Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kalasingan, Paglalasing

Kalasingan, Paglalasing

Ang kalasingan ay ang pagkalango dahil sa labis na pag-inom ng inuming de-alkohol. Ang lasenggo naman ay isang tao na may bisyong magpakalabis sa matapang na inumin hanggang sa malasing siya.

Sa sinaunang mga lupain sa Bibliya, kabilang sa mga nakalalangong inumin ang alak na gawa mula sa ubas (Deu 32:14) at ang mga inuming de-alkohol na ginawa mula sa mga butil. (Isa 1:22) Ang katamtamang pag-inom ng alak at iba pang matatapang na inumin ay pinahihintulutan ni Jehova, na naglalaan ng “alak na nagpapasaya sa puso ng taong mortal.”​—Aw 104:14, 15; tingnan ang ALAK AT MATAPANG NA INUMIN; SERBESA.

Hinahatulan sa Bibliya. Mariing tinutuligsa sa Bibliya ang paggamit ng matapang na inumin hanggang sa malasing ang isa. Ang pantas na manunulat ng Mga Kawikaan ay gumuhit ng isang malinaw, tumpak, at siyentipikong larawan ng mga epekto ng labis na pag-inom ng mga inuming de-alkohol. Nagbabala siya: “Sino ang may kaabahan? Sino ang di-mapalagay? Sino ang may mga pakikipagtalo? Sino ang may pagkabahala? Sino ang may mga sugat nang walang dahilan? Sino ang may kalabuan ang mga mata? Yaong mga nagbababad sa alak, yaong mga pumapasok upang maghanap ng hinaluang alak. Huwag kang tumingin sa alak kapag ito ay kulay pula, kapag ito ay kumikislap sa kopa [kapag ang alak ay waring lubhang kaakit-akit, o bumubula], kapag ito ay humahagod nang suwabe [kapag napakadulas nito sa lalamunan]. Sa huli ay kumakagat itong tulad ng serpiyente, at naglalabas ito ng lason tulad ng ulupong [maaari itong magdulot ng sakit sa pisikal (halimbawa, sanhi ito ng cirrhosis sa atay) at mental (nagiging dahilan ito ng delirium tremens), at maaari itong aktuwal na ikamatay ng isa]. Ang iyong mga mata ay makakakita ng mga bagay na kakatwa [naaapektuhan ng alkohol ang mga sentro ng kontrol sa utak, anupat sinusupil ang mga ito; lumalabas ang mga saloobin na karaniwa’y sinusupil; nagkakaroon ng mga halusinasyon ang isa; pinupunan niya ang mga patlang sa kaniyang alaala sa pamamagitan ng pagkukuwento ng kakatwang mga karanasan na para bang totoo ang mga iyon; nawawalan siya ng kontrol sa kaniyang paggawi], at ang iyong puso ay magsasalita ng tiwaling mga bagay [isasagawa ng taong iyon ang mga kaisipan at pagnanasang karaniwa’y pinipigilan niya].”​—Kaw 23:29-33; Os 4:11; Mat 15:18, 19.

Sa pagpapatuloy ng manunulat, inilalarawan niya ang personal na nararanasan ng lasenggo: “At tiyak na magiging tulad ka niyaong nakahiga sa kalagitnaan ng dagat [mararanasan niya ang kalituhan ng isa na nalulunod, na humahantong sa pagkawala ng ulirat], tulad nga niyaong nakahiga sa tuktok ng palo [kung paanong doon pinakamalakas ang ugoy ng barko, nanganganib din ang buhay ng lasenggo sa aksidente, istrok, away, at iba pa]. ‘Pinalo nila ako, ngunit hindi ako nagkasakit; hinampas nila ako, ngunit hindi ko namalayan [ang sabi ng lasenggo, na para bang kausap ang kaniyang sarili; hindi niya namalayan ang aktuwal na nangyari at ang kaparusahang napala niya sa karanasang iyon]. Kailan ako magigising? Iyon ay hahanapin ko pang muli [dapat na siyang matulog upang lumipas ang mga epekto ng kalasingan, ngunit alipin siya ng inuming de-alkohol at pinananabikan niyang muling uminom nito].’⁠” Sasapit siya sa karalitaan, dahil napakalaki ng ginagasta niya sa alak at, gayundin, dahil hindi na siya mapagkakatiwalaan at hindi siya makapagtrabaho.​—Kaw 23:20, 21, 34, 35.

Ipinagbawal sa Kongregasyong Kristiyano. Ang lasenggo ay kadalasang magulo, maingay at gumagawa ng katawa-tawang mga pagkilos, na nagdudulot naman ng kadustaan. (Kaw 20:1; Aw 107:27; Isa 19:14) Dahil dito, hindi dapat pahintulutan sa kongregasyong Kristiyano ang paglalasing. Ang saloobin ng Diyos hinggil sa paglalasing ay isiniwalat sa kaniyang Kautusan sa Israel. Ang isang anak na sutil at mapaghimagsik, na matakaw at lasenggo, ay dapat batuhin hanggang sa mamatay. (Deu 21:18-21) Sa katulad na paraan, iniuutos ng Bibliya na ang di-nagsisising mga lasenggo ay dapat itiwalag mula sa kongregasyong Kristiyano. (1Co 5:11-13) Kabilang sa “mga gawa ng laman” ang “mga paglalasingan, mga walang-taros na pagsasaya,” mga bagay na ginagawa ng mga tao ng mga bansa sa pangkalahatan. Kung ang isang Kristiyano ay nalinisan na mula sa gayong mga gawain at bumalik siya sa mga iyon at ayaw niyang magsisi, hindi siya pahihintulutang pumasok sa Kaharian ng Diyos. (1Co 6:9-11) Hindi na niya dapat gamitin ang kaniyang panahon sa pagsasagawa ng kalooban ng mga bansa sa pamamagitan ng pakikibahagi sa kanilang mga pagpapakalabis sa alak at mga paligsahan sa pag-inom. (1Pe 4:3) Dapat niyang ibuhos ang kaniyang pansin sa pagluluwal ng mga bunga ng espiritu ng Diyos.​—Gal 5:19-24.

Dahil dito, ang pagiging katamtaman at ang katinuan ng pag-iisip ay kabilang sa mga kahilingan para sa Kristiyanong mga tagapangasiwa (1Ti 3:1-3; Tit 1:7); mga ministeryal na lingkod (1Ti 3:8); matatandang lalaki at babae (Tit 2:2, 3); mga kabataang lalaki at babae (Tit 2:4-8); mga anak (lalo na ng mga tagapangasiwa).​—Tit 1:6.

Nang tinatalakay ang Hapunan ng Panginoon, sinaway ng apostol na si Pablo ang mga Kristiyanong taga-Corinto dahil sa ilang pag-abuso. Noon ay may mga nagdadala ng kanilang sariling pagkain at inumin sa dakong pinagtitipunan ng kongregasyon. Bagaman nagpapakasasa sa pagkain at inumin, ayaw nilang bahaginan ng kanilang kasaganaan ang kanilang nagdarahop na mga kapatid at sa gayo’y hinihiya ang mga ito. Dahil dito, kapag panahon na upang ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon, ang ilan ay wala sa angkop na kalagayan upang makibahagi dahil sa pagpapakalabis, samantalang ang iba naman ay gutóm. Kaya sinabi ni Pablo: “Ang isa ay gutóm ngunit ang isa naman ay lango.”​—1Co 11:20-22.

Isa pa, sa ilalim ng Kautusan, hindi angkop para sa mga saserdote na uminom ng mga inuming de-alkohol kapag nakikibahagi sa mga relihiyosong serbisyo. Inutusan silang huwag uminom ng alak o nakalalangong inumin habang nagsasagawa ng kanilang opisyal na mga tungkulin, sapagkat kung gagawin nila iyon ay mamamatay sila.​—Lev 10:8-11.

Bakit inilalahad ng Bibliya ang tungkol sa pagkalasing ng mga lalaking gaya nina Noe at Lot?

Binabanggit ng Bibliya ang ilang kaso ng pagkalasing kapag ang mga iyon ay may mahalagang bagay na nililinaw. Halimbawa, inilalahad nito na pagkatapos ng Baha, si Noe ay nagtanim ng isang ubasan, “nagsimulang uminom ng alak at nalango.” Iniulat sa Kasulatan ang pangyayaring ito upang ipakita ang dahilan kung bakit bumigkas si Noe ng sumpa laban kay Canaan. (Gen 9:20-27) Sa isa pang kaso, sa dalawang magkaibang gabi, binigyan ng dalawang anak na babae ni Lot ang kanilang ama ng napakaraming alak anupat nalasing ito at nakipagtalik sila sa kaniya. (Gen 19:30-38) Ipinakikita sa atin ng ulat na ito ang pinagmulan ng mga bansa ng Moab at Ammon at ang kaugnayan nila sa Israel. Maliwanag na nalasing si Lot hanggang sa hindi na niya kontrolado ang kaniyang mabuting pagpapasiya bagaman hindi naman siya lasing na lasing anupat hindi na niya kayang makipagtalik. Yamang mariing hinahatulan ng Salita ng Diyos ang paglalasing, makatitiyak tayo na ang matuwid na mga lalaking ito ay walang bisyong magpakalabis sa pag-inom ng alak, na hindi sila mga lasenggo. Ngunit makikita rito ang pagkatahasan ng Bibliya, sapagkat hindi nito ikinukubli ang katotohanan kapag naglalahad ng mga pangyayaring nagsasangkot sa mga tauhan ng Bibliya para sa ating kaliwanagan. Ang ilan pang mga kaso ng pagkalasing ay nakaulat sa 1 Samuel 25:36-38; 2 Samuel 11:13; 1 Hari 20:15-21.

Isang Maling Palagay. Noong Pentecostes ng 33 C.E., nang ibuhos sa mga alagad ni Kristo ang banal na espiritu, nakapagsalita sila ng iba’t ibang wika kung kaya sinabi ng ilan: “Sila ay punô ng matamis na alak.” Ngunit ipinaliwanag ni Pedro: “Ang mga taong ito, sa katunayan, ay hindi mga lasing, gaya ng inyong ipinapalagay, sapagkat ngayon ay ikatlong oras lamang ng araw,” o mga 9:00 n.u., kung bibilang mula sa pagsikat ng araw (mga 6:00 n.u.). (Gaw 2:1-4, 13-15) Taglay ng mga nagdiriwang na ito ng Pentecostes ang balumbon ng hula ni Isaias, kung saan nakasulat: “Sa aba ng mga maagang bumabangon sa kinaumagahan upang makapaghanap lamang sila ng nakalalangong inumin.” (Isa 5:11) Ang totoo, hindi kaugalian noon ang magpiging nang gayon kaaga, at hindi makatuwirang isipin na ang 120 katao ay sama-samang malalasing sa oras na iyon ng umaga. Binanggit ni Pablo kung ano ang kaugalian nang sabihin niya: “Yaong mga nagpapakalasing ay madalas na lasing sa gabi.”​—1Te 5:7.

Makasagisag na Pagkalasing. Ang mga lider ng sampung-tribong kaharian, na doo’y Efraim ang pangunahing tribo, ay lasing sa “alak” sa espirituwal na paraan. Una, napakahalaga sa kanila ng pulitikal na kasarinlan at ng pakikipag-alyansa sa mga kaaway ng kaharian ng Juda, na ang mga hari ay nakaupo sa “trono ni Jehova.” (1Cr 29:23) Walang alinlangang nagkaroon din sila ng literal na mga paglalasingan. Ang mga lalaking ito ay may pakikipagtipan sa Diyos na Jehova ngunit nilalabag nila ito nang may pagmamataas at paglalasing anupat dinudusta nila siya.​—Isa 28:1-4.

Sa katulad na paraan, ang mga saserdote at mga lider ng Juda ay nalasing din sa makasagisag na diwa. Bilang relihiyosong mga tagaakay, nagpasok sila ng mga tradisyon ng mga tao; sila ay nagpangitain at nagsalita ng bulaang mga bagay tungkol sa banal na bansa ng Diyos. Umasa sila sa Asirya ukol sa tulong sa halip na sa Diyos. (Isa 29:1, 9-14; 2Ha 16:5-9) Gaya ng inihula, ang lasing na Israel ay nabihag ng Asirya noong 740 B.C.E. Nang dakong huli, pilit na ipinainom sa apostatang Juda ang kopa ng pagngangalit ni Jehova at pinayaon siyang susuray-suray tungo sa pagkatapon sa Babilonya noong 607 B.C.E. (Isa 51:17-23) Dahil sa malupit na pakikitungo ng Babilonya sa bayan ng Diyos, ang gayunding kopa ay ininom ng Babilonya (“ang hari ng Sesac”) pagkaraan ng 68 taon.​—Jer 25:15-29.

Ang makasagisag na “Babilonyang Dakila” ay inilalarawan sa Bibliya bilang isang lasing na patutot, anupat hawak nito sa kaniyang kamay ang isang ginintuang kopa na “punô ng mga kasuklam-suklam na bagay at ng maruruming bagay ng kaniyang pakikiapid.” Ang mga tumatahan sa lupa ay nalasing sa “alak ng kaniyang pakikiapid.” Siya mismo ay “lasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus.” Ang kaniyang kabuktutan ay hahantong sa walang-hanggang pagkapuksa.​—Apo 17:1-6, 16; 14:8; 18:8; tingnan ang BABILONYANG DAKILA.