Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kahinhinan

Kahinhinan

[sa Ingles, modesty].

Pagkilala sa sariling mga limitasyon; gayundin kalinisan o personal na kadalisayan. Sa Mikas 6:8 lamang lumilitaw ang pandiwang salitang-ugat na Hebreo na tsa·naʽʹ, na isinasaling “maging mahinhin.” Ang kaugnay nitong pang-uri na tsa·nuʹaʽ (mahinhin) ay lumilitaw naman sa Kawikaan 11:2, kung saan binabanggit iyon bilang kabaligtaran ng kapangahasan. Bagaman naniniwala ang ilang makabagong iskolar na ang diwa ng salitang-ugat na ito ay “maging maingat, matalino sa pagpapasiya,” ipinapalagay ng marami na ito ay nangangahulugang “maging mahinhin.” Halimbawa, sinasabi ng A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament (nina Brown, Driver, at Briggs, 1980, p. 857) na ang salitang-ugat ay nagpapahiwatig ng pagiging mahiyain, mahinhin, o mapagpakumbaba. Ang “kahinhinan” ay isang salin ng salitang Griego na ai·dosʹ. (1Ti 2:9) Kapag ginagamit sa moral na diwa, ang ai·dosʹ ay nagpapahiwatig ng ideya ng pagpipitagan, pagkasindak, paggalang sa damdamin o opinyon ng iba o sa sariling budhi ng isa at sa gayo’y nagpapahiwatig ng kahihiyan, paggalang sa sarili, karangalan, kahinahunan, at pagiging katamtaman. (A Greek-English Lexicon nina H. Liddell at R. Scott, nirebisa ni H. Jones, Oxford, 1968, p. 36) Sa paghahambing ng ai·dosʹ sa mas karaniwang salitang Griego para sa “kahihiyan” (ai·skhyʹne; 1Co 1:27; Fil 3:19), sinabi ng leksikograpong si Richard Trench na ang ai·dosʹ ang “mas marangal na salita, at nagpapahiwatig ng mas marangal na motibo: kasangkot dito ang likas na moral na pagkasuklam sa pagsasagawa ng walang-dangal na gawa, anupat ang moral na pagkasuklam na ito ay babahagya lamang o wala pa nga sa [ai·skhyʹne].” Sinabi niya na “palaging pipigilan ng [ai·dosʹ] ang isang mabuting tao mula sa di-kapuri-puring gawa, samantalang ang [ai·skhyʹne] ay maaaring makapigil kung minsan sa masamang tao.” (Synonyms of the New Testament, London, 1961, p. 64, 65) Samakatuwid, ang budhi ay pantanging nasasangkot sa pumipigil na epektong ipinahihiwatig ng salitang ai·dosʹ.

Sa Harap ng Diyos. May kinalaman sa kahinhinan, na tumutukoy sa wastong pagtaya sa sarili, ang Kasulatan ay nagbibigay ng saganang payo. “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin,” sabi ng kawikaan. Ito ay dahil naiiwasan ng taong nagpapamalas ng kahinhinan ang kasiraang-puri na resulta ng kapangahasan o kahambugan. (Kaw 11:2) Sinusundan niya ang landasing sinasang-ayunan ni Jehova at sa gayon ay marunong siya. (Kaw 3:5, 6; 8:13, 14) Iniibig at pinagkakalooban ni Jehova ng karunungan ang gayong tao. Ang isa sa mga kahilingan upang matamo ang pagsang-ayon ni Jehova ay ‘maging mahinhin sa paglakad na kasama niya.’ (Mik 6:8) Nagsasangkot ito ng wastong pagtaya ng isang tao sa katayuan niya sa harap ng Diyos, anupat kinikilala niya ang kaniyang pagkamakasalanan kung ihahambing sa kadakilaan, kadalisayan, at kabanalan ni Jehova. Nangangahulugan din ito na dapat kilalanin ng isang tao na isa siyang nilalang ni Jehova, sa gayo’y lubusang nakadepende sa Kaniya at sakop ng Kaniyang soberanya. Hindi ito kinilala ni Eva. Lubusan siyang humiwalay at sumunod sa sarili niyang pagpapasiya. Kung naging mahinhin lamang siya, naiwasan sana niya ang pag-iisip na maging “tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Gen 3:4, 5) Ang apostol na si Pablo ay nagpayo laban sa labis na pagtitiwala sa sarili at kapangahasan nang sabihin niya, “Patuloy kayong gumawa ukol sa inyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.”​—Fil 2:12.

Kung Ano ang Ipaghahambog. Ang kahambugan ay kabaligtaran ng kahinhinan. Ang alituntunin ay: “Purihin ka nawa ng ibang tao, at hindi ng iyong sariling bibig; gawin nawa iyon ng banyaga, at hindi ng iyong sariling mga labi.” (Kaw 27:2) Ganito naman ang mismong mga salita ni Jehova: “Huwag ipagyabang ng taong marunong ang kaniyang sarili dahil sa kaniyang karunungan, at huwag ipagyabang ng makapangyarihang lalaki ang kaniyang sarili dahil sa kaniyang kalakasan. Huwag ipagyabang ng taong mayaman ang kaniyang sarili dahil sa kaniyang kayamanan. Kundi ang nagyayabang tungkol sa kaniyang sarili ay magyabang dahil sa mismong bagay na ito, sa pagkakaroon ng kaunawaan at sa pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa akin, na ako ay si Jehova, ang Isa na nagpapakita ng maibiging-kabaitan, katarungan at katuwiran sa lupa; sapagkat ang mga bagay na ito ay kinalulugdan ko.”​—Jer 9:23, 24; ihambing ang Kaw 12:9; 16:18, 19.

Pagpapahalaga ng Diyos sa mga Mahinhin. Ipinakita ng apostol na si Pablo ang pagpapahalaga ng Diyos sa mga mahinhin at itinawag-pansin din niya ang sarili niyang paggawi sa kongregasyon bilang uliran sa gayong mahinhing saloobin. Isinulat niya sa mga Kristiyano sa Corinto: “Sapagkat nakikita ninyo ang kaniyang pagtawag sa inyo, mga kapatid, na hindi marami na marunong ayon sa laman ang tinawag, hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang ipinanganak na maharlika; kundi pinili ng Diyos ang mangmang na mga bagay ng sanlibutan, upang mailagay niya sa kahihiyan ang mga taong marurunong; at pinili ng Diyos ang mahihinang bagay ng sanlibutan, upang mailagay niya sa kahihiyan ang malalakas na bagay; at pinili ng Diyos ang mabababang bagay ng sanlibutan at ang mga bagay na hinahamak, ang mga bagay na wala, upang mapawi niya ang mga bagay na umiiral, upang walang laman ang maghambog sa paningin ng Diyos . . . gaya nga ng nasusulat: ‘Siya na naghahambog, ipaghambog niya si Jehova.’ Kaya nga nang pumariyan ako sa inyo, mga kapatid, hindi ako pumariyan taglay ang karangyaan ng pananalita o ng karunungan na ipinahahayag sa inyo ang sagradong lihim ng Diyos. Sapagkat ipinasiya kong huwag alamin ang anumang bagay sa gitna ninyo maliban kay Jesu-Kristo, at siya na ibinayubay. At pumariyan ako sa inyo sa kahinaan at sa takot at may matinding panginginig; at ang aking pananalita at yaong ipinangaral ko ay hindi sa mapanghikayat na mga salita ng karunungan kundi sa pagtatanghal ng espiritu at kapangyarihan, upang ang inyong pananampalataya ay hindi maging sa karunungan ng tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.”​—1Co 1:26–2:5.

“Huwag Higitan ang mga Bagay na Nakasulat.” Noong dakong huli sa kaniyang liham, idiniin ni Pablo ang pangangailangan na ang bawat isa ay maging mahinhin, kung paanong siya mismo ay nagpakita ng kahinhinan, o ng isang wastong pangmalas sa kaniyang sarili. Ipinaghahambog noon ng mga taga-Corinto ang ilang tao, gaya ni Apolos, at maging si Pablo mismo. Itinuwid sila ni Pablo at ipinaliwanag niya sa kanila na sa paggawa nila nito, sila ay makalaman at hindi espirituwal. Pagkatapos ay sinabi niya: “Ngayon, mga kapatid, ang mga bagay na ito ay iniangkop ko upang ikapit sa aking sarili at kay Apolos sa inyong ikabubuti, upang sa kalagayan namin ay matutuhan ninyo ang alituntunin: ‘Huwag higitan ang mga bagay na nakasulat [samakatuwid nga, huwag lumampas sa mga hangganang itinakda ng Kasulatan para sa mga tao hinggil sa kanilang saloobin sa isa’t isa at sa kanilang sarili mismo],’ upang ang bawat isa sa inyo ay huwag magmalaki sa pagkampi sa isa laban sa iba. Sapagkat sino ang nagpapangyaring mapaiba ka sa iba? Sa katunayan, ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap? Ngayon, kung talagang tinanggap mo iyon, bakit ka naghahambog na para bang hindi mo tinanggap?” Kung isasaisip nila ang bagay na ito, maiiwasan nila ang kapalaluan at ang paghahambog ukol sa sarili o ukol sa iba dahil sa angkan, lahi, kulay o nasyonalidad, pisikal na kagandahan, abilidad, kaalaman, katalinuhan, at marami pang iba.​—1Co 4:6, 7.

Halimbawa ni Jesu-Kristo. Si Jesu-Kristo ang pinakamainam na halimbawa ng kahinhinan. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad na hindi siya makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lamang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama, at na ang kaniyang Ama ay mas dakila kaysa sa kaniya. (Ju 5:19, 30; 14:28) Tumanggi si Jesus na tumanggap ng mga titulong hindi ukol sa kaniya. Nang tawagin siyang “Mabuting Guro” ng isang tagapamahala, tumugon si Jesus: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang sinumang mabuti, maliban sa isa, ang Diyos.” (Luc 18:18, 19) At sinabi niya sa kaniyang mga alagad na bilang mga alipin ni Jehova, hindi nila dapat ipagmalaki ang mga nagagawa nila sa paglilingkod sa Diyos o ang kanilang halaga sa Diyos. Sa halip, kapag nagawa na nila ang lahat ng bagay na iniatas sa kanila, dapat silang magkaroon ng saloobing, “kami ay walang-kabuluhang mga alipin. Ang aming ginawa ang siyang dapat naming gawin.”​—Luc 17:10.

Karagdagan pa, bilang isang sakdal na tao sa lupa, ang Panginoong Jesu-Kristo ay nakahihigit sa kaniyang di-sakdal na mga alagad at nagtataglay rin ng malaking awtoridad mula sa kaniyang Ama. Gayunman, sa pakikitungo niya sa kaniyang mga alagad, siya ay naging makonsiderasyon sa kanilang mga limitasyon. Naging maingat siya sa pagsasanay sa kanila at gumamit siya ng angkop na pananalita sa pakikipag-usap sa kanila. Hindi siya nag-atang sa kanila nang higit kaysa sa makakaya nila noong panahong iyon.​—Ju 16:12; ihambing ang Mat 11:28-30; 26:40, 41.

Sa Pananamit at sa Iba Pang Pag-aari. Nang tinatagubilinan ni Pablo ang tagapangasiwang si Timoteo na tiyaking ang wastong paggawi ay napananatili sa kongregasyon, sinabi niya: “Nais kong gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, hindi ng mga istilo ng pagtitirintas ng buhok at ginto o mga perlas o napakamamahaling kagayakan, kundi sa paraan na angkop sa mga babae na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos, samakatuwid nga, sa pamamagitan ng mabubuting gawa.” (1Ti 2:9, 10) Dito, hindi ipinapayo ng apostol na mali ang pagiging masinop at ang pagkakaroon ng maganda at kalugud-lugod na hitsura, sapagkat inirerekomenda niya ang “maayos na pananamit.” Sa halip, ipinakikita niya na di-wasto ang kapalaluan at pagpaparangya sa pananamit, anupat dahil dito ay itinatampok ng isa ang kaniyang sarili o ang kaniyang kabuhayan. Kasangkot din dito ang kahinhinan na nauugnay sa paggalang sa damdamin ng iba, paggalang sa sarili, at karangalan. Ang paraan ng pananamit ng Kristiyano ay hindi dapat na salungat sa kagandahang-asal, o sa damdamin ng kongregasyon hinggil sa moral, anupat nakatitisod sa iba. Ang payong ito hinggil sa pananamit ay nakatutulong upang maunawaan ang saloobin ni Jehova tungkol sa wastong pangmalas at paggamit ng iba pang mga materyal na pag-aari ng isang Kristiyano.​—Tingnan ang KAPAKUMBABAAN.