Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kanlungang Lunsod, Mga

Kanlungang Lunsod, Mga

Napakalinaw ng kautusan ni Jehova hinggil sa kabanalan ng dugo. Dinudumhan ng pagbububo ng dugo ng tao ang lupaing tinitirahan ng mga anak ni Israel, na sa gitna niyaon ay tumatahan si Jehova, at maipagbabayad-sala lamang ito ng dugo niyaong nagbubo ng dugo. (Gen 9:5, 6; Bil 35:33, 34) Kaya sa kaso ng isang mamamaslang, naipaghihiganti ang dugo ng kaniyang biktima at natutupad ang kautusang ‘buhay para sa buhay’ kapag siya ay “walang pagsalang” pinatay ng tagapaghiganti ng dugo. (Exo 21:23; Bil 35:21) Ngunit kumusta naman ang nakapatay nang di-sinasadya, gaya halimbawa ng taong nakapatay sa kaniyang kapatid nang di-sinasadyang tumilapon ang talim ng palakol samantalang nagsisibak siya ng kahoy? (Deu 19:4, 5) Para sa mga nalagay sa gayong kagipitan, maibiging naglaan si Jehova ng anim na kanlungang lunsod kung saan ang isa na di-sinasadyang nakapagbubo ng dugo ay makasusumpong ng proteksiyon at kublihan mula sa tagapaghiganti ng dugo.​—Bil 35:6-32; Jos 20:2-9.

Mga Lokasyon. Bago siya mamatay, itinakda ni Moises ang tatlo sa mga lunsod na ito sa S ng Jordan. Ang una, ang Bezer, sa dakong T sa talampas ng teritoryo na pag-aari ng tribo ni Ruben, ay nasa S ng hilagaang dulo ng Dagat na Patay; ang ikalawa, ang Ramot, sa Gilead, ay pag-aari ng tribo ni Gad at halos nasa gitna ng silanganing seksiyon ng lupaing nasasakupan ng Israel; ang ikatlo, ang Golan, sa Basan, ay nasa dakong H sa teritoryo ng Manases. (Deu 4:43; Jos 21:27, 36, 38) Pagkatawid ng mga Israelita sa K panig ng Jordan, nagtalaga si Josue ng tatlo pang kanlungang lunsod: ang Hebron, sa dakong T sa teritoryo ng Juda; ang Sikem, sa gitnang bulubunduking pook ng Efraim; at sa dakong H, ang Kedes, sa teritoryo ng Neptali, na nang maglaon ay nakilala bilang rehiyon ng Galilea. (Jos 21:13, 21, 32) Ang lahat ng mga lunsod na ito ay mga lunsod ng mga Levita at ang isa, ang Hebron, ay isang lunsod ng mga saserdote. Karagdagan pa, palibhasa’y ibinukod bilang mga kanlungang lunsod, ang mga ito ay binigyan ng sagradong katayuan.​—Jos 20:7.

Legal na Pamamaraan.  Pagdating ng takas sa isang kanlungang lunsod, ilalahad niya ang kaniyang kaso sa matatandang lalaki na nasa pintuang-daan ng lunsod at magiliw naman siyang tatanggapin ng mga ito. Upang hindi makapagtago ang mga tahasang mamamaslang sa ilalim ng probisyong ito, ang tumatakas, pagkapasok niya sa kanlungang lunsod, ay kailangang sumailalim sa paglilitis sa mga pintuang-daan ng lunsod na nakasasakop sa pinangyarihan ng pagpatay, upang patunayan ang kaniyang kawalang-sala. Kung masusumpungan siyang walang-sala, ibabalik siya sa kanlungang lunsod. Gayunman, magagarantiyahan lamang ang kaniyang kaligtasan kung mananatili siya sa lunsod nang habang-buhay o hanggang sa pagkamatay ng mataas na saserdote. Walang pantubos na tatanggapin upang mabago ang mga kundisyong ito. (Bil 35:22-29, 32; Jos 20:4-6) Kahit ang sagradong altar ni Jehova ay hindi makapaglalaan ng proteksiyon para sa mga mamamaslang, gaya ng ipinakikita sa kaso ni Joab.​—Exo 21:14; 1Ha 1:50; 2:28-34; tingnan ang TAGAPAGHIGANTI NG DUGO.

Napakalaki nga ng kaibahan ng kaayusan ni Jehova upang mabigyang-proteksiyon ang mga nakapatay nang di-sinasadya kung ihahambing sa mga kanlungang inilaan ng sinaunang mga bansang pagano at ng mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan sa paglipas ng panahon! Samantalang kinupkop ng huling nabanggit na mga kanlungan kapuwa ang mga kriminal at ang mga walang-sala, tanging ang nakapatay nang di-sinasadya ang binigyang-proteksiyon ng mga kanlungang lunsod ng Israel at gayunma’y may kalakip itong mga paghihigpit, sa gayon ay itinaguyod nito ang paggalang sa kabanalan ng buhay.

[Mapa sa pahina 1399]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MGA KANLUNGANG LUNSOD

Malaking Dagat

Kedes

Golan

Sikem

Ramot

Ilog Jordan

Bezer

Hebron

Dagat Asin