Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapital

Kapital

Ang pinakaitaas na seksiyon at pinakakorona ng haligi ng isang gusali. Napakalaki ng mga kapital na nasa ibabaw ng Jakin at ng Boaz, ang mga haliging nakatayo sa harap ng templo ni Solomon. (2Cr 3:15-17) Ang mga kapital na ito at ang mga haliging kinapapatungan ng mga ito ay ginawa sa ilalim ng pangangasiwa ng bihasang manggagawa na si Hiram noong panahong itinatayo ang templo (1034-1027 B.C.E.) at tumagal nang mahigit sa 400 taon hanggang sa samsaman ng mga Babilonyo ang Jerusalem noong 607 B.C.E. (2Cr 4:11-13; Jer 52:17, 22) Sa bawat pagtukoy sa mga kapital na ito, maliban sa isa, ang salitang Hebreo na ko·theʹreth ang ginagamit. Nagmula ito sa salitang-ugat na ka·tharʹ (‘palibutan’; Huk 20:43) at nauugnay sa keʹther (“putong”; Es 1:11). Ang salitang Hebreo para sa “kapital” na lumilitaw sa 2 Cronica 3:15 (tseʹpheth) ay nagmula naman sa pandiwang salitang-ugat na tsa·phahʹ, nangangahulugang ‘kalupkupan.’​—Exo 25:11.

Ang mismong mga haligi ay yari sa hinulmang tanso, anupat may diyametro na mga 1.7 m (5.6 piye) at taas na 18 siko (8 m; 26 na piye). Karagdagan pa, ang mga kapital ay may taas na 5 siko (2.2 m; 7.3 piye). (1Ha 7:15, 16) Dahil may mga talata na nagsasabing limang siko ang taas ng mga kapital, ipinapalagay ng maraming iskolar na ang “tatlong siko” na binanggit sa 2 Hari 25:17 ay isang pagkakamali ng eskriba. Kaya naman pinalitan ng ilang salin ng Bibliya (halimbawa, JB at NAB) ang “tatlong siko” ng “limang siko.” Yamang ang mga haligi ay hungkag at may kapal na mga 7.5 sentimetro (3 pulgada), makatuwirang ipalagay na ganito rin ang pagkakagawa sa mga kapital at na hinulma rin ang mga iyon sa mga moldeng luwad “sa Distrito ng Jordan.”​—2Cr 4:17; Jer 52:21.

Yamang limitado ang deskripsiyon sa hugis-mangkok na mga kapital na ito, imposibleng ilarawan ang eksaktong hitsura o disenyo ng mga ito. Sa ibabang bahagi ng bawat kapital ay may nakapalibot na pitong tansong kayariang tila lambat, at sa mga ito ay may nakabiting dalawang hanay ng tig-100 granadang tanso, na nakasabit sa mga tanikalang tanso. Ang mga ito ay nakaayos na parang mga kuwintas sa palibot ng mga kapital. (1Ha 7:17, 18, 20, 42; 2Cr 3:16) Waring apat na granada sa bawat tanikala ng tig-100 granada ang di-nakikita sa panig ng kapital na nakaharap sa templo, sapagkat sinabi ni Jeremias na “may siyamnapu’t anim na granada, sa mga tagiliran” (sa literal, “nakaharap sa hangin”; “nasa labas,” AT; “nakikita,” Mo). (Jer 52:23) Sa ibabaw ng mga palamuting granada na ito ay may “yaring liryo” na 4 na siko (1.8 m; 5.8 piye).​—1Ha 7:19, 22.

Ang iba pang mga kapital na binanggit sa Bibliya ay ang ‘mga kapital ng mga haligi’ (sa Heb., kaph·toh·rimʹ) ng Nineve kung saan inihulang maglalagí ang ‘pelikano at porcupino.’​—Zef 2:13, 14.