Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kasinungalingan

Kasinungalingan

Ang kabaligtaran ng katotohanan. Karaniwan na, ang pagsisinungaling ay nagsasangkot ng pagsasabi ng kabulaanan sa isang tao na may karapatang malaman ang katotohanan at ginagawa iyon sa layuning dayain o pinsalain siya o ang ibang tao. Ang kasinungalingan ay hindi naman laging sa pamamagitan lamang ng salita maipapahayag. Maipapahayag din ito sa gawa, samakatuwid nga, ang isang tao ay maaaring namumuhay sa isang kasinungalingan. Ang pandiwang Hebreo na nagtatawid ng ideya ng pagsasabi ng di-totoo ay ka·zavʹ. (Kaw 14:5) Ang isa pang pandiwang Hebreo na sha·qarʹ ay nangangahulugan namang “makitungo o kumilos nang may kabulaanan,” at ang anyong pangngalan nito ay isinasalin bilang “kasinungalingan; panlilinlang; kabulaanan.” (Lev 19:11; Aw 44:17; Lev 19:12; Aw 33:17; Isa 57:4) Ang Hebreong shawʼ, na isinasalin kung minsan bilang “kabulaanan,” ay pangunahin nang tumutukoy sa bagay na walang kabuluhan, walang saysay. (Aw 12:2; Deu 5:20; Aw 60:11; 89:47; Zac 10:2) Maliwanag na ang pandiwang Hebreo naman na ka·chashʹ (manlinlang) ay may saligang kahulugan na “hindi nakasisiya.” (Lev 19:11; Os 9:2) Ang terminong Griego na pseuʹdos at ang kaugnay na mga salita ay nauugnay sa pagsisinungaling at kabulaanan.

Ang ama, o tagapagpasimula, ng pagsisinungaling ay si Satanas na Diyablo. (Ju 8:44) Ang kasinungalingan niya na itinawid sa unang babaing si Eva sa pamamagitan ng isang serpiyente ay nagdulot noong bandang huli ng kamatayan kay Eva at sa asawa nitong si Adan. (Gen 3:1-5, 16-19) Nakaugat sa kasakiman at maling pagnanasa ang unang kasinungalingang iyon. Nilayon ito upang ang pag-ibig at pagsunod ng unang mag-asawa ay maibaling sa isa na sinungaling, na nagharap ng kaniyang sarili mismo bilang isang anghel ng liwanag, anupat isang tagapagpala. (Ihambing ang 2Co 11:14.) Ang lahat ng iba pang binigkas na mapaminsalang kasinungalingan mula noong panahong iyon ay kababanaagan din ng kasakiman at maling pagnanasa. Ang mga tao ay nagsisinungaling upang makaligtas sa nararapat na kaparusahan, upang makinabang sa ikapipinsala ng iba, at upang matamo o mapanatili ang ilang partikular na pakinabang, materyal na mga gantimpala, o ang papuri ng mga tao.

Ang lalo nang mabigat ay ang relihiyosong mga kasinungalingan, yamang isinasapanganib ng mga ito ang kinabukasan ng mga taong nadadaya ng mga ito. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat tinatawid ninyo ang dagat at ang tuyong lupa upang gawing proselita ang isa, at kapag naging gayon siya ay pinangyayari ninyong mapahanay siya ukol sa Gehenna na makalawang ulit pa kaysa sa inyong sarili.” (Mat 23:15) Kapag ipinagpapalit ng isang tao ang katotohanan ng Diyos tungo sa “kasinungalingan,” ang kabulaanan ng idolatriya, maaari siyang maging isang manggagawa ng masama at buktot na bagay.​—Ro 1:24-32.

Makikita sa kaso ng relihiyosong mga lider ng Judaismo noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa kung ano ang maaaring mangyari kapag iniwan ng isa ang katotohanan. Nagpakana sila na patayin si Jesus. Pagkatapos, nang buhayin siyang muli, sinuhulan nila ang mga kawal na nagbantay sa libingan upang ilihim ng mga ito ang katotohanan at magpalaganap sila ng isang kasinungalingan tungkol sa pagkawala ng katawan ni Jesus.​—Mat 12:14; 27:1, 2, 62-65; 28:11-15; Mar 14:1; Luc 20:19.

Ang Diyos na Jehova ay hindi makapagsisinungaling (Bil 23:19; Heb 6:13-18), at kinapopootan niya ang “bulaang dila.” (Kaw 6:16-19) Ang kautusan niya sa mga Israelita ay humihiling ng kabayaran para sa mga pinsalang idinulot ng panlilinlang o mapaminsalang pagsisinungaling. (Lev 6:2-7; 19:11, 12) At tatanggapin naman ng isang taong naghaharap ng bulaang patotoo ang kaparusahang hinahangad niyang ipataw sa iba sa pamamagitan ng kaniyang mga kasinungalingan. (Deu 19:15-21) Ang pangmalas ng Diyos sa mapaminsalang pagsisinungaling, gaya ng makikita sa Kautusan, ay hindi nagbago. Yaong mga naghahangad na matamo ang kaniyang pagsang-ayon ay hindi maaaring mamihasa sa pagsisinungaling. (Aw 5:6; Kaw 20:19; Col 3:9, 10; 1Ti 3:11; Apo 21:8, 27; 22:15) Hindi sila maaaring mamuhay sa kasinungalingan, anupat nag-aangking iniibig nila ang Diyos samantalang napopoot naman sa kanilang kapatid. (1Ju 4:20, 21) Dahil nagbulaan sila sa banal na espiritu sa pamamagitan ng pagsisinungaling, si Ananias at ang kaniyang asawa ay namatay.​—Gaw 5:1-11.

Gayunman, yaong mga taong nadala lamang ng situwasyon na magsinungaling ay hindi naman awtomatikong nakagawa ng kasalanang walang kapatawaran. Ipinakikita ng kaso ni Pedro, nang ikaila niya nang tatlong ulit si Jesus, na kapag ang isang tao ay tunay na nagsisisi, patatawarin siya ng Diyos.​—Mat 26:69-75.

Bagaman tiyakang hinahatulan sa Bibliya ang mapaminsalang pagsisinungaling, hindi ito nangangahulugang obligado ang isang tao na magsiwalat ng katotohanan sa mga taong walang karapatan doon. Nagpayo si Jesu-Kristo: “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anumang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy, upang hindi nila yurakan ang mga iyon sa ilalim ng kanilang mga paa at bumaling at kayo ay lapain.” (Mat 7:6) Kaya naman, sa ilang pagkakataon ay tumanggi si Jesus na magbigay ng kumpletong impormasyon o tuwirang mga sagot sa ilang tanong kung ang paggawa ng gayon ay magdudulot ng di-kanais-nais na pinsala. (Mat 15:1-6; 21:23-27; Ju 7:3-10) Maliwanag, ang naging pagkilos nina Abraham, Isaac, Rahab, at Eliseo nang iligaw nila o nang hindi nila sabihin ang buong katotohanan sa mga di-sumasamba kay Jehova ay dapat malasin sa gayunding paraan.​—Gen 12:10-19; kab 20; 26:1-10; Jos 2:1-6; San 2:25; 2Ha 6:11-23.

Hinahayaan ng Diyos na Jehova na “ang pagkilos ng kamalian” ay mapasa mga taong mas pumipili sa kabulaanan “upang mapaniwalaan nila ang kasinungalingan” sa halip na ang mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo. (2Te 2:9-12) Ang simulaing ito ay inilalarawan ng pangyayari may kinalaman sa Israelitang si Haring Ahab maraming siglo bago nito. Tiniyak ng nagsisinungaling na mga propeta kay Ahab na magtatagumpay siya sa digmaan laban sa Ramot-gilead, samantalang ang propeta ni Jehova na si Micaias ay humula naman ng kasakunaan. Gaya ng isiniwalat kay Micaias sa pangitain, pinahintulutan ni Jehova ang isang espiritung nilalang na maging isang “espiritung mapanlinlang” sa bibig ng mga propeta ni Ahab. Samakatuwid nga, ginamit ng espiritung nilalang na ito ang kaniyang kapangyarihan sa kanila upang kanilang salitain, hindi ang katotohanan, kundi ang nais nilang sabihin at ang nais ni Ahab na marinig mula sa kanila. Bagaman binabalaan na, mas pinili ni Ahab na magpalinlang sa kanilang mga kasinungalingan, at buhay niya ang naging kabayaran nito.​—1Ha 22:1-38; 2Cr 18.