ipinakita ng Diyos na Jehova ang kakayahan niyang ipagsanggalang ang mga kumikilala sa kaniyang soberanya sa harap ng pagkagalit ng mga opisyal at ng banta ng kamatayan, anupat itinanghal ang kaniyang kapangyarihang kontrolin ang makalupang mga elemento at ang mababangis na hayop. (Dan 3:13-29; 6:12-27) Sa takdang panahon, pinangyari niyang mabuksan ang mga pintuang-daan ng Babilonya, anupat ang kaniyang katipang bayan ay malaya nang bumalik sa kanilang sariling lupain at muling itayo roon ang bahay ni Jehova. (2Cr 36:20-23) Dahil sa ginawa niyang pagpapalaya sa kaniyang bayan, maaaring ipatalastas noon sa Sion, “Ang iyong Diyos ay naging hari!” (Isa 52:7-11) Nang maglaon, nabigo ang mga sabuwatan laban sa kaniyang bayan at napagtagumpayan ang paninira ng nakabababang mga opisyal at ang nakapipinsalang mga batas ng pamahalaan, yamang pinakilos ni Jehova ang iba’t ibang haring Persiano upang tumulong na maisakatuparan ang kaniyang kalooban bilang Soberano.—Ezr 4-7; Ne 2, 4, 6; Es 3-9.
Sa gayon, sa loob ng libu-libong taon, ang di-nagbabago at di-mahahadlangang layunin ng Diyos na Jehova ay patuloy na natupad. Anuman ang takbo ng mga pangyayari sa lupa, ipinakita niyang kontrolado niya ang situwasyon sa lahat ng pagkakataon, anupat laging nadaraig ang sumasalansang na tao at diyablo. Hindi niya hinayaan na may anumang makahadlang sa sakdal na pagsasakatuparan ng kaniyang layunin at kalooban. Bagaman ang bansang Israel at ang kasaysayan nito ay naglaan ng makahulang mga larawan at mga paghahalimbawa ng magiging pakikitungo ng Diyos sa mga tao sa hinaharap, inilarawan din ng mga ito na kung wala ang buong-pusong pagkilala at pagpapasakop sa pagkaulo ng Diyos, hindi magkakaroon ng namamalaging pagkakaisa, kapayapaan, at kaligayahan. Tinamasa ng mga Israelita ang mga kapakinabangan ng pagkakaroon ng iisang pinagmulang angkan, wika, at bansa. Magkakapareho rin ang mga kalabang kinaharap nila. Ngunit hangga’t tapat silang sumasamba at naglilingkod sa Diyos na Jehova, mayroon silang pagkakaisa, katatagan, katarungan, at tunay na kasiyahan sa buhay. Nang humina ang buklod ng kaugnayan nila sa Diyos na Jehova, mabilis na sumamâ ang kalagayan ng bansa.
Ang Kaharian ng Diyos ay “Malapit Na.” Yamang ang Mesiyas ay magiging isang inapo nina Abraham, Isaac, at Jacob, isang miyembro ng tribo ni Juda, at isang “anak ni David,” kailangan siyang ipanganak bilang tao; gaya ng sinabi sa hula ni Daniel, kailangan siyang maging “anak ng tao.” Nang “dumating ang hustong hangganan ng panahon,” isinugo ng Diyos na Jehova ang kaniyang Anak, na isinilang ng isang babae at tumupad sa lahat ng kahilingan ng batas upang manahin niya “ang trono ni David na kaniyang ama.” (Gal 4:4; Luc 1:26-33; tingnan ang TALAANGKANAN NI JESU-KRISTO.) Anim na buwan bago siya ipanganak, isinilang si Juan, na naging Tagapagbautismo at magiging tagapagpauna ni Jesus. (Luc 1:13-17, 36) Ipinakikita ng pananalita ng mga magulang ng mga anak na ito na pinananabikan nila ang mga gagawin ng Diyos bilang tagapamahala. (Luc 1:41-55, 68-79) Noong kapanganakan ni Jesus, ang mga salita ng mga anghel na isinugo upang magpatalastas sa kahulugan ng pangyayaring iyon ay tumutukoy rin sa maluwalhating mga gawa ng Diyos. (Luc 2:9-14) Gayundin, ang mga salita nina Simeon at Ana sa templo ay nagpahayag ng pag-asa sa mga gawa ng pagliligtas at pagpapalaya. (Luc 2:25-38) Isinisiwalat kapuwa ng rekord ng Bibliya at ng sekular na katibayan na inaasahan noon ng karamihan sa mga Judio na malapit nang dumating ang Mesiyas. Gayunman, ang marami ay mas interesado sa paglaya mula sa mabigat na pamatok ng pamumuno ng Roma.—Tingnan ang MESIYAS.
Inatasan si Juan na ‘ipanumbalik ang mga puso’ ng mga tao kay Jehova, sa kaniyang mga tipan, sa “pribilehiyo ng walang-takot na pag-uukol ng sagradong paglilingkod sa kaniya taglay ang pagkamatapat at katuwiran,” sa gayon ay inihahanda para kay Jehova ang “isang nakahandang bayan.” (Luc 1:16, 17, 72-75) Tahasan niyang sinabi sa mga tao na napapaharap sila sa isang panahon ng paghatol ng Diyos, na “ang kaharian ng langit ay malapit na,” anupat dapat na nilang pagsisihan at talikuran ang kanilang landasin ng pagsuway sa kalooban at kautusan ng Diyos. Muling idiniin nito ang pamantayan ni Jehova na magkaroon lamang ng masunuring mga sakop, mga taong kapuwa kumikilala at nagpapahalaga sa pagiging matuwid ng kaniyang mga daan at mga kautusan.—Mat 3:1, 2, 7-12.
Dumating ang Mesiyas nang iharap ni Jesus ang kaniyang sarili kay Juan upang magpabautismo at pagkatapos ay pinahiran siya ng banal na espiritu ng Diyos. (Mat 3:13-17) Dahil dito, siya ay naging Hinirang na Hari, ang Isa na kinilala ng Hukuman ni Jehova bilang may legal na karapatan sa trono ni David, isang karapatan na hindi ginamit noong nagdaang anim na siglo. (Tingnan ang JESU-KRISTO [Ang Kaniyang Bautismo].) Ngunit bilang karagdagan, dinala ni Jehova ang sinang-ayunang Anak na ito sa isang tipan ukol sa isang makalangit na Kaharian, kung saan si Jesus ay magiging kapuwa Hari at Saserdote, gaya ni Melquisedec ng sinaunang Salem. (Aw 110:1-4; Luc 22:29; Heb 5:4-6; 7:1-3; 8:1; tingnan ang TIPAN.) Bilang ang ipinangakong ‘binhi ni Abraham,’ ang makalangit na Haring-Saserdoteng ito ang magiging Punong Ahente ng Diyos upang pagpalain ang mga tao ng lahat ng mga bansa.—Gen 22:15-18; Gal 3:14; Gaw 3:15.
Sa pasimula pa lamang ng buhay sa lupa ng kaniyang Anak, ipinakita na ni Jehova ang kaniyang makaharing kapangyarihan para sa kapakanan ni Jesus. Inilihis ng Diyos sa ibang daan ang mga astrologong taga-Silangan na magsasabi sana sa mapaniil na si Haring Herodes kung nasaan ang bata, at tinagubilinan niya ang mga magulang ni Jesus na itakas ito sa Ehipto bago maisagawa ng mga tauhan ni Herodes ang lansakang pagpatay sa mga sanggol sa Betlehem. (Mat 2:1-16) Yamang patiunang binanggit sa orihinal na hula sa Eden na magkakaroon ng alitan sa pagitan ng ipinangakong “binhi” at ng ‘binhi ng serpiyente,’ tiyak na ang pagtatangkang ito sa buhay ni Jesus ay nangangahulugang sinisikap ng Kalaban ng Diyos, si Satanas na Diyablo, na biguin ang layunin ni Jehova, bagaman walang-saysay ang anumang pagsisikap niya.—Gen 3:15.
Pagkaraan ng mga 40 araw sa Ilang ng Judea, ang bautisadong si Jesus ay nilapitan ng pangunahing kalabang ito ng soberanya ni Jehova. Iniharap kay Jesus ng espiritung Kalaban ang ilang tusong mungkahi na aakay sa kaniya na labagin ang ipinahayag na kalooban at salita ni Jehova. Inialok pa nga ni Satanas sa pinahirang si Jesus ang pamumuno sa lahat ng kaharian sa lupa anupat hindi na kailangan ni Jesus na magpakahirap at magdusa—kapalit ng isang gawang pagsamba sa kaniya. Nang tumanggi si Jesus, palibhasa’y kinilala niyang si Jehova ang tanging tunay na Soberano na marapat pagmulan ng awtoridad at pag-ukulan ng pagsamba, nagsimulang bumuo ang Kalaban ng Diyos ng ibang mga estratehiya ng pakikipagdigma laban sa Kinatawan ni Jehova, anupat gumamit siya ng mga taong ahente sa iba’t ibang paraan, gaya ng ginawa niya noon sa kaso ni Job.—Job 1:8-18; Mat 4:1-11; Luc 4:1-13; ihambing ang Apo 13:1, 2.
Sa anong diwa “nasa gitna” ng mga pinangangaralan ni Jesus ang Kaharian ng Diyos?
Palibhasa’y nagtitiwala si Jesus sa kapangyarihan ni Jehova na ipagsanggalang siya at pagkalooban ng tagumpay, sinimulan niya ang kaniyang pangmadlang ministeryo, anupat ipinatalastas niya sa katipang bayan ni Jehova na “ang takdang panahon ay natupad na,” kaya naman ang Kaharian ng Diyos ay malapit na. (Mar 1:14, 15) Upang matiyak kung sa anong diwa “malapit na” ang Kaharian, makabubuting pansinin ang sinabi niya sa ilang Pariseo, samakatuwid nga, na “ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.” (Luc 17:21) Bilang komento sa tekstong ito, ang The Interpreter’s Dictionary of the Bible ay nagsabi: “Bagaman malimit banggitin bilang halimbawa ng ‘mistisismo’ o ‘panloob na kalikasan’ ni Jesus, ang interpretasyong ito ay pangunahing nakasalig sa matandang salin, ‘within you,’ [KJ, Dy] na inuunawa batay sa di-angkop na makabagong diwa ng ‘you’ bilang pang-isahan; ang ‘you’ ([hy·monʹ]) ay pangmaramihan (mga Pariseo ang kausap ni Jesus—tal. 20) . . . Ang teoriya na ang kaharian ng Diyos ay isang panloob na kalagayan ng isip, o ng personal na kaligtasan, ay salungat sa konteksto ng talatang ito, at gayundin sa buong presentasyon ng BT [Bagong Tipan] hinggil sa ideyang iyon.” (Inedit ni G. A. Buttrick, 1962, Tomo 2, p. 883) Yamang ang “kaharian [ba·si·leiʹa]” ay maaaring tumukoy sa “maharlikang dangal,” maliwanag na ang ibig sabihin ni Jesus ay na siya, ang maharlikang kinatawan ng Diyos, ang isa na pinahiran ng Diyos para sa pagkahari, ay nasa gitna nila. Hindi lamang siya naroon taglay ang gayong katungkulan kundi may awtoridad din siya na magsagawa ng mga gawang nagpapamalas ng makaharing kapangyarihan ng Diyos at maghanda ng mga kandidato para sa mga posisyon sa kaniyang dumarating na pamamahala sa Kaharian. Sa gayon ay masasabing “malapit na” ang Kaharian; panahon iyon ng kamangha-manghang oportunidad.
Pamahalaang may kapangyarihan at awtoridad. Naunawaan ng mga alagad ni Jesus na ang Kaharian ay isang tunay na pamahalaan ng Diyos, bagaman hindi pa nila naiintindihan ang lawak ng sakop nito. Sinabi ni Natanael kay Jesus: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” (Ju 1:49) Alam nila ang mga bagay na inihula ni Daniel tungkol sa “mga banal.” (Dan 7:18, 27) Tuwirang ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na apostol na uupo sila sa “mga trono.” (Mat 19:28) Naghangad sina Santiago at Juan ng mga natatanging posisyon sa Mesiyanikong pamahalaan, at inamin ni Jesus na talagang magkakaroon ng gayong mga posisyon, ngunit sinabi niya na ang pag-aatas ng mga ito ay nakasalalay sa kaniyang Ama, ang Soberanong Tagapamahala. (Mat 20:20-23; Mar 10:35-40) Kaya bagaman nagkamali ang kaniyang mga alagad sa pag-aakalang limitado sa lupa ang makaharing pamamahala ng Mesiyas at partikular nang para sa Israel sa laman, anupat sinabi pa nga nila iyon noong araw na umakyat sa langit ang binuhay-muling si Jesus (Gaw 1:6), wasto naman ang pagkaunawa nila na tumutukoy ito sa isang kaayusan ng pamamahala.—Ihambing ang Mat 21:5; Mar 11:7-10.
Ang makaharing kapangyarihan ni Jehova sa kaniyang mga nilalang sa lupa ay ipinakita ng kaniyang maharlikang Kinatawan sa maraming paraan. Sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos, ang kaniyang aktibong puwersa, nakontrol ng kaniyang Anak ang hangin at dagat, mga pananim, mga isda, at maging ang organikong mga elemento sa pagkain, anupat naparami niya ang pagkain. Dahil sa makapangyarihang mga gawang ito, ang kaniyang mga alagad ay nagkaroon ng matinding paggalang sa awtoridad na taglay niya. (Mat 14:23-33; Mar 4:36-41; 11:12-14, 20-23; Luc 5:4-11; Ju 6:5-15) Mas kahanga-hanga pa rito ang paggamit niya ng kapangyarihan ng Diyos sa mga katawan ng mga tao, anupat nagpagaling siya ng iba’t ibang karamdaman gaya ng pagkabulag at ketong, at bumuhay siyang muli ng mga patay. (Mat 9:35; 20:30-34; Luc 5:12, 13; 7:11-17; Ju 11:39-47) Ang gumaling na mga ketongin ay pinayaon niya upang magpakita sa mga saserdoteng awtorisado ng Diyos, bagaman ang karamihan sa mga ito ay di-sumasampalataya, bilang “patotoo sa kanila.” (Luc 5:14; 17:14) Bilang panghuli, ipinakita niya ang kapangyarihan ng Diyos laban sa mga espiritung nakahihigit sa tao. Kinilala ng mga demonyo ang awtoridad na ipinagkaloob kay Jesus at, sa halip na subukin ang kapangyarihang taglay niya, sinunod nila ang kaniyang utos na palayain ang mga taong inaalihan nila. (Mat 8:28-32; 9:32, 33; ihambing ang San 2:19.) Yamang ang kamangha-manghang pagpapalayas na ito ng mga demonyo ay ginawa sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos, nangangahulugan ito na talagang “naabutan na” ng Kaharian ng Diyos ang kaniyang mga tagapakinig.—Mat 12:25-29; ihambing ang Luc 9:42, 43.
Ang lahat ng ito ay matibay na patotoo na si Jesus ay may makaharing awtoridad at na ang awtoridad na ito ay hindi nanggaling sa kaninumang tao o pamahalaan sa lupa. (Ihambing ang Ju 18:36; Isa 9:6, 7.) Ang mga mensaherong isinugo ng nakabilanggong si Juan na Tagapagbautismo, na mga nakasaksi sa makapangyarihang mga gawang ito, ay tinagubilinan ni Jesus na bumalik kay Juan at sabihin sa kaniya ang kanilang nakita at narinig bilang patotoo na si Jesus nga “ang Isa na Darating.” (Mat 11:2-6; Luc 7:18-23; ihambing ang Ju 5:36.) Noon ay nakikita at naririnig ng mga alagad ni Jesus ang katibayan ng awtoridad ng Kaharian na pinanabikang makita ng mga propeta. (Mat 13:16, 17) Karagdagan pa, nakapagbigay si Jesus ng awtoridad sa kaniyang mga alagad upang makagamit sila ng gayunding kapangyarihan bilang inatasang mga kinatawan niya, sa gayon ay dinagdagan ng puwersa at kahulugan ang kanilang kapahayagan, “Ang kaharian ng langit ay malapit na.”—Mat 10:1, 7, 8; Luc 4:36; 10:8-12, 17.
Pagpasok sa Kaharian. Idiniin ni Jesus ang pantanging yugto ng oportunidad na dumating noon. Tungkol sa kaniyang tagapagpauna na si Juan na Tagapagbautismo, sinabi ni Jesus: “Sa gitna niyaong mga ipinanganak ng mga babae ay walang sinumang ibinangon na mas dakila kaysa kay Juan Bautista; ngunit ang isa na nakabababa sa kaharian Mat 11:10-13) Sa gayon, ang mga araw ng ministeryo ni Juan, na malapit nang magwakas kapag pinatay na siya, ay nagsilbing palatandaan ng pagtatapos ng isang yugto, at pasimula naman ng isa pa. Tungkol sa pandiwang Griego na bi·aʹzo·mai na ginamit sa tekstong ito, ang Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words ay nagsabi, “Ang pandiwang ito ay nagpapahiwatig ng mapuwersang pagsisikap.” (1981, Tomo 3, p. 208) May kinalaman sa Mateo 11:12, sinabi ng Alemang iskolar na si Heinrich Meyer: “Sa ganitong paraan ay inilalarawan ang sabik at di-mapigilang pagsisikap at pagpupunyagi na makamit ang dumarating na Mesiyanikong kaharian . . . Gayon na lamang ang pananabik at kasiglahan (hindi na kalmado ni umaasa lamang) ng interes may kinalaman sa kaharian. Alinsunod dito, ang [bi·a·staiʹ] ay mga mananampalataya [hindi mga kaaway na sumasalakay] na masikap na nagpupunyagi upang matamo ito.”—Critical and Exegetical Hand-Book to the Gospel of Matthew ni Meyer, 1884, p. 225.
ng langit ay mas dakila kaysa sa kaniya. Ngunit mula noong mga araw ni Juan Bautista hanggang ngayon ang kaharian ng langit ang tunguhin na pinagpupunyagian [bi·aʹze·tai] ng mga tao, at sinusunggaban ito niyaong mga patuloy na nagpupunyagi [bi·a·staiʹ]. [Ihambing ang AT; gayundin ang Zürcher Bibel (Aleman).] Sapagkat ang lahat, ang mga Propeta at ang Kautusan, ay humula hanggang kay Juan.” (Samakatuwid, hindi madaling maging miyembro ng Kaharian ng Diyos, anupat hindi ito gaya ng paglapit sa isang bukás na lunsod na mapapasok nang halos walang kahirap-hirap. Sa halip, naglagay ang Soberano, ang Diyos na Jehova, ng mga harang upang huwag makapasok ang sinumang hindi karapat-dapat. (Ihambing ang Ju 6:44; 1Co 6:9-11; Gal 5:19-21; Efe 5:5.) Yaong mga papasok ay kailangang tumahak sa isang makipot na daan, hanapin ang makipot na pintuang-daan, patuloy na humingi, patuloy na maghanap, patuloy na kumatok, at ang daan ay bubuksan. Masusumpungan nilang “makipot” ang daan dahil pinipigilan nito ang mga tumatahak doon sa paggawa ng mga bagay na makapipinsala sa kanilang sarili o sa iba. (Mat 7:7, 8, 13, 14; ihambing ang 2Pe 1:10, 11.) Sa makasagisag na paraan, baka kailangang mawalan sila ng isang mata o isang kamay upang makapasok. (Mar 9:43-47) Ang Kaharian ay hindi magiging isang plutokrasya kung saan maaaring bilhin ng isa ang pabor ng Hari; magiging mahirap sa isang taong mayaman (sa Gr., plouʹsi·os) ang makapasok dito. (Luc 18:24, 25) Hindi ito magiging isang makasanlibutang aristokrasya; hindi magiging mahalaga ang prominenteng posisyon sa gitna ng mga tao. (Mat 23:1, 2, 6-12, 33; Luc 16:14-16) Yaong mga nagtitinging “una,” na may kahanga-hangang relihiyosong pinagmulan at rekord, ay magiging “huli,” at ang ‘mga huli ay magiging una’ sa pagtanggap ng natatanging mga pribilehiyo sa Kahariang iyon. (Mat 19:30–20:16) Makikita ng prominente ngunit mapagpaimbabaw na mga Pariseo, na nagtitiwala sa kanilang nakalalamang na posisyon, na ang nagbagong mga patutot at mga maniningil ng buwis ay pumapasok sa Kaharian nang una sa kanila. (Mat 21:31, 32; 23:13) Bagaman tinatawag nila si Jesus na “Panginoon, Panginoon,” ang lahat ng taong mapagpaimbabaw at nagwawalang-halaga sa salita at kalooban ng Diyos gaya ng isiniwalat sa pamamagitan ni Jesus ay itataboy sa pamamagitan ng mga salitang: “Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”—Mat 7:15-23.
Ang mga makapapasok sa Kaharian ay yaong mga naglalagay ng materyal na mga interes sa pangalawahing dako at humahanap muna sa Kaharian at sa katuwiran ng Diyos. (Mat 6:31-34) Gaya ni Kristo Jesus, na pinahirang Hari ng Diyos, iibigin nila ang katuwiran at kapopootan ang kabalakyutan. (Heb 1:8, 9) Ang mga taong palaisip sa espirituwal, maawain, dalisay ang puso, at mapagpayapa, bagaman magiging mga tudlaan sila ng pandurusta at pag-uusig ng mga tao, ang siyang potensiyal na mga miyembro ng Kaharian. (Mat 5:3-10; Luc 6:23) Ang “pamatok” na ipinag-anyaya ni Jesus na pasanin nila ay nangangahulugan ng pagpapasakop sa kaniyang makaharing awtoridad. Ngunit isa itong may-kabaitang pamatok, isang magaan na pasan para sa mga “mahinahong-loob at mababa ang puso” gaya rin ng Hari. (Mat 11:28-30; ihambing ang 1Ha 12:12-14; Jer 27:1-7.) Dapat sana’y nakaantig ito sa puso ng kaniyang mga tagapakinig, anupat binibigyan sila ng katiyakan na ang pamamahala niya ay hindi kakikitaan ng di-kanais-nais na mga katangian ng maraming mas naunang tagapamahala, kapuwa Israelita at di-Israelita. Nagbigay ito sa kanila ng dahilan upang maniwala na sa ilalim ng kaniyang pamamahala, hindi sila papatawan ng mabibigat na buwis, pagtatrabahuhin nang puwersahan, o aabusuhin. (Ihambing ang 1Sa 8:10-18; Deu 17:15-17, 20; Efe 5:5.) Gaya ng ipinakikita ng mga salita ni Jesus nang bandang huli, hindi lamang patutunayan ng Ulo ng dumarating na pamahalaan ng Kaharian ang kaniyang pagiging di-makasarili anupat handa siyang ibigay ang kaniyang buhay alang-alang sa kaniyang mga sakop kundi ang lahat din ng mga kasama niya sa pamahalaang iyon ay mga taong maghahangad na maglingkod sa halip na paglingkuran.—Mat 20:25-28; tingnan ang JESU-KRISTO (Ang Kaniyang mga Gawa at Personal na mga Katangian).
Mahalaga ang buong-pusong pagpapasakop. Si Jesus mismo ay may napakatinding paggalang sa Ju 5:30; 6:38; Mat 26:39) Hangga’t may bisa ang tipang Kautusan, dapat itong tuparin at itaguyod ng kaniyang mga tagasunod na Judio; ang sinumang tatahak sa kasalungat na landasin ay itatakwil may kinalaman sa kaniyang Kaharian. Gayunman, dapat na mula sa puso ang paggalang at pagsunod na ito, hindi lamang isang pormal at di-timbang na pagtupad sa Kautusan anupat nagdiriin sa espesipikong mga gawa, kundi ang pagtupad sa pangunahing mga simulain nito gaya ng katarungan, awa, at katapatan. (Mat 5:17-20; 23:23, 24) Matapos kilalanin ng isang eskriba ang natatanging posisyon ni Jehova at na “ang pag-ibig na ito sa kaniya nang buong puso at nang buong unawa at nang buong lakas at ang pag-ibig na ito sa kapuwa gaya ng sa sarili ay lalong higit na mahalaga kaysa sa lahat ng buong handog na sinusunog at mga hain,” sinabi sa kaniya ni Jesus, “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” (Mar 12:28-34) Sa gayon, sa lahat ng aspekto, nilinaw ni Jesus na ang hinahanap ng Diyos na Jehova ay masunuring mga sakop lamang, yaong mga pumipili sa kaniyang matuwid na mga daan at talagang nagnanais na mabuhay sa ilalim ng kaniyang awtoridad bilang Soberano.
kalooban at awtoridad ng kaniyang Ama bilang Soberano. (Pakikipagtipan. Noong huling gabing kasama ni Jesus ang kaniyang mga alagad, binanggit niya sa kanila ang tungkol sa isang “bagong tipan” na magkakabisa sa mga tagasunod niya dahil sa kaniyang haing pantubos (Luc 22:19, 20; ihambing ang 12:32); siya mismo ang magsisilbing Tagapamagitan ng tipang iyon sa pagitan ni Jehova na Soberano at ng mga tagasunod ni Jesus. (1Ti 2:5; Heb 12:24) Karagdagan pa, personal na nakipagtipan si Jesus sa kaniyang mga tagasunod “ukol sa isang kaharian,” upang makasama niya sila sa kaniyang maharlikang mga pribilehiyo.—Luc 22:28-30; tingnan ang TIPAN.
Pagdaig sa sanlibutan. Dahil sa sumunod na pag-aresto, mga paglilitis, at pagpatay kay Jesus, nagtinging mahina ang kaniyang makaharing posisyon. Ngunit ang totoo, ang mga iyon ay kamangha-manghang katuparan ng mga hula ng Diyos at ipinahintulot ng Diyos sa layuning ito. (Ju 19:10, 11; Luc 24:19-27, 44) Sa pamamagitan ng pananatiling tapat hanggang sa kamatayan, pinatunayan ni Jesus na “ang tagapamahala ng sanlibutan,” ang Kalaban ng Diyos, si Satanas, ay “walang kapangyarihan” sa kaniya at na talagang ‘dinaig ni Jesus ang sanlibutan.’ (Ju 14:29-31; 16:33) Karagdagan pa, kahit noong nakabayubay na sa tulos ang kaniyang Anak, nagbigay pa si Jehova ng katibayan ng kaniyang nakahihigit na kapangyarihan: Nagdilim ang araw sa loob ng ilang oras; nagkaroon din ng malakas na lindol at nahati sa dalawa ang malaking kurtina sa templo. (Mat 27:51-54; Luc 23:44, 45) Noong ikatlong araw pagkatapos nito, nagpakita siya ng higit na katibayan ng kaniyang Soberanya nang buhayin niyang muli ang kaniyang Anak tungo sa buhay bilang espiritu, sa kabila ng walang-saysay na pagtatangka ng mga tao na hadlangan ang pagkabuhay-muli ni Jesus sa pamamagitan ng paglalagay ng mga bantay sa harap ng kaniyang saradong libingan.—Mat 28:1-7.
Ang “Kaharian ng Anak ng Kaniyang Pag-ibig.” Sampung araw pagkaakyat ni Jesus sa langit, noong Pentecostes ng 33 C.E., tumanggap ang kaniyang mga alagad ng katibayan na siya ay “itinaas sa kanan ng Diyos” nang ibuhos sa kanila ni Jesus ang banal na espiritu. (Gaw 1:8, 9; 2:1-4, 29-33) Sa gayon ay nagkabisa sa kanila ang “bagong tipan,” at sila ang naging pinakapundasyon ng isang bagong “banal na bansa,” ang espirituwal na Israel.—Heb 12:22-24; 1Pe 2:9, 10; Gal 6:16.
Mula noon, si Kristo ay nakaupo na sa kanan ng kaniyang Ama at siya ang Ulo sa kongregasyong ito. (Efe 5:23; Heb 1:3; Fil 2:9-11) Ipinakikita ng Kasulatan na mula noong Pentecostes 33 C.E., isang espirituwal na kaharian ang itinatag upang mamahala sa kaniyang mga alagad. Nang sumulat ang apostol na si Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano sa Colosas, binanggit niya na si Jesu-Kristo ay mayroon nang isang kaharian: ‘Iniligtas tayo ng Diyos mula sa awtoridad ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng Anak ng kaniyang pag-ibig.’—Col 1:13; ihambing ang Gaw 17:6, 7.
Ang kaharian ni Kristo mula noong Pentecostes ng 33 C.E. ay isang espirituwal na kahariang namamahala sa espirituwal na Israel, mga Kristiyanong inianak ng espiritu ng Diyos upang maging espirituwal na mga anak ng Diyos. (Ju 3:3, 5, 6) Kapag tinanggap na ng gayong mga Kristiyanong inianak sa espiritu ang kanilang makalangit na gantimpala, hindi na sila makalupang mga sakop ng espirituwal na kaharian ni Kristo, kundi magiging mga hari sila kasama ni Kristo sa langit.—Apo 5:9, 10.
“Kaharian ng Ating Panginoon at ng Kaniyang Kristo.” Noong pagtatapos ng unang siglo C.E., isinulat ng apostol na si Juan na patiuna niyang nakita sa isang pangitain mula sa Diyos ang panahon kung kailan ipamamalas ng Diyos ang Kaniyang pamamahala sa isang bagong paraan sa pamamagitan ng Kaniyang Anak. Sa panahong iyon, gaya noong panahong iahon ni David ang Kaban sa Jerusalem, masasabing ‘kinuha na ni Jehova ang kaniyang dakilang kapangyarihan at nagsimula siyang mamahala bilang hari.’ Iyon ang panahon upang ipahayag ng malalakas na tinig sa langit: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng Apo 11:15, 17; 1Cr 16:1, 31.
ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at mamamahala siya bilang hari magpakailan-kailanman.”—Ang “ating Panginoon,” ang Soberanong Panginoong Jehova, ang siyang gumagamit ng kaniyang awtoridad sa “kaharian ng sanlibutan,” anupat nagtatatag ng isang bagong kapahayagan ng kaniyang soberanya sa ating lupa. Binibigyan niya ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ng pangalawahing bahagi sa Kahariang iyon, kung kaya tinatawag ito na “kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo.” Mas malaki at mas malawak ang Kahariang ito kaysa sa “kaharian ng Anak ng kaniyang pag-ibig,” na tinukoy sa Colosas 1:13. Ang “kaharian ng Anak ng kaniyang pag-ibig” ay nagsimula noong Pentecostes 33 C.E. at namamahala sa mga pinahirang alagad ni Kristo; ang “kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo” ay iniluwal naman noong matapos ang “mga takdang panahon ng mga bansa” at namamahala ito sa buong sangkatauhan sa lupa.—Luc 21:24.
Pagkatanggap ni Jesu-Kristo ng bahagi sa “kaharian ng sanlibutan,” gumawa siya ng kinakailangang mga hakbang upang alisin ang pagsalansang sa soberanya ng Diyos. Naganap sa makalangit na dako ang kaniyang unang pagkilos; si Satanas at ang mga demonyo nito ay natalo at inihagis sa lupa. Dahil dito ay ipinahayag: “Ngayon ay naganap na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang awtoridad ng kaniyang Kristo.” (Apo 12:1-10) Sa maikling panahong natitira kay Satanas, patuloy na tinutupad ng pangunahing Kalabang ito ang hula sa Genesis 3:15 sa pamamagitan ng pakikipagdigma sa “mga nalalabi” ng “binhi” ng babae, ang “mga banal” na nakatakdang mamahala kasama ni Kristo. (Apo 12:13-17; ihambing ang Apo 13:4-7; Dan 7:21-27.) Gayunpaman, ang “mga matuwid na batas” ni Jehova ay nahayag, at ang mga kapahayagan ng kaniyang paghatol ay dumarating na gaya ng mga salot sa mga sumasalansang sa kaniya, anupat hahantong ito sa pagkapuksa ng mistikong Babilonyang Dakila, ang pangunahing mang-uusig ng mga lingkod ng Diyos sa lupa.—Apo 15:4; 16:1–19:6.
Pagkatapos nito, isusugo ng “kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo” ang makalangit na mga hukbo nito laban sa mga tagapamahala ng lahat ng makalupang mga kaharian at sa kanilang mga hukbo sa labanan ng Armagedon, upang lipulin ang mga ito. (Apo 16:14-16; 19:11-21) Ito ang sagot sa pakiusap sa Diyos: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mat 6:10) Pagkatapos ay ibubulid si Satanas sa kalaliman at magsisimula ang sanlibong taon kung kailan si Kristo Jesus at ang kaniyang mga kasama ay mamamahala sa mga tumatahan sa lupa bilang mga hari at mga saserdote.—Apo 20:1, 6.
‘Ibibigay ni Kristo ang kaharian.’ Inilalarawan din ng apostol na si Pablo ang pamamahala ni Kristo sa panahon ng kaniyang pagkanaririto. Matapos buhaying-muli ni Kristo ang kaniyang mga tagasunod mula sa kamatayan, ‘papawiin naman niya ang lahat ng pamahalaan at ang lahat ng awtoridad at kapangyarihan’ (tiyak na tumutukoy sa lahat ng pamahalaan, awtoridad, at kapangyarihan na sumasalansang sa kalooban ng Diyos bilang Soberano). Pagkatapos, sa pagwawakas ng kaniyang Milenyong Paghahari, ‘ibibigay niya ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama,’ anupat magpapasakop din mismo sa “Isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.”—1Co 15:21-28.
Yamang ‘ibibigay ni Kristo ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama,’ sa anong diwa ‘walang-hanggan’ ang kaniyang Kaharian, gaya ng paulit-ulit na binabanggit sa Kasulatan? (2Pe 1:11; Isa 9:7; Dan 7:14; Luc 1:33; Apo 11:15) Ang kaniyang Kaharian ay “hindi magigiba kailanman”; ang mga bagay na maisasakatuparan nito ay mamamalagi magpakailanman; walang-hanggan siyang pararangalan dahil sa kaniyang naging papel bilang Mesiyanikong Hari.—Dan 2:44.
Sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, kasama sa kaniyang pamamahala sa lupa ang makasaserdoteng paglilingkod sa masunuring sangkatauhan. (Apo 5:9, 10; 20:6; 21:1-3) Sa pamamagitan nito, ang pamumuno ng kasalanan at kamatayan bilang mga hari sa masunuring sangkatauhan, na napasailalim sa kanilang “kautusan,” ay magwawakas; ang di-sana-nararapat na kabaitan at katuwiran naman ang mamamahala. (Ro 5:14, 17, 21) Yamang lubusang aalisin ang kasalanan at kamatayan mula sa mga tumatahan sa lupa, hindi na kakailanganing maglingkod si Jesus bilang “katulong sa Ama” sa diwa na naglalaan ng pampalubag-loob para sa mga kasalanan ng di-sakdal na mga tao. (1Ju 2:1, 2) Kapag nangyari iyan, babalik ang sangkatauhan sa orihinal na kalagayan nito noong nasa Eden ang sakdal na taong si Adan. Noong sakdal pa si Adan, hindi niya kailangan na may sinumang mamagitan sa kaniya at sa Diyos upang gumawa ng pagpapalubag-loob. Gayundin naman, sa pagtatapos ng Sanlibong Taóng Pamamahala ni Jesus, ang mga tumatahan sa lupa ay mapapasakalagayang managot sa kanilang landasin ng pagkilos sa harap ng Diyos na Jehova bilang ang Kataas-taasang Hukom, anupat hindi na nila kailangan ng legal na tagapamagitan, o katulong. Sa gayon, si Jehova, ang Soberanong Kapangyarihan, ay magiging “lahat ng bagay sa bawat isa.” Nangangahulugan ito na ang layunin ng Diyos na “muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa,” ay lubusan nang naisakatuparan.—1Co 15:28; Efe 1:9, 10.
Sa panahong iyon ay lubusan nang natupad ng Milenyong Pamamahala ni Jesus ang layunin nito. Sa panahong iyon, ang lupa, na dating sentro ng paghihimagsik, ay naisauli na sa ganap, malinis at di-makukuwestiyong posisyon nito sa nasasakupan, o kaharian, ng Pansansinukob na Soberano. Wala na ang katulong na kaharian sa pagitan ni Jehova at ng masunuring sangkatauhan.
Gayunman, pagkatapos nito, magkakaroon ng panghuling pagsubok sa katapatan at debosyon ng lahat ng makalupang mga sakop. Pakakawalan si Satanas mula sa pagkagapos sa kalaliman. Ang mga magpapadaig sa kaniyang panghihikayat ay magpapadaig salig sa mismong usapin na ibinangon noon sa Eden: ang pagiging marapat ng soberanya ng Diyos. Makikita ito sa kanilang pagsalakay ‘sa kampo ng mga banal at sa lunsod na minamahal.’ Yamang ang usaping iyon ay nalutas na sa legal na paraan at idineklarang sarado na ng Hukuman ng langit, hindi na pahihintulutang magtagal ang gayong paghihimagsik. Ang mga hindi maninindigan nang matapat sa panig ng Diyos ay hindi na makaaapela kay Kristo Jesus upang maging kanilang ‘pampalubag-loob na katulong,’ kundi ang Diyos na Jehova ay magiging “lahat ng bagay” sa kanila, anupat hindi na sila posibleng umapela o magkaroon ng tagapamagitan. Ang lahat ng mga rebelde, espiritu man o tao, ay sesentensiyahan ng Diyos ng pagkapuksa sa “ikalawang kamatayan.”—Apo 20:7-15.