Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Katarungan

Katarungan

Ang pagpapanatili o paggagawad ng kung ano ang tama sa paraang walang kinikilingan at walang itinatangi at alinsunod sa isang pamantayan. Ang salitang Hebreo na mish·patʹ, kadalasang isinasalin bilang “katarungan” o “kahatulan” (NW, RS), ay maaari ring magtawid ng ideya ng isang partikular na plano (Exo 26:30), kaugalian (Gen 40:13), alituntunin (2Cr 4:20), o karaniwang pamamaraan (Lev 5:10) ng paggawa ng mga bagay-bagay.

Ang dalawang salitang Hebreo na pinakamalimit isalin bilang “katarungan” sa King James Version (tseʹdheq at tsedha·qahʹ) ay kadalasang isinasalin bilang “katuwiran” sa Bagong Sanlibutang Salin. (Gen 18:19; Job 8:3) Bagaman ang katarungan ay nauugnay sa batas, wala naman talagang pagkakaiba ang katarungan at ang katuwiran.​—Ihambing ang Am 5:24.

Isang salitang Griego na isinasalin bilang “kasuwato ng katarungan” (NW) ang tumutukoy sa isang bagay na “matuwid” (KJ, RS) o nararapat. (Ro 3:8; Heb 2:2) “Kahatulan” at “paghihiganti” naman ang pangunahing mga kahulugan ng dalawang iba pang salitang Griego na kung minsan ay isinasalin bilang “katarungan.”​—Mat 12:20, NW, RS; Luc 18:7, NW.

Ang kataas-taasang Hukom at Tagapagbigay-Batas (Isa 33:22), ang Diyos na Jehova, “ay maibigin sa katuwiran at katarungan.” (Aw 33:5) “Ang katarungan at ang saganang katuwiran ay hindi niya mamaliitin.” (Job 37:23) Ginagarantiyahan nito na hindi niya kailanman pababayaan ang kaniyang mga matapat. (Aw 37:28) Si Jehova ay hindi nagtatangi sa pakikitungo sa kaniyang mga nilalang, kundi tinatanggap niya at pinagkakalooban niya ng kaniyang pagpapala ang lahat niyaong may takot sa kaniya at nagsasagawa ng katuwiran. (Gaw 10:34, 35) Pinarurusahan o ginagantimpalaan niya ang mga indibiduwal at mga bansa ayon sa kanilang mga gawa. (Ro 2:3-11; Efe 6:7-9; Col 3:22–4:1) Ang katarungan ni Jehova ay tinitimbangan din ng awa, dahil dito, ang mga tao at mga bansa ay nabibigyan ng pagkakataong tumalikod mula sa kanilang balakyot na mga daan at sa gayon ay maligtas mula sa paglalapat niya ng kaniyang masasamang hatol.​—Jer 18:7-10; Eze 33:14-16; tingnan ang IPAHAYAG NA MATUWID.

Ang karunungan ni Jehova ay lubhang nakahihigit kaysa sa karunungan ng di-sakdal na mga tao, at ang tao, hindi ang Diyos, ang kailangang matuto ng landas ng katarungan. (Isa 40:14) Kaya nga, wala sa posisyon ang tao para hatulan ang mga pagkilos ng Diyos kung ang mga ito ay makatarungan o di-makatarungan, sa halip ay dapat niyang matutuhang iayon ang kaniyang pag-iisip sa pamantayan ng katarungan na isiniwalat ni Jehova sa kaniyang Salita. Sinabi ng Diyos sa mga Israelita: “Kung tungkol sa aking mga daan, hindi ba nakaayos nang wasto ang mga iyon, O sambahayan ng Israel? Hindi ba ang mga daan ninyo ang siyang hindi nakaayos nang wasto?” (Eze 18:29) Isa pa, dahil si Jehova ang Maylalang, walang saligan upang kuwestiyunin ang pagiging matuwid ng kaniyang mga ginagawa.​—Ro 9:20, 21; tingnan din ang Job 40:8–41:34.

Kung gayon, mula’t sapol ay makatuwiran na hinihiling ni Jehova na alamin niyaong mga nagnanais magtamo ng kaniyang pagsang-ayon ang kaniyang pamantayan ng katarungan at sundin iyon. (Isa 1:17, 18; 10:1, 2; Jer 7:5-7; 21:12; 22:3, 4; Eze 45:9, 10; Am 5:15; Mik 3:9-12; 6:8; Zac 7:9-12) Tulad ng Diyos, hindi sila dapat magtangi, yamang ang paggawa nito ay di-matuwid at lumalabag sa batas ng pag-ibig. (San 2:1-9) Gayunman, ang pagsasagawa ng katarungan ayon sa pamantayan ng Diyos ay hindi isang pabigat; sa katunayan, nakasalalay rito ang kaligayahan ng tao. (Aw 106:3; ihambing ang Isa 56:1, 2.) Ang katotohanang ito ay kinilala ng tanyag na huristang Ingles na si Blackstone: “Napakaingat na pinag-ugnay, at napakahigpit na hinabi [ng Diyos] ang mga batas ng walang-hanggang katarungan at ang kaligayahan ng bawat indibiduwal, anupat ang huling nabanggit ay hindi matatamo malibang tuparin ang unang nabanggit; at, kung ang naunang nabanggit naman ay kaagad na susundin, tiyak na ibubunga nito ang huling nabanggit.”​—Chadman’s Cyclopedia of Law, 1912, Tomo I, p. 88.

Nakatutulong din sa kaligayahan at kapakanan ng mga sakop ng awtoridad ng pamahalaan ang wastong pagsasagawa nito ng katarungan. (Ihambing ang Kaw 29:4.) Yamang sa lahat ng pagkakataon ay magsasagawa ng katarungan si Kristo Jesus bilang Hari ng Kaharian ng Diyos at yaong lahat ng naglilingkod sa mga administratibong tungkulin sa ilalim niya, ang kaniyang matapat na mga sakop ay malulugod na magpasakop sa kaniyang matuwid na pamamahala.​—Isa 9:6, 7; 32:1, 16-18; 42:1-4; Mat 12:18-21; Ju 5:30; ihambing ang Kaw 29:2.

May kinalaman sa paglalapat ng katarungan at sa mga simulaing nasasangkot dito, tingnan ang HUKUMAN; KAUTUSAN; USAPIN SA BATAS.