Kambron
[sa Heb., ʼa·tadhʹ; sa Ingles, bramble].
Ang salitang Hebreo ay kinikilalang tumutukoy sa kambron o sa buckthorn (Rhamnus) sa A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, nina Brown, Driver, at Briggs (1980, p. 31). TINIK.
Ang Palestinian buckthorn (Rhamnus palaestina) ay isang palumpong na ligáw, anupat tumataas nang mga 1 hanggang 2 m (3 hanggang 6 na piye), ang mga sanga nito ay may matutulis at matitigas na tinik. Bagaman marami nito sa mabababa at maiinit na pook ng bansa, matatagpuan din ito sa mga bulubunduking pook, gaya ng Jerusalem. Tinutukoy ni Walter Baumgartner ang ʼa·tadhʹ bilang ang boxthorn o Lycium europaeum, isang matinik na palumpong na tumataas nang mga 1 hanggang 2 m (3 hanggang 6 na piye), namumulaklak ng maliliit at kulay ubeng mga bulaklak at namumunga ng pulang mga berry na maliliit, bilog, at nakakain.—Hebräisches und Aramäisches Lexikon zum Alten Testament, Leiden, 1967, p. 36; tingnan angAng kambron ay naging lubhang prominente sa ulat ng Hukom 9:8-15 kung saan ang punong olibo, ang puno ng igos, at ang punong ubas ay inihahambing sa hamak na kambron. Gaya ng ipinakikita ng nalalabing bahagi ng kabanatang iyon, ang mahahalagang halaman ay kumakatawan sa karapat-dapat na mga tao, gaya ng 70 anak ni Gideon, na hindi naghangad ng posisyon ng pagkahari upang mamahala sa kanilang mga kapuwa Israelita, samantalang ang kambron, isang panggatong lamang, ay kumakatawan sa pagkahari ni Abimelec, ang pumatay sa lahat ng iba pang anak ni Gideon, maliban sa isa, na mga kapatid niya. (Huk 9:1-6, 16-20) Walang alinlangang ang mungkahi ni Jotam na manganlong sa lilim ng kambron ang iba pang makasagisag na mga punungkahoy ay kabalintunaan, sapagkat maliwanag na ang kambron na tumutubo nang mababa ay hindi makapaglalaan ng lilim para sa mga punungkahoy, lalo na sa mariringal na sedrong binanggit.
Ibinigay ni Jotam ang babala na lumabas sana ang apoy mula sa kambron “at tupukin ang mga sedro ng Lebanon,” marahil ay ipinahihiwatig ang pagiging madaling magliyab ng tuyo at walang-dahong mga halamang ito kapag panahon ng mainit na mga buwan ng tag-araw. Tinutukoy rin ng Awit 58:9 ang paggamit sa mga kambron bilang panggatong.
Ang salitang Hebreo na ʼa·tadhʹ ay lumilitaw rin bilang pangalan ng isang lugar sa Genesis 50:10.—Tingnan ang MATINIK NA PALUMPONG.