Kalamo, Kania
[sa Heb., qa·nehʹ].
Ang Hebreong qa·nehʹ [sa Tagalog, “kania”] ay kadalasang isinasalin bilang “tangkay” (Gen 41:5, 22), “sanga” (Exo 25:31, 32), o “tambo” (1Ha 14:15). Gayunman, sa ilang teksto, ipinahihiwatig ng konteksto o ng ginamit na salitang deskriptibo na ang qa·nehʹ ay tumutukoy sa isang aromatikong halaman, at sa gayo’y isinasalin ito bilang “kalamo” (Exo 30:23) at “kania.”—Sol 4:14; Isa 43:24.
Kabilang sa mga sangkap na ginamit sa paghahanda ng banal na langis na pamahid ang “matamis na kalamo,” anupat ang tamis ay tumutukoy sa amoy at hindi sa lasa nito. (Exo 30:22-25) Sa Awit ni Solomon (4:14), ang “kania” ay binanggit kasama ng iba pang mababangong espesya. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias (43:24), sinaway ni Jehova ang makasalanang mga Israelita dahil hindi sila ‘bumili’ (sa Heb., qa·niʹtha) ng “[matamis na] kania” (qa·nehʹ) para sa paglilingkod sa kaniyang templo, anupat dito’y gumamit ng magkakatunog na mga salita sa Hebreo. Bumanggit si Jeremias (6:20) ng kania na nagmula sa “lupain sa malayo,” samantalang binanggit naman ni Ezekiel (27:3, 19) ang kania bilang isa sa mga produktong ipinangangalakal ng mayamang Tiro.
Ang salitang Ingles na “calamus” [sa Tagalog, “kalamo”] ay hinalaw sa Griegong kaʹla·mos, na ginamit ng mga tagapagsalin ng Griegong Septuagint bilang salin ng Hebreong qa·nehʹ. Tulad ng salitang Hebreo, ang kaʹla·mos ay mayroon ding saligang kahulugan na tambo o kania, samantalang ang salitang Ingles na “calamus” ay pangunahin nang ginagamit ngayon upang tumukoy sa halamang sweet flag (Acorus calamus) o sa aromatikong ugat nito.
Tungkol naman sa matamis na kania, o kalamo, ng Hebreong Kasulatan, mas iniuugnay ito ng maraming iskolar sa isang aromatikong damong-tambo ng India, gaya ng Cymbopogon martini, isang damo na ang mga dahon, kapag dinurog ay mapagkukunan ng isang mabangong langis na kilala bilang ginger-grass oil. Ang iba pang uri ng mga damong ito ng India ay pinagkukunan naman ng citronella oil at lemongrass oil. Ang pagtukoy nila sa isa, o higit pa, sa mababangong damo na iyon bilang matamis na kania, o kalamo, ay batay sa sinabi ni Jeremias na ang produktong ito ay nagmula sa “lupain sa malayo,” na sa kasong ito ay ang India. Gayunman, may iba pang mga lugar na maaaring pinagkunan ng aromatikong kania, o kalamo, gaya ng ipinahihiwatig sa hula ni Ezekiel (27:19). Kaya nga, bagaman ang qa·nehʹ ay tumutukoy sa isang uri ng aromatikong tambo o kania, hindi pa rin matiyak ang eksaktong pagkakakilanlan ng halamang ito.