Kastilyo
Ang salitang Hebreo na bi·rahʹ, isinalin bilang “kastilyo” o “nakukutaang dako,” ay makikita lamang sa mga aklat ng Daniel, Esther, Mga Cronica, at Nehemias, na natapos isulat pagkaraan ng pagkatapon sa Babilonya, sa pagitan ng mga 536 B.C.E. at pagkaraan ng mga 443 B.C.E.—1Cr 29:1, tlb sa Rbi8; 2Cr 17:12; Es 1:2, tlb sa Rbi8.
Nang sumulat si Ezra gamit ang wika noong kaniyang panahon, iniulat niya na tinawag ni David na “kastilyo” ang templo ni Solomon noong pinasisigla nito ang bayan na lubusang suportahan ang pagtatayo niyaon.—1Cr 29:1, 19.
Nagtayo si Nehemias ng isang kastilyo o tanggulan sa HK lamang ng muling-itinayong templo, kung saan ito pinakamadaling salakayin. (Ne 2:8; 7:2) Maliwanag na ang kastilyong ito ay pinalitan ng mga Macabeo at muling itinayo ni Herodes na Dakila, na siyang nagbigay rito ng pangalang Tore (Tanggulan) ng Antonia. Dito sumailalim si Pablo sa interogasyon ng Romanong kumandante ng militar.—Gaw 21:31, 32, 37; 22:24; tingnan ang ANTONIA, TORE NG.
Sa pana-panahon, ang hari ng Persia ay tumitira sa “kastilyo ng Susan,” mga 360 km (225 mi) sa S ng Babilonya. Dito nagtrabaho si Nehemias bilang katiwala ng kopa ng hari bago siya umalis patungong Jerusalem. (Ne 1:1) Ito rin ang tagpo ng isa sa mga pangitain ni Daniel. (Dan 8:2) Ngunit mas kilala ang “kastilyo ng Susan” bilang tagpo ng aklat ng Esther. (Es 1:2, 5; 3:15; 8:14) Waring ang “kastilyo ng Susan” ay hindi isang partikular na gusali kundi isang kalipunan ng maharlikang mga gusali na nasa loob ng isang nakukutaang lugar. Sinusuportahan ito ng ilang detalyeng binanggit sa ulat. Naroroon ang “bahay ng mga babae,” kung saan inihahanda ang mga dalaga bago iharap kay Ahasuero. (Es 2:3, 8) Bago siya binigyan ng mataas na posisyon sa pamahalaan, araw-araw na nakapuwesto si Mardokeo “sa pintuang-daan ng hari” na nasa “kastilyo ng Susan.”—Es 2:5, 21; 3:2-4; tingnan ang SUSAN.