Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Katiwala

Katiwala

Isa na inatasang mangasiwa sa sambahayan o pag-aari ng iba. Ang salitang Hebreo na so·khenʹ ay isinasalin bilang “katiwala.” (Isa 22:15) Ang mo·shelʹ, na nangangahulugang “isa na namamahala,” ay tumutukoy rin sa isang katiwala. (Gen 24:2, tlb sa Rbi8) Ang Griegong oi·ko·noʹmos (katiwala) ay maaari ring isalin bilang “tagapamahala sa sambahayan.”​—Luc 12:42, tlb sa Rbi8.

Ang katiwala ay maaaring isang taong laya o isang pinagkakatiwalaang alipin. Waring ang ‘di-matuwid na katiwala’ na tinukoy ni Jesus sa isa sa mga ilustrasyon niya ay inilalarawan bilang isang taong laya. (Luc 16:1, 2, 4) Ang mga hari, at ang maraming mayayaman o mararangal na tao, ay may mga katiwala, at magkakaiba ang antas ng awtoridad na ipinagkakaloob nila sa kanilang mga katiwala. Hindi nalalayo rito ang kahulugan ng salitang Griego na e·piʹtro·pos, “tauhang tagapangasiwa,” yamang kadalasan, ang katiwala rin ang nangangasiwa sa bahay at sa iba pang mga lingkod at ari-arian, at kung minsan ay pati sa mga negosyo.​—Gal 4:1-3; Luc 16:1-3.

Si Abraham ay may tapat na lingkod, si Eliezer ng Damasco, ang tauhang nangangasiwa sa kaniyang mga ari-arian, na binubuo ng napakaraming alagang hayop at, noong minsan, ng maraming alipin, bagaman si Abraham ay walang pag-aaring lupain maliban sa isang loteng libingan. (Gen 13:2; 14:14; 15:2; 23:17-20; Gaw 7:4, 5) Bilang isang alipin sa Ehipto, si Jose ay nangasiwa sa bahay ni Potipar. (Gen 39:1-4, 8, 9) Nang maglaon, nagkaroon din siya ng isang katiwala. (Gen 44:4) Si Haring Elah ng Israel ay may tauhang namamahala sa kaniyang sambahayan sa Tirza. Malamang na ganito rin ang kaugalian ng iba pang sinaunang mga hari. (1Ha 16:9) Noong mga araw ni Haring Hezekias ng Juda, si Sebna ang katiwalang namamahala sa bahay ng hari, ngunit siya’y naging di-tapat at hinalinhan ni Eliakim na anak ni Hilkias.​—Isa 22:15, 20, 21.

Ayon sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, si Herodes Antipas ay may tauhang tagapangasiwa sa kaniyang bahay. Ang asawa ng lalaking ito ay naglingkod kay Jesus mula sa kaniyang mga tinatangkilik. (Luc 8:3) Sa isang ilustrasyon, tinukoy ni Jesus ang isang tauhang tagapangasiwa ng mga trabahador sa ubasan na siyang nagbabayad sa kanila sa pagtatapos ng maghapon.​—Mat 20:8.

Ang mga pananagutan at pangangasiwa ng isang katiwala ay angkop na lumalarawan sa ministeryong ipinagkatiwala ng Diyos na Jehova sa mga Kristiyano. Sa hula ni Jesus tungkol sa mga huling araw, binanggit niya ang “tapat at maingat na alipin”— na naglilingkod din bilang katiwala niya, isang tagapamahala sa sambahayan ng mga mananampalataya—na maglalaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mat 24:45; Luc 12:42-44) Ang mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano ay “mga katiwala” rin, at mahigpit na hinihiling sa kanila ang katapatan. (Tit 1:7; 1Co 4:1, 2) Bilang isang apostol, lalo na’t isang apostol sa mga Gentil, si Pablo ay inatasan upang maging isang pantanging katiwala. (1Co 9:17; Efe 3:1, 2) Itinawag-pansin ni Pedro sa lahat ng Kristiyano, mga tagapangasiwa at iba pa, na sila ay mga katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ipinamamalas sa iba’t ibang paraan, at ipinakikita niya na ang bawat isa ay may larangan, o dako, sa kaayusan ng Diyos kung saan maisasakatuparan ang pagiging tapat na katiwala.​—1Pe 4:10.