Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapistahan ng Pag-aalay

Kapistahan ng Pag-aalay

Ang Kapistahan ng Pag-aalay (sa Heb., chanuk·kahʹ) ay ipinagdiriwang bilang paggunita sa paglaya ng mga Judio mula sa pamumunong Siro-Griego at sa muling pag-aalay kay Jehova ng templo sa Jerusalem, yamang nilapastangan ito ni Antiochus IV Epiphanes, na nagbigay sa kaniyang sarili ng titulong The·osʹ E·pi·pha·nesʹ (“Ang Diyos na Nahayag”). Nagtayo siya ng isang altar sa ibabaw ng malaking altar kung saan dating inihahain ang pang-araw-araw na handog na sinusunog. (1 Macabeo 1:54-59, BSP) Nang pagkakataong iyon (Kislev 25, 168 B.C.E.), upang ipakita ang kaniyang poot at paghamak kay Jehova, na Diyos ng mga Judio, at upang madungisan ang Kaniyang templo, si Antiochus ay naghain ng baboy sa ibabaw ng altar at ipinawisik niya sa paligid ng templo ang sabaw na pinaglagaan ng karne. Sinunog din niya ang mga pintuang-daan ng templo, giniba ang mga silid ng mga saserdote, at kinuha ang ginintuang altar gayundin ang mesa ng tinapay na pantanghal at ang ginintuang kandelero. Ang templong iyon na itinayo ni Zerubabel ay inialay sa paganong diyos na si Zeus ng Olympus.

Pagkaraan ng dalawang taon, nabawi ni Judas Maccabaeus ang lunsod at ang templo. Tiwangwang ang santuwaryo at tinutubuan na ng maraming damo ang mga looban ng templo. Giniba ni Judas ang lumang altar na dinungisan at nagtayo siya ng isang bagong altar na yari sa di-tabas na mga bato. Nagpagawa si Judas ng mga sisidlan para sa templo at ipinasok niya sa templo ang altar ng insenso, ang mesa ng tinapay na pantanghal, at ang kandelero. Matapos linisin ang templo, ginanap ang muling pag-aalay noong Kislev 25, 165 B.C.E., eksaktong tatlong taon mula nang araw na maghain si Antiochus sa altar bilang pagsamba sa paganong diyos. Ibinalik din ang paghahain ng pang-araw-araw o palagiang mga handog na sinusunog.​—1 Macabeo 4:36-54; 2 Macabeo 10:1-9, BSP.

Mga Kaugalian sa Kapistahan. Ang kapistahang ito ay isang panahon ng malaking pagsasaya. May pagkakahawig sa Kapistahan ng mga Kubol ang paraan ng pagdaraos nito. Ang pagdiriwang ay tumatagal nang walong araw pasimula sa Kislev 25. (1 Macabeo 4:59) Sa panahon ng kapistahan, napakaliwanag ng mga looban ng templo dahil sa mga ilawan, at pinagliliwanag ng mga palamuting lampara ang lahat ng pribadong tahanan. Tinutukoy ito ng Talmud bilang ang “Kapistahan ng Liwanag.” Nang maglaon, naging kaugalian ng ilan na magdispley ng walong lampara sa unang gabi at bawasan ito ng isa bawat gabi, samantalang ang iba naman ay nag-uumpisa sa isang lampara at dinaragdagan ito hanggang sa maging walo. Inilalagay ang mga lampara malapit sa mga pinto na nakaharap sa lansangan hindi lamang upang matanglawan ang loob ng bahay kundi upang makita rin ng lahat ng nasa labas ang liwanag. Ang pagsisindi sa mga lampara ay sinasabayan ng pag-awit ng mga awiting pumupuri sa Diyos na Tagapagligtas ng Israel. Ganito ang sinabi ni Josephus hinggil sa kung paano nagsimula ang kapistahang ito: “Gayon na lamang ang tuwa nila nang maisauli ang kanilang mga kaugalian at matamo nila nang di-inaasahan ang kanilang karapatang magsagawa ng sariling relihiyosong paglilingkod pagkatapos ng napakahabang panahon, kung kaya gumawa sila ng isang kautusan na dapat ipagdiwang ng kanilang mga inapo ang pagsasauli ng paglilingkod sa templo sa loob ng walong araw. At mula noon hanggang sa kasalukuyan ay idinaraos natin ang kapistahang ito, na tinatawag nating kapistahan ng mga Ilaw, anupat sa palagay ko, ibinigay natin dito ang pangalang iyon dahil natamo natin ang karapatang sumamba sa panahong halos hindi na natin ito inaasahan.” (Jewish Antiquities, XII, 324, 325 [vii, 7]) Ipinahihintulot sa panahon ng kapistahang ito ang paggawa ng mabigat na gawain yamang hindi naman ito itinuturing na sabbath.

Bago nito, nagkaroon na ng dalawang pag-aalay ng templo, ang isa ay para sa unang templo na itinayo ni Solomon at ang isa naman ay para sa ikalawang templo na itinayo ni Zerubabel. Ang dalawang pag-aalay na iyon ay pormal na ipinagdiwang pagkatapos na maitayo ang mga templo. Ngunit hindi nagkaroon ng kapistahan na gugunita sa anibersaryo ng mga iyon, di-tulad sa muling pag-aalay ng ikalawang templo na isinagawa ni Judas Maccabaeus. Di-gaya ng tatlong pangunahing kapistahan, na obligadong daluhan sa Jerusalem ng lahat ng kalalakihan, ang Kapistahan ng Pag-aalay ay maaaring ipagdiwang sa kani-kanilang lunsod, gaya sa kaso ng Kapistahan ng Purim. (Exo 23:14-17; Es 9:18-32) Sa buong lupain ay nagtitipon sila sa kanilang mga sinagoga nang may awitan at pagsasaya, anupat nagdadala sila ng mga sanga ng mga punungkahoy, samantalang pinagliliwanag ng maraming ilaw ang mga sinagoga at mga pribadong tahanan. Ipinagdiriwang ng mga Judio ang kapistahang ito hanggang sa kasalukuyan.

Ang Kahulugan Nito Para sa mga Kristiyano. Noong taóng 32 C.E., sa huling taglamig ng ministeryo ni Jesus, dumalaw siya sa templo sa panahon ng Kapistahan ng Pag-aalay. Sinasabi ng ulat: “Nang panahong iyon ang kapistahan ng pag-aalay ay naganap sa Jerusalem. Panahon noon ng taglamig, at si Jesus ay naglalakad sa templo sa kolonada ni Solomon.” (Ju 10:22, 23) Ang Kislev, na ikasiyam na buwan, ay katumbas ng Nobyembre-Disyembre. Sabihin pa, alam na alam ng mga Judio na ang kapistahang ito ay nagaganap sa panahon ng taglamig. Kaya naman nang banggitin sa talata ang taglamig, maaaring tinutukoy lamang nito ang lagay ng panahon anupat hindi sinasabing dahil taglamig noon kung kaya ipinasiya ni Jesus na isagawa ang kaniyang pagtuturo sa isang dakong may-bubong, sa “kolonada ni Solomon.” Ang kolonadang ito ay nasa S panig ng looban ng mga Gentil, at doon madalas na nagkakatipon ang maraming tao.​—Gaw 3:11; 5:12.

Hindi tuwirang sinasabi sa kinasihang Kasulatan na tinulungan ni Jehova si Judas upang magtagumpay at na pinatnubayan niya ito sa pagkukumpuni ng templo, pagsasaayos ng mga muwebles doon, paggawa ng mga kagamitan, at pagkatapos ay sa muling pag-aalay niyaon. Gayunman, upang matupad ang mga hula hinggil kay Jesus at sa kaniyang ministeryo at upang magpatuloy ang Levitikong mga hain hanggang sa maihandog ang dakilang hain ng Anak ng Diyos, kailangan na mayroon pa ring templo at nagpapatuloy pa rin ang mga paglilingkod doon sa panahon ng paglitaw ng Mesiyas. (Ju 2:17; Dan 9:27) Kung gumamit si Jehova noon ng mga lalaking nagmula sa mga banyagang bansa, gaya ni Ciro, upang isakatuparan ang partikular na mga layunin may kinalaman sa pagsamba sa Kaniya (Isa 45:1), hindi malayong mangyari na gagamit siya ng isang lalaking kabilang sa kaniyang nakaalay na bayan, ang mga Judio.

Anuman ang naging kalagayan, ang mga paglilingkod sa templo ay patuloy na isinasagawa noong panahon ng ministeryo ni Jesu-Kristo. Ang templo ni Zerubabel ay muling itinayo (pinalitan) ni Herodes anupat ginawa niya itong mas magarbo. Dahil dito at dahil na rin sa pagkamuhi ng mga Judio kay Herodes, kadalasa’y dalawang templo lamang ang binabanggit nila, yaong kay Solomon at yaong kay Zerubabel. Ang Kapistahan ng Pag-aalay ay hindi hinahatulan sa mga pananalita ni Jesus ni sa mga isinulat ng kaniyang mga alagad. Gayunman, ang pagdiriwang na ito ay hindi iniutos sa mga Kristiyanong kabilang sa bagong tipan.​—Col 2:16; Gal 4:10, 11; Heb 8:6.