Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapangyarihan, Makapangyarihang mga Gawa

Kapangyarihan, Makapangyarihang mga Gawa

Ang kapangyarihan ay ang kakayahang magsagawa ng mga bagay-bagay; gayundin, ang awtoridad o impluwensiya na resulta ng pagkakaloob o posisyon. Ang salitang Hebreo na koʹach ay isinasalin bilang “kapangyarihan,” “lakas,” “kalakasan,” o “kakayahan”; ang gevu·rahʹ, bilang “kalakasan” o “kapangyarihan”; at ang ʽoz naman, bilang “lakas,” “kalakasan,” o “tindi.” Ang Griegong dyʹna·mis ay isinasalin bilang “kalakasan,” “kapangyarihan,” o “makapangyarihang mga gawa,” alinman ang angkop sa konteksto.

Sa pagtatapos ng ikaanim na “araw” ng paglalang, ang Diyos ay nagsimulang ‘magpahinga mula sa lahat ng kaniyang gawa na nilalang niya upang gawin.’ (Gen 2:2, 3) Nagpahinga siya mula sa mga gawang paglalang na ito, ngunit hindi siya tumigil sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan. Mahigit na 4,000 taon pagkatapos na makumpleto ang mga gawang paglalang sa lupa, sinabi ng kaniyang Anak: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako ay patuloy na gumagawa.” (Ju 5:17) Hindi lamang sa dako ng mga espiritu nanatiling aktibo si Jehova; maraming ulat ang Bibliya tungkol sa mga pagpapamalas niya ng kapangyarihan at tungkol sa kaniyang makapangyarihang mga gawa para sa sangkatauhan. Kung minsan ay ‘nananatili siyang walang imik at nagpipigil ng kaniyang sarili,’ ngunit kapag sumapit na ang kaniyang takdang panahon para kumilos, ginagawa niya ito nang “buong kalakasan.”​—Isa 42:13, 14; ihambing ang Aw 80:2; Isa 63:15.

Ang “paggawa” ay nangangahulugan ng pagkilos na may layunin. Ang mga gawa ni Jehova ay hindi resulta ng magulo o pabugsu-bugsong paggamit ng lakas. Sa halip, ang mga ito ay organisado at makabuluhang mga pagkilos na may tiyak na tunguhin. Bagaman pinananatili ng kaniyang kapangyarihan ang pag-iral ng uniberso at ng mga nilalang na buháy na tumatahan dito (Aw 136:25; 148:2-6; Mat 5:45), si Jehova ay hindi maitutulad sa isang planta ng kuryente na walang personalidad; pinatutunayan ng kaniyang mga gawa na siya’y isang Diyos na may personalidad at layunin. Isa rin siyang Diyos na may-kaunawaang nakikisangkot sa mga gawain ng tao sa partikular na mga panahon sa kasaysayan, sa itinakdang mga lugar, at may kaugnayan sa partikular na mga tao o mga grupo ng mga tao. Bilang ang “buháy at tunay na Diyos” (1Te 1:9; Jos 3:10; Jer 10:10), ipinakikita niyang nababatid niya ang lahat ng nagaganap sa uniberso, anupat tumutugon siya ayon sa kung ano ang nangyayari at kusa siyang kumikilos para isakatuparan ang kaniyang layunin.

Sa lahat ng pagkakataon, ang iba’t ibang pagpapamalas niya ng kapangyarihan ay kaayon ng kaniyang katuwiran (Aw 98:1, 2; 111:2, 3, 7; Isa 5:16); ang lahat ng iyon ay nakapagtuturo sa kaniyang mga nilalang. Sa isang panig, ipinakikita ng mga iyon na ang pagkatakot sa kaniya ay “nararapat,” sapagkat siya’y isang Diyos na “humihiling ng bukod-tanging debosyon” at isang “apoy na tumutupok” laban sa mga nagsasagawa ng kabalakyutan, anupat “isang bagay na nakatatakot ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.” (Jer 10:6, 7; Exo 20:5; Heb 10:26-31; 12:28, 29) Hindi siya maaaring dayain.​—Exo 8:29.

Sa kabilang panig, ginagamit niya ang kaniyang kapangyarihan sa higit na kamangha-manghang paraan upang gantimpalaan ang matuwid-pusong mga tao na taimtim na humahanap sa kaniya, upang palakasin sila na gumanap ng mga atas at mga gawain (Aw 84:5-7; Isa 40:29-31) at batahin ang mga kaigtingan (Aw 46:1; Isa 25:4), upang paglaanan at alalayan sila (Aw 145:14-16), at upang ipagsanggalang, iligtas, at palayain sila sa mga panahon ng panganib at pananalakay. (Aw 20:6, 7) “Ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2Cr 16:9) Nababatid niyaong mga nakakakilala sa kaniya na ang kaniyang pangalan ay isang “matibay na tore” na kanilang matatakbuhan. (Kaw 18:10; Aw 91:1-8) Ang kaalaman tungkol sa kaniyang makapangyarihang mga gawa ay nagbibigay-katiyakan na dinirinig niya ang mga panalangin ng kaniyang nagtitiwalang mga lingkod at na may kakayahan siyang sagutin ang mga iyon sa pamamagitan ng “mga kakila-kilabot na bagay sa katuwiran,” kung kinakailangan. (Aw 65:2, 5) Sa makasagisag na diwa, siya ay “malapit” at sa gayo’y mabilis na makatutugon.​—Aw 145:18, 19; Jud 24, 25.

Ang Kapangyarihan ay Mababanaag sa Sangnilalang. Ang mga tao ay makakakita ng ebidensiya ng kapangyarihan sa pisikal na sangnilalang, sa pagkalalakí at di-mabilang na mga bituin (ihambing ang Job 38:31-33) at gayundin sa lahat ng mga bagay sa lupa. Ang mismong lupa ay sinasabing may kapangyarihan o lakas (Gen 4:12), anupat napagkukunan ng pagkain na nagbibigay ng lakas (1Sa 28:22), at ang lahat ng bagay na nabubuhay ay kakikitaan ng lakas, gaya ng mga halaman, mga hayop, at tao. Alam na alam na rin ngayon na maging ang pagkaliliit na atomo na bumubuo sa lahat ng materya ay nagtataglay ng napakatinding lakas. Kaya kung minsan ay tinutukoy ng mga siyentipiko ang materya bilang organisadong enerhiya.

Sa buong Kasulatan, paulit-ulit na itinatampok ang kapangyarihan at “dinamikong lakas” ng Diyos bilang ang Maylikha ng langit at lupa. (Isa 40:25, 26; Jer 10:12; 32:17) Ang mismong terminong Hebreo para sa “Diyos” (ʼEl) ay malamang na nagmula sa salitang-ugat na nangangahulugang “malakas” o “makapangyarihan.” (Ihambing ang paggamit ng terminong iyon sa Gen 31:29 sa pananalitang “kapangyarihan [ʼel] ng aking kamay.”)

Kinailangan ang Pantanging mga Pagtatanghal ng Kapangyarihan. Kilala ng unang tao ang Diyos na Jehova bilang ang kaniyang Maylalang, ang kaniyang kaisa-isang Magulang at Tagapagbigay-Buhay. Pinagkalooban ng Diyos ang tao ng isang antas ng kapangyarihan, kapuwa intelektuwal at pisikal, at binigyan niya siya ng gawain. (Gen 1:26-28; 2:15) Ang paggamit ng tao sa kaniyang kapangyarihan ay dapat na kasuwato ng kalooban ng kaniyang Maylalang at sa gayo’y dapat na kaayon ng iba pang mga katangiang ipinagkaloob ng Diyos, gaya ng karunungan, katarungan, at pag-ibig.

Ang paghihimagsik sa Eden ay nagharap ng hamon sa soberanya ng Diyos. Bagaman ito’y pangunahin nang isang usaping moral, naging dahilan ito upang gamitin ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan sa pantanging mga paraan. (Tingnan ang JEHOVA [Ang pinakamahalagang usapin ay isang usaping moral].) Ang paghihimagsik na iyon ay sulsol ng isang espiritung anak ng Diyos na noong panahong iyon ay naging mananalansang (sa Heb., sa·tanʹ) laban sa Diyos. Tumugon si Jehova sa situwasyon at hinatulan ang mga rebelde. Itinanghal niya ang kaniyang kapangyarihan nang palayasin niya ang mag-asawa mula sa Eden at ilagay niya sa pasukan ng hardin ang kaniyang matapat na mga espiritung nilalang. (Gen 3:4, 5, 19, 22-24) Ang salita ni Jehova ay hindi napatunayang walang bisa, mahina, o pabagu-bago, kundi napakamakapangyarihan anupat hindi mahahadlangan ang katuparan niyaon. (Ihambing ang Jer 23:29.) Bilang ang Soberanong Diyos, pinatunayan niyang siya’y nakahanda at may kakayahang suportahan ang kaniyang salita sa pamamagitan ng kaniyang awtoridad.

Patuloy na kumikilos si Jehova upang tuparin ang kaniyang layunin. (Gen 3:15; Efe 1:8-11) Sa kaniyang takdang panahon, wawakasan niya ang lahat ng paghihimagsik sa lupa, anupat pangyayarihin niyang madurog ang orihinal na rebeldeng espiritu at ang mga kakampi nito gaya ng pagdurog sa ulo ng isang serpiyente. (Ihambing ang Ro 16:20.) Bagaman pinahintulutan niya ang kaniyang espiritung Kalaban na manatili nang ilang panahon at patunayan ang hamon nito, hindi binitiwan ni Jehova ang kaniyang soberanong posisyon. Ginamit niya ang kaniyang matuwid na awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng gantimpala o pagpaparusa, sa panahon at sa paraan na minarapat niya, anupat hinahatulan ang mga tao ayon sa kanilang mga gawa. (Exo 34:6, 7; Jer 32:17-19) Bukod dito, ginamit niya ang kaniyang kapangyarihan upang patunayan ang mga kredensiyal niyaong mga inatasan niya bilang kaniyang mga kinatawan sa lupa. Sa pamamagitan ng pagtatanghal ng kapangyarihan, ipinakita niya na tunay ang mga mensaheng kanilang inihatid.

Isa itong kabaitan sa bahagi ng Diyos. Sa gayong paraan ay nagbigay si Jehova sa mga tao ng patotoo na siya lamang ang tunay na Diyos at wala nang iba; nagbigay siya ng patotoo na nararapat siyang katakutan, igalang, pagtiwalaan, purihin, at ibigin ng kaniyang matatalinong nilalang. (Aw 31:24; 86:16, 17; Isa 41:10-13) Sa paglipas ng mga siglo, paulit-ulit na tiniyak ni Jehova sa kaniyang mga lingkod na ang kaniyang kapangyarihan ay hindi nanghina, ang kaniyang “kamay” ay hindi “umikli,” at ang kaniyang “tainga” ay hindi naging napakabigat upang makarinig. (Bil 11:23; Isa 40:28; 50:2; 59:1) Higit na mahalaga, dinakila ng mga pagpapamalas na ito ng kapangyarihan ang mismong pangalan ni Jehova. Itinanyag siya ng paggamit niya ng kapangyarihan, anupat hindi siya ibinaba nito at hindi nito dinungisan ang kaniyang reputasyon. Sa halip, sa pamamagitan nito ay gumawa siya ng “isang magandang pangalan” para sa kaniyang sarili.​—Job 36:22, 23; 37:23, 24; Isa 63:12-14.

Bago at Noong Panahon ng Pangglobong Baha. Noong panahon bago ang Baha, ang mga tao ay may sapat na katibayan ng kapangyarihan ng Diyos. Alam nila na hindi puwedeng pasukin ang Eden, yamang binabantayan iyon ng makapangyarihang mga espiritung nilalang. Ipinakita ng Diyos na batid niya kung ano ang mga nangyayari, anupat sinang-ayunan niya ang hain ni Abel, hinatulan ang mamamaslang na kapatid nito na si Cain, ngunit binabalaan ang mga tao na huwag patayin si Cain.​—Gen 3:24; 4:2-15.

Pagkalipas ng mga 1,400 taon, ang lupa ay napuno ng kabalakyutan at karahasan. (Gen 6:1-5, 11, 12) Ipinahayag ng Diyos na hindi siya nalulugod sa kalagayang iyon. Pagkatapos magbigay ng babala sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Noe, ipinakita niya sa pamamagitan ng pangglobong Baha na hindi niya pahihintulutang sirain ng mga taong balakyot ang lupa. Hindi niya ginamit ang kaniyang kapangyarihan upang pilitin silang sambahin siya kundi, sa halip, sa pamamagitan ng gawain ni Noe bilang “isang mangangaral ng katuwiran,” binigyan niya sila ng pagkakataong magbago. Kasabay nito, ipinakita niya ang kaniyang kakayahang palayain ang matuwid-pusong mga tao mula sa masasamang kalagayan. (2Pe 2:4, 5, 9) Kung paanong ang kaniyang kahatulan ay biglang sumapit sa mga balakyot at ang kaniyang pagpuksa sa kanila ay hindi ‘umidlip’ kundi pinawi sila nito sa loob ng 40 araw, kikilos din siya sa hinaharap sa katulad na mga paraan.​—2Pe 2:3; Gen 7:17-23; Mat 24:37-39.

Hamon ng Huwad na mga Diyos Pagkatapos ng Baha. Ipinakikita ng Kasulatan at ng sinaunang sekular na mga rekord na pagkatapos ng Baha, ang mga tao ay lumihis mula sa pagsamba sa tunay na Diyos. Matibay ang ebidensiya na nanguna rito si Nimrod, na ‘nagtanghal ng kaniyang sarili bilang makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova’; at may ebidensiya na nagpapakitang sa Babel (Babilonya) isinilang ang huwad na pagsamba. (Gen 10:8-12; 11:1-4, 9; tingnan ang BABEL; BABILONYA Blg. 1; DIYOS AT DIYOSA, MGA.) Ang pagtatayo ng tore sa Babel ay isang proyekto na nagtanghal sa kapangyarihan at kakayahan ng tao, anupat hiwalay sa Diyos at walang pahintulot niya. Layunin nito na magdulot ng kapurihan at kabantugan sa mga tagapagtayo nito, hindi sa Diyos. At gaya ng natanto ng Diyos, pasimula pa lamang iyon. Maaaring umakay iyon sa iba pang ambisyosong mga proyekto na patuloy na maglalayo sa mga tao mula sa tunay na Diyos, bilang pagsalansang sa kaniya at sa layunin niya para sa lupa at sa lahi ng tao. Muli, kumilos ang Diyos nang patigilin niya ang proyekto sa pamamagitan ng paggulo sa wika ng mga tao, na naging dahilan upang mangalat sila sa buong globo.​—Gen 11:5-9.

Ang kaibahan ng tunay na Diyos sa “mga diyos ng kalikasan.” Ipinakikita ng sinaunang mga dokumento mula sa Babilonya at sa mga dako kung saan nandayuhan ang mga tao na ang pagsamba sa “mga diyos ng kalikasan” (gaya ng Babilonyong diyos-araw na si Shamash at ng Canaanitang diyos ng pag-aanak na si Baal) ay naging napakaprominente noon. Iniugnay ng mga tao ang “mga diyos ng kalikasan” sa mga siklo ng kalikasan na nagtatanghal ng kapangyarihan, gaya ng regular na pagsikat ng araw, epekto ng mga solstice at mga equinox sa kapanahunan (kung kaya may tag-araw, taglamig, tagsibol, at taglagas), mga hangin at mga bagyo, pag-ulan at ang epekto nito sa katabaan ng lupa sa panahon ng paghahasik at pag-aani, at iba pang katulad na mga kaganapan. Hindi persona ang mga puwersang ito. Dahil dito, kinailangan ng mga tao na bigyan ng personalidad ang kanilang mga diyos gamit ang kanilang imahinasyon. Karaniwan nang inilalarawan nila ang kanilang mga diyos bilang kapritsoso; ang mga iyon ay walang tiyak na layunin, mababa ang moral, at di-karapat-dapat sambahin at paglingkuran.

Gayunman, malinaw na pinatototohanan ng nakikitang langit at lupa na may isang nakatataas na Pinagmumulan ng kapangyarihan na siyang nagpairal sa lahat ng mga puwersang ito sa ugnay-ugnay at maayos na paraan, na nagbibigay ng di-matututulang ebidensiya ng matalinong layunin. Ang Pinagmumulang iyon ng kapangyarihan ay binigyan ng ganitong papuri: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” (Apo 4:11) Si Jehova ay hindi isang Diyos na inuugitan o nililimitahan ng mga siklo sa langit o sa lupa. Ni ang mga pagpapamalas man niya ng kapangyarihan ay kapritsoso, pabugsu-bugso, o pabagu-bago. Sa bawat kaso, ang mga ito ay may isinisiwalat tungkol sa kaniyang personalidad, mga pamantayan, at layunin. Kaya naman may kinalaman sa Diyos na inilalarawan sa Hebreong Kasulatan, ang Theological Dictionary of the New Testament, inedit ni G. Kittel, ay nagsabi na “ang importante at nangingibabaw na salik ay hindi ang puwersa o kapangyarihan kundi ang kalooban na dapat isagawa at itaguyod ng kapangyarihang iyon. Ito ang pinakamahalagang salik sa lahat ng bahagi [ng Hebreong Kasulatan].”​—Isinalin at inedit ni G. Bromiley, 1971, Tomo II, p. 291.

Ang pagsamba ng mga Israelita sa gayong “mga diyos ng kalikasan” ay pag-aapostata, isang pagsawata sa katotohanan upang halinhan ito ng kasinungalingan, isang walang-katuwirang pagsamba sa nilalang sa halip na sa Isa na lumalang; iyan ang sinabi ng apostol sa Roma 1:18-25. Bagaman hindi nakikita ang Diyos na Jehova, ginawa niyang hayag sa mga tao ang kaniyang mga katangian, sapagkat gaya ng sinabi ni Pablo, ang mga ito ay “malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, anupat wala silang maidadahilan.”

Katangi-tangi ang pagkontrol ng Diyos sa likas na mga puwersa. Upang patunayan na siya ang tunay na Diyos, angkop lamang na ipakita ni Jehova na kontrolado niya ang nilalang na mga puwersa, anupat ginagawa niya iyon sa paraan na tuwirang nauugnay sa kaniyang pangalan. (Aw 135:5, 6) Yamang ang araw, buwan, mga planeta, at mga bituin ay tumatahak sa kanilang regular na landas, yamang ang mga kalagayan ng atmospera ng lupa (na sanhi ng hangin, ulan, at iba pang mga epekto) ay sumusunod sa mga batas na umuugit sa mga iyon, yamang nagkukulupon ang mga balang at nandarayuhan ang mga ibon, ang mga ito at ang marami pang ibang normal na kaganapan ay hindi sapat upang pabanalin ang pangalan ng Diyos sa harap ng pagsalansang at huwad na pagsamba.

Gayunpaman, maaaring gamitin ng Diyos na Jehova ang sangnilalang at likas na mga elemento upang patunayan ang kaniyang pagka-Diyos, samakatuwid nga, maaari niyang gamitin ang mga ito upang isakatuparan ang espesipikong mga layunin sa paraang nakahihigit sa karaniwang pagkilos ng mga ito, kadalasa’y sa isang partikular na panahong itinakda. Bagaman hindi pambihira sa ganang sarili ang mga pangyayaring gaya ng tagtuyot, bagyong maulan, o iba pang lagay ng panahon, ang mga iyon ay naging katangi-tangi dahil nagsilbing katuparan ang mga iyon ng mga hula ni Jehova. (Ihambing ang 1Ha 17:1; 18:1, 2, 41-45.) Gayunman, sa karamihan ng mga kaso, natatangi ang mga pangyayaring iyon sa ganang sarili, maaaring dahil sa lakas o tindi ng mga iyon (Exo 9:24) o dahil naganap ang mga iyon sa di-pangkaraniwang paraan, na maaaring hindi pa kailanman naobserbahan, o sa panahong hindi inaasahan.​—Exo 34:10; 1Sa 12:16-18.

Sa katulad na paraan, pangkaraniwan lamang na magsilang ng bata ang isang babae. Ngunit kung ang nagsilang ng bata ay isang babae na baog sa buong buhay niya at lampas na sa edad ng panganganak, gaya sa kaso ni Sara, ang pangyayaring iyon ay pambihira. (Gen 18:10, 11; 21:1, 2) Malinaw na ang Diyos ang nagpangyari niyaon. Pangkaraniwan din ang kamatayan. Ngunit kapag dumating ang kamatayan sa inihulang panahon o bilang katuparan ng isang hula anupat hindi patiunang ipinabatid ang sanhi, iyon ay pambihira at nagpapahiwatig ng pagkilos ng Diyos. (1Sa 2:34; 2Ha 7:1, 2, 20; Jer 28:16, 17) Pinatunayan ng lahat ng ito na si Jehova ang tunay na Diyos, at na ang “mga diyos ng kalikasan” ay “walang-silbing mga diyos.”​—Aw 96:5.

Pinatunayan ni Jehova na Siya ang Diyos ni Abraham. Ang Diyos ay nakilala ni Abraham at ng kaniyang sinang-ayunang mga supling na sina Isaac at Jacob bilang ang Makapangyarihan-sa-lahat. (Exo 6:3) Bilang kanilang “kalasag,” ipinagsanggalang niya sila at ang kanilang mga pamilya laban sa mga makapangyarihan sa lupa. (Gen 12:14-20; 14:13-20; 15:1; 20:1-18; 26:26-29; Aw 105:7-15) Ang pagkakaroon nina Abraham at Sara ng anak sa kanilang katandaan ay nagpakita na walang anumang bagay ang “lubhang pambihira para kay Jehova.” (Gen 18:14; 21:1-3) Pinanagana ng Diyos ang kaniyang mga lingkod; pinaglaanan niya sila sa mga panahon ng taggutom. (Gen 12:10; 13:1, 2; 26:1-6, 12, 16; 31:4-13) Bilang “Hukom ng buong lupa,” nilapatan ni Jehova ng hatol ang balakyot na mga lunsod ng Sodoma at Gomorra, at iningatan naman niyang buháy ang tapat na si Lot at ang mga anak na babae nito, anupat ginawa niya iyon alang-alang kay Abraham na kaniyang kaibigan. (Gen 18:25; 19:27-29; San 2:23) Kaya naman naging matibay ang pananampalataya ng mga lalaking iyon na buháy ang Diyos at na siya rin ang makapangyarihang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Heb 11:6) Nang utusan si Abraham na ihain ang kaniyang minamahal na anak, mayroon siyang matibay na saligan upang magtiwala sa kakayahan ng Diyos na ibangon si Isaac kahit mula sa mga patay.​—Heb 11:17-19; Gen 17:7, 8.

Pinatunayan na Siya ang Diyos ng Israel. Nangako si Jehova sa bansang Israel na nasa Ehipto noon: “Ako nga ay magiging Diyos sa inyo; at tiyak na makikilala ninyo na ako ay si Jehova na inyong Diyos.” (Exo 6:6, 7) Nagtiwala si Paraon na may kapangyarihan ang mga diyos at mga diyosa ng Ehipto na kontrahin ang mga gawa ni Jehova. Sinadya naman ng Diyos na pahintulutan si Paraon na patuloy na magmatigas nang ilang panahon. Ginawa ito ni Jehova upang ‘maipakita niya ang kaniyang kapangyarihan at upang maipahayag ang kaniyang pangalan sa buong lupa.’ (Exo 9:13-16; 7:3-5) Nagbigay ito ng pagkakataon upang maparami ng Diyos ang kaniyang “mga tanda” at “mga himala” (Aw 105:27), anupat nagpasapit siya ng sampung salot na nagpatunay na kontrolado niya bilang Maylalang ang tubig, liwanag ng araw, mga kulisap, mga hayop, at ang katawan ng tao.​—Exo 7-12.

Sa bagay na ito, pinatunayan ni Jehova na naiiba siya sa “mga diyos ng kalikasan.” Ang mga salot na iyon, kabilang na ang kadiliman, bagyo, graniso, mga kulupon ng balang, at ang katulad na mga pangyayari, ay inihula at natupad na gaya ng pagkakahula. Hindi basta nagkataon lamang ang mga iyon. Ang mga babala na patiunang ibinigay ay nakatulong sa mga nakinig upang makatakas sa partikular na mga salot. (Exo 9:18-21; 12:1-13) Maaaring maging mapamili ang Diyos kung tungkol sa epekto ng mga salot, anupat pinangyari niyang huwag mapinsala ng ilang salot ang isang espesipikong lugar, sa gayo’y pinatutunayan kung sino ang kaniyang sinang-ayunang mga lingkod. (Exo 8:22, 23; 9:3-7, 26) May kakayahan siyang pasapitin at pahintuin ang mga salot kung kailan niya nais. (Exo 8:8-11; 9:29) Bagaman waring natularan ng mga mahikong saserdote ni Paraon ang unang dalawang salot (maaaring sinabi pa nga nila na iyon ay sa tulong ng mga bathala ng Ehipto), di-nagtagal ay binigo sila ng kanilang mga lihim na sining, at napilitan silang kilalanin na “ang daliri ng Diyos” ang nagpasapit ng ikatlong salot. (Exo 7:22; 8:6, 7, 16-19) Hindi nila napatigil ang mga salot at sila mismo ay naapektuhan.​—Exo 9:11.

Pinatunayan ni Jehova na siya ang Diyos ng Israel at na ‘malapit siya sa kanila’ noong bawiin niya sila nang “may unat na bisig at may mga dakilang kahatulan.” (Exo 6:6, 7; Deu 4:7) Matapos niyang puksain ang mga hukbo ni Paraon sa Dagat na Pula, ang bayan ng Israel ay “nagsimulang matakot kay Jehova at manampalataya kay Jehova at kay Moises na kaniyang lingkod.”​—Exo 14:31.

Itinatag ang tipang Kautusan. Bago itatag ang tipang Kautusan sa bansang Israel, si Jehova ay nagsagawa ng mga himala. Pinaglaanan niya ng tubig at pagkain ang milyun-milyong Israelita sa disyertong rehiyon ng Sinai at pinagtagumpay niya sila laban sa mga sumasalakay na kaaway. (Exo 15:22-25; 16:11-15; 17:5-16) Sa lugar na patiunang itinakda, sa Bundok Sinai, itinanghal ni Jehova sa kasindak-sindak na paraan na kontrolado niya ang nilalang na mga puwersa sa lupa. (Exo 19:16-19; ihambing ang Heb 12:18-21.) Napakarami ngang dahilan ng bansa upang kilalanin ang Diyos bilang ang pinagmulan ng tipan at tanggapin ang mga kundisyon nito nang may matinding paggalang. (Deu 4:32-36, 39) Gayundin, dahil ginamit noon ni Jehova si Moises sa kamangha-manghang paraan, makapagtitiwala ang mga tao na ang Pentateuch, ang unang bahagi ng Sagradong Kasulatan na isinulat ni Moises, ay kinasihan ng Diyos. (Ihambing ang Deu 34:10-12; Jos 1:7, 8.) Nang may kumuwestiyon sa awtoridad ng Aaronikong pagkasaserdote, nagbigay si Jehova ng iba pang nakikitang patotoo bilang pagsuporta sa pagkasaserdoteng iyon.​—Bil kab 16, 17.

Pagsakop sa Canaan. Ang pagsakop sa pitong bansa ng Canaan, na “higit na matao at makapangyarihan” kaysa sa Israel (Deu 7:1, 2), ay nagsilbing isa pang patotoo na si Jehova ang Diyos. (Jos 23:3, 8-11) Dahil sa kaniyang kabantugan ay nabuksan ang daan (Exo 9:16; Jer 32:20, 21), at pinanghina ng ‘panghihilakbot at pagkatakot’ sa kaniyang bayang Israel yaong mga sumasalansang sa kanila. (Deu 11:25; Exo 15:14-17) Kaya talagang mabigat ang pagkakasala niyaong mga sumalansang sa Israel, sapagkat may katibayan sila na ang mga ito ang bayan ng tunay na Diyos, anupat ang paglaban sa Israel ay paglaban din sa Diyos. May-katalinuhang kinilala ng ilang Canaanita ang kahigitan ni Jehova sa kanilang mga idolong diyos, gaya ng ginawa ng iba noong mas una pa, at sinikap nilang matamo ang kaniyang pagsang-ayon.​—Jos 2:1, 9-13.

Tumigil ang araw at buwan. Alang-alang sa kinukubkob na mga Gibeonita, mga Canaanitang nanampalataya sa kaniya, pinatagal ni Jehova ang pagsalakay ng Israel laban sa nangungubkob na mga hukbo. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagpapatigil sa araw at buwan sa paningin ng mga naroroon sa lugar ng pagbabaka, anupat inantala ang paglubog ng araw nang halos 24 na oras. (Jos 10:1-14) Bagaman maaari itong mangahulugan na pinahinto ang pag-inog ng lupa, posible rin na isinagawa ito sa ibang paraan, gaya ng pagbago sa direksiyon ng mga sinag ng araw at buwan upang patuloy na sumikat ang liwanag sa dakong iyon. Anuman ang pamamaraang ginamit, muli nitong ipinakita na “ang lahat ng kinalugdang gawin ni Jehova ay kaniyang ginawa sa langit at sa lupa, sa mga dagat at sa lahat ng matubig na mga kalaliman.” (Aw 135:6) Gaya ng isinulat ng apostol na si Pablo nang dakong huli: “Bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.” (Heb 3:4) Ginagawa ni Jehova sa kaniyang mga nilalang ang anumang kalugdan niyang gawin, anupat ginagamit ang mga iyon ayon sa minamarapat niya, gaya ng ginagawa ng isang tao sa bahay na kaniyang itinayo.​—Ihambing ang 2Ha 20:8-11.

Sa sumunod na apat na siglo, noong panahon ng mga Hukom, sinusuportahan ni Jehova ang mga Israelita kapag matapat sila sa Kaniya, ngunit inaalis naman niya ang kaniyang suporta kapag bumabaling sila sa ibang mga diyos.​—Huk 6:11-22, 36-40; 4:14-16; 5:31; 14:3, 4, 6, 19; 15:14; 16:15-21, 23-30.

Sa ilalim ng monarkiya ng Israel. Sa loob ng 510 taon ng monarkiya ng Israel, ang malakas na “bisig” at nagsasanggalang na “kamay” ni Jehova ang malimit na humahadlang sa makapangyarihang mga mananalakay. Ito rin ang gumugulo at lumalansag sa kanilang mga hukbo, at nagpapaurong sa kanila pabalik sa kanilang sariling mga teritoryo. Sinamba ng mga bansang ito hindi lamang ang “mga diyos ng kalikasan” kundi pati ang mga diyos (at mga diyosa) ng digmaan. Sa ilang kaso, ang pinuno mismo ng bansa ay itinuring na diyos. Yamang pilit silang nakikipagdigma sa kaniyang bayan, muling ipinakita ni Jehova na siya ay isang “tulad-lalaking mandirigma,” isang ‘maluwalhating Hari, makapangyarihan sa pagbabaka.’ (Exo 15:3; Aw 24:7-10; Isa 59:17-19) Sa diwa, sinagupa niya sila sa lahat ng uri ng kalupaan, pinaglalangan niya ang kanilang hambog na mga heneral sa pamamagitan ng estratehiya sa pakikipagdigma, at dinaig niya ang mga mandirigma ng maraming bansa pati ang kanilang espesyal na mga kasangkapang pandigma. (2Sa 5:22-25; 10:18; 1Ha 20:23-30; 2Cr 14:9-12) May-katumpakan niyang naipabatid sa kaniyang bayan ang lihim na mga plano ng kaaway na para bang nakapaglagay siya sa kanilang mga palasyo ng mga elektronikong aparato sa pakikinig. (2Ha 6:8-12) Kung minsan, pinalalakas niya ang kaniyang bayan upang sila mismo ang makipaglaban; sa ibang mga pagkakataon naman, natatamo niya ang tagumpay kahit hindi sila makipagbaka. (2Ha 7:6, 7; 2Cr 20:15, 17, 22, 24, 29) Sa lahat ng ito, hiniya ni Jehova ang mga diyos ng digmaan ng mga bansa, anupat inilantad ang mga ito bilang inutil at huwad.​—Isa 41:21-24; Jer 10:10-15; 43:10-13.

Noong panahon ng pagkatapon at ng pagsasauli. Bagaman pinahintulutan ni Jehova na yumaon sa pagkatapon ang bansa noong lupigin ng Asirya ang hilagang kaharian at itiwangwang ng Babilonya ang kaharian ng Juda, pinanatili niyang buháy ang Davidikong linya upang matupad ang kaniyang tipan kay David ukol sa isang walang-hanggang kaharian. (Aw 89:3, 4, 35-37) Noong panahon ng pagkatapon, pinanatili rin niyang buháy ang pananampalataya ng kaniyang bayan, anupat ginamit niya si Daniel at ang iba pa sa kamangha-manghang mga paraan at nagsagawa siya ng makahimalang mga gawa, at dahil dito, maging ang pandaigdig na mga tagapamahala ay mapagpakumbabang kumilala sa kaniyang kapangyarihan. (Dan 3:19-29; 4:34-37; 6:16-23) Nang pabagsakin niya ang makapangyarihang Babilonya, muling itinanghal ni Jehova ang kaniyang natatanging pagka-Diyos, inilantad niya ang mga paganong diyos bilang kabulaanan, at inilagay niya sa kahihiyan ang mga iyon. Naging saksi sa bagay na ito ang kaniyang bayan. (Isa 41:21-29; 43:10-15; 46:1, 2, 5-7) Minaniobra niya ang mga hari ng Persia upang mapalaya ang kaniyang bayan at makabalik sila sa kanilang sariling lupain, nang sa gayo’y maitayo nilang muli ang templo at ang lunsod ng Jerusalem. (Ezr 1:1-4; 7:6, 27, 28; Ne 1:11; 2:1-8) Nahiya si Ezra na humiling sa Persianong hari ng proteksiyong militar para sa kaniyang pangkat, bagaman ang kabuuang halaga ng kargamentong dala nila ay maliwanag na mahigit sa $43,000,000. Bilang sagot sa kanilang panalangin, binantayan sila ni Jehova sa kanilang paglalakbay patungong Jerusalem.​—Ezr 8:21-27.

Sa pagitan ng pagtatapos ng Hebreong Kasulatan ng Bibliya at ng kapanganakan ng Anak ng Diyos sa lupa, tiyak na naging aktibo ang kapangyarihan ng Diyos upang maingatan ang bansang Israel, ang Jerusalem na kabiserang lunsod, ang karatig na bayan ng Betlehem, ang templo kasama ang pagkasaserdote nito, at ang iba pang mga bahagi ng Judiong sistema. Kailangang naroon ang lahat ng ito upang ang hula ay matupad kay Kristo Jesus at sa kaniyang gawain. Ayon sa kasaysayan, nagkaroon ng pagsisikap na lubusang alisin ang Judiong sistema ng mga bagay sa pamamagitan ng Helenisasyon, samakatuwid nga, sinikap na ihalili rito ang pagsambang Griego. Ngunit hindi iyon nagtagumpay.​—Tingnan ang GRESYA, MGA GRIEGO (Epekto ng Helenisasyon sa mga Judio).

“Si Kristo ang Kapangyarihan ng Diyos.” Mula noong isilang si Jesus sa makahimalang paraan, ang kapangyarihan ng Diyos ay natanghal sa kaniya at sa pamamagitan niya nang higit kailanman. Tulad ng salmista, siya ay naging “parang himala sa maraming tao.” (Aw 71:7) Si Jesus at ang kaniyang mga alagad, tulad ni Isaias at ng kaniyang mga anak, ay naging “gaya ng mga tanda at gaya ng mga himala sa Israel mula kay Jehova ng mga hukbo,” anupat nagsilbing palatandaan ng mangyayari sa hinaharap at nagsiwalat ng layunin ng Diyos. (Isa 8:18; Heb 2:13; ihambing ang Luc 2:10-14.) Kay Jesus natupad at nagbunga ang makapangyarihang mga gawain ng Diyos sa loob ng libu-libong taon. Kaya naman tinukoy ng apostol si Jesus bilang “ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos.”​—1Co 1:24.

Napatunayang si Jesus ang Mesiyas na matagal nang hinihintay, ang Pinahiran ni Jehova, na inihulang magpapamalas ng ‘espiritu ng kalakasan.’ (Isa 11:1-5) Dahil dito, maaasahan na magkakaroon siya ng makapangyarihang mga patotoo na susuporta sa bagay na iyan. (Mik 5:2-5; ihambing ang Ju 7:31.) Sa pagsisilang pa lamang kay Jesus ng isang birheng Judio, sinimulan na ng Diyos na magpatotoo para sa kaniyang Anak. (Luc 1:35-37) Ang kapanganakang ito ay hindi lamang basta isang kagila-gilalas na pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos kundi tumupad ng partikular na mga layunin. Naglaan ito ng isang sakdal na tao, ang ‘ikalawang Adan,’ na makapagpapabanal sa pangalan ng kaniyang Ama, makapapawi sa kadustaang idinulot sa pangalang iyon ng unang taong anak ng Diyos, at sa gayo’y magpapabulaan sa hamon ni Satanas; karagdagan pa, ang sakdal na si Jesus ang maglalaan ng legal na saligan upang matubos ang masunuring sangkatauhan mula sa panunupil ng mga haring Kasalanan at Kamatayan. (1Co 15:45-47; Heb 2:14, 15; Ro 5:18-21; tingnan ang PANTUBOS.) At ang sakdal na inapong ito ni David ang magiging tagapagmana ng isang walang-hanggang Kaharian.​—Luc 1:31-33.

Nang pahiran ng Diyos si Jesus ng banal na espiritu, binigyan din Niya siya ng kapangyarihan. (Gaw 10:38) Si Moises ay naging “makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa.” Yamang si Jesus ‘ang propeta na mas dakila kaysa kay Moises,’ mas nakahihigit din ang kaniyang mga kredensiyal. (Deu 34:10-12; Gaw 7:22; Luc 24:19; Ju 6:14) Kaya naman ‘nagturo siya taglay ang awtoridad.’ (Mat 7:28, 29) Sa gayon, kung paanong nagbigay ang Diyos ng dahilan upang manampalataya ang mga tao kina Moises, Josue, at sa iba pa, nagbigay rin siya ng matibay na saligan upang sampalatayanan ang kaniyang Anak. (Mat 11:2-6; Ju 6:29) Hindi inangkin ni Jesus ang anumang kapurihan, at lagi niyang kinikilala na ang Diyos ang Pinagmulan ng kaniyang makapangyarihang mga gawa. (Ju 5:19, 26; 7:28, 29; 9:3, 4; 14:10) Nakilala ng matatapat na tao ang “maringal na kapangyarihan ng Diyos” na natanghal sa pamamagitan niya.​—Luc 9:43; 19:37; Ju 3:2; 9:28-33; ihambing ang Luc 1:68; 7:16.

Palatandaan ng ano ang mga himala ni Jesus?

Pinatotohanan ng mga ginawa ni Jesus na interesado ang Diyos sa sangkatauhan at nagbigay ang mga ito ng katibayan hinggil sa mga gagawin ng Diyos sa hinaharap para sa lahat ng umiibig sa katuwiran. Ang karamihan sa makapangyarihang mga gawa ni Jesus ay may kaugnayan sa mga problema ng sangkatauhan, pangunahin na rito ang kasalanan, pati na ang lahat ng pinsalang dulot nito. Ang sakit at kamatayan ay bunga ng kasalanan, at pinatunayan ng kakayahan ni Jesus na magpagaling ng lahat ng uri ng sakit (Mat 8:14, 15; Luc 6:19; 17:11-14; 8:43-48) at bumuhay pa nga ng mga patay (Mat 9:23-25; Luc 7:14, 15; Ju 11:39-44) na siya ang gagamitin ng Diyos upang mapalaya ang sangkatauhan mula sa kasalanan at sa parusang dulot nito. (Ihambing ang Mar 2:5-12.) Bilang paglalaan na di-hamak na nakahihigit sa manna na kinain ng Israel sa ilang, si Jesus ang “tunay na tinapay na mula sa langit,” ang “tinapay ng buhay.” (Ju 6:31-35, 48-51) Nagdulot siya, hindi ng literal na tubig mula sa bato, kundi ng “tubig na buháy,” ang “tubig ng buhay.”​—Ju 7:37, 38; Apo 22:17; ihambing ang Ju 4:13, 14.

Ang kaniyang makapangyarihang mga gawa ay nagsilbi ring mga palatandaan ng iba pang mga pagpapalang idudulot ng kaniyang pamamahala bilang hari. Si Eliseo ay nagpakain ng 100 katao sa pamamagitan lamang ng 20 tinapay at kaunting butil, samantalang libu-libo naman ang pinakain ni Jesus sa pamamagitan ng mas kaunting pagkain. (2Ha 4:42-44; Mat 14:19-21; 15:32-38) Pinangyari ni Moises at ni Eliseo na tumamis ang tubig na mapait o nakalalason. Tungkol naman kay Jesus, ginawa niyang mainam na alak ang karaniwang tubig para sa kasiyahan ng mga dumalo sa isang piging ng kasalan. (Exo 15:22-25; 2Ha 2:21, 22; Ju 2:1-11) Samakatuwid, tiyak na ang lahat ng magiging sakop ng kaniyang pamamahala ay hindi na magugutom pa, anupat magkakaroon ng isang kaiga-igayang ‘piging para sa lahat ng mga bayan.’ (Isa 25:6) Dahil kaya niyang gawing napakamabunga ang pagpapagal ng mga tao, gaya ng ginawa niya noong nangingisda ang kaniyang mga alagad, tiyak na walang sinumang mamumuhay nang isang-kahig-isang-tuka sa ilalim ng kaniyang Kaharian.​—Luc 5:4-9; ihambing ang Ju 21:3-7.

Higit na mahalaga, ang mga nabanggit ay pawang nauugnay sa espirituwal na mga bagay. Bukod sa pinangyari ni Jesus na makakita, makapagsalita, at gumaling sa makasagisag na paraan ang mga bulag, pipi, at maysakit sa espirituwal, nagdulot din siya at nangako ng saganang espirituwal na pagkain at inumin at ginarantiyahan niya na magiging mabunga ang ministeryo ng kaniyang mga alagad. (Ihambing ang Luc 5:10, 11; Ju 6:35, 36.) Sa ilang pagkakataon, ang kaniyang makahimalang pagsapat sa pisikal na mga pangangailangan ng mga tao ay pangunahin nang upang magpatibay ng pananampalataya. Ang gayong mga bagay ay hindi kailanman siyang ultimong tunguhin. (Ihambing ang Ju 6:25-27.) Ang Kaharian at ang katuwiran ng Diyos, hindi pagkain at inumin, ang dapat munang hanapin. (Mat 6:31-33) Nagpakita si Jesus ng halimbawa may kaugnayan dito nang tumanggi siyang gawing tinapay ang mga bato para sa sarili niyang kapakinabangan.​—Mat 4:1-3.

Espirituwal na paglaya. Nakipaglaban ang bansang Israel sa makapangyarihang mga mandirigma, ngunit ang puntirya ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak ay mga kaaway na mas malalakas kaysa sa mga taong militarista. Si Jesus ang Tagapagpalaya (Luc 1:69-74) na nagbukas ng daan tungo sa kalayaan mula sa pangunahing pinagmumulan ng paniniil, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. (Heb 2:14, 15) Hindi lamang personal na pinalaya ni Jesus ang marami mula sa panliligalig ng mga demonyo (Luc 4:33-36) kundi, sa pamamagitan ng kaniyang makapangyarihang mga salita ng katotohanan, lubusan din niyang binuksan ang daan tungo sa kalayaan para sa mga nagnanais makaalpas sa mapaniil na mga pasanin at pagkaalipin na ipinataw ng huwad na relihiyon. (Mat 23:4; Luc 4:18; Ju 8:31, 32) Sa pamamagitan ng kaniya mismong landasin ng katapatan at integridad, dinaig niya, hindi lamang ang isang lunsod o imperyo, kundi “ang sanlibutan.”​—Ju 14:30; 16:33.

Relatibong kahalagahan ng makahimalang mga gawa. Bagaman pangunahing idiniin ni Jesus ang mga katotohanang kaniyang ipinahayag, ipinakita rin niya na may relatibong kahalagahan ang kaniyang makapangyarihang mga gawa, anupat palagi niyang itinatawag-pansin na pinatototohanan ng mga iyon ang kaniyang atas at mensahe. Partikular nang mahalaga ang mga iyon sa pagtupad sa mga hula. (Ju 5:36-39, 46, 47; 10:24-27, 31-38; 14:11; 20:27-29) Ang mga nakakita sa gayong mga gawa ay nagkaroon ng pantanging pananagutan. (Mat 11:20-24; Ju 15:24) Gaya ng sinabi ni Pedro sa mga pulutong noong Pentecostes, si Jesus ay “isang lalaki na hayagang ipinakita ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga makapangyarihang gawa at mga palatandaan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya ng nalalaman ninyo mismo.” (Gaw 2:22) Ipinakita ng gayong mga ebidensiya ng kapangyarihan ng Diyos na “naabutan na” sila ng kaniyang Kaharian.​—Mat 12:28, 31, 32.

Sa pamamagitan ng paggamit ng Diyos sa kaniyang Anak sa katangi-tanging paraan, ‘nalantad ang mga pangangatuwiran ng maraming puso.’ (Luc 2:34, 35) Nakita nila noon ang mga pagtatanghal ng ‘bisig ni Jehova,’ ngunit mas pinili ng marami, ng karamihan pa nga, na bigyan ng ibang pakahulugan ang mga pangyayaring namasdan nila o dahil sa mapag-imbot na interes ay hindi sila kumilos kaayon ng nakitang “tanda.” (Ju 12:37-43; 11:45-48) Ninais ng marami na personal na makinabang mula sa kapangyarihan ng Diyos ngunit hindi sila tunay na nagugutom sa katotohanan at katuwiran. Ang kanilang mga puso ay hindi naantig ng habag at kabaitan na nag-udyok kay Jesus na isagawa ang marami sa kaniyang makapangyarihang mga gawa (ihambing ang Luc 1:78; Mat 9:35, 36; 15:32-37; 20:34; Mar 1:40, 41; Luc 7:11-15 sa Luc 14:1-6; Mar 3:1-6), anupat sa habag na iyon ay nababanaag ang pagkamahabagin ng kaniyang Ama.​—Mar 5:18, 19.

Responsable sa paggamit ng kapangyarihan. Laging ginagamit ni Jesus ang kaniyang kapangyarihan sa responsableng paraan, hindi kailanman sa layuning magpasikat. Maliwanag na ang pagsumpa niya sa di-namumungang puno ng igos ay may makasagisag na kahulugan. (Mar 11:12-14; ihambing ang Mat 7:19, 20; 21:42, 43; Luc 13:6-9.) Tumanggi si Jesus na magpakita ng walang-saysay na mga pagtatanghal ng kapangyarihan gaya ng iminungkahi ni Satanas. Nang lumakad siya sa ibabaw ng tubig, ginawa niya iyon dahil may pupuntahan siya at walang makukuhang transportasyon sa gayong oras ng gabi, na ibang-iba naman sa pagtalon mula sa moog ng templo na parang isang pagpapatiwakal. (Mat 4:5-7; Mar 6:45-50) Hindi pinagbigyan ni Jesus ang di-wastong pagkamausisa ni Herodes nang hilingan siya nito na magpakita ng makapangyarihang gawa. (Luc 23:8) Bago nito, tinanggihan ni Jesus ang kahilingan ng mga Pariseo at mga Saduceo na magpakita siya ng “isang tanda mula sa langit,” maliwanag na dahil hiniling nila iyon, hindi upang patibayin ang pananampalataya nila sa katuparan ng Salita ng Diyos, kundi upang hindi na nila kailanganin ang gayong pananampalataya. Ang kanilang motibo ay masama.​—Mat 16:1-4; ihambing ang 15:1-6; 22:23, 29.

Sa katulad na paraan, dahil sa kawalan ng pananampalataya ng mga taga-Nazaret, hindi siya nagsagawa roon ng maraming makapangyarihang gawa. Tiyak na hindi iyon dahil kulang siya ng kapangyarihan kundi dahil hindi iyon hinihiling, o ipinahihintulot, ng mga kalagayan. Ang bigay-Diyos na kapangyarihan ay hindi dapat sayangin sa mga manhid at mapag-alinlangan. (Mar 6:1-6; ihambing ang Mat 10:14; Luc 16:29-31.) Hindi laging kailangan ang pananampalataya ng isa upang makapagsagawa si Jesus ng makahimalang mga gawa, gaya noong pagalingin niya ang tinagpas na tainga ng alipin ng mataas na saserdote, na kasama sa pulutong na dumating upang arestuhin si Jesus.​—Luc 22:50, 51.

Ang pinakadakilang pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos ay ang pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay tungo sa buhay bilang espiritu. Kung wala iyon, ang pananampalatayang Kristiyano ay “walang kabuluhan” at ang kaniyang mga tagasunod “sa lahat ng mga tao ang pinakakahabag-habag.” (1Co 15:12-19) Iyon ang gawa na isinalaysay ng halos lahat ng mga alagad ni Jesus at ang pinakamahalagang salik na nagpapatibay ng pananampalataya. Noong nasa lupa si Jesus, hindi naging hadlang ang distansiya sa paggamit niya ng kapangyarihan (Mat 8:5-13; Ju 4:46-53), at noong Pentecostes, mula sa kaniyang makalangit na posisyon, pinahiran ni Jesus ng espiritu ng Diyos ang kaniyang mga tagasunod, anupat pinangyaring makapagsagawa sila ng makapangyarihang mga gawa kahit hindi nila siya kasama. Sa gayon ay pinagtibay niya ang kanilang patotoo may kinalaman sa kaniyang pagkabuhay-muli (Gaw 4:33; Heb 2:3, 4) at pinatotohanan niya na ang mga ito ang sinang-ayunang bayan ng Diyos, ang kaniyang kongregasyon.​—Gaw 2:1-4, 14-36, 43; 3:11-18.

Ang pagkamatay ng Anak ng Diyos bilang tao ay hindi nagpaikli sa kamay ni Jehova, gaya ng pinatunayan ng maraming himala, tanda at palatandaan na isinagawa ng mga apostol at ng iba pa. (Gaw 4:29, 30; 6:8; 14:3; 19:11, 12) Ang kanilang makapangyarihang mga gawa ay katulad niyaong sa kanilang Panginoon, gaya ng pagpapagaling sa pilay (Gaw 3:1-9; 14:8-10) at may sakit (Gaw 5:12-16; 28:7-9), pagbabangon sa patay (Gaw 9:36-41; 20:9-11), at pagpapalayas ng mga demonyo. (Gaw 8:6, 7; 16:16-18) Ginawa nila ang mga iyon nang hindi naghahangad ng personal na kapakinabangan o karangalan. (Gaw 3:12; 8:9-24; 13:15-17) Sa pamamagitan nila, ipinahayag ng Diyos ang kaniyang mga kahatulan laban sa mga manggagawa ng kamalian, gaya ng ginawa niya sa pamamagitan ng mas naunang mga propeta, sa gayo’y ikinintal niya ang pagpapakita ng kaukulang paggalang sa kaniya mismo at sa kaniyang mga kinatawan. (Gaw 5:1-11; 13:8-12) Pinagkalooban niya sila ng bagong mga kakayahan, gaya ng kakayahang magsalita at magsalin ng mga wikang banyaga. Ito rin ay naging ukol sa “isang kapaki-pakinabang na layunin,” sapagkat sa di-kalaunan ay isasagawa nila sa labas ng Israel ang gawaing pangangaral at ipapahayag nila sa gitna ng mga bansa ang mga kamangha-manghang gawa ni Jehova.​—1Co 12:4-11; Aw 96:3, 7.

Gumawa rin ang Diyos na Jehova ng iba pang makapangyarihang mga bagay, gaya ng pagbubukas niya ng ‘mga pinto’ ng pagkakataon upang makapangaral sila sa partikular na mga teritoryo, pagsasanggalang niya sa kanila laban sa mga nais magpatigil ng kanilang ministeryo, at pagpatnubay niya sa kanilang mga gawain, anupat ginawa niya iyon sa mga paraan na karaniwan nang hindi hayag sa madla.​—Gaw 5:17-20; 8:26-29, 39, 40; 9:1-8; 10:19-22, 44-48; 12:6-11; 13:2; 16:6-10, 25-33; 18:9, 10; 1Co 16:8, 9.

Inihula na ang makahimalang mga kakayahan na ipinagkaloob ng espiritu sa mga apostol, na ipinasa naman nila sa iba, ay iiral lamang samantalang ‘sanggol’ pa ang kongregasyong Kristiyano at pagkatapos ay lilipas din. (1Co 13:8-11; tingnan ang KALOOB MULA SA DIYOS [Mga Kaloob ng Espiritu].) Sinabi ng Cyclopædia nina M’Clintock at Strong (Tomo VI, p. 320) na “hindi matututulan na noong unang sandaang taon pagkamatay ng mga apostol ay kaunti lamang ang maririnig natin, kung mayroon man, tungkol sa paghihimala ng unang mga Kristiyano.” Gayunpaman, nagbabala si Jesus at ang kaniyang mga apostol tungkol sa mapanlinlang na makapangyarihang mga gawa na isasagawa ng mga apostata at ng isang makasagisag na mabangis na hayop, na mga kaaway ng Diyos.​—Mat 7:21-23; 24:23-25; 2Te 2:9, 10; Apo 13:11-13; tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.

Ang kasukdulan ng pagpapamalas ng kapangyarihan ng Diyos ay ang pagtatatag ng kaniyang Kaharian sa pamamagitan ni Kristo Jesus at ang mga paghatol na isasagawa bilang resulta ng pangyayaring iyon.

Tingnan ang PUSPUSIN NG KAPANGYARIHAN ANG KAMAY.