Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kalayaan

Kalayaan

Yamang ang Diyos na Jehova ang Makapangyarihan-sa-lahat, ang Soberanong Tagapamahala ng sansinukob, at ang Maylalang ng lahat ng bagay, siya lamang ang may lubos at walang-limitasyong kalayaan. (Gen 17:1; Jer 10:7, 10; Dan 4:34, 35; Apo 4:11) Ang lahat ng iba pa ay dapat na kumilos at gumawi sa loob ng mga hangganan ng kakayahang ibinigay sa kanila at magpasakop sa kaniyang pansansinukob na mga batas. (Isa 45:9; Ro 9:20, 21) Halimbawa, isaalang-alang ang grabidad, at ang mga batas na umuugit sa mga chemical reaction, sa impluwensiya ng araw, at sa paglaki ng mga bagay na may buhay; ang mga batas hinggil sa moral; ang mga karapatan at mga pagkilos ng iba na nakaiimpluwensiya sa kalayaan ng isa. Kaya naman may pasubali ang kalayaan ng lahat ng nilalang ng Diyos.

May pagkakaiba ang limitadong kalayaan at ang pagkaalipin. Ang kalayaan sa loob ng bigay-Diyos na mga hangganan ay nagdudulot ng kaligayahan; samantala, ang pagkaalipin sa mga nilalang, sa di-kasakdalan, sa mga kahinaan, o sa maling mga ideolohiya ay nagdudulot ng paniniil at kalungkutan. Ang kalayaan ay naiiba rin sa pagsasarili, samakatuwid nga, ang pagwawalang-bahala sa mga batas ng Diyos at pagpapasiya para sa sarili kung ano ang tama at kung ano ang mali. Humahantong ito sa panghihimasok sa mga karapatan ng iba at nagiging sanhi ng suliranin, gaya ng makikita sa mga epekto ng independiyente at mapaggiit-ng-sariling espiritu na inihasik kina Adan at Eva ng Serpiyente sa Eden. (Gen 3:4, 6, 11-19) Ang tunay na kalayaan ay nililimitahan ng batas, samakatuwid nga, ng batas ng Diyos, na nagpapahintulot naman na lubusang maipakita ng indibiduwal ang kaniyang kakanyahan sa wasto, nakapagpapatibay, at kapaki-pakinabang na paraan, at kumikilala sa mga karapatan ng iba, anupat nagdudulot ng kaligayahan sa lahat.​—Aw 144:15; Luc 11:28; San 1:25.

Ang Diyos ng Kalayaan. Si Jehova ang Diyos ng kalayaan. Pinalaya niya ang bansang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Sinabi niya sa kanila na hangga’t sinusunod nila ang kaniyang mga utos, magtatamo sila ng kalayaan mula sa kakapusan. (Deu 15:4, 5) Binanggit ni David ang “kalayaan sa alalahanin” sa loob ng mga tirahang tore ng Jerusalem. (Aw 122:6, 7) Gayunman, may probisyon ang Kautusan na sakaling maging dukha ang isang tao, maaari niyang ipagbili ang kaniyang sarili sa pagkaalipin upang mailaan niya ang mga pangangailangan niya at ng kaniyang pamilya. Ngunit pinagkakalooban ng Kautusan ang Hebreong ito ng kalayaan sa ikapitong taon ng kaniyang pagkaalipin. (Exo 21:2) Sa Jubileo (na nagaganap tuwing ika-50 taon), inihahayag sa lupain ang paglaya ng lahat ng tumatahan dito. Pinalalaya ang bawat aliping Hebreo, at ibinabalik ang bawat tao sa kaniyang lupaing mana.​—Lev 25:10-19.

Ang Kalayaang Dumarating sa Pamamagitan ni Kristo. Binanggit ng apostol na si Pablo ang pangangailangan ng sangkatauhan na mapalaya mula sa “pagkaalipin sa kasiraan.” (Ro 8:21) Sinabi ni Jesu-Kristo sa mga Judiong nanampalataya sa kaniya: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” Sa mga nag-akalang mayroon silang kalayaan dahil lamang sa sila’y mga inapo ni Abraham sa laman, itinawag-pansin niya na sila’y mga alipin ng kasalanan, at sinabi niya: “Samakatuwid kung palalayain kayo ng Anak, kayo ay talagang magiging malaya.”​—Ju 8:31-36; ihambing ang Ro 6:18, 22.

Tinutukoy ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang mga tagasunod ni Kristo bilang malalaya. Ipinakita ni Pablo na sila ay “mga anak, hindi ng isang alilang babae, kundi ng malayang babae” (Gal 4:31), na tinutukoy niya bilang “ang Jerusalem sa itaas.” (Gal 4:26) Pagkatapos ay nagpayo siya: “Ukol sa gayong kalayaan [o, “Taglay ang kalayaan niya [ng malayang babae],” tlb sa Rbi8] ay pinalaya tayo ni Kristo. Kung gayon ay tumayo kayong matatag, at huwag na kayong magpasakop pang muli sa pamatok ng pagkaalipin.” (Gal 5:1) Noong panahong iyon, umugnay sa mga kongregasyon sa Galacia ang ilang lalaki na may-kabulaanang nag-aangking Kristiyano. Inuudyukan nila ang mga Kristiyanong taga-Galacia na iwan ang kanilang kalayaan kay Kristo at sikaping tamuhin ang katuwiran sa pamamagitan ng mga gawa ng Kautusan, sa halip na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo. Binabalaan sila ni Pablo na dahil dito ay mahuhulog sila mula sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Kristo.​—Gal 5:2-6; 6:12, 13.

Ang kalayaan mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan at mula sa takot na tinamasa ng unang mga Kristiyano (“Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng pag-iisip”) ay makikita sa pagkatahasan at kalayaan sa pagsasalita ng mga apostol sa paghahayag nila ng mabuting balita. (2Ti 1:7; Gaw 4:13; Fil 1:18-20) Kinilala nila na ang kalayaang ito sa pagsasalita tungkol sa Kristo ay isang mahalagang pag-aari, na dapat linangin, bantayan, at panatilihin upang tumanggap sila ng pagsang-ayon ng Diyos. Angkop din naman itong ipanalangin.​—1Ti 3:13; Heb 3:6; Efe 6:18-20.

Wastong Paggamit ng Kalayaang Kristiyano. Ang kinasihang mga Kristiyanong manunulat, palibhasa’y nagpapahalaga sa layunin ng Diyos na magpakita ng di-sana-nararapat na kabaitan sa pamamagitan ni Kristo (“Sabihin pa, kayo ay tinawag ukol sa kalayaan, mga kapatid”), ay paulit-ulit na nagpayo sa mga Kristiyano na bantayan ang kanilang kalayaan at huwag abusuhin o gamitin sa maling paraan ang kalayaang iyon bilang oportunidad upang magpakasasa sa mga gawa ng laman (Gal 5:13) o bilang panakip ukol sa kasamaan. (1Pe 2:16) Binanggit ni Santiago ang ‘pagmamasid sa sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan’ at itinawag-pansin niya na ang isa na hindi tagapakinig na malilimutin, kundi nananatili bilang isang tagatupad, ay magiging maligaya.​—San 1:25.

Nasiyahan ang apostol na si Pablo sa kalayaang natamo niya sa pamamagitan ni Kristo ngunit hindi niya ginamit ang kalayaan niya upang palugdan ang kaniyang sarili ni ginamit man niya iyon hanggang sa punto na makasakit siya sa iba. Sa kaniyang liham sa kongregasyon sa Corinto, ipinakita niya na hindi niya sasadyaing saktan ang budhi ng ibang tao sa pamamagitan ng paggawa ng isang bagay na may kalayaan siyang gawin ayon sa Kasulatan ngunit maaari namang kuwestiyunin ng iba na kakaunti ang kaalaman, anupat baka masaktan ang kanilang budhi sa mga gagawin ni Pablo. Ginamit niyang halimbawa ang pagkain ng karneng inihandog sa harap ng idolo bago ito dinala sa pamilihan upang ipagbili. Dahil sa pagkain niya ng gayong karne, baka punahin ng isa na may mahinang budhi ang wastong kalayaan ni Pablo sa pagkilos at sa gayon ay gaganap ito bilang hukom ni Pablo, na hindi naman tama. Kaya sinabi ni Pablo: “Bakit nga hahatulan ng budhi ng ibang tao ang aking kalayaan? Kung nakikibahagi ako nang may pasasalamat, bakit ako pagsasalitaan nang may pang-aabuso dahil sa aking ipinagpapasalamat?” Gayunpaman, determinado ang apostol na gamitin ang kaniyang kalayaan sa paraang ikatitibay, hindi ikapipinsala.​—1Co 10:23-33.

Ang Pakikipaglaban ng Kristiyano at ang Pag-asa ng Sangkatauhan. Ipinakikita ni Pablo na may isang panganib sa kalayaan ng isang Kristiyano sapagkat, bagaman “ang kautusan ng espiritung iyon na nagbibigay ng buhay kaisa ni Kristo Jesus ay nagpalaya na sa iyo mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan” (Ro 8:1, 2), ang kautusan ng kasalanan at ng kamatayan na gumagana sa katawan ng Kristiyano ay nakikipaglaban upang muli siyang dalhin sa pagkaalipin. Dahil dito, dapat ituon ng Kristiyano ang kaniyang kaisipan sa mga bagay ng espiritu upang siya’y magwagi.​—Ro 7:21-25; 8:5-8.

Matapos niyang balangkasin ang pakikipagbakang Kristiyano, tinukoy ni Pablo ang mga kasamang tagapagmana ni Kristo bilang “mga anak ng Diyos.” Pagkatapos, tinukoy naman niya ang iba pa sa sangkatauhan bilang ang “sangnilalang” at iniharap niya ang kamangha-manghang layunin ng Diyos na ‘ang sangnilalang din mismo ay palayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.’​—Ro 8:12-21.

Makasagisag na Paggamit. Noong nagdurusa si Job at ninais niyang makalaya rito sa pamamagitan ng kamatayan, inihalintulad niya ang kamatayan sa isang kalayaan para sa mga napipighati. Maliwanag na tinutukoy niya ang mahirap na buhay ng mga alipin nang kaniyang sabihin: “[Sa kamatayan] ang alipin ay napalalaya mula sa kaniyang panginoon.”​—Job 3:19; ihambing ang talata 21 at 22.