Kapatagan
Kalupaang maituturing na patag kung ihahambing sa maburol o bulubunduking lupain. Maliwanag ang paggamit ng Hebreong Kasulatan ng iba’t ibang salita upang tukuyin o ilarawan ang sari-saring uri ng kalupaan.
Ang terminong Hebreo na ʽara·vahʹ ay ginagamit kapuwa bilang pangalan para sa isang espesipikong lugar at bilang isang salita na naglalarawan sa isang uri ng kalupaan. (Tingnan ang ARABA.) Kapag ginagamit nang walang pamanggit na pantukoy, ang ʽara·vahʹ ay tumutukoy sa isang disyertong kapatagan o tuyong lupain, gaya niyaong nasa Moab at Jerico. (Bil 22:1; 35:1; Jos 5:10; 13:32; Jer 52:8) Bagaman maaaring may mga ilog na naglalaan ng kaunting tubig sa lugar na iyon, karaniwang itinatampok ng ʽara·vahʹ na ang kapatagang iyon ay tigang. Kaya magiging napakalaking pagbabago kapag ang Kapatagan ng Saron na mataba at natutubigan ay naging tulad ng disyertong kapatagan (Isa 33:9), o kapag dinaluyan ng mga ilog ang disyertong kapatagan.—Isa 35:1, 6; 51:3.
Ang salitang biq·ʽahʹ ay tumutukoy sa isang malawak na kapatagan na napalilibutan ng mga bundok. Nagmula ito sa isang pandiwa na nangangahulugang “mabiyak” at may-katumpakang maisasalin bilang “kapatagang libis.” Maging sa ngayon, ang malawak na kapatagang libis sa pagitan ng Kabundukan ng Anti-Lebanon at ng Kabundukan ng Lebanon ay kilala bilang ang Beqaʽ. (Jos 11:17) Sa Kasulatan, kadalasan ay ginagamit ang biq·ʽahʹ, o “kapatagang libis” bilang kabaligtaran ng mga bundok o mga burol (Deu 8:7; 11:11; Aw 104:8; Isa 41:18) o ng baku-bako o malubak na lupain. (Isa 40:4) Ang kaugnay na salitang Aramaiko na lumilitaw sa Daniel 3:1 ay malimit na basta isinasalin bilang “kapatagan,” anupat tumutukoy sa lugar kung saan itinayo ni Nabucodonosor ang gintong imahen.
Isang mahaba at mababang kapatagan, o libis, naman ang ibig sabihin ng Hebreong ʽeʹmeq. Ang salitang ito ay tumutukoy sa “isang mahaba at malawak na lupain sa pagitan ng magkakaagapay na hanay ng mga burol na mas maliit ang saklaw kaysa sa naunang termino [biq·ʽahʹ], . . . anupat ang ideya [ng ʽeʹmeq] ay ang kababaan at lapad sa halip na pagiging matarik o nakukulong.” (Cyclopædia nina M’Clintock at Strong, 1881, Tomo X, p. 703) Ang salitang Hebreong ito ay ikinakapit sa maraming iba’t ibang lokalidad, gaya ng “mababang kapatagan ng Acor,” “mababang kapatagan ng Aijalon,” at “mababang kapatagan ng Repaim.”—Jos 7:24; 10:12; 1Cr 11:15.