Kasakiman
Labis-labis na pagnanasa, pagiging gahaman. Ang pandiwang Hebreo na cha·madhʹ at ang pandiwang Griego na e·pi·thy·meʹo ay kapuwa nangangahulugang “magnais.” (Aw 68:16; Mat 13:17) Kung minsan, depende sa konteksto, ang mga salitang ito ay maaaring magpahiwatig ng masama at sakim na pagnanasa. (Exo 20:17; Ro 7:7) Ang salitang Griego naman na ple·o·ne·xiʹa ay literal na nangangahulugang “pagnanais na magkaroon ng higit pa” at ginagamit ito sa Bibliya upang tumukoy sa “kasakiman” at “kaimbutan.”—Efe 4:19; 5:3, tlb sa Rbi8; Col 3:5.
Ang kasakiman ay maaaring mahayag sa pag-ibig sa salapi, sa paghahangad ng kapangyarihan o pakinabang, sa kasibaan sa pagkain at inumin, sa pagkagahaman sa sekso o iba pang materyal na mga bagay. Binababalaan ng Kasulatan ang mga Kristiyano laban sa masamang katangiang ito at inuutusan sila nito na iwasan ang pakikipagsamahan sa sinumang nag-aangking isang “kapatid” na Kristiyano ngunit isang taong sakim. (1Co 5:9-11) Ang mga taong sakim ay inuuring kasama ng mga mapakiapid, mga mananamba sa idolo, mga mangangalunya, mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, mga magnanakaw, mga lasenggo, mga manlalait, at mga mangingikil, at ang totoo, ang mga taong sakim ay karaniwan nang nagsasagawa ng ilan sa mga bagay na ito. Kung hindi tatalikuran ng isang indibiduwal ang kaniyang kasakiman, hindi niya mamanahin ang Kaharian ng Diyos.—1Co 6:9, 10.
Nang tinutuligsa ng apostol na si Pablo ang mangmang na usapan at malaswang pagbibiro, ipinag-utos niya na ang pakikiapid at karumihan o kasakiman ay “huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo.” Maaaring nangangahulugan ito na hindi lamang dapat na huwag masumpungan sa gitna ng mga Kristiyano ang gayong mga gawain kundi dapat din na huwag man lamang maging paksa ng kanilang usapan ang mga iyon sa layuning bigyang-kasiyahan ang laman.—Efe 5:3; ihambing ang Fil 4:8.
San 1:14, 15) Samakatuwid, ang taong sakim ay mahahalata sa kaniyang mga pagkilos. Sinasabi ng apostol na si Pablo na ang isang taong sakim ay isang mananamba sa idolo. (Efe 5:5) Dahil sa kaniyang sakim na pagnanasa, ginagawang diyos ng taong iyon ang bagay na ninanasa niya, anupat inuuna pa ito kaysa sa paglilingkod at pagsamba sa Maylalang.—Ro 1:24, 25.
Nahahayag sa mga Pagkilos. Ang kasakiman ay nagiging hayag sa isang pagkilos na siyang nagsisiwalat sa mali at labis-labis na pagnanasa ng isang indibiduwal. Sinasabi ng manunulat ng Bibliya na si Santiago na kapag ang maling pagnanasa ay naglihi na, nagsisilang ito ng kasalanan. (Inihihiwalay Nito ang Isa Mula sa Diyos. Ang mga Kristiyano ay lumabas na mula sa isang sanlibutang punô ng lahat ng anyo ng masamang paggawi. Ipinakita ni Pablo na ang gayong mga bagay ay hindi lamang isinasagawa kundi hinahangad din nang may kasakiman. Ang mga taong nagsasagawa ng mga bagay na ito ay “hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos.” Natututuhan ng mga nagiging Kristiyano na si Kristo na kanilang Uliran ay hindi nagsagawa ng gayong mga bagay, kaya naman dapat silang magbago ng kanilang pag-iisip at magbihis ng bagong Kristiyanong personalidad. (Efe 4:17-24; Ro 12:2) Kasabay nito, namumuhay sila sa gitna ng mga taong sakim sa sanlibutan at dapat silang mag-ingat upang manatili silang malinis bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan.—1Co 5:9, 10; Fil 2:14, 15.
Kung ang isang lalaki ay sakim sa di-tapat na pakinabang, hindi siya kuwalipikado na maging isang ministeryal na lingkod sa kongregasyong Kristiyano. (1Ti 3:8) Yamang ang gayong mga lalaki ay magsisilbing mga halimbawa sa kongregasyon, makatuwiran lamang na ang simulaing ito ay kumapit din sa lahat ng miyembro ng kongregasyon. (1Pe 5:2, 3) Pinatutunayan ito ng pananalita ni Pablo nang sabihin niya na ang mga taong sakim ay hindi magmamana ng Kaharian.—Efe 5:5.
Kaimbutan. Kapag ang hinahangad ng taong sakim ay pag-aari ng iba, iyon ay nagiging kaimbutan. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, iisang salitang Griego ang ginagamit para sa “kasakiman” at “kaimbutan.” Sinabi ni Jesu-Kristo na ang kaimbutan ay nagpaparungis sa isang tao (Mar 7:20-23) at nagbabala siya laban dito. Ang babalang ito ay sinundan niya ng isang ilustrasyon hinggil sa mapag-imbot na taong mayaman, na nang mamatay ay hindi na nakinabang sa kaniyang kayamanan ni nagkaroon pa man ng kontrol dito, kundi sa halip ay naging kaawa-awa sapagkat hindi siya “mayaman sa Diyos.” (Luc 12:15-21) Pinapayuhan ang mga Kristiyano na yamang ang buhay nila ay “nakatagong kasama ng Kristo,” dapat nilang patayin ang mga sangkap ng kanilang katawan may kinalaman sa kaimbutan, nakasasakit na pagnanasa, at lahat ng karumihan.—Col 3:3, 5.