Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kasalanan

Kasalanan

Anumang hindi kasuwato ng personalidad, mga pamantayan, mga daan, at kalooban ng Diyos, at samakatuwid ay salungat sa mga ito; anumang nakasisira sa kaugnayan ng isa sa Diyos. Maaaring ito ay sa salita (Job 2:10; Aw 39:1), sa gawa (paggawa ng mga maling gawa [Lev 20:20; 2Co 12:21] o di-paggawa niyaong dapat na gawin [Bil 9:13; San 4:17]), o nasa isip o saloobin ng puso (Kaw 21:4; ihambing din ang Ro 3:9-18; 2Pe 2:12-15). Ang kawalan ng pananampalataya sa Diyos ay isang malaking kasalanan, yamang nagpapakita ito ng kawalan ng pagtitiwala sa kaniya o sa kaniyang kakayahang kumilos. (Heb 3:12, 13, 18, 19) Bibigyang-linaw ito ng pagsusuri sa paraan ng paggamit ng mga termino sa orihinal na wika at sa mga halimbawang kaugnay ng mga ito.

Ang karaniwang terminong Hebreo na isinasalin bilang “kasalanan” ay chat·taʼthʹ; sa Griego naman, ang karaniwang salita ay ha·mar·tiʹa. Sa dalawang wikang ito, ang mga anyong pandiwa nito (sa Heb., cha·taʼʹ; sa Gr., ha·mar·taʹno) ay nangangahulugang “sumala,” sa diwang sumasala o hindi nakaaabot sa isang tunguhin, daan, marka, o bagay na inaasinta. Sa Hukom 20:16, ginagamit ang cha·taʼʹ, kasama ang isang negatibong salita, upang ilarawan ang mga Benjamitang “nagpapahilagpos ng mga bato anupat gabuhok man ay hindi sumasala.” Madalas gamitin ng mga Griegong manunulat ang ha·mar·taʹno may kinalaman sa isang maninibat na sumasala sa kaniyang pinupuntirya. Ang mga salitang ito ay kapuwa ginagamit upang tumukoy sa pagsala o di-pag-abot hindi lamang sa pisikal na mga bagay o mga tunguhin (Job 5:24) kundi gayundin sa moral o intelektuwal na mga tunguhin o mga marka. Sinasabi ng Kawikaan 8:35, 36 na ang nakasusumpong ng makadiyos na karunungan ay nakasusumpong ng buhay, ngunit ang ‘sumasala [mula sa Heb., cha·taʼʹ] sa karunungan ay gumagawa ng karahasan sa kaniyang kaluluwa,’ na aakay sa kamatayan. Sa Kasulatan, kapuwa ang mga terminong Hebreo at Griego para sa kasalanan ay pangunahing tumutukoy sa pagkakasalang nagagawa ng matatalinong nilalang ng Diyos, sa kanilang pagsala sa marka may kinalaman sa kanilang Maylalang.

Ang Dako ng Tao sa Layunin ng Diyos. Ang tao ay nilalang ayon sa “larawan ng Diyos.” (Gen 1:26, 27) Siya, tulad ng lahat ng iba pang bagay na nilalang, ay umiral at nalalang dahil sa kalooban ng Diyos. (Apo 4:11) Ang pag-aatas ng Diyos ng gawain sa tao ay nagpapakita na dapat siyang maglingkod ukol sa layunin ng Diyos para sa lupa. (Gen 1:28; 2:8, 15) Ayon sa kinasihang apostol, ang tao ay nilalang upang maging “larawan at kaluwalhatian ng Diyos” (1Co 11:7), samakatuwid ay upang ipaaninag ang mga katangian ng kaniyang Maylalang, anupat gagawi siya sa paraang maaaninag sa kaniya ang kaluwalhatian ng Diyos. Bilang makalupang anak ng Diyos, ang tao ay dapat na maging kawangis o katulad ng kaniyang makalangit na Ama. Kung hindi, iyon ay magiging pagsalungat at pagdusta sa tulad-magulang na posisyon ng Diyos.​—Ihambing ang Mal 1:6.

Ipinakita ito ni Jesus noong himukin niya ang kaniyang mga alagad na magpakita ng kabutihan at pag-ibig sa paraang nakahihigit sa ginagawa ng “mga makasalanan,” mga taong kilalang namimihasa sa makasalanang mga gawa. Sinabi niya na tanging sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ng awa at pag-ibig ng Diyos maaaring ‘patunayan [ng kaniyang mga alagad] na sila ay mga anak ng kanilang Ama na nasa langit.’ (Mat 5:43-48; Luc 6:32-36) Pinag-ugnay ni Pablo ang kaluwalhatian ng Diyos at ang pagiging makasalanan ng tao nang sabihin niyang “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Ro 3:23; ihambing ang Ro 1:21-23; Os 4:7.) Sa 2 Corinto 3:16-18; 4:1-6, ipinakita ng apostol na yaong mga bumabaling mula sa kasalanan tungo kay Jehova “habang . . . may mga mukhang di-natatalukbungan ay nagpapaaninag ng kaluwalhatian ni Jehova tulad ng mga salamin, [at] binabagong-anyo tungo sa gayunding larawan mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian,” dahil ang maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos, ay sumisikat sa kanila. (Ihambing din ang 1Co 10:31.) Sumipi ang apostol na si Pedro mula sa Hebreong Kasulatan nang sabihin niya ang hayag na kalooban ng Diyos para sa kaniyang mga lingkod sa lupa, na sinasabi: “Ayon sa Isa na Banal na tumawag sa inyo, kayo rin mismo ay magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi, sapagkat nasusulat: ‘Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.’⁠”​—1Pe 1:15, 16; Lev 19:2; Deu 18:13.

Samakatuwid, ang kasalanan ay nakasisira sa pagpapaaninag ng tao sa wangis at kaluwalhatian ng Diyos. Ginagawa nitong di-banal ang tao, samakatuwid nga, marumi, hindi dalisay, nadungisan sa espirituwal at moral na diwa.​—Ihambing ang Isa 6:5-7; Aw 51:1, 2; Eze 37:23; tingnan ang KABANALAN.

Kung gayon, idiniriin ng lahat ng tekstong ito ang orihinal na layunin ng Diyos na ang tao ay dapat maging kasuwato ng personalidad ng Diyos, maging tulad ng kaniyang Maylalang, kung paanong nais ng isang amang tao na umiibig sa kaniyang anak na ito’y maging katulad niya sa pangmalas sa buhay, mga pamantayan ng paggawi, at mga katangian ng puso. (Ihambing ang Kaw 3:11, 12; 23:15, 16, 26; Efe 5:1; Heb 12:4-6, 9-11.) Dahil dito, kailangang sumunod at magpasakop ang tao sa kalooban ng Diyos, iyon man ay nakasaad bilang isang tuwirang utos o hindi. Samakatuwid, ang kasalanan ay isang kabiguan sa moral, isang pagsala sa marka, sa lahat ng mga aspektong nabanggit.

Ang Pagpasok ng Kasalanan. Bago nakapasok sa lupa ang kasalanan, ito ay unang lumitaw sa dako ng mga espiritu. Sa loob ng napakahabang panahon, ang lahat ng umiiral sa sansinukob ay lubos na kasuwato ng Diyos. Nagambala ang pagkakasuwatong ito dahil sa isang espiritung nilalang na tinutukoy na Mananalansang, Kalaban (sa Heb., Sa·tanʹ; sa Gr., Sa·ta·nasʹ; Job 1:6; Ro 16:20), at pangunahing Bulaang Tagapag-akusa o Maninirang-puri (sa Gr., Di·aʹbo·los) sa Diyos. (Heb 2:14; Apo 12:9) Kaya naman sinabi ng apostol na si Juan: “Siya na nagpapatuloy sa paggawa ng kasalanan ay nagmumula sa Diyablo, sapagkat ang Diyablo ay nagkakasala na buhat pa nang pasimula.”​—1Ju 3:8.

Sa pananalitang “pasimula,” malinaw na ang tinutukoy ni Juan ay ang pasimula ng landasin ng pagsalansang ni Satanas, kung paanong ginagamit ang “pasimula” sa 1 Juan 2:7; 3:11 upang tumukoy sa pasimula ng pagiging alagad ng mga Kristiyano. Ipinakikita ng mga salita ni Juan na mula nang maipasok ni Satanas ang kasalanan, nagpatuloy siya sa kaniyang makasalanang landasin. Kaya nga, ang sinumang tao na “nagpapakaabala o namimihasa sa kasalanan” ay maliwanag na isang ‘anak’ ng Kalaban, espirituwal na supling na nagpapaaninag ng mga katangian ng kaniyang “ama.”​—The Expositor’s Greek Testament, inedit ni W. R. Nicoll, 1967, Tomo V, p. 185; Ju 8:44; 1Ju 3:10-12.

Yamang ang pagpapasidhi ng maling pagnanasa hanggang sa ito’y maglihi ay nauuna sa ‘pagsilang ng kasalanan’ (San 1:14, 15), ang espiritung nilalang na naging mananalansang ay nagsimula nang lumihis sa katuwiran, anupat lumayo na ang kaniyang loob sa Diyos, bago pa aktuwal na mahayag ang kasalanan.

Pagsalansang sa Eden. Ang kalooban ng Diyos na ipinahayag kay Adan at sa kaniyang asawa ay pangunahin nang positibo, anupat nagsasaad ng mga bagay na dapat nilang gawin. (Gen 1:26-29; 2:15) Ngunit isang pagbabawal ang ibinigay kay Adan. Pinagbawalan siyang kumain mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama (o humipo man lamang doon). (Gen 2:16, 17; 3:2, 3) Kapansin-pansin na ang pagsubok ng Diyos sa pagkamasunurin at debosyon ng tao ay nagpakita ng paggalang sa dignidad ng tao. Sa pamamagitan niyaon, ang Diyos ay hindi nagpahiwatig ng anumang masama tungkol kay Adan; hindi niya ginamit bilang pagsubok ang isang pagbabawal, halimbawa, sa bestiyalidad, pagpaslang, o iba pang katulad na buktot na gawa, anupat ipahihiwatig ng gayong pagbabawal na iniisip ng Diyos na baka may karumal-dumal na mga inklinasyon si Adan. Ang pagkain ay isang gawaing normal at wasto, at sinabihan si Adan na “makakakain [siya] hanggang masiyahan” sa mga ibinigay ng Diyos sa kaniya. (Gen 2:16) Ngunit dito ay sinubok ng Diyos si Adan sa pamamagitan ng pagbabawal sa kaniya na kainin ang bunga ng isang punungkahoy, sa gayo’y ipinakita ng Diyos na may isinasagisag ang pagkain ng bungang iyon, samakatuwid nga, na ang isa na kakain niyaon ay magkakaroon ng kaalaman na magiging dahilan upang siya’y magpasiya para sa kaniyang sarili hinggil sa kung ano ang “mabuti” o “masama” para sa tao. Sa gayon ay hindi nagbigay ang Diyos ng isang mahirap na utos para sa tao ni nag-ukol man Siya kay Adan ng anumang nakapagpapababa ng dignidad nito bilang isang taong anak ng Diyos.

Ang babae ang unang taong nagkasala. Ang pagtukso sa kaniya ng Kalaban ng Diyos, na gumamit ng isang serpiyente upang makipagtalastasan sa kaniya (tingnan ang KASAKDALAN [Ang unang makasalanan at ang hari ng Tiro]), ay hindi isang lantarang panghihikayat na gumawa ng seksuwal na imoralidad. Sa halip, iyon ay isang panghihikayat na magnasa ng diumano’y intelektuwal na pagsulong at paglaya. Matapos niyang ipaulit muna kay Eva ang kautusan ng Diyos, na maliwanag na tinanggap nito mula sa asawa nito, sinalansang ng Manunukso ang pagiging totoo ng salita ng Diyos at ang Kaniyang kabutihan. Iginiit niya na ang pagkain ng bunga mula sa ipinagbabawal na punungkahoy ay magdudulot, hindi ng kamatayan, kundi ng kaliwanagan at tulad-diyos na kakayahang magpasiya para sa sarili kung mabuti o masama ang isang bagay. Isinisiwalat ng pananalitang ito na nang panahong iyon, lubusan nang lumayo ang puso ng Manunukso mula sa kaniyang Maylalang, anupat nagsasalita na siya ng lantarang pagsalungat at pasaring na paninirang-puri sa Diyos. Hindi niya inakusahan ang Diyos ng di-sinasadyang pagkakamali kundi ng tahasang pagsisinungaling, nang sabihin niya, “Sapagkat nalalaman ng Diyos . . .” Mabigat ang kaniyang kasalanan at kasuklam-suklam ang kaniyang paghiwalay, sapagkat sa pagnanais niyang makuha ang gusto niya, siya’y naging isang mapanlinlang na sinungaling at isang ambisyosong mamamaslang, yamang maliwanag na alam niyang hahantong sa kamatayan ang iminumungkahi niyang gawin ng taong nakikinig sa kaniya.​—Gen 3:1-5; Ju 8:44.

Gaya ng ipinakikita ng ulat, nagsimulang tumubo sa babae ang di-wastong pagnanasa. Sa halip na lubusang marimarim at magalit dahil sa narinig niyang pagkuwestiyon sa pagiging matuwid ng kautusan ng Diyos, sinimulan niyang tingnan ang punungkahoy bilang kanais-nais. Inimbot niya ang lehitimong pag-aari ng Diyos na Jehova bilang kaniyang Soberano​—ang kakayahan at karapatan ng Diyos na magpasiya kung ano ang mabuti at kung ano ang masama para sa kaniyang mga nilalang. Samakatuwid, nang pagkakataong iyon ay iniaayon na ni Eva ang kaniyang sarili sa mga daan, mga pamantayan, at kalooban ng mananalansang na sumalungat sa kaniyang Maylalang at sa kaniyang ulo na inatasan ng Diyos, ang kaniyang asawa. (1Co 11:3) Palibhasa’y nagtiwala sa mga salita ng Manunukso, siya’y nagpadaya at kumain ng bunga, sa gayo’y nasiwalat ang kasalanang isinilang sa kaniyang puso at isip.​—Gen 3:6; 2Co 11:3; ihambing ang San 1:14, 15; Mat 5:27, 28.

Pagkatapos ay kumain din si Adan ng bungang iyon nang alukin siya ng kaniyang asawa. Ipinakita ng apostol na naiiba ang pagkakasala ng lalaki kaysa sa pagkakasala ng kaniyang asawa sapagkat si Adan ay hindi nalinlang ng propaganda ng Manunukso, samakatuwid, hindi siya naniwala sa pag-aangkin na maaaring kainin ang bunga ng punungkahoy nang walang katapat na parusa. (1Ti 2:14) Samakatuwid, malamang na ang pagkain ni Adan ay dahil sa paghahangad niya sa kaniyang asawa, at ‘pinakinggan niya ang tinig nito’ sa halip na ang tinig ng kaniyang Diyos. (Gen 3:6, 17) Sa gayo’y umayon siya sa lakad at kalooban ni Eva, at sa pamamagitan ni Eva, umayon din siya sa lakad at kalooban ng Kalaban ng Diyos. Kaya naman ‘sumala siya sa marka,’ anupat hindi siya kumilos ayon sa larawan at wangis ng Diyos. Hindi niya ipinaaninag ang kaluwalhatian ng Diyos, at, sa katunayan, ininsulto niya ang kaniyang makalangit na Ama.

Mga Epekto ng Kasalanan. Dahil sa kasalanan, nawala ang pagkakasuwato ng tao sa kaniyang Maylalang. Sa gayo’y sinira nito hindi lamang ang kaugnayan niya sa Diyos kundi pati ang kaugnayan niya sa iba pang mga nilalang ng Diyos, at nagdulot din ito ng pinsala sa tao mismo, sa kaniyang isip, puso, at katawan. Nagbunga ito ng katakut-takot na kasamaan sa lahi ng tao.

Kaagad na nakita sa paggawi nina Adan at Eva ang gayong kawalan ng pagkakasuwato. Ang pagtatakip nila sa kanilang mga katawang ginawa ng Diyos at ang pagtatangka nilang magtago ay malinaw na mga katibayan ng paglayo ng kanilang mga isip at puso. (Gen 3:7, 8) Dahil sa kasalanan, nakadama sila ng sumbat ng budhi, kabalisahan, kawalang-kapanatagan, at kahihiyan. Inilalarawan nito ang puntong idiniin ng apostol sa Roma 2:15, na ang kautusan ng Diyos ay ‘nakasulat sa puso ng tao.’ Samakatuwid, ang paglabag sa kautusang iyon ay lumikha ng kaligaligan sa kalooban ng tao, anupat nagparatang sa kaniya ng pagkakasala ang kaniyang budhi. Para bang ang tao ay may likas na lie detector, anupat imposibleng maitago niya ang kaniyang pagkamakasalanan mula sa kaniyang Maylalang. Bilang tugon naman sa pagdadahilan ng tao sa nagbagong saloobin nito sa kaniyang makalangit na Ama, ang Diyos ay kaagad na nagtanong: “Kumain ka ba mula sa punungkahoy na mula roon ay iniutos ko sa iyo na huwag kumain?”​—Gen 3:9-11.

Upang ipakitang tapat siya sa kaniyang salita, at para na rin sa ikabubuti ng iba pa sa kaniyang pansansinukob na pamilya, hindi maaaring kunsintihin ng Diyos na Jehova ang gayong makasalanang landasin, sa bahagi man ng kaniyang mga taong nilalang o ng espiritung anak na naging rebelde. Dahil sa kaniyang kabanalan, makatarungan niyang ipinataw ang hatol na kamatayan sa kanilang lahat. Pagkatapos, ang mag-asawa ay pinalayas mula sa hardin ng Diyos sa Eden, sa gayon ay inilayo sila sa isa pang punungkahoy na tinatawag ng Diyos na “punungkahoy ng buhay.”​—Gen 3:14-24.

Mga resulta nito sa buong sangkatauhan. Sinasabi ng Roma 5:12 na “sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Ihambing ang 1Ju 1:8-10.) Ayon sa paliwanag ng ilan, nangangahulugan daw ito na lahat ng supling ni Adan sa hinaharap ay nakibahagi sa unang pagkakasalang ginawa ni Adan sapagkat, bilang ulo ng kanilang pamilya, siya ang kumakatawan sa kanila at sa gayo’y ginawa niya sila, sa diwa, na mga kabahagi niya sa kaniyang kasalanan. Gayunman, binabanggit ng apostol na “lumaganap” ang kamatayan sa lahat ng tao, na nagpapahiwatig ng progresibong epekto, hindi sabay-sabay na epekto, sa mga inapo ni Adan.

Karagdagan pa, sinabi rin ng apostol na ang kamatayan ay namamahala bilang hari “mula kay Adan hanggang kay Moises, maging doon sa mga hindi nagkasala sa wangis ng pagsalansang ni Adan.” (Ro 5:14) Ang kasalanan ni Adan ay wasto lamang na tawaging isang “pagsalansang” yamang iyon ay paglabag sa isang ipinahayag na kautusan, isang tuwirang utos sa kaniya ng Diyos. Bukod pa riyan, nang magkasala si Adan, iyon ay resulta ng kaniyang sariling malayang pagpili, bilang isang sakdal na taong malaya sa anumang depekto. Maliwanag na hindi tinamasa ng kaniyang mga supling ang gayong kasakdalan. Kaya naman waring ang mga salik na ito ay hindi kasuwato ng pangmalas na ‘nang magkasala si Adan, lahat ng kaniyang di-pa-naisisilang na mga inapo ay nagkasalang kasama niya.’ Upang mapanagot ang lahat ng inapo ni Adan bilang mga kabahagi sa personal na kasalanan ni Adan, kailangang ipahayag nila sa paanuman ang kanilang kalooban na ibig nilang siya ang maging ulo ng kanilang pamilya. Subalit sa katunayan, hindi niloob ng sinuman sa kanila na maipanganak sila sa kaniya. Ang pagkapanganak nila sa Adanikong linya ay resulta ng makalamang kalooban ng kanilang mga magulang.​—Ju 1:13.

Kung gayon, ipinakikita ng katibayan na ang kasalanan ay naipasa mula kay Adan tungo sa sumunod na mga salinlahi bilang resulta ng batas ng pagmamana. Maliwanag na ito ang tinutukoy ng salmista sa pagsasabing: “Sa kamalian ay iniluwal ako na may mga kirot ng panganganak, at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.” (Aw 51:5) Ang kasalanan, at ang mga resulta nito, ay pumasok at lumaganap sa buong lahi ng tao hindi lamang dahil si Adan ang ulo ng pamilya ng lahing ito kundi dahil siya, hindi si Eva, ang ninunong pinagmulan ng buhay ng tao. Mula sa kaniya, at mula rin kay Eva, tiyak na magmamana ang kaniyang mga supling hindi lamang ng pisikal na mga katangian kundi maging ng mga katangian ng personalidad, pati na ng hilig na magkasala.​—Ihambing ang 1Co 15:22, 48, 49.

Tinukoy rin ni Pablo ang ganitong konklusyon nang sabihin niyang “kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao [si Adan] ay marami ang ibinilang na makasalanan, sa gayunding paraan sa pamamagitan ng pagkamasunurin ng isang tao [si Kristo Jesus] ay marami ang ibibilang na matuwid.” (Ro 5:19) Yaong mga “ibibilang na matuwid” sa pamamagitan ng pagkamasunurin ni Kristo ay hindi kaagad ibibilang na gayon sa sandaling iharap niya ang kaniyang haing pantubos sa Diyos, kundi progresibo silang sumasailalim sa mga pakinabang ng haing iyon habang nananampalataya sila sa paglalaang iyon at naipagkakasundo sa Diyos. (Ju 3:36; Gaw 3:19) Gayundin naman, ang sunud-sunod na mga salinlahi ng mga inapo ni Adan ay ibinilang na mga makasalanan yamang sila’y inianak ng kanilang likas na makasalanang mga magulang sa linya ni Adan.

Ang kapangyarihan at kabayaran ng kasalanan. “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan” (Ro 6:23), at dahil ipinanganak sila sa linya ni Adan, ang lahat ng tao ay napasailalim ng “kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.” (Ro 8:2; 1Co 15:21, 22) Ang kasalanan, kasama ng kamatayan, ay “namahala bilang hari” sa sangkatauhan, anupat inalipin sila, at ipinagbili sila ni Adan sa pagkaaliping ito. (Ro 5:17, 21; 6:6, 17; 7:14; Ju 8:34) Ipinakikita ng mga pananalitang ito na ang kasalanan ay hindi lamang itinuturing na tumutukoy sa aktuwal na paggawa ng mali o di-paggawa ng tama kundi itinuturing din ito na isang kautusan umuugit na simulainpuwersa na kumikilos sa kanila, samakatuwid nga, ang likas na hilig sa paggawa ng masama na minana nila kay Adan. Kaya ang kanilang mana mula kay Adan ay nagbunga ng ‘kahinaan ng laman,’ o di-kasakdalan. (Ro 6:19) Ang “kautusan” ng kasalanan ay patuloy na gumagana sa mga sangkap ng kanilang laman, at sa diwa ay sinisikap nitong kontrolin ang kanilang landasin, upang gawin silang mga sakop nito, anupat hindi kasuwato ng Diyos.​—Ro 7:15, 17, 18, 20-23; Efe 2:1-3.

Ang “haring” kasalanan ay maaaring ‘mag-utos’ sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang tao at sa iba’t ibang panahon. Kaya naman nang mapansin ng Diyos ang galit ng unang anak ni Adan na si Cain laban sa kapatid nitong si Abel, binabalaan niya si Cain na dapat itong gumawa ng mabuti, sapagkat gaya ng sinabi niya: “Ang kasalanan ay nakaabang sa pasukan, at ikaw ang hinahangad niyaon; at mapananaigan mo ba naman iyon?” Gayunman, hinayaan ni Cain na mapanaigan siya ng kasalanan ng inggit at pagkapoot, na nag-udyok sa kaniya na pumaslang.​—Gen 4:3-8; ihambing ang 1Sa 15:23.

Sakit, kirot, at pagtanda. Yamang ang kamatayang nararanasan ng tao ay karaniwan nang nauugnay sa pagkakasakit o pagtanda, makatuwirang isipin na ang mga ito ay kaakibat ng kasalanan. Sa ilalim ng tipan ng Kautusang Mosaiko sa Israel, kabilang sa mga kautusan may kaugnayan sa mga hain para sa kasalanan ang pagbabayad-sala para sa mga dumanas ng salot na ketong. (Lev 14:2, 19) Yaong humihipo ng bangkay ng isang tao o maging yaong pumapasok sa isang tolda kung saan namatay ang isang tao ay nagiging marumi at kailangang dalisayin sa seremonyal na paraan. (Bil 19:11-19; ihambing ang Bil 31:19, 20.) Iniugnay rin ni Jesus ang karamdaman sa kasalanan (Mat 9:2-7; Ju 5:5-15), bagaman ipinakita niya na ang espesipikong mga sakit ay hindi naman resulta ng anumang espesipikong pagkakasala. (Ju 9:2, 3) Ipinakikita ng ibang mga teksto ang kapaki-pakinabang na mga epekto ng katuwiran (isang landasing kabaligtaran ng pagkakasala) sa kalusugan ng isa. (Kaw 3:7, 8; 4:20-22; 14:30) Sa panahon ng paghahari ni Kristo, kapag inalis na ang kamatayan, na namamahalang kasama ng kasalanan (Ro 5:21), ang kirot ay mawawala na rin.​—1Co 15:25, 26; Apo 21:4.

Ang Kasalanan at Kautusan. Sumulat ang apostol na si Juan na “ang bawat isa na namimihasa sa kasalanan ay namimihasa rin sa katampalasanan, kung kaya ang kasalanan ay katampalasanan” (1Ju 3:4); at na “lahat ng kalikuan ay kasalanan.” (1Ju 5:17) Sa kabilang dako ay may binanggit naman ang apostol na si Pablo na mga taong “nagkasala nang walang kautusan.” Sinabi pa niya na “hanggang sa Kautusan [na ibinigay sa pamamagitan ni Moises] ang kasalanan ay nasa sanlibutan, ngunit ang kasalanan ay hindi ipinaparatang laban sa kaninuman kapag walang kautusan. Gayunpaman, ang kamatayan ay namahala bilang hari mula kay Adan hanggang kay Moises, maging doon sa mga hindi nagkasala sa wangis ng pagsalansang ni Adan.” (Ro 2:12; 5:13, 14) Ang mga salita ni Pablo ay dapat unawain ayon sa konteksto. Sa kaniyang liham na ito sa mga taga-Roma, ipinakikita ng kaniyang naunang mga pananalita na pinaghahambing niya yaong mga nasa ilalim ng tipang Kautusan at yaong mga nasa labas ng tipang iyon, samakatuwid nga ay wala sa ilalim ng kodigo ng kautusan nito, habang ipinakikita niya na ang dalawang grupong iyon ay kapuwa makasalanan.​—Ro 3:9.

Sa loob ng humigit-kumulang 2,500 taon sa pagitan ng paglihis ni Adan at ng pagbibigay ng tipang Kautusan noong 1513 B.C.E., ang Diyos ay hindi nagbigay sa sangkatauhan ng anumang kumpletong kodigo o sistematikong kautusan na espesipikong tumukoy sa kasalanan at sa lahat ng mga epekto at anyo nito. Totoo, nagbigay siya ng ilang batas, gaya niyaong mga ibinigay kay Noe pagkatapos ng pangglobong Baha (Gen 9:1-7), gayundin ang tipan ng pagtutuli na ibinigay kay Abraham at sa kaniyang sambahayan, pati na sa kaniyang mga aliping banyaga. (Gen 17:9-14) Ngunit may kinalaman sa Israel, maaaring sabihin ng salmista na “sinasabi [ng Diyos] ang kaniyang salita sa Jacob, ang kaniyang mga tuntunin at ang kaniyang mga hudisyal na pasiya sa Israel. Hindi niya ginawa ang gayon sa alinpamang bansa; at kung tungkol sa kaniyang mga hudisyal na pasiya, hindi nila alam ang mga iyon.” (Aw 147:19, 20; ihambing ang Exo 19:5, 6; Deu 4:8; 7:6, 11.) Hinggil sa tipang Kautusan na ibinigay sa Israel, maaaring sabihin, “Ang tao na gumagawa ng katuwiran ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito,” sapagkat ang sakdal na panghahawakan at pagsunod sa Kautusang iyon ay magagawa lamang ng isang taong walang kasalanan, gaya sa kaso ni Kristo Jesus. (Ro 10:5; Mat 5:17; Ju 8:46; Heb 4:15; 7:26; 1Pe 2:22) Walang ibinigay na kautusang katulad niyaon mula noong panahon ni Adan hanggang noong ibigay ang tipang Kautusan.

‘Likas na ginagawa ang mga bagay na nasa kautusan.’ Hindi naman nangangahulugan na ang mga tao noong yugtong iyon sa pagitan nina Adan at Moises ay malaya sa kasalanan, yamang walang kumpletong kodigo ng kautusan na mapagbabatayan ng kanilang paggawi. Sa Roma 2:14, 15, sinasabi ni Pablo: “Sapagkat kailanma’t ang mga tao ng mga bansa na walang kautusan ay likas na gumagawa ng mga bagay na nasa kautusan, ang mga taong ito, bagaman walang kautusan, ay kautusan sa kanilang sarili. Sila mismo ang nagpapakita na ang diwa ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, samantalang ang kanilang budhi ay nagpapatotoong kasama nila at, sa pagitan ng kanilang sariling mga kaisipan, sila ay inaakusahan o ipinagdadahilan pa nga.” Yamang ang tao ay ginawa sa larawan at wangis ng Diyos, siya ay may likas na kabatiran sa moral, na nagpapagana sa budhi. Maging ang mga taong di-sakdal at makasalanan ay mayroon nito sa paanuman, gaya ng ipinahihiwatig ng mga salita ni Pablo. (Tingnan ang BUDHI.) Yamang ang kautusan ay pangunahin nang isang ‘alituntunin ng paggawi,’ kumikilos ang likas na kabatirang ito sa moral sa kanilang mga puso gaya ng isang kautusan. Gayunman, nangingibabaw laban sa kautusang ito ang isa pang minanang kautusan, ang ‘kautusan ng kasalanan,’ na nakikipagdigma laban sa matuwid na mga hilig, anupat ginagawa nitong alipin yaong mga hindi lumalaban dito.​—Ro 6:12; 7:22, 23.

Ang likas na kabatirang ito sa moral at ang kaakibat nitong budhi ay makikita maging sa kaso ni Cain. Bagaman ang Diyos ay hindi nagbigay ng kautusan may kinalaman sa pagpatay ng tao, ang paiwas na tugon ni Cain sa tanong ng Diyos ay nagpapakita na hinatulan siya ng kaniyang budhi matapos niyang paslangin si Abel. (Gen 4:8, 9) Ipinakita ng Hebreong si Jose ang ‘kautusan ng Diyos na nasa kaniyang puso’ nang sagutin niya ang mapang-akit na kahilingan ng asawa ni Potipar sa pagsasabing: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?” Bagaman hindi pa espesipikong hinahatulan noon ng Diyos ang pangangalunya, natanto ni Jose na mali iyon at labag sa kalooban ng Diyos para sa mga tao gaya ng ipinahayag niya sa Eden.​—Gen 39:7-9; ihambing ang Gen 2:24.

Kaya naman, noong kapanahunan ng mga patriyarka mula kay Abraham hanggang sa 12 anak ni Jacob, ipinakikita ng Kasulatan na ang mga tao mula sa iba’t ibang lahi at bansa ay may binanggit na mga “kasalanan” (chat·taʼthʹ), gaya ng kasalanan laban sa isang nagpapatrabaho (Gen 31:36), laban sa tagapamahalang nakasasakop sa isa (Gen 40:1; 41:9), laban sa isang kamag-anak (Gen 42:22; 43:9; 50:17), o laban sa isang kapuwa-tao (Gen 20:9). Sa paanuman, kapag ginagamit ng isa ang terminong iyon, ipinakikita niyang kinikilala niya na mayroon siyang kaugnayan sa pinagkasalahan at may pananagutan siyang igalang ang kapakanan ng taong iyon o ang kalooban at awtoridad niyaon, gaya sa kaso ng isang tagapamahala, at na huwag salungatin ang mga iyon. Sa gayo’y ipinakikita nila na mayroon silang likas na kabatiran sa moral. Subalit sa paglipas ng panahon, tumindi ang pananaig ng kasalanan sa mga hindi naglilingkod sa Diyos, kaya naman inilarawan ni Pablo ang mga tao ng mga bansa bilang lumalakad sa “kadiliman ang kanilang isip, at hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos . . . nawalan na ng lahat ng pakiramdam sa moral.”​—Efe 4:17-19.

Kung paano ‘pinasagana’ ng Kautusan ang kasalanan. Bagaman ang tao ay may likas na kabatiran sa kung ano ang tama at mali dahil sa kaniyang budhi, espesipikong tinukoy ng Diyos ang maraming aspekto ng kasalanan sa pamamagitan ng tipang Kautusan na ipinakipagtipan niya sa Israel. Samakatuwid, ‘natikom’ ang bibig ng sinumang taong inapo ng mga kaibigan ng Diyos na sina Abraham, Isaac, at Jacob na maaaring mag-angkin na siya ay walang-sala ‘at ang buong sanlibutan ay nanagot sa Diyos ukol sa kaparusahan.’ Ito ay sapagkat, dahil sa kanilang di-sakdal na laman na minana nila kay Adan, naging imposible na maipahayag silang matuwid sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, “sapagkat ang tumpak na kaalaman tungkol sa kasalanan ay sa pamamagitan ng kautusan.” (Ro 3:19, 20; Gal 2:16) Malinaw at detalyadong ipinaliwanag ng Kautusan kung ano ang buong lawak at saklaw ng kasalanan, anupat, sa diwa, ‘pinasagana’ nito ang pagkakamali at kasalanan, yamang napakaraming gawa at maging mga saloobin ang tinukoy nito bilang makasalanan. (Ro 5:20; 7:7, 8; Gal 3:19; ihambing ang Aw 40:12.) Patuloy na ipinaalaala ng mga hain ng Kautusan sa mga nasa ilalim nito ang kanilang pagkamakasalanan. (Heb 10:1-4, 11) Sa pamamagitan ng mga ito, ang Kautusan ay nagsilbing isang tagapagturo na aakay sa kanila kay Kristo, upang sila’y “maipahayag na matuwid dahil sa pananampalataya.”​—Gal 3:22-25.

Paano ‘makatatanggap ng pangganyak’ ang kasalanan sa pamamagitan ng utos ng Diyos sa Israel?

Nang itawag-pansin ng apostol na si Pablo na hindi ang Kautusang Mosaiko ang paraan upang magtamo ng matuwid na katayuan ang mga tao sa harap ng Diyos na Jehova, sumulat siya: “Noong kaayon tayo ng laman, ang makasalanang mga pita na pinukaw sa pamamagitan ng Kautusan ay gumagana sa ating mga sangkap upang magluwal tayo ng bunga ukol sa kamatayan. . . . Ano, kung gayon, ang sasabihin natin? Ang Kautusan ba ay kasalanan? Huwag nawang maging gayon! Ang totoo ay hindi ko sana nakilala ang kasalanan kung hindi dahil sa Kautusan; at, halimbawa, hindi ko sana nakilala ang kaimbutan kung hindi sinabi ng Kautusan: ‘Huwag kang mag-iimbot.’ Ngunit ang kasalanan, na tumatanggap ng pangganyak sa pamamagitan ng utos, ay nagdulot sa akin ng bawat uri ng kaimbutan, sapagkat kung hiwalay sa kautusan ang kasalanan ay patay.”​—Ro 7:5-8.

Kung wala ang Kautusan, hindi sana makikilala o mapag-uunawa ng apostol na si Pablo ang buong lawak o saklaw ng kasalanan, halimbawa, ang pagkamakasalanan ng kaimbutan. Gaya ng sabi ng apostol, “pinukaw” ng Kautusan ang makasalanang pita, at ang utos laban sa pag-iimbot ay naglaan ng “pangganyak” sa kasalanan. Dapat itong unawain kaayon ng pananalita ni Pablo na “kung hiwalay sa kautusan ang kasalanan ay patay.” Hangga’t ang kasalanan ay hindi espesipikong natutukoy, ang isang tao ay hindi maaaring akusahan ng paggawa ng mga kasalanan na hindi naman legal na tinutukoy bilang gayon. Bago dumating ang Kautusan, si Pablo at ang kaniyang mga kababayan ay namuhay nang di-napapatawan ng hatol para sa mga kasalanang hindi espesipikong tinukoy. Gayunman, sa pagpasok ng Kautusan, si Pablo at ang kaniyang mga kababayan ay itinalaga bilang mga makasalanan na nasa ilalim ng hatol na kamatayan. Dahil sa Kautusan, lalo silang nagkaroon ng kamalayan sa kanilang pagiging mga makasalanan. Hindi ito nangangahulugan na inudyukan silang magkasala ng Kautusang Mosaiko, kundi inilantad sila nito bilang mga makasalanan. Sa gayon, ang kasalanan ay tumanggap ng pangganyak sa pamamagitan ng Kautusan at nagdulot ng kasalanan kay Pablo at sa kaniyang mga kababayan. Inilaan ng Kautusan ang saligan upang mas marami pang tao ang mapatawan ng hatol bilang mga makasalanan batay sa marami pang ibang paglabag.

Samakatuwid, ang sagot sa tanong na “Ang Kautusan ba ay kasalanan?” ay tiyak na ‘Hindi!’ (Ro 7:7) Ang Kautusan ay hindi ‘sumala sa marka’ na para bang nabigo ito sa layunin ng Diyos para rito kundi, sa halip, nasapol nito ang ‘bull’s-eye,’ hindi lamang dahil ito’y naging mabuti at kapaki-pakinabang bilang isang giya at proteksiyon kundi dahil legal nitong pinatunayan na ang lahat ng tao, kasama ang mga Israelita, ay mga makasalanang nangangailangan ng katubusang mula sa Diyos. Inakay rin nito ang mga Israelita tungo kay Kristo bilang ang Manunubos na kailangan nila.

Mga Kamalian, mga Pagsalansang, at mga Pagkakamali [Trespasses]. Sa Kasulatan, malimit iugnay sa “kasalanan” (sa Heb., chat·taʼthʹ; Gr., ha·mar·tiʹa) ang “kamalian” (sa Heb., ʽa·wonʹ; sa Ingles, error), “pagsalansang” (sa Heb., peʹshaʽ; sa Gr., pa·raʹba·sis), “pagkakamali” (sa Gr., pa·raʹpto·ma; sa Ingles, trespass), at iba pang katulad na mga termino. Lahat ng kaugnay na mga terminong ito ay nagpapakita ng espesipikong mga aspekto ng kasalanan, o mga anyo nito.

Mga kamalian, mga pagkakamali [“mistakes”], at kamangmangan. Halimbawa, ang ʽa·wonʹ ay pangunahin nang may kaugnayan sa pagkilos nang may kalikuan o kamalian. Ang terminong Hebreo na ito ay tumutukoy sa isang kamaliang moral, isang pagpilipit sa kung ano ang tama. (Job 10:6, 14, 15) Maliwanag na yaong mga hindi nagpapasakop sa kalooban ng Diyos ay hindi pinapatnubayan ng kaniyang sakdal na karunungan at katarungan, at sa gayo’y tiyak na magkakamali. (Ihambing ang Isa 59:1-3; Jer 14:10; Fil 2:15.) Tiyak na dahil pinangyayari ng kasalanan na maging di-timbang ang isang tao, anupat pinipilipit nito kung ano ang matuwid (Job 33:27; Hab 1:4), ang ʽa·wonʹ ang terminong Hebreo na pinakamalimit iugnay sa chat·taʼthʹ (kasalanan, pagsala sa marka) o pinakamalimit banggitin kasama nito. (Exo 34:9; Deu 19:15; Ne 4:5; Aw 32:5; 85:2; Isa 27:9) Ang pagiging di-timbang na ito ay lumilikha ng kalituhan at di-pagkakasuwato sa loob ng isang tao at mga suliranin sa kaniyang pakikitungo sa Diyos at sa iba pang mga nilalang ng Diyos.

Ang “kamalian” (ʽa·wonʹ) ay maaaring sinasadya o di-sinasadya, alinman sa isang namamalayang paglihis mula sa kung ano ang tama o isang gawang di-namamalayan, isang “pagkakamali” (shegha·ghahʹ; sa Ingles, mistake), na, magkagayunman, nagdadala sa isang tao sa kamalian at pagkakasala sa harap ng Diyos. (Lev 4:13-35; 5:1-6, 14-19; Bil 15:22-29; Aw 19:12, 13) Sabihin pa, kung sinasadya ito, ang kamalian ay may mas mabigat na parusa kaysa kung ito’y isang pagkakamali lamang. (Bil 15:30, 31; ihambing ang Pan 4:6, 13, 22.) Ang kamalian ay salungat sa katotohanan, at yaong nagkakasala nang sinasadya ay pumipilipit sa katotohanan, isang landasin na lalo pang nagdudulot ng mas malubhang kasalanan. (Ihambing ang Isa 5:18-23.) Binabanggit ng apostol na si Pablo ang tungkol sa “mapanlinlang na kapangyarihan ng kasalanan,” na nakapagpapatigas sa puso ng mga tao. (Heb 3:13-15; ihambing ang Exo 9:27, 34, 35.) Nang sipiin ng manunulat ding iyon ang Jeremias 31:34, kung saan ang orihinal na Hebreo ay kababasahan ng “kamalian” at “kasalanan” ng Israel, ginamit niya ang ha·mar·tiʹa (kasalanan) at a·di·kiʹa (kalikuan) sa Hebreo 8:12, at ha·mar·tiʹa at a·no·miʹa (katampalasanan) sa Hebreo 10:17.

Sinasabi ng Kawikaan 24:9 na “ang mahalay na paggawi ng kamangmangan ay kasalanan,” at ang mga terminong Hebreo na nagtatawid ng ideya ng kamangmangan ay madalas gamitin may kaugnayan sa pagkakasala, anupat kung minsa’y may-pagsisising umaamin ang nagkasala, “Ako ay kumilos nang may kamangmangan.” (1Sa 26:21; 2Sa 24:10, 17) Kung walang disiplina mula sa Diyos, ang makasalanan ay masasalabid sa kaniyang mga kamalian at may-kamangmangang maliligaw.​—Kaw 5:22, 23; ihambing ang 19:3.

Pagsalansang, isang ‘paglabag.’ Ang kasalanan ay maaari ring nasa anyo ng isang “pagsalansang.” Ang Griegong pa·raʹba·sis (pagsalansang) ay pangunahin nang tumutukoy sa isang ‘paglabag’ (sa Ingles, overstepping), samakatuwid nga, paglampas sa espesipikong mga limitasyon o mga hangganan, lalo na halimbawa ang paglabag sa isang batas. Ginamit ni Mateo ang anyong pandiwa (pa·ra·baiʹno) nang isalaysay niya ang tanong ng mga Pariseo at mga eskriba kung bakit ‘nilalabag ng mga alagad ni Jesus ang tradisyon ng sinaunang mga tao,’ at ang patanong na pagtugon ni Jesus kung bakit ‘nilalabag’ ng mga mananalansang na ito ‘ang utos ng Diyos dahil sa kanilang tradisyon,’ na sa pamamagitan niyao’y pinawalang-bisa nila ang salita ng Diyos. (Mat 15:1-6) Maaari rin itong mangahulugan ng “pagtabi,” gaya ng ‘paglihis’ ni Hudas mula sa kaniyang ministeryo at pagka-apostol. (Gaw 1:25) Sa ilang tekstong Griego, ginagamit din ang pandiwang ito kapag tinutukoy ang isa na “lumalampas, at hindi namamalagi sa doktrina ng isa na Pinahiran.”​—2Ju 9ED.

Sa Hebreong Kasulatan, may katulad na mga pagtukoy sa pagkakasala ng mga taong ‘lumabag,’ ‘sumuway,’ ‘kumaligta,’ o ‘lumampas’ (sa Heb., ʽa·varʹ) sa tipan o espesipikong mga utos ng Diyos.​—Bil 14:41; Deu 17:2, 3; Jos 7:11, 15; 1Sa 15:24; Isa 24:5; Jer 34:18.

Ipinakikita ng apostol na si Pablo ang pantanging kaugnayan ng pa·raʹba·sis at ng paglabag sa tatag na batas sa pagsasabing “kung saan walang kautusan, wala rin namang pagsalansang.” (Ro 4:15) Samakatuwid, kung walang batas, o kautusan, ang makasalanan ay hindi matatawag na isang “mananalansang.” Palaging ginagamit ni Pablo at ng iba pang manunulat na Kristiyano ang pa·raʹba·sis (at pa·ra·baʹtes, “mananalansang”) sa konteksto ng kautusan. (Ihambing ang Ro 2:23-27; Gal 2:16, 18; 3:19; San 2:9, 11.) Kung gayon, si Adan, palibhasa’y tumanggap ng isang tuwirang utos mula sa Diyos, ay nagkasala ng “pagsalansang” sa isang ipinahayag na kautusan. Ang kaniyang asawa, bagaman nalinlang, ay nagkasala rin ng pagsalansang sa kautusang iyon. (1Ti 2:14) Ang tipang Kautusang sinalita ng mga anghel kay Moises ay idinagdag sa tipang Abrahamiko “upang mahayag ang mga pagsalansang,” upang ‘sama-samang madala ang lahat ng bagay sa pagkakabihag sa kasalanan,’ anupat legal na hinahatulan ang lahat ng inapo ni Adan, kabilang na ang Israel, ng pagkamakasalanan, at ipinakikita na maliwanag na lahat ay nangangailangan ng kapatawaran at kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Jesus. (Gal 3:19-22) Kaya naman, kung muling isasailalim ni Pablo ang kaniyang sarili sa Kautusang Mosaiko, gagawin na naman niyang isang “mananalansang” ng Kautusang iyon ang kaniyang sarili, anupat sakop ng kahatulan niyaon, at kung magkagayo’y itinatakwil niya ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na naglaan ng paglaya mula sa kahatulang iyon.​—Gal 2:18-21; ihambing ang 3:1-4, 10.

Ang Hebreong peʹshaʽ ay may ideya ng pagsalansang (Aw 51:3; Isa 43:25-27; Jer 33:8), gayundin ng “paghihimagsik,” na isang paglayo o pagtanggi sa kautusan o awtoridad ng iba. (Job 34:37) Kung gayon, ang sinasadyang pagsalansang ay katumbas ng paghihimagsik laban sa pamamahala at awtoridad ng Diyos bilang ama. Dahil dito, ang kalooban ng nilalang ay sumasalungat sa kalooban ng Maylalang, anupat ang nilalang ay naghihimagsik laban sa soberanya ng Diyos, sa Kaniyang kataas-taasang pamamahala.

Pagkakamali [“trespass”]. Sa literal, ang Griegong pa·raʹpto·ma ay nangangahulugang “isang pagkabuwal sa tabi,” samakatuwid, isang maling hakbang (Ro 11:11, 12) o pagsablay, isang “pagkakamali.” (Efe 1:7; Col 2:13) Ang kasalanan ni Adan sa pagkain ng ipinagbabawal na bunga ay isang “pagsalansang” sapagkat nilabag niya ang kautusan ng Diyos; isa itong “pagkakamali” sapagkat siya ay nabuwal o gumawa ng maling hakbang sa halip na tumayo o lumakad nang matuwid kasuwato ng mga kahilingan ng Diyos at bilang pagsuporta sa Kaniyang awtoridad. Sa diwa, ang maraming batas at kahilingan ng tipang Kautusan ay nagbukas ng daan para sa marami sa gayong mga pagkakamali dahil sa di-kasakdalan niyaong mga nasa ilalim nito. (Ro 5:20) Ang bansang Israel sa kabuuan ay sumablay sa pagtupad sa tipang iyon. (Ro 11:11, 12) Yamang ang lahat ng iba’t ibang batas ng Kautusang iyon ay bahagi ng iisang tipan, ang taong gumagawa ng “maling hakbang” sa isang batas ay nagiging manlalabag at “mananalansang” laban sa tipan sa kabuuan at samakatuwid ay laban sa lahat ng mga batas nito.​—San 2:10, 11.

“Mga Makasalanan.” Yamang “walang taong hindi nagkakasala” (2Cr 6:36), ang lahat ng mga inapo ni Adan ay wasto lamang na ituring na likas na “mga makasalanan.” Ngunit sa Kasulatan, ang terminong “mga makasalanan” ay kadalasang kumakapit sa isang mas espesipikong paraan, anupat tumutukoy roon sa mga namimihasa sa kasalanan o kilaláng nagsasagawa ng kasalanan. Ang kanilang mga kasalanan ay hayag sa lahat. (Luc 7:37-39) Ang mga Amalekita, na iniutos ni Jehova kay Saul na puksain, ay tinatawag na “mga makasalanan” (1Sa 15:18); ipinanalangin ng salmista na huwag nawang kunin ng Diyos ang kaniyang kaluluwa “kasama ng mga makasalanan,” anupat ipinakilala ng kaniyang sumunod na mga salita na ang mga iyon ay “mga taong may pagkakasala sa dugo, na sa kanilang mga kamay ay may mahalay na paggawi, at ang kanilang kanang kamay ay punô ng panunuhol.” (Aw 26:9, 10; ihambing ang Kaw 1:10-19.) Hinatulan si Jesus ng mga lider ng relihiyon dahil nakikisama siya sa “mga maniningil ng buwis at mga makasalanan,” at ang mga maniningil ng buwis sa pangkalahatan ay itinuturing ng mga Judio bilang kadusta-dustang uri ng mga tao. (Mat 9:10, 11) Sinabi ni Jesus na ang mga ito, kasama ang mga patutot, ay nauuna sa mga Judiong lider ng relihiyon sa pagpasok sa Kaharian. (Mat 21:31, 32) Inamin ni Zaqueo, isang maniningil ng buwis at isang “makasalanan” sa paningin ng marami, na ilegal siyang nangikil ng salapi mula sa iba.​—Luc 19:7, 8.

Kaya naman, nang sabihin ni Jesus na “magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanan na nagsisisi kaysa sa siyamnapu’t siyam na matuwid na walang pangangailangang magsisi,” maliwanag na ginagamit niya ang mga terminong ito sa relatibong diwa (tingnan ang KATUWIRAN [Kabutihan at Katuwiran]), sapagkat lahat ng tao ay likas na makasalanan at walang sinuman ang matuwid sa ganap na diwa.​—Luc 15:7, 10; ihambing ang Luc 5:32; 13:2; tingnan ang IPAHAYAG NA MATUWID.

Iba’t Ibang Kalubhaan ng Masasamang Gawa. Ang kasalanan ay kasalanan, at sa paanuman, ang isa na may-sala ay ginagawa nitong karapat-dapat sa “kabayaran” ng kasalanan, ang kamatayan. Gayunman, ipinakikita ng Kasulatan na sa pangmalas ng Diyos, ang masasamang gawa ng mga tao ay may iba’t ibang antas ng kalubhaan. Halimbawa, ang mga lalaki ng Sodoma ay “talamak na mga makasalanan laban kay Jehova,” at “napakabigat” ng kanilang kasalanan. (Gen 13:13; 18:20; ihambing ang 2Ti 3:6, 7.) Tinawag ding “isang malaking kasalanan” ang paggawa ng mga Israelita ng ginintuang guya (Exo 32:30, 31), at sa katulad na paraan, dahil sa pagsamba sa guya na pinasimulan ni Jeroboam, yaong mga kabilang sa hilagang kaharian ay ‘pinagkasala niya ng malaking kasalanan.’ (2Ha 17:16, 21) Ang kasalanan ng Juda ay naging “gaya ng sa Sodoma,” anupat ginawa nitong nakamumuhi sa paningin ng Diyos ang kaharian ng Juda. (Isa 1:4, 10; 3:9; Pan 1:8; 4:6) Dahil sa gayong landasin ng pagwawalang-halaga sa kalooban ng Diyos, kahit ang mismong panalangin ng isa ay nagiging kasalanan. (Aw 109:7, 8, 14) Yamang ang kasalanan ay isang lantarang paghamak sa mismong persona ng Diyos, hindi niya ito ipinagwawalang-bahala; at habang lumulubha iyon, hindi kataka-takang nadaragdagan din ang kaniyang pagkagalit at poot. (Ro 1:18; Deu 29:22-28; Job 42:7; Aw 21:8, 9) Gayunman, hindi lamang siya napopoot dahil nasasangkot ang kaniya mismong persona kundi udyok din ito ng pinsala at kawalang-katarungang ginagawa sa mga tao at partikular na sa kaniyang tapat na mga lingkod.​—Isa 10:1-4; Mal 2:13-16; 2Te 1:6-10.

Kahinaan at kawalang-alam ng tao. Isinasaalang-alang ni Jehova ang kahinaan ng di-sakdal na mga taong nagmula kay Adan, anupat yaong mga taimtim na humahanap sa Kaniya ay makapagsasabing, “Hindi pa niya ginawa sa atin ang ayon nga sa ating mga kasalanan; ni pinasapitan man niya tayo ng nararapat sa atin ayon sa ating mga kamalian.” Ipinakikita ng Kasulatan ang kamangha-manghang awa at maibiging-kabaitan na ipinamalas ng Diyos sa kaniyang matiising pakikitungo sa mga taong laman. (Aw 103:2, 3, 10-18) Isinasaalang-alang din niya ang kawalang-alam bilang isa sa mga dahilan ng pagkakasala (1Ti 1:13; ihambing ang Luc 12:47, 48), hangga’t ang kawalang-alam na iyon ay hindi sinasadya. Yaong mga sadyang tumatanggi sa kaalaman at karunungang iniaalok ng Diyos, anupat ‘nalulugod sa kalikuan,’ ay hindi mapagpapaumanhinan. (2Te 2:9-12; Kaw 1:22-33; Os 4:6-8) May ilan na pansamantalang naililigaw mula sa katotohanan ngunit kung tutulungan ay maipanunumbalik (San 5:19, 20), samantalang ‘ipinipikit ng iba ang kanilang mga mata sa liwanag at kinalilimutan ang naunang paglilinis sa kanila mula sa kanilang mga kasalanan.’​—2Pe 1:9.

Ano ang kasalanang walang kapatawaran?

Ang kaalaman ay may kaakibat na mas malaking pananagutan. Ang kasalanan ni Pilato ay hindi kasinlubha niyaong sa mga Judiong lider ng relihiyon na nagbigay kay Jesus sa gobernador, ni kasinlubha man ng kasalanan ni Hudas, na nagkanulo sa kaniyang Panginoon. (Ju 19:11; 17:12) Sinabihan ni Jesus ang mga Pariseo noong panahon niya na kung bulag sana ang mga ito, wala sana silang kasalanan, anupat maliwanag na nangangahulugang ang kanilang mga kasalanan ay mapatatawad ng Diyos salig sa kanilang kawalang-alam. Gayunman, dahil itinanggi nilang sila’y walang-alam, ‘ang kanilang kasalanan ay nanatili.’ (Ju 9:39-41) Sinabi ni Jesus na “wala silang maidadahilan para sa kanilang kasalanan” sapagkat nasaksihan nila ang makapangyarihang mga salita at mga gawa na nanggaling sa kaniya bilang resulta ng espiritu ng Diyos na sumasakaniya. (Ju 15:22-24; Luc 4:18) Ang mga taong sadya at may-kabatirang namumusong sa espiritu ng Diyos na inihahayag sa gayong paraan, namumusong man sila sa salita o sa gawa, ay ‘nagkakasala ng walang-hanggang kasalanan,’ anupat wala nang kapatawarang maaasahan. (Mat 12:31, 32; Mar 3:28-30; ihambing ang Ju 15:26; 16:7, 8.) Maaaring ganito ang kaso ng ilan na naging mga Kristiyano at pagkatapos ay kusang tumalikod sa dalisay na pagsamba sa Diyos. Sinasabi ng Hebreo 10:26, 27, “kung sinasadya nating mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan, kundi may nakatatakot na paghihintay sa paghuhukom at may maapoy na paninibugho na lalamon doon sa mga sumasalansang.”

Sa 1 Juan 5:16, 17, maliwanag na tinutukoy ni Juan ang sinasadya at may-kabatirang kasalanan nang ihambing niya ang “kasalanan na ikamamatay” sa kasalanan na hindi ikamamatay. (Ihambing ang Bil 15:30.) Kapag may katibayang nagpapahiwatig ng gayong sinasadya at may-kabatirang kasalanan, hindi ipananalangin ng Kristiyano ang isa na nagkakasala nang gayon. Sabihin pa, ang Diyos ang siyang pangwakas na Hukom may kinalaman sa saloobin ng puso ng makasalanan.​—Ihambing ang Jer 7:16; Mat 5:44; Gaw 7:60.

Ang pagkakaiba ng isang pagkakasala at ng pamimihasa sa kasalanan. Ipinakikita rin ni Juan ang pagkakaiba ng isang pagkakasala at ng pamimihasa sa pagkakasala gaya ng makikita kung ihahambing ang 1 Juan 2:1 sa 3:4-8 ayon sa pagkakasalin sa Bagong Sanlibutang Salin. Hinggil sa kawastuan ng saling “ang bawat isa na namimihasa sa kasalanan [poi·onʹ ten ha·mar·tiʹan]” (1Ju 3:4), sinasabi ng Word Pictures in the New Testament ni Robertson (1933, Tomo VI, p. 221): “Ang pangkasalukuyang aktibong pandiwari (poion) ay nangangahulugang ang kinaugaliang paggawa ng kasalanan.” May kinalaman sa 1 Juan 3:6, kung saan ginagamit ang pariralang oukh ha·mar·taʹnei sa tekstong Griego, nagkomento ang iskolar ding iyon (p. 222): “Linear present . . . aktibong paturol na anyo ng hamartano, ‘hindi nagpapatuloy sa pagkakasala.’⁠” Kung gayon, may panahon na ang tapat na Kristiyano ay magkakamali o mahuhulog sa kasalanan dahil sa kahinaan o dahil siya’y nailigaw, subalit siya’y “hindi namimihasa sa kasalanan,” anupat patuloy na lumalakad doon.​—1Ju 3:9, 10; ihambing ang 1Co 15:33, 34; 1Ti 5:20.

Pakikibahagi sa mga kasalanan ng iba. Ang isang tao ay maaaring maging may-sala sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng kusang-loob na pakikipagsamahan sa mga manggagawa ng kamalian, sa pamamagitan ng kaniyang pagsang-ayon sa kanilang paggawa ng masama, o sa pamamagitan ng pagtatakip niya sa kanilang paggawi upang hindi iyon malaman ng matatanda at hindi makagawa ang mga ito ng angkop na pagkilos. (Ihambing ang Aw 50:18, 21; 1Ti 5:22.) Samakatuwid, yaong mga nananatili sa makasagisag na lunsod ng “Babilonyang Dakila” ay ‘tatanggap din ng bahagi ng kaniyang mga salot.’ (Apo 18:2, 4-8) Ang isang Kristiyanong nakikipagsamahan o kahit nagsasabi lamang ng “isang pagbati” sa isa na umiwan sa turo ng Kristo ay nagiging “kabahagi sa kaniyang balakyot na mga gawa.”​—2Ju 9-11; ihambing ang Tit 3:10, 11.

Binabalaan ni Pablo si Timoteo na huwag maging ‘kabahagi sa mga kasalanan ng iba.’ (1Ti 5:22) Tiyak na ang naunang mga salita ni Pablo tungkol sa hindi pagpapatong ng mga kamay nang madalian sa sinumang tao ay tumutukoy sa awtoridad na ipinagkaloob kay Timoteo upang mag-atas ng mga tagapangasiwa sa mga kongregasyon. Hindi siya dapat mag-atas ng bagong kumberteng lalaki, sapagkat baka magmalaki ang taong iyon. Kung hindi susundin ni Timoteo ang payong ito, sa paanuman ay magkakaroon siya ng pananagutan para sa anumang kamaliang maaaring gawin ng isang iyon.​—1Ti 3:6.

Salig sa nabanggit na mga simulain, ang isang buong bansa ay maaaring maging may-sala sa harap ng Diyos.​—Kaw 14:34.

Mga Kasalanan Laban sa mga Tao, sa Diyos, at kay Kristo. Gaya ng naipakita na, iniuulat ng Hebreong Kasulatan na may ginawang mga pagtukoy sa kasalanan ang mga tao mula sa iba’t ibang bansa noong panahon ng mga patriyarka. Ang mga ito ay pangunahin nang may kaugnayan sa mga pagkakasala laban sa ibang tao.

Yamang ang Diyos lamang ang pamantayan ng katuwiran at kabutihan, ang mga kasalanang nagagawa laban sa ibang tao ay hindi mga pagkabigong umayon sa ‘larawan at wangis’ ng mga taong iyon, kundi pagkabigong igalang o pangalagaan ang kanilang nararapat at wastong mga kapakanan, anupat nagkakasala sa kanila, nagdudulot ng di-makatarungang pinsala sa kanila. (Huk 11:12, 13, 27; 1Sa 19:4, 5; 20:1; 26:21; Jer 37:18; 2Co 11:7) Ibinigay ni Jesus ang mga simulaing dapat pumatnubay sa isang tao kung may malulubhang kasalanan na nagawa laban sa kaniya. (Mat 18:15-17) Bagaman ang kapatid ng isa ay nagkasala laban sa kaniya nang 77 ulit o 7 ulit sa isang maghapon, dapat patawarin ang nagkasalang iyon kung, matapos sawayin, siya ay nagpakita ng pagsisisi. (Mat 18:21, 22; Luc 17:3, 4; ihambing ang 1Pe 4:8.) Binanggit ni Pedro na may mga tagapaglingkod sa bahay na sinasampal dahil sa kanilang mga pagkakasala laban sa mga may-ari sa kanila. (1Pe 2:18-20) Maaaring magkasala ang isa laban sa itinalagang awtoridad kung hindi niya ito pagpapakitaan ng nararapat na paggalang. Ipinahayag ni Pablo ang kaniyang sarili bilang malaya sa anumang kasalanan “laban sa Kautusan ng mga Judio [o] laban sa templo [o] laban kay Cesar.”​—Gaw 25:8.

Gayunpaman, ang mga pagkakasala laban sa mga tao ay mga pagkakasala rin laban sa Maylalang, na siyang dapat pagsulitan ng mga tao. (Ro 14:10, 12; Efe 6:5-9; Heb 13:17) Nang pigilan ng Diyos si Abimelec upang huwag nitong masipingan si Sara, sinabi Niya sa haring Filisteo, “Pinipigilan din kita na magkasala laban sa akin.” (Gen 20:1-7) Natalos din ni Jose na ang pangangalunya ay isang kasalanan laban sa Maylalang ng lalaki at babae at laban sa Tagapagtatag ng pag-aasawa (Gen 39:7-9), gaya rin ng natanto ni Haring David. (2Sa 12:13; Aw 51:4) Sa ilalim ng Kautusan, ang mga kasalanang gaya ng pagnanakaw, pandaraya, o paglustay ng ari-arian ng iba ay inuuri bilang ‘di-tapat na paggawi kay Jehova.’ (Lev 6:2-4; Bil 5:6-8) Yaong mga nagpapatigas ng kanilang mga puso at nagtitikom ng kanilang kamay sa kanilang mga dukhang kapatid at yaong mga nagkakait ng kabayaran ng mga tao ay tatanggap ng pagsaway ng Diyos. (Deu 15:7-10; 24:14, 15; ihambing ang Kaw 14:31; Am 5:12.) Sinabi ni Samuel na malayong mangyari, sa ganang kaniya, “na magkasala [siya] laban kay Jehova sa pamamagitan ng pagtigil sa pananalangin” alang-alang sa kaniyang mga kapuwa Israelita at kapag kanilang hinihiling iyon.​—1Sa 12:19-23.

Sa katulad na paraan, hinahatulan ng Santiago 2:1-9 ang pagpapakita ng paboritismo o pagtatangi-tangi sa gitna ng mga Kristiyano bilang kasalanan. Sinasabi ni Pablo na yaong mga hindi nagbibigay-pansin sa mahihinang budhi ng kanilang mga kapatid at sa gayo’y pinangyayaring matisod ang mga iyon ay ‘nagkakasala laban kay Kristo,’ ang Anak ng Diyos na nagbigay ng kaniyang sariling dugo para sa kaniyang mga tagasunod.​—1Co 8:10-13.

Kaya nga, bagaman ang lahat ng kasalanan sa katunayan ay mga kasalanan laban sa Diyos, itinuturing ni Jehova ang ilang kasalanan bilang tuwirang mga pagkakasala laban sa kaniya mismo, mga kasalanang gaya ng idolatriya (Exo 20:2-5; 2Ha 22:17), kawalang-pananampalataya (Ro 14:22, 23; Heb 10:37, 38; 12:1), kawalang-galang sa mga bagay na sagrado (Bil 18:22, 23), at lahat ng anyo ng huwad na pagsamba (Os 8:11-14). Tiyak na ito ang dahilan kung bakit sinabi ng mataas na saserdoteng si Eli sa kaniyang mga anak, na nagpakita ng kawalang-galang sa tabernakulo ng Diyos at sa paglilingkod dito: “Kung magkasala ang isang tao laban sa tao, ang Diyos ang mamamagitan para sa kaniya [ihambing ang 1Ha 8:31, 32]; ngunit kung laban kay Jehova magkasala ang isang tao, sino ang mananalangin para sa kaniya?”​—1Sa 2:22-25; ihambing ang tal 12-17.

Pagkakasala laban sa sariling katawan. Noong magbabala si Pablo laban sa pakikiapid (seksuwal na pakikipagtalik sa labas ng pag-aasawang sinasang-ayunan ng Kasulatan), sinabi niya na “ang lahat ng iba pang kasalanan na magagawa ng isang tao ay nasa labas ng kaniyang katawan, ngunit siya na namimihasa sa pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.” (1Co 6:18; tingnan ang PAKIKIAPID.) Ipinakikita ng konteksto na idiniriin noon ni Pablo na ang mga Kristiyano ay magiging kaisa ng kanilang Panginoon at Ulo, si Kristo Jesus. (1Co 6:13-15) Ang mapakiapid ay may-kamalian at may-pagkakasalang nagiging kaisang-laman ng iba, na kadalasa’y isang patutot. (1Co 6:16-18) Yamang walang ibang kasalanan ang makapaghihiwalay sa katawan ng Kristiyano mula sa pakikipagkaisa nito kay Kristo upang gawin itong ‘kaisa’ ng iba pa, maliwanag na ito ang dahilan kung bakit ang lahat ng iba pang kasalanan ay tinutukoy rito bilang ‘nasa labas ng katawan ng isa.’ Ang pakikiapid ay maaari ring magdulot ng di-malulunasang pinsala sa sariling katawan ng nakikiapid.

Mga Kasalanan ng mga Anghel. Yamang ang mga espiritung anak ng Diyos ay dapat ding magpaaninag ng kaluwalhatian ng Diyos at magdulot ng papuri sa kaniya, anupat nagsasagawa ng kaniyang kalooban (Aw 148:1, 2; 103:20, 21), maaari rin silang magkasala sa gayunding saligang diwa gaya ng mga tao. Ipinakikita ng 2 Pedro 2:4 na nagkasala nga ang ilan sa mga espiritung anak ng Diyos, anupat “ibinulid sila sa mga hukay ng pusikit na kadiliman upang itaan sa paghuhukom.” Maliwanag na tinutukoy ng 1 Pedro 3:19, 20 ang kalagayan ding iyon nang banggitin nito ang “mga espiritung nasa bilangguan, na naging masuwayin noon nang ang pagtitiis ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe.” At ipinahihiwatig ng Judas 6 na ang ‘pagsala sa marka,’ o pagkakasala, ng mga espiritung nilalang na iyon ay dahil ‘hindi nila iningatan ang kanilang orihinal na kalagayan kundi iniwan ang kanilang sariling wastong tahanang dako,’ ang wastong tahanang dako na maliwanag na tumutukoy sa langit na kinaroroonan ng Diyos.

Yamang ang hain ni Jesu-Kristo ay walang probisyon para sa pagtatakip ng mga kasalanan ng mga espiritung nilalang, walang dahilan upang maniwalang mapatatawad pa ang mga kasalanan ng masuwaying mga anghel na iyon. (Heb 2:14-17) Tulad ni Adan, sila’y sakdal na mga nilalang na walang likas na kahinaan na maaaring ituring na makapagpapagaan ng kanilang kasalanan kapag hinatulan ang kanilang masamang gawa.

Pagpapatawad ng mga Kasalanan. Gaya ng ipinakita sa artikulong IPAHAYAG NA MATUWID (Kung paano ‘ibinibilang’ na matuwid), ang Diyos na Jehova sa diwa ay nagtatala ng ‘kredito’ ng katuwiran sa kuwenta niyaong mga namumuhay ayon sa pananampalataya. Sa paggawa nito, ‘tinatakpan’ o ‘pinapawi’ ng Diyos ang mga kasalanan na disin sana’y sisingilin sa kuwenta ng mga tapat na iyon. (Ihambing ang Aw 32:1, 2; Isa 44:22; Gaw 3:19.) Kaya naman, inihalintulad ni Jesus ang “mga pagkakamali” at “mga kasalanan” sa ‘mga utang.’ (Ihambing ang Mat 6:14; 18:21-35; Luc 11:4.) Bagaman ang kanilang mga kasalanan ay gaya ng iskarlata, ‘hinuhugasan’ ni Jehova ang mantsa na nagpapaging-di-banal sa kanila. (Isa 1:18; Gaw 22:16) Ang paraan ng pagpapahayag ng Diyos ng kaniyang magiliw na awa at maibiging-kabaitan samantalang pinananatili ang kaniyang sakdal na katarungan at katuwiran ay tinatalakay sa PAGSISISI; PAKIKIPAGKASUNDO; PANTUBOS; at iba pang kaugnay na mga artikulo.

Pag-iwas sa Kasalanan. Ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ay isang pangunahing paraan upang maiwasan ang kasalanan, na isang katampalasanan, yamang ang pag-ibig ay isang namumukod-tanging katangian ng Diyos; ginawa niyang pundasyon ng kaniyang Kautusan sa Israel ang pag-ibig. (Mat 22:37-40; Ro 13:8-11) Sa ganitong paraan, ang mga Kristiyano ay maaaring maging kaisa ng Diyos at ng kaniyang Anak taglay ang kagalakan, at hindi hiwalay sa kaniya. (1Ju 1:3; 3:1-11, 24; 4:16) Ang mga ito ay tumatanggap ng patnubay ng banal na espiritu ng Diyos at maaaring “mabuhay ayon sa espiritu mula sa pangmalas ng Diyos,” anupat huminto na mula sa mga kasalanan (1Pe 4:1-6) at nagluluwal ng matuwid na mga bunga ng espiritu ng Diyos kahalili ng balakyot na mga bunga ng makasalanang laman. (Gal 5:16-26) Sa gayo’y maaari silang magtamo ng kalayaan mula sa pananaig ng kasalanan.​—Ro 6:12-22.

Kung ang isa ay may pananampalataya sa tiyak na gantimpala ng Diyos para sa katuwiran (Heb 11:1, 6), mapaglalabanan niya ang panghihikayat ng kasalanan na makibahagi sa pansamantalang kasiyahan nito. (Heb 11:24-26) Yamang “ang Diyos ay hindi isa na malilibak,” batid ng isang indibiduwal na hindi siya makaiiwas sa tuntunin na “anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin,” at sa gayo’y naipagsasanggalang siya mula sa panlilinlang ng kasalanan. (Gal 6:7, 8) Natatanto niya na ang mga kasalanan ay hindi maaaring itago nang habang panahon (1Ti 5:24) at na “bagaman ang isang makasalanan ay gumagawa ng masama nang isang daang ulit at nagpapatuloy nang mahabang panahon hangga’t kinalulugdan niya,” gayunma’y “magiging mabuti ang kalalabasan para sa mga natatakot sa tunay na Diyos,” ngunit hindi para sa balakyot na hindi natatakot sa Diyos. (Ec 8:11-13; ihambing ang Bil 32:23; Kaw 23:17, 18.) Anumang materyal na kayamanang natamo ng balakyot ay hindi makabibili ng proteksiyon para sa kanila laban sa paghatol ng Diyos (Zef 1:17, 18), at ang totoo, sa kalaunan, ang yaman ng makasalanan ay magiging isang bagay na “nakaimbak para sa matuwid.” (Kaw 13:21, 22; Ec 2:26) Yaong mga nagtataguyod ng katuwiran dahil sa pananampalataya ay makaiiwas sa pagpasan sa “mabigat na pasan” na dulot ng kasalanan, ang kawalan ng kapayapaan ng isip at puso, ang panghihinang bunga ng espirituwal na pagkakasakit.​—Aw 38:3-6, 18; 41:4.

Ang kaalaman tungkol sa salita ng Diyos ang saligan ng gayong pananampalataya at ang paraan upang mapatibay iyon. (Aw 119:11; ihambing ang Aw 106:7.) Ang taong nagmamadali sa pagkilos nang hindi muna naghahanap ng kaalaman tungkol sa kaniyang landas ay ‘sasala sa marka,’ anupat nagkakasala. (Kaw 19:2, tlb sa Rbi8) Dahil natatanto niya na ang ‘isang makasalanan ay makasisira ng maraming kabutihan,’ sinisikap ng taong matuwid na kumilos taglay ang tunay na karunungan. (Ihambing ang Ec 9:18; 10:1-4.) Isang matalinong landasin ang umiwas na makipagsamahan sa mga nagsasagawa ng huwad na pagsamba at sa mga taong may inklinasyon sa imoralidad, sapagkat ang mga ito’y bumibitag sa isa tungo sa kasalanan at sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.​—Exo 23:33; Ne 13:25, 26; Aw 26:9-11; Kaw 1:10-19; Ec 7:26; 1Co 15:33, 34.

Sabihin pa, maraming bagay na maaaring gawin o hindi gawin ng isa, o na maaari niyang gawin sa iba’t ibang paraan, nang hindi siya pinapatawan ng hatol ng kasalanan. (Ihambing ang 1Co 7:27, 28.) Hindi kinukulong ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng pagkarami-raming tagubilin may kaugnayan sa maliliit na detalye kung paano dapat gawin ang mga bagay-bagay. Maliwanag na inaasahan niyang gagamitin ng tao ang kaniyang katalinuhan, at binigyan din Niya siya ng sapat na kalayaan upang ipamalas ang kaniyang indibiduwal na personalidad at mga hilig. Maraming batas ang nakapaloob sa tipang Kautusan, ngunit kahit ang mga ito ay hindi nag-alis sa kalayaan ng mga tao na ipahayag ang kanilang sarili. Sa katulad na paraan, ang Kristiyanismo, na nagdiriin sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa bilang patnubay na alituntunin, ay nagbibigay rin sa mga tao ng pinakamalawak na kalayaang posible na maaaring naisin ng mga taong may mga pusong nakahilig sa katuwiran.​—Ihambing ang Mat 22:37-40; Ro 8:21; tingnan ang JEHOVA (Isang Diyos ng moral na mga pamantayan); KALAYAAN.