Kakok
[sa Heb., pangmaramihan, bar·bu·rimʹ; sa Ingles, cuckoo].
Sa Bibliya, ang pangalang ito ay minsan lamang lumitaw, sa 1 Hari 4:23, kung saan kasama sa talaan ng pang-araw-araw na pagkaing inilalaan sa korte ni Solomon ang ‘mga kakok [bar·bu·rimʹ].’ (JB; NW) Bagaman “ibon” ang mababasa sa ibang mga bersiyon (BSP, MB), waring ang bar·bu·rimʹ ay tumutukoy sa isang espesipikong uri ng ibon at hindi isang pangkalahatang termino lamang. Bagaman may mga nagsasabing ito’y ang tandang na kinapon, guinea hen, o gansa, iminumungkahi ng leksikograpong si W. Baumgartner (Hebräisches und Aramäisches Lexikon zum Alten Testament, Leiden, 1967, p. 147) ang “kakok,” at waring ipinahihiwatig iyan ng pangalang Arabe na abu burbur para sa ibong ito.
Ang common cuckoo (Cuculus canorus) at ang great spotted cuckoo (Clamator glandarius) ay parehong dumaraan sa Palestina kapag nandarayuhan sa hilaga, at dumarating sila sa maagang bahagi ng Marso. Ang kakok ay may katamtamang laki, kahawig ng maliit na lawin, at may tuka na bahagyang nakakurba, matalas at patulis. Karaniwa’y di-pansinin ang mga kulay ng kakok gaya ng mapusyaw na abuhin o mapusyaw na kayumanggi hanggang sa kayumangging mamula-mula o itim. Ang tiyan nito ay kadalasang maputi na may maninipis na guhit na itim.
Bagaman itinuturing ng ilan na ang ibong kakok ay maliit para isama sa mga pagkain ni Solomon, dapat pansinin na kahit ang mga mayang binalahibuhan ay ipinagbibili noon sa mga pamilihan sa Gitnang Silangan. (Mat 10:29) Karagdagan pa, ang mga kakok na ito ay ‘pinataba,’ at ganito ang sabi ng The American Cyclopædia tungkol sa mga ito: “Kapag taglagas ay matataba ang mga ito at itinuturing na mahalagang pagkain; ang mga ito’y gustung-gusto ng sinaunang mga tao, at ipinapalagay na nakagagamot ang karne ng mga ito.”—1883, Tomo V, p. 557.
Ang kakok ay hindi ibong maninila ni kumakain man ng bangkay kundi ng mga insekto. Ito’y legal na “malinis” at angkop sa maharlikang mesa ni Solomon. Bagaman isinama ng King James Version ang “cuckow” sa maruruming ibon sa Levitico 11:16 at Deuteronomio 14:15, hindi na katanggap-tanggap ang pagkakasaling ito (ng Hebreong shaʹchaph).—Tingnan ang GOLONDRINA.