Karo
Isang sasakyan na may dalawang gulong, hinihila ng kabayo, at pangunahing dinisenyo para sa pakikipagbaka sa halip na gamiting transportasyon ng mga sundalong hindi nakikipagbaka. Ang apat na terminong Hebreo na tumutukoy sa karo (mer·kavʹ [1Ha 4:26]; mer·ka·vahʹ [Gen 41:43]; reʹkhev [1Ha 1:5]; rekhuvʹ [Aw 104:3]) ay pare-parehong nagmula sa pandiwang salitang-ugat na ra·khavʹ, na nangangahulugang “sumakay.” (Gen 24:61; 1Sa 25:42; 1Ha 18:45) Ang terminong Griego naman para sa karo ay harʹma. (Gaw 8:28) Sa panahon ng pakikipagbaka, ang karo ay isang mabilis na sasakyan, nakatuntong dito ang mga kawal samantalang nanunudla, anupat nagtitingin silang kasindak-sindak habang lumulusob sa mga kalabang naglalakad. Sa sinaunang mga bantayog, maraming iba’t ibang disenyo ng mga karo ang makikita, na patunay lamang na malawakang ginamit ang mga ito noong sinaunang panahon.
Ang pinakasimpleng karo ay kadalasang binubuo ng isang platapormang nakapatong sa isang ehe at may harang sa magkabilang gilid na hanggang hita ang taas. Madaling sumakay dito dahil bukas ang likuran ng kaha. Ang kaha ng karo ay may panghila at pamatok na nakasingkaw sa mga kabayo. Kadalasan, ang mga karo ay kinakabitan ng iba pang mga kasangkapan gaya ng lalagyan ng talanga at busog, mga kalasag, at mga sibat. Isa pang panganib sa mga kalabang naglalakad ang nakausling mga lingkaw na bakal na nakakabit sa mga boha ng mga gulong ng ilang karong pandigma. (Jos 17:16, 18; Huk 1:19) Kapag iisa lamang ang nagpapatakbo sa karo, ang renda ay nakapalibot sa kaniyang baywang o balakang sa panahon ng pakikipagbaka upang mahawakan niya ang mga sandata sa kaniyang mga kamay. Sa mas malalaki at mas mabibigat na karo na hinihila ng maraming kabayo ay may nakasakay na dalawa, tatlo, o apat, anupat ang isa ay tagapagpatakbo at may isa o dalawang mandirigma, at marahil ay isang tagahawak ng kalasag.—Exo 14:7, tlb sa Rbi8.
Sa paglipas ng panahon, patuloy pang pinahusay ang bilis, pagkilos, at katatagan ng karo. Halimbawa, naging mas madali itong maniobrahin at naging mas matatag nang ilipat sa bandang hulihan ang ehe. Nang palitan ng mga gulong na de-rayos ang solidong mga gulong, gumaan ito at lalong bumilis. (1Ha 7:33) Nang maglaon, naging pangkaraniwan ang mga gulong na may anim na rayos, bagaman ang ilang gulong ay may apat, walo o mas marami pang rayos. Gumaan din ang karo nang gamitan ito ng magagaan na kahoy at iilang piyesa na lamang nito ang yari sa katad, bronse, o bakal. Dahil dito, mabubuhat ito ng isa o dalawang lalaki sa baku-bakong daan o patawid sa mga sapa.
Exo 14:6, 7; 15:4, 19; Jos 24:6) Noong sinasakop ng mga Israelita ang Lupang Pangako, nilupig nila ang kanilang mga kaaway at sinunog nila ang karamihan sa mga karong nabihag nila. (Jos 11:4-9) Inalipin ni Jabin na hari ng Canaan ang mga Israelita sa loob ng 20 taon hanggang sa pangyarihin ni Jehova na mabalaho at mawasak sa agusang libis ng Kison ang 900 karo nito na may mga lingkaw na bakal, na nasa ilalim ng pangunguna ni Sisera. (Huk 4:2, 3, 13, 15, 16; 5:28) Noong panahon ng mga hari ng Israel, may mga pagkakataong nakipagbaka sa kanila ang mga Filisteo, mga Ehipsiyo, mga Etiope, mga Siryano, mga Asiryano, at mga Babilonyo gamit ang malalaking hukbo ng mga karo, anupat sa isang pagkakataon ay umabot pa nga nang 32,000. (1Sa 13:5; 2Sa 1:6; 1Cr 19:6, 7, 18; 2Cr 12:2, 3; 14:9; 16:8; Isa 37:21, 24) Binanggit ng mga propeta sa kanilang mga kapahayagan ng kapahamakan ang mga karo na ipinagmamalaki ng mga bansang iyon.—Jer 50:37; 51:21; Mik 5:10, 15.
Gumamit ng mga karong pandigma ang maraming bansang pagano na sumalansang sa Israel. Noong 1513 B.C.E., sa Dagat na Pula, nilipol ni Jehova ang buong hukbo ni Paraon, kasama ang 600 pantanging karong pandigma nito “at lahat ng iba pang karo ng Ehipto.” (Sa panahon ng pakikipagdigma, mas pabor sa mga karo ang patag na mga dako, gaya ng Kapatagan ng Filistia at ng malawak na Libis ng Jezreel, kaysa sa maburol na lupain. Minsan, ipinaghambog ng mga Siryano na matatalo ng kanilang mga karo ang Israel kung mapabababa nila ito sa mga bundok upang makipaglaban sa patag na lupain, sapagkat inakala nila na ‘ang Diyos ng Israel ay isang Diyos ng mga bundok.’ Gayunman, pinatunayan ng masaklap na pagkatalo ng mga Siryano na si Jehova ay “isang Diyos [din] ng mabababang kapatagan.”—1Ha 20:23-30.
Sa Israel, noong panahon lamang ni Solomon nagsimulang magkaroon ng malaking hukbo ng mga karo ang bansa. Malamang na ito’y dahil sa babala ng Diyos sa mga hari na huwag silang magparami ng mga kabayo, na para bang nakasalalay sa mga iyon ang seguridad ng bansa. Nilimitahan ng pagbabawal na ito ang paggamit ng mga karo, yamang mga kabayo ang ginagamit para patakbuhin ang mga sasakyang ito. (Deu 17:16) Nang babalaan ni Samuel ang bayan tungkol sa pabigat na ipapataw ng mga haring tao, sinabi niya sa kanila: “Ang inyong mga anak na lalaki ay kukunin niya at ilalagay sila bilang kaniya sa kaniyang mga karo.” (1Sa 8:11) Nang tangkain ni Absalom at ni Adonias na agawin ang pagkahari, kapuwa sila nagpagawa ng kani-kaniyang karo, at 50 lalaki ang tumatakbo sa unahan ng mga ito. (2Sa 15:1; 1Ha 1:5) Nagtira si David ng 100 buháy na kabayong pangkaro matapos niyang talunin ang hari ng Zoba.—2Sa 8:3, 4; 10:18.
Upang palakasin ang hukbo ng Israel, pinarami ni Haring Solomon ang mga karo hanggang umabot ang mga ito sa bilang na 1,400. (1Ha 10:26, 29; 2Cr 1:14, 17) Maliban sa Jerusalem, may iba pang mga bayang kilala bilang mga lunsod ng karo na nagkaroon ng mga pasilidad para pangalagaan ang lahat ng sasakyang pandigmang ito.—1Ha 9:19, 22; 2Cr 8:6, 9; 9:25.
Pagkamatay ni Solomon, naging pangkaraniwan ang mga karo kapuwa sa hilaga at sa timugang mga kaharian. Sa hilagang kaharian, may isang “pinuno sa kalahati ng mga karo,” anupat nagpapahiwatig na nagkaroon ng dalawang pangunahing pangkat ng mga karo. (1Ha 16:9) Nakilala si Haring Jehu dahil sa kaniyang mapusok na pagpapatakbo ng karo. (2Ha 9:20) Ilang hari ng Juda at ng Israel, gaya nina Ahab, Jehoram, Ahazias, at Josias, ang nasugatan at namatay sa kanilang mga karo.—1Ha 22:34-38; 2Ha 9:21, 24, 27; 2Cr 18:33, 34; 35:23, 24.
Ganito ang sinabi ng propetang si Isaias sa mapaghimagsik na Israel: “Sa aba niyaong mga bumababa sa Ehipto upang magpatulong, yaong mga nananalig sa hamak na mga kabayo, at naglalagak ng kanilang tiwala sa mga karong pandigma, dahil marami ang mga iyon, at sa mga kabayong pandigma, dahil napakalakas ng mga iyon, ngunit hindi tumitingin sa Banal ng Israel at hindi humahanap kay Jehova.”—Isa 31:1.
Ang karo ay pangunahin nang isang kagamitang pandigma, at ginamit ito sa pagtugis sa mababangis na hayop. May mga pagkakataon ding ginamit ito sa mapayapang mga layunin. Halimbawa, si Jose, bilang administrador ng pagkain sa Ehipto, ay sumakay sa isang karo ng karangalan na ikalawa lamang sa karo ni Paraon. Sumakay siya sa kaniyang karo upang salubungin ang kaniyang ama noong pumasok si Jacob sa Ehipto. (Gen 41:43; 46:29) Nang mamatay si Jacob, maraming karo ang kasama sa prusisyon ng libing na naglakbay mula sa Ehipto patungong Macpela, ang dakong libingan na binili ni Abraham. (Gen 50:7-14) Bilang transportasyon, ang mga karo ay ginamit din ng mga haring sina Rehoboam at Ahab, ni Naaman na Siryanong pinuno ng hukbo, at ng Etiopeng opisyal na nag-anyaya sa ebanghelistang si Felipe na makisakay sa kaniya sa daang pababa sa Gaza. (1Ha 12:18; 18:44, 45; 2Ha 5:21, 26; Gaw 8:28-31, 38) Sa mga prusisyon noon, ang matagumpay na mga tagapamahala ay sumasakay sa mga karong napapalamutian at may bubong. Inialay ng apostatang mga tagapamahala ng Juda ang sagradong mga karo at ang mga kabayong humihila sa mga ito sa pagsamba sa araw.—2Ha 23:11.
Isa 21:7, 9; Zac 9:10) “Ang mga karong pandigma ng Diyos” ay inilarawan bilang “sampu-sampung libo, libu-libong paulit-ulit pa,” na nagpapahiwatig ng di-malulupig na kapangyarihan ng Diyos upang puksain ang kaniyang mga kaaway.—Aw 68:17; 2Ha 6:17.
Makasagisag na Paggamit. Sa makasagisag at makahulang diwa, ang mga karo ay mga sagisag ng digmaan gaya rin ng busog at ng tabak. (