Katinuan
[sa Ingles, soberness].
Ang mga salitang Griego na neʹpho (pandiwa) at ne·phaʹli·os (pang-uri) ay pangunahin nang tumutukoy sa kalagayan ng pagiging hindi lasing. Gayunman, ang mga ito’y ginagamit sa Kasulatan pangunahin na sa isang makasagisag na diwa. Ang mga ito’y may ideya ng pagiging matino, katamtaman ang mga pag-uugali, mapagpuyat, mapagbantay, o ng pagpapanatili ng katinuan. Ang isang kaugnay na salita, e·kneʹpho, na pangunahin nang nangangahulugang “mahimasmasan,” ay ginamit sa Griegong Septuagint sa Genesis 9:24: “Si Noe ay nanumbalik [nagising] mula sa alak.” Bilang karagdagan, ang terminong Griegong ito ay ginamit sa bersiyon ding iyon sa Joel 1:5, kung saan nanawagan ang propeta sa espirituwal na “mga lasenggo” ng Israel na “gumising,” at sa Habakuk 2:19, kung saan inihula ang kaabahan para sa mga mananamba ng mga idolo na nagsasabi sa mga piraso ng kahoy at bato, “Gumising!”
Nang isa-isahin ng apostol na si Pablo ang mga kuwalipikasyon para sa mga inaatasan bilang mga tagapangasiwa sa mga kongregasyong Kristiyano, sinabi niyang ang isang tagapangasiwa ay dapat na “katamtaman ang mga pag-uugali” (sa Gr., ne·phaʹli·os). Kasama rito ang hindi pagpapakalabis sa alak, yamang sinasabi rin na siya ay hindi dapat na isang “lasenggong basag-ulero.” Ipinakikita ng salitang ne·phaʹli·os na ang lalaking iyon ay may katinuan at nagpapakita ng pagiging katamtaman sa iba pang mga bagay, gaya ng pananalita at paggawi, bukod pa sa nakagawian na niyang maging katamtaman sa pag-inom ng alak.—1Ti 3:2, 3.
Ang mga babae sa kongregasyon ay binibigyan ng katulad na payo, na maging “seryoso, hindi naninirang-puri, katamtaman ang mga pag-uugali, tapat sa lahat ng mga bagay.” (1Ti 3:11) Ang matatandang lalaki at babae ay pinapayuhan din nang ganito, anupat ang matatandang babae ay magpapakita ng halimbawa “upang mapanauli nila sa katinuan ang mga kabataang babae,” upang maging mabubuting asawa at ina, na nagpapasakop sa kani-kanilang asawa.—Tit 2:2-5.
Nang ituwid ni Pablo ang kongregasyon sa Corinto, na naimpluwensiyahan ng ilang taong nagtataguyod ng maling doktrina, sinabi niya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali. Gumising kayong may katinuan [isang anyo ng e·kneʹpho] sa matuwid na paraan at huwag mamihasa sa kasalanan, sapagkat ang ilan ay walang kaalaman sa Diyos. Nagsasalita ako upang makadama kayo ng kahihiyan.” (1Co 15:33, 34) Dapat silang gumising mula sa pagkalango sa maling doktrina, na nagliligaw sa ilan at nagdudulot ng espirituwal na pagkakasakit at kamatayan pa nga. (1Co 11:30) Sa gayunding diwa, bago nito ay sumulat na siya sa mga taga-Tesalonica, na nililigalig ng mga taong nagtataguyod ng mga bagay na hindi itinuro ng mga apostol. Hinggil sa “araw ni Jehova,” sinabi niya na ang araw na iyon ay biglang darating ngunit hindi niyaon aabutan ang tunay at tapat na mga Kristiyano gaya ng sa mga magnanakaw. Dahil dito, hindi sila dapat antukin, kundi dapat nilang tiyakin na sila’y mapagbantay. Dapat silang ‘manatiling gising at panatilihin ang kanilang katinuan [sa literal, maging matino].’—1Te 5:2-6, 8.
Nagbabala rin si Pablo kay Timoteo hinggil sa dumarating na apostasya, at sa panganib na idudulot nito sa pagkakaisa ng mga Kristiyanong nagnanais na manatiling tapat. Si Timoteo lalung-lalo na, bilang tagapangasiwa, ay kinailangang magbantay upang ‘mapanatili ang kaniyang katinuan [maging matino ang pag-iisip] sa lahat ng mga bagay,’ 2Ti 4:3-5) Sa pagpapanatili niya ng kaniyang katinuan, matatanto ni Timoteo na hindi na magtatagal at mawawala na si Pablo (2Ti 4:6-8), at na sa bandang huli, si Timoteo mismo ay mawawala na rin, kaya naman ang mga bagay na kaniyang natutuhan ay dapat niyang ipagkatiwala sa mga taong tapat, na magiging lubusang kuwalipikado na magturo naman sa iba. (2Ti 2:2) Sa gayon, ang kongregasyon ay mapatitibay bilang isang pananggalang laban sa dumarating na apostasya, anupat nagiging “isang haligi at suhay ng katotohanan.”—1Ti 3:15.
upang ‘magtiis ng kasamaan, gawin ang gawain ng isang ebanghelisador, lubusang ganapin ang kaniyang ministeryo.’ (Sa gayunding paraan, ang apostol na si Pedro, palibhasa’y nalalaman niyang siya at ang kaniyang mga kapuwa apostol ay hindi na magtatagal (2Pe 1:14) upang magsilbing pamigil sa apostasya na pakana ng Diyablo, ay nagpayo sa mga Kristiyano na manghawakang mahigpit sa kanilang kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo, anupat ‘pinananatiling lubos ang kanilang katinuan [sa literal, maging ganap na matino], na inilalagak ang kanilang pag-asa sa di-sana-nararapat na kabaitan na dadalhin sa kanila sa pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo.’ (1Pe 1:13) Dahil napakakritikal ng panahon, at sumisidhi ang pag-uusig mula sa sanlibutan, dapat silang maging matino sa pag-iisip, maging mapagbantay, mapagpuyat, at huwag nilang pabayaan ang taimtim na pananalangin, upang magkamit sila ng lakas na kakailanganin nila para sa pagbabata. (1Pe 4:7) Binabalaan niya sila at pinayuhan na panatilihin ang kanilang katinuan, sapagkat ang Diyablo ay tulad ng isang leong umuungal na naghahanap ng masisila, at kailangan silang manindigang matatag laban sa Diyablo. Mangangailangan ito ng katinuan, pagkaseryoso, at pagpipigil sa sarili.—1Pe 5:8, 9.