Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kasulatan, I

Kasulatan, I

[sa Ingles, scripture].

Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na gra·pheʹ (“isang bagay na isinulat”) ay tumutukoy lamang sa sagradong mga akda na nasa Salita ng Diyos, ang Bibliya. May iba pang mga dokumento na ginamit ng mga manunulat kapuwa ng Hebreo at Griegong Kasulatan, gaya ng opisyal na pampublikong mga rekord ng talaangkanan, mga kasaysayan, at iba pa, ngunit ang mga ito ay hindi itinuring na kinasihan o kapantay ng mga akda na kinilala bilang kanonikal. Kahit ang mga apostol ay maaaring may isinulat na iba pang mga liham sa ilang kongregasyon. Halimbawa, ang pananalita ni Pablo sa 1 Corinto 5:9: “Sa aking liham ay sinulatan ko kayo,” ay nagpapahiwatig na may nauna na siyang liham sa mga taga-Corinto, isang liham na hindi na umiiral ngayon. Maliwanag na ang gayong mga akda ay hindi iningatan ng banal na espiritu ng Diyos para sa kongregasyong Kristiyano sapagkat mahalaga lamang ang mga iyon para sa mga sinulatan.

Ang salitang Griego na gramʹma, tumutukoy sa isang titik ng alpabeto, ay halaw sa pandiwang graʹpho. Kapag ginamit sa diwa ng “dokumento,” kung minsan ay isinasalin ito sa ilang bersiyon bilang “kasulatan,” at sa iba naman bilang “isinulat.” Sa Juan 5:47 at 2 Timoteo 3:15, ang salitang ito ay ginagamit upang tumukoy sa kinasihang “mga isinulat” o “mga kasulatan” ng Hebreong Kasulatan.​—Tingnan ang HEBREONG KASULATAN; KRISTIYANONG GRIEGONG KASULATAN.

Ginamit ni Kristo at ng mga Apostol. Madalas gamitin ni Jesu-Kristo at ng mga manunulat ng Kristiyanong Kasulatan ang salitang gra·pheʹ upang tukuyin ang mga akda ni Moises at ng mga propeta bilang awtoridad nila sa kanilang pagtuturo o sa kanilang gawain, sa dahilang ang mga akdang ito ay kinasihan ng Diyos. Kalimitan, ang Hebreong mga akdang ito ay tinutukoy sa kabuuan bilang “Kasulatan.” (Mat 21:42; 22:29; Mar 14:49; Ju 5:39; Gaw 17:11; 18:24, 28) Kung minsan, ang salitang “Kasulatan” ay ginagamit sa diwang pang-isahan kapag isang partikular na teksto ang sinisipi, anupat tinutukoy iyon bilang bahagi ng buong kalipunan ng mga akda sa Hebreong Kasulatan. (Ro 9:17; Gal 3:8) Gayundin, maaaring tukuyin ang iisang teksto bilang isang “kasulatan,” sa diwa na ito’y isang mapanghahawakang pananalita. (Mar 12:10; Luc 4:21; Ju 19:24, 36, 37) Sa 2 Timoteo 3:16 at 2 Pedro 1:20, lumilitaw na ang kinasihang mga akda kapuwa sa Hebreo at Griego ang tinutukoy ni Pablo at ni Pedro bilang “Kasulatan.” Sa 2 Pedro 3:15, 16, itinuturing ni Pedro ang mga sulat ni Pablo bilang bahagi ng “Kasulatan.”

Ang pananalitang “makahulang mga kasulatan” (Ro 16:26) ay maaaring tumukoy sa pagiging makahula ng buong Hebreong Kasulatan.​—Ihambing ang Apo 19:10.

Binigyang-Katauhan. Yamang ang Kasulatan ay kinilala bilang kinasihan ng Diyos, bilang kaniyang Salita, ang tinig ng Diyos​—sa diwa ay nagsasalita ang Diyos​—kung minsan ay binibigyang-katauhan ito na para bang nagsasalita taglay ang awtoridad ng Diyos (kung paanong ang banal na espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos ay binigyang-katauhan ni Jesus, at tinukoy na nagtuturo at nagpapatotoo [Ju 14:26; 15:26]). (Ju 7:42; 19:37; Ro 4:3; 9:17) Sa gayunding kadahilanan, ang Kasulatan ay tinutukoy na para bang nagtataglay ng malayong pananaw at ng kakayahang mangaral.​—Gal 3:8; ihambing ang Mat 11:13; Gal 3:22.

Mahalaga Para sa mga Kristiyano. Yamang laging ginagamit ni Jesu-Kristo ang Hebreong Kasulatan upang suportahan ang kaniyang turo, mahalaga na huwag lumihis doon ang kaniyang mga tagasunod. Idiniin ng apostol na si Pablo ang kahalagahan at katangian niyaon nang sabihin niya: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”​—2Ti 3:16, 17.