Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kainan

Kainan

Kadalasa’y mga okasyon ng maligayang pagsasamahan na nakapagdudulot din ng espirituwal na kapakinabangan sa gitna ng sinaunang mga Hebreo at, nang maglaon, sa unang mga Kristiyano. Ang mga kainan ay naglaan din ng mga pagkakataon upang magpakita ng pag-ibig at pagkamapagpatuloy sa iba. Waring kaugalian ng mga Hebreo at ng unang mga Kristiyano ang manalangin may kaugnayan sa mga kainan.​—1Sa 9:13; Gaw 27:35; 1Ti 4:1, 3; tingnan ang HAPUNAN NG PANGINOON; PAGKAMAPAGPATULOY; PIGING NG PAG-IBIG.

Waring dalawang beses bawat araw kung kumain ang mga Israelita, ang una ay sa umaga at ang ikalawa ay sa gabi pagkatapos magtrabaho. (Ihambing ang Ru 3:2, 3, 7; 1Ha 17:6.) Bagaman sa bahay kumakain ng agahan ang marami, lumilitaw na naging kaugalian ng iba, kabilang na ang mga mangingisda na nagpapagal sa buong magdamag, na magbaon ng pagkain sa trabaho. Maaari ring iluto ng mga mangingisda ang ilan sa mga nahuli nila para sa kanilang agahan.​—Ihambing ang Mar 8:14; Ju 21:12, 15.

Gayunman, may katibayan na may kainan din noon sa bandang tanghali, bagaman marahil, kaunti lamang ang pagkaing inihahain. (Gaw 10:9, 10) Malamang na sa ganitong oras, ang mga taong nagtatrabaho sa bukid ay tumitigil upang magpahinga at kumain.​—Ihambing ang Ru 2:14.

Karaniwan na, mga babae ang naghahain ng pagkain. (Ju 12:1-3) Ngunit kung minsan, kumakain silang kasama ng mga lalaki. (1Sa 1:4, 5; Job 1:4) Sa mga sambahayan ng mga mariwasa, partikular na ng mga maharlika, may mga lingkod na nagsisilbi sa mga kumakain sa mesa. May pantanging kagayakan ang mga tagapagsilbi sa mesa ni Haring Solomon.​—1Ha 10:4, 5; 2Cr 9:3, 4.

Kadalasan, sa indibiduwal na mga kopa inilalagay ang mga inumin, ngunit ang pagkain ay karaniwan nang inihahain sa iisang pinggan. Yaong mga kumakain ay maaaring umabot ng pagkain na ginagamit ang kanilang kamay o gamit ang isang piraso ng tinapay bilang pangkutsara sa ilang pagkain.​—Mar 14:20; Ju 13:25, 26; tingnan din ang Kaw 26:15.

Sa mga kainan, maaaring nakahilig o nakaupo ang mga tao. (Gen 18:4; 27:19; Huk 19:6; Luc 9:14) Sa isang relyebe mula sa palasyo ng Asiryanong si Haring Ashurbanipal, inilalarawan siyang nakahilig sa isang higaan samantalang ang kaniyang reyna naman ay nakaupo sa isang mataas na silya habang sila’y nagpipiging. Lumilitaw na nakaugalian din ng mga Persiano na humilig sa mga higaan kapag panahon ng kainan. (Es 7:8) Noong panahon ni Ezekiel, gumamit ng mga mesa at mga higaan ang ilang Israelita.​—Eze 23:41.

Noong Panahon ng Ministeryo ni Jesus sa Lupa. Noong unang siglo C.E., karaniwang kaugaliang Hebreo ang paghuhugas ng mga kamay bago kumain. Isa itong kaugalian ng mga eskriba at mga Pariseo noon na bahagi ng kanilang mga ritwal.​—Mar 7:1-8; tingnan ang PAGHUHUGAS NG MGA KAMAY.

Sa mga handaan o malalaking piging noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, inilalagay ang mga higaan sa tatlong gilid ng isang mesa. Sa ikaapat na gilid na hindi nahaharangan, maalwang makalalapit sa mesa ang mga naghahain ng pagkain. Kung minsan, apat o limang tao ang umuukupa sa isang higaan, ngunit kadalasan ay tatlo lamang. Karaniwan nang itinutukod ng mga kumakain ang kanilang kaliwang siko, malamang sa isang unan, samantalang ang kanilang mukha ay nakaharap sa mesa. Karaniwan na, kanang kamay ang ipinang-aabot sa pagkain. Ang pinakaimportanteng puwesto sa isang higaan ay yaong kinauupuan ng tao na walang katalikuran. Kapag ang isang tao ay nasa “dakong dibdib” ng isa na nakahilig sa isang kainan, nangangahulugan ito na nasa harap siya ng isang iyon at nagpapahiwatig din na tinatamasa niya ang pabor niyaon. (Ju 13:23) Ang sinumang nakahilig sa dakong dibdib ng isang tao ay madali niyang kausapin nang lihim.

Ipinahihiwatig ng kinaugaliang tatlong posisyon sa bawat higaan kung ang inuukupa ng isa ay ang mataas, panggitna, o mababang posisyon sa higaan. Kapag maraming higaan ang ginamit, ang isa na nasa mababang posisyon sa higaang pinakamalayo sa punong-abala ang may pinakamababang posisyon sa kainan.​—Ihambing ang Mat 23:6; Luc 14:7-11.

Sa ilang masasayang okasyon, maaaring ang malaking kainan o piging ay nasa ilalim ng isang tagapangasiwa (Ju 2:9) at maaaring magkaroon ng palatuntunan gaya ng “isang konsyerto ng musika at sayawan.”​—Luc 15:25.

Wastong Pangmalas sa mga Kainan. Kalooban ng Diyos na ang tao ay masiyahan sa pagkain at inumin. (Ec 2:24) Ngunit kinasusuklaman niya ang mga pagpapakalabis. (Kaw 23:20, 21; Ec 10:17; Ro 13:13; 1Pe 4:3; tingnan ang KALASINGAN, PAGLALASING; MATAKAW.) Yamang maaaring maging totoong nakalulugod ang pagkain nang katamtaman, ang kalagayan ng isa na may pusong nagagalak ay maihahambing sa patuloy na pagpipiging. (Kaw 15:15) Gayundin, higit na kasiya-siya ang kainan kapag may pag-iibigan ang mga magkakasalo. Ang sabi nga ng kawikaan: “Mas mabuti ang pagkaing gulay na doon ay may pag-ibig kaysa sa pinatabang toro na may kasamang poot.”​—Kaw 15:17.

Makasagisag na Paggamit. Ang pagsasalo sa pagkain ay nagpapahiwatig ng pagkakaibigan at kapayapaan sa pagitan ng mga indibiduwal na nasasangkot. Samakatuwid, ang isa na nagkapribilehiyo na palaging kumain sa mesa ng hari ay pantanging pinapaboran at nagtatamasa ng isang napakalapít na buklod sa monarkang iyon. (1Ha 2:7) Ganitong kaugnayan ang ipinangako ni Jesus sa kaniyang tapat na mga alagad nang sabihin niya sa kanila na kakain at iinom silang kasama niya sa kaniyang Kaharian.​—Luc 22:28-30; tingnan din ang Luc 13:29; Apo 19:9.

Dahil sa pagkapuksa niyaong mga sumasalansang sa Diyos, magkakaroon ng okasyon para sa isang “dakilang hapunan.” Ang hapunang ito ay para sa mga ibon na kakain sa mga bangkay niyaong mga mapapatay. (Apo 19:15-18) Ibang-iba naman dito ang kainang magaganap sa malaking piging para sa lahat ng mga bayan na binanggit sa Isaias 25:6.