Kalihim
Karaniwan na, isang inatasang opisyal na dalubhasa sa pagsulat at pag-iingat ng mga rekord. Ang salitang Hebreo na so·pherʹ ay maaari ring isalin bilang “eskriba” at “tagakopya.”
May mga panahon noon sa Israel na may isang pinagkakatiwalaang opisyal ng korte na mataas ang ranggo at tinatawag na “kalihim ng hari” o “kalihim.” (2Cr 24:11; 2Ha 19:2) Hindi lamang siya isang eskriba na ginagamit sa paggawa ng mga dokumento, ni isa lamang tagakopya ng Kautusan. (Huk 5:14; Ne 13:13; ihambing ang 2Sa 8:15-18; 20:23-26; tingnan ang ESKRIBA; TAGAKOPYA.) Kung minsan, ang kalihim ng hari ang nag-aasikaso sa mga bagay na may kinalaman sa pananalapi (2Ha 12:10, 11) at nagsasalita bilang kinatawan ng hari, sa tungkuling katulad niyaong sa isang ‘kalihim sa ugnayang panlabas.’ (Isa 36:2-4, 22; 37:2, 3) Sa ilalim ng pamamahala ni Solomon, dalawa sa “mga prinsipe” ang tinukoy bilang mga kalihim.—1Ha 4:2, 3; ihambing ang 2Cr 26:11; 34:13.
Bukod sa “kalihim ng hari,” bumabanggit din ang Bibliya ng “kalihim ng pinuno ng hukbo” (2Ha 25:19; Jer 52:25) at “kalihim ng mga Levita.” (1Cr 24:6) Si Baruc ay isang eskribang kalihim ni Jeremias.—Jer 36:32.