Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapatawaran, Pagpapatawad

Kapatawaran, Pagpapatawad

Ang pagpapatawad ay pagpapaumanhin sa isang nagkasala; hindi na paghihinanakit sa kaniya dahil sa kaniyang pagkakasala at hindi na paghingi pa ng anumang kabayaran. Ang pandiwang Hebreo na sa·lachʹ (magpatawad) ay ginagamit lamang may kinalaman sa pagpapaumanhin ng Diyos sa isang nagkasala. Ang terminong Griego naman na a·phiʹe·mi ay literal na nangangahulugang “pakawalan.”​—Tingnan ang PAUMANHIN.

Ayon sa kautusan ng Diyos na ibinigay sa bansang Israel, upang mapatawad ang isang taong nagkasala sa Diyos o sa kaniyang kapuwa, kailangan muna niyang ituwid ang kaniyang pagkakamali ayon sa itinakda ng Kautusan at pagkatapos, karaniwan na, maghahandog siya ng isang handog na may dugo kay Jehova. (Lev 5:5–6:7) Kaya nga, binanggit ni Pablo ang simulaing ito: “Oo, halos lahat ng bagay ay nililinis ng dugo ayon sa Kautusan, at malibang magbuhos ng dugo ay walang kapatawarang magaganap.” (Heb 9:22) Gayunman, ang totoo, ang dugo ng mga haing hayop ay hindi nakapag-aalis ng mga kasalanan at hindi nakapagbibigay sa indibiduwal ng isang ganap na malinis na budhi. (Heb 10:1-4; 9:9, 13, 14) Sa kabaligtaran naman, ginawang posible ng inihulang bagong tipan ang tunay na kapatawaran, salig sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. (Jer 31:33, 34; Mat 26:28; 1Co 11:25; Efe 1:7) Maging noong narito sa lupa si Jesus, ipinakita niya, sa pamamagitan ng pagpapagaling sa isang paralitiko, na may awtoridad siyang magpatawad ng mga kasalanan.​—Mat 9:2-7.

Si Jehova ay nagpapatawad “nang sagana,” gaya ng ipinakikita ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak at tungkol sa hari na nagpatawad sa utang ng isang alipin na 10,000 talento (60,000,000 denario, o mga $40,000,000), samantalang ang aliping iyon naman ay tumangging magpatawad sa utang ng kaniyang kapuwa alipin na isang daang denario (mga $70) lamang. (Isa 55:7; Luc 15:11-32; Mat 18:23-35) Gayunpaman, ang pagpapatawad ni Jehova ay hindi udyok ng pagiging sentimental, sapagkat hindi naman niya hinahayaang di-naparurusahan ang kahiya-hiyang mga gawa. (Aw 99:8) Binabalaan ni Josue ang Israel na hindi patatawarin ni Jehova ang kanilang pag-aapostata.​—Jos 24:19, 20; ihambing ang Isa 2:6-9.

Ang Diyos ay may itinakdang paraan ng paghingi at pagtatamo ng kaniyang kapatawaran. Dapat na aminin ng isang tao ang kaniyang kasalanan, kilalanin na isa itong pagkakasala laban sa Diyos, at ipagtapat ito nang lubusan. Dapat din siyang makadama ng masidhi at taos-pusong kalungkutan sa nagawa niyang kamalian, at maging determinadong talikuran ang gayong landasin o gawain. (Aw 32:5; 51:4; 1Ju 1:8, 9; 2Co 7:8-11) Dapat niyang gawin ang lahat ng kaniyang makakaya upang ituwid ang pagkakamali o ang nagawang pinsala. (Mat 5:23, 24) Pagkatapos ay dapat siyang manalangin sa Diyos, anupat humihingi ng kapatawaran salig sa haing pantubos ni Kristo.​—Efe 1:7; tingnan ang PAGSISISI.

Karagdagan pa, ang pagpapatawad sa iba sa kanilang personal na mga pagkakasala, gaano man karami ang mga iyon, ay isang kahilingan sa mga Kristiyano. (Luc 17:3, 4; Efe 4:32; Col 3:13) Ang pagpapatawad ng Diyos ay hindi ipinagkakaloob sa mga tumatangging magpatawad sa iba. (Mat 6:14, 15) Gayunman, kahit na ang malubhang pagkakasala ay humantong sa pagkakatiwalag ng “taong balakyot” mula sa kongregasyong Kristiyano, ang taong iyon sa kalaunan ay maaaring gawaran ng kapatawaran kung patutunayan niyang siya’y talagang nagsisisi. Sa panahong iyon ay maaaring pagtibayin ng lahat sa kongregasyon ang pag-ibig nila sa kaniya. (1Co 5:13; 2Co 2:6-11) Gayunman, ang mga Kristiyano ay hindi obligadong magpatawad sa mga taong nagsasagawa ng mapaminsala, sinasadyang pagkakasala anupat hindi nagsisisi. Ang gayong mga tao ay nagiging kaaway ng Diyos.​—Heb 10:26-31; Aw 139:21, 22.

Angkop lamang na manalangin ukol sa kapatawaran ng Diyos para sa iba, maging para sa buong kongregasyon. Ginawa ito ni Moises para sa bansang Israel, anupat ipinagtapat niya ang pagkakasala ng bansa at humingi siya ng kapatawaran para rito, at malugod naman siyang pinakinggan ni Jehova. (Bil 14:19, 20) Gayundin, noong iniaalay ang templo, si Solomon ay nanalangin na patawarin nawa ni Jehova ang kaniyang bayan kapag nagkakasala ang mga ito at pagkatapos ay nanunumbalik mula sa kanilang maling landasin. (1Ha 8:30, 33-40, 46-52) Gumanap si Ezra bilang kinatawan sa pangmadlang pagtatapat ng mga kasalanan ng nakabalik na mga Judio. Ang kaniyang taos-pusong panalangin at payo ay nagbunga ng pagkilos ng bayan upang matamo ang kapatawaran ni Jehova. (Ezr 9:13–10:4, 10-19, 44) Hinimok ni Santiago ang taong may-sakit sa espirituwal na ipatawag ang matatandang lalaki ng kongregasyon upang ipanalangin siya, at “kung nakagawa siya ng mga kasalanan, ito ay ipatatawad sa kaniya.” (San 5:14-16) Gayunman, may “kasalanan na ikamamatay,” ang kasalanan laban sa banal na espiritu, na isang sinasadyang pamimihasa sa kasalanan anupat wala itong kapatawaran. Hindi dapat ipanalangin ng isang Kristiyano yaong mga nagkakasala sa ganitong paraan.​—1Ju 5:16; Mat 12:31; Heb 10:26, 27; tingnan ang ESPIRITU; KASALANAN.