Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kamay

Kamay

Ang dulong bahagi ng bisig. Kung minsan, ayon sa pagkakagamit sa Kasulatan, kasama sa pananalitang “kamay” ang pulso, gaya sa Genesis 24:22, 30, 47 at Ezekiel 16:11, kung saan sinasabing sa “mga kamay” isinusuot ang mga pulseras, at sa Hukom 15:14, kung saan binabanggit ang mga pangaw na nasa “mga kamay” ni Samson. Makikita sa ginagawa ng kamay ang kapangyarihan o lakas ng bisig at ito ang kumokontrol dito, kaya naman sa maraming kaso ng paglitaw nito sa makasagisag na pananalita, ang ideya ng “aktibong kapangyarihan” ay maaaring iugnay sa salitang “kamay.” (Exo 7:4; 13:3; Deu 2:15; Luc 1:66) Yamang ang kamay ng tao ay napakadaling igalaw at nagagamit sa maraming bagay at ito’y isang bahagi ng katawan na ipinantatrabaho, ginagamit ito sa makasagisag na paraan sa maraming teksto sa Bibliya upang tumukoy sa sari-saring pagkilos.

Ang karaniwang terminong Hebreo para sa “kamay” ay yadh; kung minsan, ang salitang kap ay isinasalin bilang “kamay,” ngunit literal itong nangangahulugang “palad.” (Job 22:30, tlb sa Rbi8) Ang karaniwang terminong Griego naman para sa “kamay” ay kheir.

Ang mga Galaw ng Kamay at ang Kahulugan ng mga Ito. Ginagamit ang mga galaw ng mga kamay upang magpahayag ng iba’t ibang bagay. Ang mga ito ay itinataas kapag nananalangin, anupat kadalasa’y nakalahad sa langit ang mga palad bilang pagsusumamo (2Cr 6:12; Ne 8:6); itinataas bilang panunumpa (Gen 14:22); idinidikit sa bibig bilang isang anyo ng pagsaludo (Job 31:27); ipinapalakpak sa kagalakan, gaya sa pagpuri (2Ha 11:12) o sa pagkagalit o pag-alipusta (Bil 24:10; Job 27:23; Na 3:19); ikinakaway bilang pagbabanta (Isa 10:32); ipinapatong sa ibabaw ng ulo o sa mga balakang dahil sa kalungkutan o kabagabagan (2Sa 13:19; Jer 30:5, 6); hinuhugasan ng tubig upang magpahiwatig ng seremonyal na kalinisan, kawalang-sala, o upang alisan ng pananagutan ang sarili.​—Mat 15:1, 2; 27:24; ihambing ang Aw 26:5, 6; 51:1, 2; tingnan ang POSISYON AT KILOS NG KATAWAN.

Makalarawan at Makasagisag na mga Paggamit. Kung minsan, ginagamit ang kamay upang kumatawan sa mismong tao, gaya noong humingi si David ng pagkain kay Nabal: “Pakisuyo, ibigay mo lamang . . . ang anumang masumpungan ng iyong kamay.” (1Sa 25:8) Tumutukoy rin ito sa pangkalahatang disposisyon o gawain ng isa (Gen 16:12), o maaari itong kumatawan sa kaniyang pananagutang magsulit para sa mga pagkilos niya.​—Gen 9:5; Eze 3:18, 20.

Pinunô ni Moises ng mga hain ang mga kamay ng mga saserdote noong panahon ng pagtatalaga sa kanila bilang bahagi ng seremonya upang sangkapan sila sa makasagisag na paraan, anupat ‘pinuspos ang kanilang mga kamay’ ng awtoridad at kapangyarihan para sa pagkasaserdote.​—Lev 8:25-27, 33; tingnan ang PUSPUSIN NG KAPANGYARIHAN ANG KAMAY.

Tiniyak ni Jehova kay Jacob na “ipapatong ni Jose [na anak niya] ang kaniyang kamay sa iyong mga mata,” samakatuwid nga, si Jose ang magpipikit ng mga mata ni Jacob pagkamatay niya. (Gen 46:4) Ang pribilehiyong ito ay karaniwan nang ibinibigay sa panganay. Sa gayon, hindi lamang tiniyak ng mga salitang ito sa patriyarkang si Jacob na ang kaniyang minamahal na anak na si Jose ay mananatili sa piling niya sa nalalabing mga taon ng kaniyang buhay kundi lumilitaw na inihula rin ng mga salitang ito na ang karapatan sa pagkapanganay, na naiwala ni Ruben, ay mapupunta kay Jose.

Sa makasagisag na paraan ay binabanggit na ginagamit ng Diyos ang kaniyang “kamay,” samakatuwid nga, ang kaniyang aktibong kapangyarihan, sa pagsasagawa ng mga bagay-bagay; ang ilang halimbawa nito ay: sa paglalang (Aw 8:6; 102:25); sa pagpuksa sa kaniyang mga kaaway (Isa 25:10, 11); sa pagliligtas sa kaniyang bayan (Exo 7:4, 5); sa pagpapakita ng pabor at kapangyarihan sa mga humahanap sa kaniya (Ezr 8:22); sa paglalaan ng mga panustos (Aw 104:28; 145:16); at sa pagbibigay ng tulong (Isa 11:11). Sinabi ni Elihu na lilisan ang mga makapangyarihan nang “hindi sa pamamagitan ng kamay,” at ang bato sa makahulang panaginip ni Nabucodonosor ay natibag mula sa isang bundok nang “hindi sa pamamagitan ng mga kamay”; sa dalawang kasong ito, nangangahulugan iyon na naganap ang pangyayari, hindi sa pamamagitan ng mga kamay ng tao, kundi sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jehova.​—Job 34:1, 20; Dan 2:34, 44, 45.

Ang pagiging ‘nasa kamaynasa ilalim ng kamay ng isa’ ay nangangahulugang mapasailalim sa kapangyarihan o pamumuno ng isang iyon (Gen 9:2; 41:35; Job 2:6; 1Pe 5:6; ihambing ang Gen 37:21), o maaari itong mangahulugang “nasa iyong kapamahalaan” o ‘nasa pangangalaga ng isa’ (Gen 16:6, ihambing ang Le; Gen 42:37, ihambing ang RS; Luc 23:46; Ju 10:28, 29). Ang pananalitang “may nakataas na kamay” ay tumutukoy sa pagiging malakas, matagumpay (Exo 14:8); ang ‘pagpapalakas ng mga kamay’ ay nangangahulugang bigyang-kapangyarihan o paglaanan at sangkapan (Ezr 1:6); ang ‘pagpapahina ng mga kamay,’ ng pagsira ng loob ng isa (Jer 38:4); ang ‘paglalagay ng buhay ng isa sa kaniyang sariling kamay o palad,’ ng pagsasapanganib ng kaniyang buhay (1Sa 19:5; Job 13:14). Ang “pakikipagkamay” ay ginagawa kapag nangangako (Ezr 10:19) o kapag nananagot para sa iba (Kaw 6:1-3; 17:18; 22:26); ang ‘paglalagay ng kamay sa’ ay nangangahulugan ng pagpapagal (Deu 15:10, ihambing ang KJ); ang ‘paglalagay ng kamay ng isa sa pag-aari ng iba,’ ng pagnanakaw o di-wastong paggamit niyaon (Exo 22:7, 8, 10, 11); ang ‘malilinis na kamay’ ay nagpapahiwatig ng kawalang-sala (2Sa 22:21; ihambing ang Aw 24:3, 4); ang ‘mga kamay na punô ng dugo,’ ng pagpaslang (Isa 1:15; 59:3, 7); ang ‘pagtatakip ng kamay sa bibig,’ ng pagtahimik (Huk 18:19); ang ‘paglaylay ng mga kamay,’ ng panghihina ng loob (2Cr 15:7; tingnan din ang Isa 35:3; Heb 12:12, 13); at ang ‘pagbubukas ng kamay,’ ng pagiging bukas-palad (Deu 15:11).

Ang “kaunti pang paghahalukipkip ng mga kamay sa pagkakahiga” ay nagdudulot ng karalitaan sa tamad. (Kaw 6:9-11) Inilalarawan siya bilang labis na nanghihimagod anupat hindi niya maalis ang kaniyang kamay mula sa mangkok na pampiging upang ibalik iyon sa kaniyang bibig. (Kaw 26:15) Ang taong pabaya na “gumagawang may kamay na makupad ay magiging dukha,” samantalang ang masikap na kamay ay magdadala ng kayamanan.​—Kaw 10:4.

Ang iba pang mga idyomatikong pananalitang Hebreo na may kaugnayan sa kamay ay: ang pananalitang ‘ang kamay ay sumasa,’ na nangangahulugang makipagtulungan, pumanig sa isa (Exo 23:1; 1Sa 22:17); ang ‘sa pamamagitan ng kamay ng isa’ ay tumutukoy sa pamamatnubay ng isang iyon (Exo 38:21) o sa pamamagitan ng isang iyon (Exo 4:13; Lev 8:36; 10:11); ang pananalitang ‘hindi maabot ng kaniyang kamay’‘hindi ito makamit ng kaniyang kamay’ ay nangangahulugang hindi sapat ang kaniyang (pinansiyal na) kakayahan (Lev 14:21); ang ‘makukuha ng kaniyang kamay,’ yaong makakayanan niya (Bil 6:21); ang ‘mga kamay ng tabak,’ kapangyarihan ng tabak (Job 5:20); ang ‘kamay ng dila,’ kapangyarihan ng dila (Kaw 18:21); ang ‘buhay ng iyong kamay,’ pagpapanumbalik ng iyong lakas (Isa 57:10); ang ‘pagsasara ng kamay’ sa kapatid ng isa, pagtitikom ng kamay sa pagtulong sa kaniya.​—Deu 15:7KJ.

Sinabi ni Jehova sa mga Israelita na dapat nilang itali ang kaniyang mga salita “bilang tanda sa [kanilang] kamay” (Deu 6:6-8; 11:18) at na inililok niya ang Sion sa kaniyang mga palad (Isa 49:14-16), nagpapahiwatig ng patuluyang pag-alaala at pagbibigay-pansin. Kahawig ng kahulugan nito, sinabihan ni Jehova ang mga bating na nanghahawakan sa kaniyang tipan na bibigyan niya sila ng “isang bantayog” (o, dako; sa literal, isang “kamay”) sa kaniyang bahay. (Isa 56:4, 5) Sinasabi ng Bibliya na makasagisag na isinusulat ng mga mananamba ng Diyos sa kanilang mga kamay ang mga salitang, “Kay Jehova,” sa gayon ay ipinahihiwatig na sila ay mga alipin niya. (Isa 44:5) Sa gayunding paraan, ang pagkakaroon ng “marka” ng “mabangis na hayop” sa kanang kamay ay sumasagisag sa pagbibigay ng isa ng pansin, debosyon, at aktibong suporta sa “mabangis na hayop” at sa “larawan” nito, yamang ang mga kamay ng isang tao ang ginagamit sa paggawa para sa isa na pinaglilingkuran niya.​—Apo 13:16, 17; 14:9, 10; 20:4.

Pagpapatong ng mga Kamay. Bukod sa basta panghawak, ang mga kamay ay ipinapatong sa isang tao o bagay para sa iba’t ibang layunin. Gayunman, ang pangunahing kahulugan ng ganitong pagkilos ay pagtatalaga, ang pagkilala sa isang tao o bagay ayon sa isang partikular na paraan. Sa seremonya noong italaga ang pagkasaserdote, ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng toro at ng dalawang barakong tupa na ihahain, sa gayon ay kinilala na inihahain ang mga hayop na ito para sa kanila dahil sila’y naging mga saserdote ng Diyos na Jehova. (Exo 29:10, 15, 19; Lev 8:14, 18, 22) Nang atasan ni Moises si Josue bilang kahalili niya ayon sa utos ng Diyos, ipinatong niya rito ang kaniyang kamay, anupat ‘napuspos ito ng espiritu ng karunungan’ at nakapanguna nang wasto sa Israel. (Deu 34:9) Ang mga kamay ay ipinapatong din sa mga tao kapag itinatalaga silang tumanggap ng pagpapala. (Gen 48:14; Mar 10:16) Hinipo ni Jesu-Kristo ang ilang tao, o ipinatong niya sa kanila ang kaniyang mga kamay, upang pagalingin sila. (Mat 8:3; Mar 6:5; Luc 13:13) Sa ilang pagkakataon, ibinigay ang kaloob ng banal na espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol.​—Gaw 8:14-20; 19:6.

Mga pag-aatas sa paglilingkod. Sa kongregasyong Kristiyano, ang pag-aatas ng may-gulang na mga lalaki sa mga posisyon o mga katungkulang may pananagutan ay ginagawa rin sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay niyaong mga awtorisadong gumawa nito. (Gaw 6:6; 1Ti 4:14) Dahil magkakaroon ng impluwensiya ang gayong mga lalaking inatasan at tutularan ang halimbawang ipakikita nila, ipinayo ng apostol na si Pablo kay Timoteo: “Huwag mong ipatong nang madalian ang iyong mga kamay sa sinumang tao; ni maging kabahagi man sa mga kasalanan ng iba.” Nangangahulugan iyon na huwag atasan ang isang lalaki nang hindi isinasaalang-alang nang husto kung ito ay kuwalipikado, dahil baka hindi niya magampanan nang wasto ang kaniyang mga tungkulin, at sa gayon ay may pananagutan din si Timoteo sa idudulot nitong suliranin.​—1Ti 5:22.

Ang Kanang Kamay. Sa makasagisag na paraan, ang kanang kamay ay itinuring na napakahalaga. Hindi nalugod si Jose nang pagpalitin ni Jacob ang mga kamay nito upang maipatong ang kaniyang kanang kamay kay Efraim, ang nakababatang anak ni Jose. Ngunit sinadya iyon ni Jacob, upang maibigay niya kay Efraim ang nakahihigit na pagpapala. (Gen 48:13-20) Ang pagiging nasa kanan (sa Ingles, right hand) ng isang tagapamahala ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng pinakamahalagang posisyon, pangalawa sa mismong tagapamahala (Aw 110:1; Gaw 7:55, 56; Ro 8:34; 1Pe 3:22), o ng isang posisyon na pinapaboran niya. (Mat 25:33) Sa pangitain sa Apocalipsis, sinasabing nasa kanang kamay ni Jesus ang pitong bituin ng pitong kongregasyon. Samakatuwid nga, lahat ng mga lupong ito ng matatanda ay pinapaboran niya at nasa ilalim ng kaniyang ganap na kontrol, kapangyarihan, at pangangasiwa.​—Apo 1:16, 20; 2:1.

Ang pagtangan ng Diyos sa kanang kamay ng isa ay magpapalakas sa isang iyon. (Aw 73:23) Kadalasan, ang kanang kamay ng isang mandirigma ang kamay na nagwawasiwas ng tabak, at hindi ito protektado ng kalasag na nasa kaliwang kamay. Kaya naman ang kaniyang kaibigan ay tumatayo o nakikipaglaban sa kaniyang kanan bilang isang tagapagsanggalang. Ang kalagayang ito ay ginagamit bilang metapora may kinalaman sa pagtulong at pagsasanggalang ng Diyos sa mga naglilingkod sa kaniya.​—Aw 16:8; 109:30, 31; 110:5; 121:5.

Sinabi ng manunulat ng Eclesiastes: “Ang puso ng marunong ay nasa kaniyang kanang kamay, ngunit ang puso ng hangal ay nasa kaniyang kaliwang kamay.” Sa ibang pananalita, ang marunong ay nakakiling sa landas na mabuti at kaayaaya, ngunit ang hangal naman ay sa masamang landasin.​—Ec 10:2.

Mga Direksiyon. Ang terminong Hebreo para sa “kanang kamay” (sa Heb., ya·minʹ) ay isinasalin din bilang “timog” at ang termino naman para sa “kaliwang kamay” (sa Heb., semoʼlʹ) ay isinasalin bilang “hilaga” (Gen 14:15; Aw 89:12), yamang ang mga direksiyon ay tinutukoy noon mula sa pangmalas ng isang tao na nakaharap sa S. Kaya naman ang T ay nasa kanan niya.​—1Sa 23:19, 24.

Iba Pang Pagkagamit. Ang “kamay” (sa Heb., yadh) ay ginagamit din para sa “tabi” (Exo 2:5), “panig” (Ec 4:1), o ‘sa karatig ng’ (Ne 3:4, 5, 7); para sa “baybayin” (Bil 24:24); at para sa mga “mitsa” ng mga hamba ng tabernakulo (Exo 26:17; ihambing ang panggilid ng KJ). Ang salitang Hebreo na kap (kadalasang isinasalin bilang “palad” at “kamay”) ay ginagamit para sa “talampakan” ng paa (Gen 8:9), para sa mga kopa (“mga kutsara,” KJ) ng tabernakulo at ng templo (Exo 25:29; Bil 7:84, 86; 2Ha 25:14), at para sa “hugpungan” (ng hita) o “pinakalundo” (ng panghilagpos). (Gen 32:25, 32; 1Sa 25:29) Ang yadh (kamay) at ang kap (palad; kamay) ay parehong isinasalin sa iba pang mga terminong Tagalog.

Sa makasagisag na paraan, ang “dakut-dakot” (handfuls) ay tumutukoy sa kasaganaan (Gen 41:47), at ang “sandakot” (a handful) ay nangangahulugan ng kaunti lamang (1Ha 17:12) o katamtamang dami (Ec 4:6), depende sa konteksto.​—Tingnan ang BISIG; HINLALAKI; PAGHUHUGAS NG MGA KAMAY.