Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kanon

Kanon

(ng Bibliya).

Ang tambo (sa Heb., qa·nehʹ; sa Ingles, reed) ay ginagamit noong unang panahon bilang panukat. (Eze 40:3-8; 41:8; 42:16-19) Ginamit ng apostol na si Pablo ang salitang ka·nonʹ upang tumukoy sa “teritoryo” na iniatas sa kaniya, gayundin sa ‘alituntunin ng paggawi’ na dapat magsilbing sukatan ng paggawi ng mga Kristiyano. (2Co 10:13-16; Gal 6:16) Nang maglaon, ang “kanon ng Bibliya” ay tumukoy sa katalogo ng kinasihang mga aklat na karapat-dapat gamitin bilang panukat ng pananampalataya, doktrina, at paggawi.​—Tingnan ang BIBLIYA.

Hindi masasabing nagmula sa Diyos o kanonikal ang isang relihiyosong aklat dahil lamang sa ito’y naisulat, naingatan sa loob ng daan-daang taon, at iginagalang ng milyun-milyon. Dapat mapatunayan na ang Diyos ang awtor nito upang masabing kinasihan ito ng Diyos. Sinabi ng apostol na si Pedro: “Ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” (2Pe 1:21) Kung susuriin ang kanon ng Bibliya, makikita na ang mga aklat nito ay lubusang nakaaabot sa ganitong pamantayan.

Ang Hebreong Kasulatan. Ang unang mga aklat ng Bibliya ay isinulat ni Moises pasimula noong 1513 B.C.E. Naingatan sa mga ito ang mga utos at tuntuning ibinigay ng Diyos kina Adan, Noe, Abraham, Isaac, at Jacob, gayundin ang mga batas sa tipang Kautusan. Ang tinatawag na Pentateuch ay binubuo ng limang aklat ng Genesis, Exodo, Levitico, Mga Bilang, at Deuteronomio. Ang aklat ng Job, na lumilitaw na isinulat din ni Moises, ay nag-uulat ng mga pangyayari pagkamatay ni Jose (1657 B.C.E.), noong hindi pa napatutunayan ni Moises ang kaniyang katapatan sa Diyos at ‘wala pang sinumang tulad ni Job sa lupa.’ (Job 1:8; 2:3) Isinulat din ni Moises ang Awit 90 at posibleng pati ang Awit 91.

Kung susuriin ang mga isinulat na ito ni Moises batay sa panloob na katibayan, makikita natin na ang mga ito’y nagmula sa Diyos, kinasihan, kanonikal, at mapananaligang gabay sa dalisay na pagsamba. Si Moises ay naging lider at kumandante ng mga Israelita hindi dahil sa sarili niyang kagustuhan; sa katunayan ay nag-atubili siya noong una. (Exo 3:10, 11; 4:10-14) Gayunman, ibinangon ng Diyos si Moises at pinagkalooban siya ng makahimalang mga kapangyarihan, anupat maging ang mga mahikong saserdote ni Paraon ay napilitang umamin na ang Diyos ang nagpangyari ng mga bagay na ginawa ni Moises. (Exo 4:1-9; 8:16-19) Kaya hindi inambisyon ni Moises na maging orador at manunulat. Sa halip, bilang pagsunod sa utos ng Diyos at taglay ang mga kredensiyal ng banal na espiritu, naudyukan siyang magsalita at pagkatapos ay isulat ang ilang bahagi ng kanon ng Bibliya.​—Exo 17:14.

Si Jehova mismo ang nagbigay ng halimbawa sa pagpapasulat ng mga kautusan at mga utos. Pagkatapos niyang magsalita kay Moises sa Bundok Sinai, “ibinigay niya kay Moises ang dalawang tapyas ng Patotoo, mga tapyas ng bato na sinulatan ng daliri ng Diyos.” (Exo 31:18) Nang maglaon ay mababasa natin, “At sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Isulat mo sa ganang iyo ang mga salitang ito.’⁠” (Exo 34:27) Samakatuwid, si Jehova ang nakipagtalastasan kay Moises at nag-utos sa kaniya na isulat at ingatan ang unang limang aklat ng kanon ng Bibliya. Naging kanonikal ang mga ito hindi dahil sa desisyon ng anumang konsilyo ng tao; mula’t sapol ay may pagsang-ayon ng Diyos ang mga ito.

“Nang matapos ni Moises na isulat ang mga salita ng kautusang ito sa isang aklat,” inutusan niya ang mga Levita, na sinasabi: “Pagkakuha sa aklat na ito ng kautusan, ilagay ninyo iyon sa tabi ng kaban ng tipan ni Jehova na inyong Diyos, at iyon ay magsisilbing saksi roon laban sa iyo.” (Deu 31:9, 24-26) Pansinin na kinilala ng Israel ang rekord na ito ng mga pakikipag-ugnayan ng Diyos at hindi nila ikinaila ang mga iyon. Yamang ang marami sa nilalaman ng mga aklat ay kasiraan ng buong bansa, maaari sanang tanggihan ng bayan ang mga iyon, ngunit waring hindi naman ito naging isyu.

Tulad ni Moises, ginamit din ng Diyos ang mga saserdote upang ingatan ang nasusulat na mga utos at ituro sa bayan ang mga iyon. Nang ang Kaban ay dalhin sa templo ni Solomon (1026 B.C.E.), halos 500 taon matapos simulan ni Moises ang pagsulat ng Pentateuch, nasa loob pa rin ng Kaban ang dalawang tapyas na bato (1Ha 8:9). At pagkaraan ng 384 na taon, nang “ang mismong aklat ng kautusan” ay matagpuan sa bahay ni Jehova noong ika-18 taon ni Josias (642 B.C.E.), mataas pa rin ang pagpapahalaga roon ng mga tao. (2Ha 22:3, 8-20) Gayundin, nang makabalik na ang mga Judio mula sa pagkatapon sa Babilonya, nagkaroon ng “malaking kasayahan” nang magbasa si Ezra mula sa aklat ng Kautusan noong panahon ng walong-araw na kapulungan.​—Ne 8:5-18.

Pagkamatay ni Moises, idinagdag sa kanon ng Bibliya ang mga isinulat nina Josue, Samuel, Gad, at Natan (Josue, Mga Hukom, Ruth, 1 at 2 Samuel). May naiambag din ang mga haring sina David at Solomon sa lumalaking kanon ng Banal na Mga Akda. Pagkatapos ay nariyan ang mga propeta pasimula kay Jonas hanggang kay Malakias, na bawat isa’y may naiambag sa kanon ng Bibliya, bawat isa’y pinagkalooban ng Diyos ng makahimalang kakayahang humula, at bawat isa’y nakaabot sa mga kahilingan ni Jehova sa tunay na mga propeta, samakatuwid nga, nagsalita sila sa pangalan ni Jehova, nagkatotoo ang kanilang inihula, at ibinaling nila ang mga tao sa Diyos. (Deu 13:1-3; 18:20-22) Nang subukin sina Hananias at Jeremias sa huling nabanggit na dalawang punto (pareho silang nagsalita sa pangalan ni Jehova), tanging ang mga salita ni Jeremias ang nagkatotoo. Kaya naman napatunayang si Jeremias ang propeta ni Jehova.​—Jer 28:10-17.

Kung paanong kinasihan ni Jehova ang ilang mga tao sa pagsulat ng mga akdang ito, makatuwiran lamang na papatnubayan at babantayan din niya ang pagtitipon at pag-iingat sa mga ito upang ang sangkatauhan ay magkaroon ng permanenteng kanonikal na panukat ukol sa tunay na pagsamba. Ayon sa tradisyong Judio, may bahaging ginampanan si Ezra sa gawaing ito noong makapamayan nang muli sa Juda ang itinapong mga Judio. Tiyak na kuwalipikado siya sa gawaing ito, yamang siya’y isa sa mga kinasihang manunulat ng Bibliya, isang saserdote, at isa ring “dalubhasang tagakopya ng kautusan ni Moises.” (Ezr 7:1-11) Tanging ang mga aklat ng Nehemias at Malakias na lamang ang kailangang idagdag noon sa kanon. Kaya naman sa pagtatapos ng ikalimang siglo B.C.E., kumpleto na ang kanon ng Hebreong Kasulatan, na binubuo ng mismong mga akda na taglay natin sa ngayon.

Batay sa tradisyon, ang kanon ng Hebreong Kasulatan ay nahahati sa tatlong seksiyon: ang Kautusan, ang Mga Propeta, at ang Mga Akda, o Hagiographa, na binubuo ng 24 na aklat, gaya ng makikita sa tsart. Yamang pinagsama ng ilang Judiong awtoridad ang Ruth at Mga Hukom, at ang Mga Panaghoy at Jeremias, ang bilang ng mga aklat ayon sa kanila ay 22 lamang, na kasindami ng mga titik sa alpabetong Hebreo. Sa prologo ni Jerome sa mga aklat ng Samuel at ng Mga Hari, bagaman waring sang-ayon siya sa bilang na 22, sinabi niya: “Idinaragdag ng ilan sa Hagiographa kapuwa ang Ruth at ang Mga Panaghoy . . . kaya naman ayon sa kanila ay may dalawampu’t apat na aklat.”

Bilang sagot sa kaniyang mga kalaban, kinumpirma ng Judiong istoryador na si Josephus, sa kaniyang akdang Against Apion (I, 38-40 [8]) noong mga 100 C.E., na noong panahong iyon ay matagal nang kumpleto ang kanon ng Hebreong Kasulatan. Isinulat niya: “Wala tayong pagkarami-rami at di-magkakasuwatong mga aklat na nagkakasalungatan sa isa’t isa. Ang ating mga aklat, yaong mga may-kawastuang kinikilala, ay dalawampu’t dalawa lamang, at naglalaman ng rekord ng lahat ng panahon. Sa mga ito, lima ay mga aklat ni Moises, na binubuo ng mga kautusan at ng tradisyonal na kasaysayan mula sa paglalang sa tao hanggang sa pagkamatay ng tagapagbigay-batas. . . . Mula sa pagkamatay ni Moises hanggang kay Artajerjes, na humalili kay Jerjes bilang hari ng Persia, isinulat ng mga propetang kasunod ni Moises sa labintatlong aklat ang kasaysayan ng mga pangyayari noong kani-kanilang panahon. Ang nalalabing apat na aklat ay naglalaman ng mga himno sa Diyos at mga panuntunan para sa pamumuhay ng mga tao.”

Samakatuwid, ang pagiging kanonikal ng isang aklat ay hindi nakadepende sa pagtanggap o hindi pagtanggap dito ng isang konsilyo, komite, o komunidad. Ang opinyon ng gayong di-kinasihang mga tao ay mapananaligan lamang kung sinusuportahan nito ang ipinasiya at ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang sinang-ayunang mga kinatawan.

Hindi mahalaga ang eksaktong bilang ng mga aklat sa Hebreong Kasulatan (may mga aklat man na pinagsama o pinanatiling magkahiwalay), ni ang partikular na pagkakasunud-sunod ng mga ito, yamang talaga namang hiwa-hiwalay ang mga balumbon ng mga aklat kahit noong makumpleto na ang kanon. Iba-iba ang pagkakasunud-sunod ng mga aklat sa mga talaan ng sinaunang mga katalogo; halimbawa, sa isang katalogo, ang Isaias ay kasunod ng Ezekiel. Ang pinakamahalaga ay kung aling mga aklat ang kasama sa katalogo. Ang totoo, tanging yaong mga aklat na kabilang ngayon sa kanon ang tunay na makapag-aangking kanonikal. Mula pa noong sinaunang mga panahon ay tinututulan na ang paglalakip ng iba pang mga akda. Sa dalawang konsilyong Judio na ginanap noong mga 90 C.E. at noong 118 C.E. sa Yavne o Jamnia, na nasa bandang T ng Jope, espesipikong hindi isinama sa Hebreong Kasulatan ang lahat ng akdang Apokripal.

Pinatotohanan ni Josephus ang karaniwang opinyong ito ng mga Judio tungkol sa mga akdang Apokripal nang sabihin niya: “Mula kay Artajerjes hanggang sa atin mismong panahon, ang kumpletong kasaysayan ay naisulat na, ngunit hindi itinuring na karapat-dapat maging kapantay ng mas naunang mga rekord, dahil hindi kumpleto ang linya ng mga propeta sa panahong ito. Malinaw na nating pinatunayan ang pagpipitagan natin sa ating sariling Kasulatan. Sapagkat, bagaman napakahabang panahon na ang lumipas, walang sinuman ang nangahas na magdagdag, o mag-alis, o magpalit ng isa mang pantig; at likas sa bawat Judio, mula sa araw ng kaniyang pagsilang, na ituring ang mga iyon bilang mga utos ng Diyos, na sundin ang mga iyon, at, kung kailangan, mamatay para sa mga iyon nang maluwag sa kalooban.”​—Against Apion, I, 41, 42 (8).

Ang matagal nang paninindigang ito ng mga Judio hinggil sa kanon ng Hebreong Kasulatan ay napakahalaga, batay sa isinulat ni Pablo sa mga taga-Roma. Sinabi ng apostol na sa mga Judio ‘ipinagkatiwala ang mga sagradong kapahayagan ng Diyos,’ kasama na ang pagsulat at pag-iingat sa kanon ng Bibliya.​—Ro 3:1, 2.

Bilang pagkilala sa kanon ng Bibliya na sinang-ayunan ng banal na espiritu ng Diyos, hindi bilang pagtatakda sa kanon, ang sinaunang mga konsilyo (Laodicea, 367 C.E.; Chalcedon, 451 C.E.) at ang tinaguriang mga ama ng simbahan, sa pangkalahatan, ay nagkaisang tanggapin ang tatag na Judiong kanon at tanggihan ang Apokripal na mga aklat. Kabilang sa mga ito sina: Justin Martyr, Kristiyanong apolohista (namatay noong mga 165 C.E.); Melito, “obispo” ng Sardis (ika-2 siglo C.E.); Origen, iskolar ng Bibliya (185?-254? C.E.); Hilary, “obispo” ng Poitiers (namatay noong 367? C.E.); Epiphanius, “obispo” ng Constantia (mula noong 367 C.E.); Gregory Nazianzus (330?-389? C.E.); Rufinus ng Aquileia, “ang edukadong Tagapagsalin ni Origen” (345?-410 C.E.); Jerome (340?-420 C.E.), iskolar ng Bibliya ng simbahang Latin at tagapagtipon ng Vulgate. Sa prologo ni Jerome sa mga aklat ng Samuel at ng Mga Hari, matapos niyang itala ang 22 aklat ng Hebreong Kasulatan, sinabi niya: “Ang anumang higit pa sa mga ito ay dapat ilagay sa apokripa.”

Ang pinakamatibay na patotoo ng pagiging kanonikal ng Hebreong Kasulatan ay ang mapananaligang mga salita ni Jesu-Kristo at ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Bagaman wala silang binanggit na eksaktong bilang ng mga aklat, malinaw na mauunawaan sa kanilang mga sinabi na ang Apokripal na mga aklat ay hindi kasama sa kanon ng Hebreong Kasulatan.

Kung sila at yaong mga kinausap at sinulatan nila ay walang nalalaman at kinikilalang espesipikong koleksiyon ng Banal na mga Akda, hindi sana sila gumamit ng mga pananalitang gaya ng “ang Kasulatan” (Mat 22:29; Gaw 18:24); ang “banal na Kasulatan” (Ro 1:2); “ang banal na mga kasulatan” (2Ti 3:15); ang “Kautusan,” na kadalasa’y tumutukoy sa buong kalipunan ng Kasulatan (Ju 10:34; 12:34; 15:25); “ang Kautusan at ang mga Propeta,” na ginamit bilang panlahatang termino upang tukuyin ang buong Hebreong Kasulatan at hindi lamang ang una at ikalawang seksiyon ng Kasulatang iyon (Mat 5:17; 7:12; 22:40; Luc 16:16). Nang banggitin ni Pablo ang “Kautusan,” sumisipi siya sa Isaias.​—1Co 14:21; Isa 28:11.

Malayong mangyari na isinama sa orihinal na Griegong Septuagint ang Apokripal na mga aklat. (Tingnan ang APOKRIPA.) Ngunit kung idinagdag man sa sumunod na mga kopya ng Septuagint na ginamit noong panahon ni Jesus ang ilan sa kaduda-dudang mga akda na ito, siya at ang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay hindi sumipi mula sa mga iyon kahit pa Septuagint ang ginagamit nila; hindi nila kailanman itinuring na “Kasulatan” o produkto ng banal na espiritu ang alinmang akdang Apokripal. Kaya ang Apokripal na mga aklat ay hindi lamang salat sa panloob na katibayan ng pagkasi ng Diyos at sa patotoo ng sinaunang kinasihang mga manunulat ng Hebreong Kasulatan, kundi ang mga ito ay wala ring pagsang-ayon ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. Gayunman, sinang-ayunan ni Jesus ang Hebreong kanon, anupat tinukoy niya ang buong Hebreong Kasulatan nang banggitin niya “ang lahat ng mga bagay na nakasulat sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta at Mga Awit,” anupat ang Mga Awit ang una at pinakamahabang aklat sa seksiyong tinatawag na Hagiographa o Banal na Mga Akda.​—Luc 24:44.

Kapansin-pansin din ang sinabi ni Jesus sa Mateo 23:35 (at sa Luc 11:50, 51): “Upang dumating sa inyo ang lahat ng dugong matuwid na ibinubo sa lupa, mula sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Barakias, na pinaslang ninyo sa pagitan ng santuwaryo at ng altar.” Ang totoo, mas huling pinatay ang propetang si Urias dahil pinatay siya noong panahon ng paghahari ni Jehoiakim, mahigit na dalawang siglo pa pagkatapos na mapaslang si Zacarias noong papatapos na ang paghahari ni Jehoas. (Jer 26:20-23) Kaya kung ang nais tukuyin ni Jesus ay ang buong talaan ng mga martir, bakit hindi niya sinabing ‘mula kay Abel hanggang kay Urias’? Maliwanag na ito’y dahil ang ulat hinggil kay Zacarias ay matatagpuan sa 2 Cronica 24:20, 21, sa gayo’y halos nasa dulo ng tradisyonal na Hebreong kanon. Kaya sa gayong diwa, saklaw ng pananalita ni Jesus ang lahat ng pinaslang na mga saksi ni Jehova na binanggit sa Hebreong Kasulatan, mula kay Abel na itinala sa unang aklat (Genesis) hanggang kay Zacarias na binanggit sa huling aklat (Mga Cronica), na parang katulad din ng pananalitang “mula Genesis hanggang Apocalipsis.”

Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang pagsulat, gayundin ang pagtitipon, ng 27 aklat na bumubuo sa kanon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay katulad din ng sa Hebreong Kasulatan. Si Kristo ay ‘nagbigay ng mga kaloob na mga tao,’ anupat “ibinigay niya ang ilan bilang mga apostol, ang ilan bilang mga propeta, ang ilan bilang mga ebanghelisador, ang ilan bilang mga pastol at mga guro.” (Efe 4:8, 11-13) Taglay ang banal na espiritu ng Diyos, itinatag nila ang tamang doktrina para sa kongregasyong Kristiyano at, “sa pamamagitan ng paalaala,” inulit nila ang maraming bagay na naisulat na sa Kasulatan.​—2Pe 1:12, 13; 3:1; Ro 15:15.

May sekular na katibayan na noon pa mang 90-100 C.E. ay natipon na ang di-kukulangin sa sampu sa mga liham ni Pablo. Tiyak na sa pasimula pa lamang ay tinitipon na ng mga Kristiyano ang kinasihang mga kasulatang Kristiyano.

Mababasa natin na “noong papatapos na ang ika-1 siglo, alam ni Clemente na obispo ng Roma ang tungkol sa liham ni Pablo sa iglesya sa Corinto. Kasunod niya, pinatotohanan ng mga liham ni Ignatius na obispo ng Antioquia at ni Polycarp na obispo ng Smirna na ang mga liham ni Pablo ay naipalaganap na noong ikalawang dekada ng ika-2 siglo.” (The International Standard Bible Encyclopedia, inedit ni G. W. Bromiley, 1979, Tomo 1, p. 603) Ang sinaunang mga manunulat na ito​—sina Clemente ng Roma (30?-100? C.E.), Polycarp (69?-155? C.E.), at Ignatius ng Antioquia (huling bahagi ng ika-1 siglo at unang bahagi ng ika-2 siglo C.E.)​—ay sumipi at humalaw sa iba’t ibang aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, anupat ipinakikitang pamilyar sila sa kanonikal na mga akdang iyon.

Sa kaniyang “Dialogue With Trypho, a Jew” (XLIX), ginagamit ni Justin Martyr (namatay noong mga 165 C.E.) ang pananalitang “nasusulat” kapag sumisipi siya sa Mateo, kagaya rin ng ginagawa ng mga Ebanghelyo kapag sumisipi ang mga ito sa Hebreong Kasulatan. Ganito rin ang ginawa ng isang di-kilalang manunulat sa kaniyang akdang “The Epistle of Barnabas” (IV). Sa “The First Apology” (LXVI, LXVII), tinukoy ni Justin Martyr ang “ulat ng mga apostol” bilang “mga Ebanghelyo.”​—The Ante-Nicene Fathers, Tomo I, p. 220, 139, 185, 186.

Si Teofilo ng Antioquia (ika-2 siglo C.E.) ay nagsabi: “May kinalaman sa katuwiran na hinihiling ng kautusan, pinagtitibay ito ng mga pananalitang masusumpungan kapuwa sa mga propeta at sa mga Ebanghelyo, sapagkat sila’y pawang nagsalita nang may pagkasi ng iisang Espiritu ng Diyos.” Pagkatapos ay gumamit si Teofilo ng mga pananalitang gaya ng ‘ang sabi ng Ebanghelyo’ (sa pagsipi niya sa Mat 5:28, 32, 44, 46; 6:3) at “ang salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng mga tagubilin” (sa pagsipi niya sa 1Ti 2:2 at Ro 13:7, 8).​—The Ante-Nicene Fathers, 1962, Tomo II, p. 114, 115, “Theophilus to Autolycus” (XII, XIII).

Sa pagtatapos ng ikalawang siglo, walang alinlangang kumpleto na ang kanon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, at mapapansin natin na kinilala ng mga taong gaya nina Irenaeus, Clemente ng Alejandria, at Tertullian na ang awtoridad ng mga akdang bumubuo sa Kristiyanong Kasulatan ay kapantay niyaong sa Hebreong Kasulatan. Sa pagtukoy ni Irenaeus sa Kasulatan, gumawa siya ng di-kukulangin sa 200 pagsipi mula sa mga liham ni Pablo. Sinabi naman ni Clemente na sasagutin niya ang kaniyang mga kalaban sa pamamagitan ng “Kasulatan na pinaniniwalaan nating mapananaligan dahil sa kataas-taasang awtoridad nito,” samakatuwid nga, “sa pamamagitan ng kautusan at ng mga propeta, at sa pamamagitan din ng sagradong Ebanghelyo.”​—The Ante-Nicene Fathers, Tomo II, p. 409, “The Stromata, or Miscellanies.”

Kinukuwestiyon ng iba ang pagiging kanonikal ng ilang aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ngunit napakahina ng kanilang mga argumento. Halimbawa, hindi tinatanggap ng ilang kritiko ang aklat ng Mga Hebreo dahil lamang sa wala rito ang pangalan ni Pablo at dahil medyo naiiba ang istilo nito kaysa sa iba niyang mga liham. Gayunman, sinabi ni B. F. Westcott na “ang pagiging kanonikal ng Liham ay hindi nakadepende sa kung si Pablo ang sumulat nito.” (The Epistle to the Hebrews, 1892, p. lxxi) Ang pagtutol sa aklat ng Mga Hebreo dahil lamang sa hindi nabanggit ang pangalan ng manunulat nito ay walang matibay na saligan yamang ang aklat ay kabilang sa Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46) (tinatayang ginawa mga 150 taon pagkamatay ni Pablo), kasama ng walong iba pang liham ni Pablo.

Kung minsan, kinukuwestiyon ang pagiging kanonikal ng maliliit na aklat na gaya ng Santiago, Judas, Ikalawa at Ikatlong Juan, at Ikalawang Pedro dahil bibihirang sumipi sa mga aklat na ito ang sinaunang mga manunulat. Gayunman, kung pagsasama-samahin, ang mga aklat na ito ay 1⁄36 na bahagi lamang ng Kristiyanong Griegong Kasulatan at sa gayo’y hindi talaga masisipi nang madalas. May kaugnayan dito, mapapansin na sinipi ni Irenaeus ang Ikalawang Pedro at itinuring itong kanonikal gaya rin ng iba pang mga aklat ng Griegong Kasulatan. Totoo rin ito kung tungkol sa Ikalawang Juan. (The Ante-Nicene Fathers, Tomo I, p. 551, 557, 341, 443, “Irenæus Against Heresies”) Ang Apocalipsis, na tinatanggihan din ng ilan, ay pinatotohanan ng maraming sinaunang komentarista, kabilang na si Papias, Justin Martyr, Melito, at Irenaeus.

Gayunman, ang tunay na sukatan ng pagiging kanonikal ng isang aklat ay hindi kung ilang beses ito sinipi o kung sinong di-apostolikong manunulat ang sumipi mula rito. Sa halip, ang mismong nilalaman ng aklat ang magpapatunay kung ito’y produkto ng banal na espiritu. Kaya naman hindi ito maaaring maglaman ng mga pamahiin o demonismo, ni magtaguyod man ng pagsamba sa mga nilalang. Dapat na ito’y lubusang kasuwato ng iba pang bahagi ng Bibliya, sa gayo’y sumusuporta sa pagiging awtor ng Diyos na Jehova. Ang bawat aklat ay dapat na kaayon ng makadiyos na “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita” at kasuwato ng mga itinuro at mga ginawa ni Kristo Jesus. (2Ti 1:13; 1Co 4:17) Maliwanag na ang mga apostol ay sinang-ayunan ng Diyos at pinatotohanan naman nila ang mga isinulat ng iba pang mga manunulat na gaya ni Lucas at ni Santiago na kapatid sa ina ni Jesus. Sa pamamagitan ng banal na espiritu, ang mga apostol ay tumanggap ng “kaunawaan sa kinasihang mga pananalita” upang makilala kung ang mga ito ay nagmula sa Diyos o hindi. (1Co 12:4, 10) Nang mamatay si Juan, ang huling apostol, nagtapos ang mapananaligang kawing na ito ng mga taong kinasihan ng Diyos; kaya naman nang maisulat ang Apocalipsis, ang Ebanghelyo ni Juan, at ang kaniyang mga liham, nakumpleto na ang kanon ng Bibliya.

Ang nilalaman ng 66 na kanonikal na aklat ng ating Bibliya ay magkakasuwato at timbang anupat pinatutunayang ang Bibliya ay iisa at kumpleto. Inirerekomenda rin ng mga ito ang Bibliya bilang ang Salita ng katotohanan na kinasihan ni Jehova, na hanggang sa ngayon ay naingatan mula sa lahat ng mga kaaway nito. (1Pe 1:25) Para sa kumpletong talaan ng 66 na aklat ng kanon ng Bibliya, mga manunulat, petsa kung kailan natapos isulat, at panahong saklaw ng bawat aklat, tingnan ang “Talaan ng mga Aklat ng Bibliya Ayon sa Pagkakasunud-sunod ng Pagkakasulat” sa ilalim ng BIBLIYA.​—Tingnan din ang indibiduwal na artikulo para sa bawat aklat ng Bibliya.

[Tsart sa pahina 1401]

JUDIONG KANON NG KASULATAN

Ang Kautusan

1. Genesis

2. Exodo

3. Levitico

4. Bilang

5. Deuteronomio

Ang Mga Propeta

6. Josue

7. Hukom

8. 1, 2 Samuel

9. 1, 2 Hari

10. Isaias

11. Jeremias

12. Ezekiel

13. Ang Labindalawang Propeta (Oseas, Joel, Amos, Obadias, Jonas, Mikas, Nahum, Habakuk, Zefanias, Hagai, Zacarias, Malakias)

Ang Mga Akda (Hagiographa)

14. Awit

15. Kawikaan

16. Job

17. Awit ni Solomon

18. Ruth

19. Panaghoy

20. Eclesiastes

21. Esther

22. Daniel

23. Ezra, Nehemias

24. 1, 2 Cronica