Kanela
[sa Heb., qin·na·mohnʹ; sa Gr., kin·naʹmo·mon; sa Ingles, cinnamon].
Ang punong kanela (Cinnamomum zeylanicum) ay kasama sa pamilya ng mga laurel, na kinabibilangan din ng punong kasia at ng punong camphor. Gustung-gusto nito ang lupang buhaghag, mabuhangin at mamasa-masa, at sagana ito sa Sri Lanka at Java. Posibleng galing sa wikang banyaga ang Hebreong pangalan nito, at waring ang produktong ito’y inangkat lamang patungo sa Lupang Pangako.
Ang kanela ay umaabot sa taas na mga 9 na m (30 piye). Makinis at kulay-abo ang talob nito at mahahaba ang sanga. Ang evergreen na mga dahon nito na hugis-talim ng sibat ay kulay berde sa ibabaw ngunit kulay puti sa ilalim at may habang mga 20 hanggang 23 sentimetro (8 hanggang 9 na pulgada) at lapad na mga 5 sentimetro (2 pulgada). Kumpul-kumpol ang maliliit na bulaklak nito na kulay puti o manilaw-nilaw. Halos walang amoy at di-pinakikinabangan ang panlabas na talob nito. Ang kanelang ipinagbibili ay galing sa mas matingkad na panloob na talob, na pinagkukunan din ng aromatikong langis.
Bilang isa sa “mga pinakapiling pabango,” ginamit ang kanela sa paghahanda ng banal na langis na pamahid. (Exo 30:23) Iwiniwisik din ang kanela sa mga higaan. (Kaw 7:17) Ginamit ito upang ilarawan ang minamahal na babaing Shulamita (Sol 4:13, 14), at isa ito sa mga produktong ipinagbibili ng mga naglalakbay na mangangalakal sa “Babilonyang Dakila” bago ito pinuksa.—Apo 18:2, 11-13.