Kandarapa
[sa Heb., li·lithʹ; sa Ingles, nightjar].
Isang nilalang na binanggit sa paglalarawan ng lubos na pagkatiwangwang ng Edom at ng mga bagay na nakatira sa mga guho nito. (Isa 34:14) Ang salitang Hebreo para rito ay isinalin sa iba’t ibang paraan bilang “malaking kuwago” (AS-Tg), “maligno” (BSP), “kandarapa” (NE, NW), at “panggabing ibon” (MB), samantalang tinumbasan lamang ng The Jerusalem Bible ng transliterasyong “Lilith” ang pangalang ito.
Sinisikap ng maraming iskolar na ipakitang ang terminong Hebreo ay isang salitang hiram sa sinaunang Sumeriano at Akkadiano at na hinalaw ito sa pangalan ng isang mitolohikal na babaing demonyo ng himpapawid (si Lilitu). Gayunman, ipinapalagay ni Propesor G. R. Driver na ang salitang Hebreo (na li·lithʹ) ay halaw sa salitang-ugat na tumutukoy sa “bawat uri ng galaw o bagay na pilipit,” kung paanong ang salitang Hebreo na laʹyil (o laiʹlah), na nangangahulugang “gabi,” ay nagpapahiwatig ng “ibalot ang sarili o bumalot sa lupa.” Iminumungkahi niya na posibleng ipinahihiwatig ng gayong paggamit sa li·lithʹ na ang kandarapa ay kapuwa isang ibon na sa gabi kumakain at kilalá dahil sa mabilis, pumipilipit at umiikot na paglipad nito habang nanghahabol ito ng mga mariposa, uwang, at iba pang mga insektong lumilipad sa gabi. Sinipi ni Propesor Driver ang paglalarawan ng naturalistang si H. B. Tristram sa kandarapa bilang “lumiliksi habang gumagabi, kung kailan napakabilis nitong manghuli ng makakain sa pamamagitan ng masalimuot na mga pag-ikot.”—Palestine Exploration Quarterly, London, 1959, p. 55, 56.
Ang kandarapa ay may haba na halos 30 sentimetro (12 pulgada) at ang sukat ng nakabukang mga pakpak nito mula sa dulo’t dulo ay 50 sentimetro (20 pulgada) o higit pa. Ang mga balahibo nito ay hawig ng sa kuwago, anupat malambot at may mapusyaw na batik-batik na kulay-abo at kayumanggi. Dahil malambot ang mga balahibo ng pakpak nito, tahimik ang kaniyang paglipad. Maliwanag na dahil sa laki ng bibig nito kung kaya tinatawag din itong goatsucker, anupat ayon sa isang sinaunang alamat ay sinisipsip ng ibong ito ang gatas ng mga kambing.
Hinggil sa posibilidad na makatagpo ng ganitong ibon sa tigang na rehiyon ng Edom, may ilang uri ng ibong ito na kilalang nakatira sa tiwangwang na mga dako. Ang Egyptian nightjar (Caprimulgus aegyptius) ay halos sa disyerto lamang nakatira, anupat namumugad sa mga taniman ng akasya at mga palumpong ng tamarisko, at sa takipsilim naghahanap ng makakain. Ang isa pa (Caprimulgus nubicus) ay matatagpuan sa mga gilid ng disyerto sa pagitan ng Jerico at ng Dagat na Pula, samakatuwid ay sa mga rehiyong gaya ng Edom.