Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapistahan

Kapistahan

Ang mga kapistahan ay mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba sa Diyos, yamang ang mga ito ay ipinag-utos ni Jehova sa kaniyang piling bayang Israel sa pamamagitan ni Moises. Ang salitang Hebreo na chagh, na isinasaling “kapistahan,” ay posibleng nagmula sa isang pandiwa na nagpapahiwatig ng paikot na galaw o ayos, pagsasayaw nang paikot, at sa gayo’y nagpapahiwatig ng pagdiriwang ng pana-panahong kapistahan. Ang moh·ʽedhʹ, na isinasalin ding “kapistahan,” ay pangunahin nang tumutukoy sa isang takdang panahon o dako ng pagtitipon.​—1Sa 20:35; 2Sa 20:5.

Ipinakikita sa sumusunod na tsart ang isang balangkas ng mga kapistahan at ng iba pang pantanging mga araw.

MGA KAPISTAHAN SA ISRAEL

BAGO ANG PAGKATAPON

MGA TAUNANG KAPISTAHAN

1. Paskuwa, Abib (Nisan) 14

2. Mga Tinapay na Walang Pampaalsa, Abib (Nisan) 15-21

3. Mga Sanlinggo, o Pentecostes, Sivan 6

4. Pagpapatunog ng Trumpeta, Etanim (Tisri) 1

5. Araw ng Pagbabayad-Sala, Etanim (Tisri) 10

6. Mga Kubol, Etanim (Tisri) 15-21, na sinusundan ng kapita-pitagang kapulungan sa ika-22

MGA PANA-PANAHONG KAPISTAHAN

1. Lingguhang Sabbath

2. Bagong Buwan [New Moon]

3. Taon ng Sabbath (tuwing ika-7 taon)

4. Taon ng Jubileo (tuwing ika-50 taon)

PAGKATAPOS NG PAGKATAPON

1. Kapistahan ng Pag-aalay, Kislev 25

2. Kapistahan ng Purim, Adar 14, 15

Ang Tatlong Pangunahing Kapistahan. Ang tatlong pangunahing “pangkapanahunang kapistahan,” na kung minsa’y tinatawag na mga kapistahan ng peregrinasyon dahil sa mga panahong iyon nagtitipon sa Jerusalem ang lahat ng mga lalaki, ay ginaganap sa itinakdang mga panahon at tinutukoy ng salitang Hebreo na moh·ʽedhʹ. (Lev 23:2, 4) Gayunman, kapag ang tatlong pangunahing kapistahan ang pantanging tinutukoy, ang salita na madalas gamitin ay chagh, na nagpapahiwatig hindi lamang ng pana-panahong pagdiriwang kundi maging ng panahon ng malaking pagsasaya. Ang tatlong pangunahing kapistahan ay:

(1) Ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa (Exo 23:15). Ang kapistahang ito ay nagsisimula sa araw pagkaraan ng Paskuwa at idinaraos mula Abib (Nisan) 15 hanggang 21. Ang Paskuwa ay ginaganap tuwing Nisan 14 at sa katunayan ay isang bukod na araw ng pagdiriwang, ngunit dahil kasunod na kasunod nito ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, madalas tukuyin nang magkasama ang dalawa bilang ang Paskuwa.​—Mat 26:17; Mar 14:12; Luc 22:7.

(2) Ang Kapistahan ng mga Sanlinggo o ng Pentecostes (gaya ng itinawag dito nang maglaon), na ipinagdiriwang sa ika-50 araw mula Nisan 16, samakatuwid nga, tuwing Sivan 6.​—Exo 23:16a; 34:22a.

(3) Ang Kapistahan ng mga Kubol (mga Tabernakulo) o ng Pagtitipon ng Ani. Ginaganap ito sa ikapitong buwan, mula Etanim (Tisri) 15 hanggang 21, at sinusundan ng isang kapita-pitagang kapulungan sa ika-22 ng buwan.​—Lev 23:34-36.

Ang panahon, lugar, at paraan ng pagdiriwang ng mga ito ay pawang itinakda ni Jehova. Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “mga pangkapanahunang kapistahan ni Jehova,” ang mga ito ay nauugnay sa iba’t ibang kapanahunan sa taon ng sagradong kalendaryo​—ang maagang bahagi ng tagsibol, ang huling bahagi ng tagsibol, at ang taglagas. Tunay ngang makahulugan ito, yamang sa mga panahong iyon, ang mga unang bunga ng bukid at mga ubasan ay nagdudulot ng malaking kagalakan at kaligayahan sa mga tumatahan sa Lupang Pangako, at dahil dito ay kinikilala nila si Jehova bilang ang bukas-palad na Tagapaglaan ng lahat ng mabubuting bagay.

Mga Pagkakatulad sa Pagdiriwang ng mga Kapistahang Ito. Hinihiling ng tipang Kautusan na ang lahat ng lalaki ay humarap “kay Jehova na iyong Diyos sa dakong pipiliin niya” taun-taon, sa panahon ng bawat isa sa tatlong pangunahing taunang kapistahan. (Deu 16:16) Nang bandang huli, pinili ang Jerusalem upang maging sentro ng mga kapistahan. Walang binanggit na espesipikong parusa para sa hindi pagdalo sa mga kapistahan, maliban na lamang kung Paskuwa; kamatayan ang parusa sa hindi pagdalo rito. (Bil 9:9-13) Magkagayunman, kung hindi tutuparin ng bayan ang mga kautusan ng Diyos, pati na ang kaniyang mga kapistahan at mga sabbath, magdudulot ito ng kahatulan at kabagabagan sa buong bansa. (Deu 28:58-62) Ang Paskuwa mismo ay kailangang ipagdiwang tuwing Nisan 14 o, sa ilang kalagayan, pagkaraan ng isang buwan.

Bagaman ang mga babae, di-gaya ng mga lalaki, ay hindi obligadong maglakbay para sa mga taunang kapistahan, mayroon ding mga babae na dumadalo noon sa mga kapistahan, gaya ni Hana na ina ni Samuel (1Sa 1:7) at ni Maria na ina ni Jesus. (Luc 2:41) Ang mga babaing Israelita na umiibig kay Jehova ay dumadalo sa gayong mga kapistahan kailanma’t posible. Sa katunayan, bukod sa mga magulang ni Jesus, regular ding dumadalong kasama nila ang kanilang mga kamag-anak at mga kakilala.​—Luc 2:44.

Ipinangako ni Jehova, “Hindi nanasain ng sinuman ang iyong lupain habang umaahon ka upang makita ang mukha ni Jehova na iyong Diyos nang tatlong ulit sa isang taon.” (Exo 34:24) At totoo naman na bagaman walang lalaking naiiwan upang magbantay sa mga lunsod at sa lupain, walang banyagang bansa ang nagtatangkang sumakop sa lupain ng mga Judio sa panahon ng kanilang mga kapistahan bago ang pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E. Ngunit noong 66 C.E., matapos itakwil ng bansang Judio si Kristo, 50 katao ang pinatay ni Cestio Gallo sa Lida sa panahon ng Kapistahan ng mga Tabernakulo.

Walang sinuman sa mga lalaking dadalo sa kapistahan ang paroroon nang walang dala; dapat silang magdala ng kaloob na “katumbas ng pagpapala ni Jehova na iyong Diyos na ibinigay niya sa iyo.” (Deu 16:16, 17) Bukod diyan, dapat kainin sa Jerusalem ang ‘ikalawang’ ikasampung bahagi (na iba pa sa ibinibigay bilang panustos sa mga Levita [Bil 18:26, 27]) ng mga butil, alak, at langis ng kasalukuyang taon, gayundin ang panganay ng bakahan at ng kawan; dapat bahaginan ng mga ito ang mga Levita. Ngunit kung napakalayo ng paglalakbay patungo sa lugar ng kapistahan, may probisyon ang Kautusan na maaaring ipagpalit ang mga ito ng salapi at ang salapi naman ay maaaring ipambili ng pagkain at inumin na magagamit pagdating sa santuwaryo. (Deu 14:22-27) Ang mga okasyong iyon ay mga pagkakataon upang ipakita ang katapatan kay Jehova at dapat ipagdiwang nang may kagalakan; dapat ding isama sa pagdiriwang ang naninirahang dayuhan, ang batang lalaking walang ama, at ang babaing balo. (Deu 16:11, 14) Sabihin pa, ang mga lalaking naninirahang dayuhan ay dapat na mga tinuling mananamba ni Jehova. (Exo 12:48, 49) Sa mga kapistahang iyon, laging may pantanging mga hain na inihahandog bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog, at hinihipan ang mga trumpeta habang inihahandog ang mga handog na sinusunog at mga haing pansalu-salo.​—Bil 10:10.

Mismong bago itayo ang templo, ang pagkasaserdote ay muling inorganisa ni Haring David, anupat isinaayos niya ang daan-daang Aaronikong saserdote sa 24 na pangkat, kasama ang katulong na mga Levita. (1Cr 24) Nang maglaon, ang bawat pangkat ng mga sinanay na manggagawa ay naglingkod sa templo nang tig-iisang linggo, makalawang ulit sa isang taon, anupat ang ulo ng sambahayan sa panig ng ama ang gumagawa ng kinakailangang mga kaayusan. Ipinakikita ng 2 Cronica 5:11 na ang 24 na pangkat ng mga saserdote ay sabay-sabay na naglingkod noong ialay ang templo, na naganap sa Kapistahan ng mga Kubol, o mga Tabernakulo. (1Ha 8:2; Lev 23:34) Sinabi ni Alfred Edersheim na sa mga araw ng kapistahan, ang sinumang saserdote ay maaaring pumaroon at tumulong sa paglilingkod sa templo, ngunit sa panahon ng Kapistahan ng mga Tabernakulo (mga Kubol), ang buong 24 na pangkat ay kailangang pumaroon.​—The Temple, 1874, p. 66.

Sa panahon ng mga kapistahang ito, napakarami ng trabaho ng mga saserdote, mga Levita, at ng mga Netineong naglilingkod na kasama nila. Ang isang halimbawa nito ay ipinakikita ng ulat tungkol sa Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa na isinaayos ni Haring Hezekias matapos niyang linisin ang templo, anupat sa okasyong iyon, ang pagdiriwang ay ipinagpatuloy pa nang pitong araw. Sinasabi ng ulat na si Hezekias mismo ay nag-abuloy ng 1,000 toro at 7,000 tupa bilang hain at ang mga prinsipe naman ay nag-abuloy ng 1,000 toro at 10,000 tupa.​—2Cr 30:21-24.

Ang ilang araw sa mga kapistahang ito ay mga kapita-pitagang kapulungan o mga banal na kombensiyon; ang mga iyon ay mga sabbath, at tulad ng mga lingguhang Sabbath, kahilingan ang paghinto sa lahat ng karaniwang gawain. Walang anumang sekular na gawain ang isasagawa. Gayunman, ang mga gawaing gaya ng paghahanda ng pagkain, na ipinagbabawal sa mga lingguhang araw ng Sabbath, ay ipinahihintulot bilang paghahanda sa pagdiriwang ng mga kapistahan. (Exo 12:16) Sa bagay na ito ay magkaiba ang “mga banal na kombensiyon” ng mga kapistahan at ang regular na mga lingguhang Sabbath (at ang Sabbath sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, ang Araw ng Pagbabayad-Sala, na isang panahon ng pag-aayuno), kung kailan hindi ipinahihintulot ang anumang uri ng gawain, kahit ang pagpapaningas ng apoy “saanman sa inyong mga tahanang dako.”​—Ihambing ang Levitico 23:3, 26-32 sa mga talata 7, 8, 21, 24, 25, 35, 36 at sa Exodo 35:2, 3.

Ang Kahalagahan ng mga Kapistahan sa Buhay ng Israel. Napakahalaga ng mga kapistahan sa buhay ng mga Israelita bilang isang bansa. Noong sila’y nasa pagkaalipin pa sa Ehipto, hiniling ni Moises kay Paraon na pahintulutang makaalis sa Ehipto ang mga Israelita at ang kanilang mga alagang hayop dahil “mayroon kaming kapistahan para kay Jehova.” (Exo 10:9) Kalakip sa tipang Kautusan ang maraming detalyadong tagubilin hinggil sa pagdiriwang ng mga kapistahan. (Exo 34:18-24; Lev 23:1-44; Deu 16:1-17) Kapag sinusunod nila ang mga utos ng Diyos may kaugnayan dito, ang mga kapistahan ay nakatutulong sa lahat ng dumadalo na ituon ang kanilang isip sa salita ng Diyos at huwag labis na magpakaabala sa kanilang personal na mga gawain anupat nakakalimutan na nila ang mas mahalagang espirituwal na aspekto ng kanilang pang-araw-araw na buhay. Ipinaaalaala rin sa kanila ng mga kapistahang ito na sila ay isang bayan ukol sa pangalan ni Jehova. Habang naglalakbay sila papunta at pauwi sa masasayang pagtitipong ito, tiyak na marami silang pagkakataon upang pag-usapan ang kabutihan ng kanilang Diyos at ang mga pagpapalang tinatamasa nila sa araw-araw at sa bawat kapanahunan. Ang mga kapistahan ay naglalaan ng panahon at pagkakataon para sa pagbubulay-bulay, pakikipagsamahan, at pag-uusap tungkol sa kautusan ni Jehova. Dahil sa mga ito ay lumalawak ang kaalaman ng mga Israelita tungkol sa lupaing ibinigay ng Diyos, nagkakaroon sila ng higit na pagkakaunawaan at pag-ibig sa kapuwa, at naitataguyod ang pagkakaisa at malinis na pagsamba. Ang mga kapistahan ay maliligayang okasyon. Ang isipan ng mga dumadalo ay napupuno ng mga kaisipan at mga daan ng Diyos, at ang lahat ng taimtim na nakikibahagi ay tumatanggap ng mayamang espirituwal na pagpapala. Halimbawa, isip-isipin ang pagpapalang tinanggap ng libu-libong nagsidalo sa Kapistahan ng Pentecostes sa Jerusalem noong 33 C.E.​—Gaw 2:1-47.

Para sa mga Judio, ang mga kapistahan ay sumasagisag sa kaligayahan. Bago ang pagkatapon sa Babilonya, noong panahong malimutan ng bansa sa pangkalahatan ang tunay na espirituwal na layunin ng mga kapistahan, ipinakita ng mga propetang sina Oseas at Amos na sa pagdating ng inihulang pagkatiwangwang ng Jerusalem, ang masasayang pagdiriwang na iyon ay maglalaho o gagawing mga panahon ng pagdadalamhati. (Os 2:11; Am 8:10) Nang bumagsak ang Jerusalem, sinabi ni Jeremias na “ang mga daan ng Sion ay nagdadalamhati, sapagkat walang sinumang pumaparoon sa kapistahan.” ‘Nalimot’ na ang kapistahan at ang Sabbath. (Pan 1:4; 2:6) Patiunang inilarawan ni Isaias ang maligayang kalagayan ng mga tapon na nagbalik mula sa Babilonya noong 537 B.C.E. nang sabihin niya: “Magkakaroon kayo ng awit na waring sa gabi ng pagpapabanal ng isa ng kaniyang sarili para sa kapistahan.” (Isa 30:29) Ngunit di-nagtagal mula nang maisauli sila sa kanilang bigay-Diyos na lupain, muli na naman nilang pinasamâ ang mga kapistahan ni Jehova, kung kaya binabalaan ng Diyos ang mga saserdote, sa pamamagitan ng propetang si Malakias, na ikakalat Niya sa kanilang mga mukha ang dumi ng kanilang mga kapistahan.​—Mal 2:1-3.

Ang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay gumawa ng ilang tuwiran at di-tuwirang pagtukoy sa mga kapistahan, anupat kung minsan ay ikinakapit nila ang mga ito sa mga Kristiyano sa maligaya, makasagisag, at makahulang paraan. Gayunman, hindi ipinag-utos sa mga Kristiyano na ipagdiwang ang mga kapistahang ito sa literal na paraan.​—Col 2:16, 17; tingnan ang mga kapistahan sa ilalim ng indibiduwal na mga pangalan.