Kapistahan ng Bagong Buwan
Ipinag-utos ng Diyos sa Israel na sa bawat bagong buwan [new moon], na hudyat ng pasimula ng mga buwang lunar ng kalendaryong Judio, dapat nilang hipan ang mga trumpeta sa harap ng kanilang mga handog na sinusunog at mga haing pansalu-salo. (Bil 10:10) Sa panahong ito, dapat silang maghandog ng pantanging mga hain bukod pa sa palagiang pang-araw-araw na hain. Kabilang sa mga handog tuwing bagong buwan ang handog na sinusunog na binubuo ng dalawang toro, isang barakong tupa, at pitong santaóng-gulang na lalaking kordero, pati na ang mga handog na butil at alak para sa mga iyon, gayundin ang isang anak ng kambing bilang handog ukol sa kasalanan.—Bil 28:11-15.
Ito lamang ang iniutos sa Pentateuch may kinalaman sa pangingilin ng bagong buwan, ngunit nang maglaon ay naging isang mahalagang pambansang kapistahan ang pangingilin nito. Sa Isaias 1:13, 14, binanggit ito kasama ng mga Sabbath at mga kapanahunan ng pista. Noong panahon ng huling mga propeta, ang taong-bayan ay hindi nangangalakal sa mga araw ng bagong buwan, gaya ng ipinahihiwatig sa Amos 8:5. Hindi ito hinihiling ng Kasulatan para sa mga araw ng bagong buwan. Ngunit gaya ng ipinakikita ng kababanggit na dalawang kasulatan, naging pormalismo na lamang noon ang pangingilin ng mga Judio ng bagong buwan, anupat hindi naging kalugud-lugod sa paningin ni Jehova.
Ang araw ng bagong buwan ay itinuring na isang pantanging araw para sa pagsasama-sama at pagpipiging. Makikita ito sa pangangatuwiran ni Saul nang hindi dumating si David sa hapag-kainan ni Saul sa araw ng bagong buwan. Sinabi ni Saul sa kaniyang sarili: “May nangyari kung kaya hindi siya malinis, sapagkat hindi pa siya nalilinisan.” (1Sa 20:5, 18, 24, 26) Bagaman may ilang uri ng gawain na maaaring isagawa sa araw na ito na hindi maaaring gawin kapag Sabbath, ito ay itinuring na isang araw para sa pagsasaalang-alang ng espirituwal na mga bagay. Sa panahong ito, ang mga tao ay nagtitipon para sa isang kombensiyon (Isa 1:13; 66:23; Aw 81:3; Eze 46:3) o dumadalaw sa mga propeta o mga lalaki ng Diyos.—2Ha 4:23.
Ang pangingilin ng araw ng bagong buwan ay hindi nagsasangkot ng pagsamba sa buwan, gaya ng ginagawa ng ilang bansang pagano, ni nauugnay man ito sa astrolohiya.—Huk 8:21; 2Ha 23:5; Job 31:26-28.
Isinulat ni Isaias na darating ang panahon kung kailan magtitipon ang lahat ng laman upang yumukod sa harap ni Jehova sa mga araw ng bagong buwan. (Isa 66:23) Sa hula ni Ezekiel, noong panahon ng pagkatapon sa Babilonya, sinabi ni Jehova sa kaniya sa isang pangitain tungkol sa isang templo: “Kung tungkol sa pintuang-daan ng pinakaloob na looban na nakaharap sa silangan, iyon ay mananatiling nakasara sa loob ng anim na araw ng paggawa, at sa araw ng sabbath ay bubuksan iyon, at sa araw ng bagong buwan ay bubuksan iyon. At ang bayan ng lupain ay yuyukod sa may pasukan ng pintuang-daang iyon sa mga sabbath at sa mga bagong buwan, sa harap ni Jehova.”—Eze 46:1, 3.
Sa ngayon, ipinagdiriwang pa rin ng mga Judio ang bagong buwan kalakip ang maraming detalyadong seremonya at itinuturing nila itong napakahalaga. Sa kabilang dako, ipinakikita sa mga Kristiyano na hindi sila obligadong mangilin ng bagong buwan o ng sabbath, na bahagi lamang ng isang anino ng mga bagay na darating, na ang katunayan ay masusumpungan kay Jesu-Kristo. Ang mga kapistahan ng likas na Israel ay may makasagisag na kahulugan at natutupad sa maraming pagpapala na nagiging posible sa pamamagitan ng Anak ng Diyos.—Col 2:16, 17.