Katuwiran
[sa Ingles, righteousness].
Ang Hebreong tseʹdheq at tsedha·qahʹ gayundin ang Griegong di·kai·o·syʹne ay may diwa ng “pagkamatuwid,” “katapatan,” anupat nagpapahiwatig ng isang pamantayan o parisan na nagtatakda ng kung ano ang matuwid. Malimit gamitin ang “katuwiran” may kaugnayan sa isang hukom, o sa kahatulan, anupat ang terminong ito ay nagkakaroon ng bahagyang legal na kahulugan (kaya naman kung minsan, ang mga termino sa orihinal na wika ay isinasalin bilang “katarungan”). (Aw 35:24; 72:2; 96:13; Isa 11:4; Apo 19:11) Sa Kautusang Mosaiko, sa Levitico 19:36, ang tseʹdheq ay ginamit nang apat na ulit may kaugnayan sa mga transaksiyon sa negosyo: “Magkaroon kayo ng hustong [“makatarungan,” AT, KJ, Le] timbangan, hustong mga panimbang, hustong epa at hustong hin.”
Ang Diyos ang Nagtatakda ng Pamantayan. Ganito ang sabi ng iskolar sa Griego na si Kenneth S. Wuest: “Ang Diyos ang ganap na pamantayan na nagtatakda ng diwa ng kahulugan ng dikaios [matuwid], at kasabay nito ay pinananatili niyang pareho at di-nagbabago ang diwa ng kahulugan nito, yamang Siya ang Isa na di-nagbabago.” Pagkatapos ay sinipi niya ang sinabi ni Cremer: “Sa diwa ng Bibliya, ang katuwiran ay isang kalagayan ng pagiging matuwid kung saan ang pamantayan ay ang Diyos, na isinusunod sa kaniyang pamantayan, na namamalas sa pag-uugaling iniaayon sa Diyos, at higit sa lahat ay may kinalaman sa kaugnayan nito sa Diyos, at sa paglakad sa harapan Niya. Ito ang, at tinatawag itong dikaiosune theou (katuwiran ng Diyos) (Rom. 3:21, 1:17), katuwiran na taglay ng Diyos, at may halaga sa Kaniya, tulad-Diyos na katuwiran, tingnan ang Efe. 4:24; sa ganitong katuturan ng katuwiran, dumating ang ebanghelyo (Rom. 1:17) sa daigdig ng mga bansa na karaniwang sumusukat dito sa pamamagitan ng ibang pamantayan.”—Studies in the Vocabulary of the Greek New Testament, 1946, p. 37.
Ipinakita ni Lucas ang diwa ng pagiging matuwid ng isang tao nang sabihin niya tungkol sa saserdoteng si Zacarias at sa asawa nitong si Elisabet (mga magulang ni Juan na Tagapagbautismo): “Sila ay kapuwa matuwid sa harap ng Diyos dahil sa paglakad nang walang kapintasan ayon sa lahat ng mga utos at mga kahilingan ng batas ni Jehova.” (Luc 1:6) Ang katuwiran ay sinusukat sa pamamagitan ng pag-ayon sa kalooban ng Diyos at sa kaniyang mga utos. Maaaring magkaiba-iba ang kaniyang espesipikong mga utos sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang tao—hindi na naulit pa ang utos niya kay Noe na magtayo ng isang arka at hindi na rin kapit sa mga Kristiyano ang kaniyang utos may kinalaman sa pagtutuli. Gayunpaman, ang personal na mga pamantayan ng Diyos, ang kaniyang personalidad, at kung ano siya, gaya ng ipinahahayag ng kaniyang mga salita at mga daan, ay hindi nagbabago kailanman anupat naglalaan ng sakdal na pamantayan, ‘tulad-bato’ sa katatagan, na magagamit na panukat sa paggawi ng lahat ng kaniyang mga nilalang.—Deu 32:4; Job 34:10; Aw 92:15; Eze 18:25-31; 33:17-20.
Kabutihan at Katuwiran. Nang tukuyin ng apostol na si Pablo ang sakripisyong kamatayan ni Kristo, waring ipinakita niya ang pagkakaiba ng kabutihan at ng katuwiran nang kaniyang sabihin: “Sapagkat halos walang sinuman ang mamamatay para sa isang taong matuwid; totoo nga, para sa taong mabuti, marahil, ay may mangangahas pa ngang mamatay. Ngunit inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” (Ro 5:7, 8) Ang isang tao ay matatawag na “matuwid” kung tinutupad niya ang kaniyang wastong mga obligasyon, kung siya ay makatarungan, walang itinatangi, matapat, hindi gumagawa ng masama o imoralidad, samakatuwid ay isa na kilalá sa katapatan ng paggawi at katuwiran. Gayunman, ipinahihiwatig ng pananalita ni Pablo na may kahigitan ang taong “mabuti.” Sabihin pa, upang maging “mabuti,” ang isang indibiduwal ay hindi maaaring maging liko o tiwali; gayunman, mayroon pang ibang mga katangian na nagpapaiba sa kaniya mula sa tao na pangunahing kilalá sa pagiging matuwid. Ipinakikita ng pagkakagamit sa terminong Griegong ito na ang taong kilalá sa kabutihan ay isa na mapagkawanggawa (nakahilig na gumawa ng mabuti o magdulot ng pakinabang sa iba) at mapagbigay (aktibong nagpapahayag ng gayong kabutihan). Hindi lamang siya nababahala sa paggawa ng kung ano ang hinihiling ng katarungan kundi higit pa rito ang ginagawa niya, anupat nauudyukan siya ng mabuting konsiderasyon sa iba at ng pagnanais na makinabang sila at makatulong sa kanila.—Ihambing ang Mat 12:35; 20:10-15; Luc 6:9, 33, 35, 36; Ju 7:12; Gaw 14:17; Ro 12:20, 21; 1Te 5:15.
Sa gayon, maliwanag na ipinakikita ni Pablo na bagaman maaaring makamit ng taong kilalá sa pagiging “matuwid” ang paggalang, maging ang paghanga pa nga, ng iba, baka hindi niya gaanong masaling ang kanilang puso anupat mauudyukan ang sinuman na mamatay para sa kaniya. Gayunman, ang taong namumukod-tangi sa kaniyang kabutihan, na mapagmalasakit, matulungin, makonsiderasyon, maawain, aktibong gumagawa ukol sa kapakinabangan ng iba, ay nagtatamo ng pagmamahal; at maaaring ang kabutihan niya ay sapat na makasasaling sa puso anupat, para sa gayong uri ng tao, baka handang mamatay ang isang tao.
Sa Kasulatan, mapapansin na ang “mabuti” ay kabaligtaran ng “buktot” (Ju 5:29; Ro 9:11; 2Co 5:10), “balakyot” (Mat 5:45; Ro 12:9), “masama” (Ro 16:19; 3Ju 11), at “kasamaan” (1Pe 3:11). Sa kabilang dako naman, ang isa na “matuwid” ay kabaligtaran ng “makasalanan” (ang taong di-matuwid). (Mar 2:17; Luc 15:7) Kung paanong ang isang tao ay maaaring maging makasalanan (dahil hindi siya nakatutugon sa matuwid na mga pamantayan) gayunma’y hindi naman matatawag o mauuri na “buktot,” “balakyot,” o “masama,” maaari rin na ang isa ay taong “matuwid” subalit hindi naman matatawag o mauuri na isang taong “mabuti,” ayon sa diwang natalakay na.
Kilalá si Jose ng Arimatea bilang kapuwa “mabuti at matuwid.” Sabihin pa, ang mga terminong ito ay laging ginagamit sa relatibong diwa kapag ikinakapit sa mga taong di-sakdal. (Luc 23:50; ihambing ang Mat 19:16, 17; Mar 10:17, 18; tingnan ang KABUTIHAN [Ang Kabutihan ni Jehova].) Ang mga utos sa kautusan ng Diyos sa Israel ay “banal [yamang galing ito sa Diyos] at matuwid [yamang sakdal ito sa katarungan] at mabuti [yamang kapaki-pakinabang ito sa bawat bagay sa mga tumutupad ng mga ito].”—Ro 7:12; ihambing ang Efe 5:9.
Si Jehova, ang Isa na Matuwid. Ang mga salitang Hebreo na tseʹdheq at tsedha·qahʹ at ang Griegong di·kai·o·syʹne ay malimit lumitaw may kinalaman sa pagiging matuwid ng mga daan ng Diyos: bilang Soberano (Job 37:23; Aw 71:19; 89:14), sa pagpapataw at paglalapat ng kahatulan at katarungan (Aw 9:8; 85:11; Isa 26:9; 2Co 3:9), sa pagpaparusa sa nag-aangking bayan niya (Isa 10:22), sa pagbabangong-puri ng kaniyang sarili sa kahatulan (Aw 51:4; Ro 3:4, 5), at sa pagbabangong-puri ng kaniyang bayan (Mik 7:9).
Si Jehova mismo ay tinatawag na “tinatahanang dako ng katuwiran.” (Jer 50:7) Kaya naman siya ang Isa na Matuwid, at lahat ng katuwiran sa bahagi ng kaniyang mga nilalang ay nagmumula sa kaugnayan nila sa kaniya. Sinusunod ni Jehova ang kaniyang sariling pamantayan ng katuwiran at hindi siya lumilihis dito. Kaya naman lubos na makapagtitiwala sa kaniya ang kaniyang mga nilalang. Ganito ang nasusulat tungkol sa kaniya: “Ang katuwiran at ang kahatulan ang siyang tatag na dako ng iyong trono.”—Aw 89:14.
Matuwid habang nagpapakita ng awa. Gayon na lamang ang katuwiran, katarungan, at kadalisayan ni Jehova anupat hindi niya maaaring kunsintihin ang anumang kasalanan. (Aw 5:4; Isa 6:3, 5; Hab 1:13; 1Pe 1:15) Dahil dito, hindi niya maaaring patawarin ang mga kasalanan ng sangkatauhan kung hindi matutugunan ang katarungan—sa diwa, kung walang legal na saligan. Ngunit sa pamamagitan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, ginawa niya ang makatarungang kaayusang ito sa pamamagitan ng paglalaan ng kaniyang Anak bilang isang haing handog, isang pampalubag-loob, o isang panakip sa mga kasalanan. Sa ganitong paraan, matuwid siyang makapagpapakita ng awa sa mga makasalanang tumatanggap sa kaayusang ito. Ipinapahayag ni Pablo ang bagay na ito sa ganitong paraan: “Ngunit ngayon hiwalay sa kautusan ay inihayag ang katuwiran ng Diyos, . . . oo, ang katuwiran ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo . . . Sapagkat ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos, at isa ngang kaloob na walang bayad na sila ay ipinahahayag na matuwid ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus. . . . upang siya [ang Diyos] ay maging matuwid kahit ipinahahayag niyang matuwid ang taong [likas na makasalanan ngunit] may pananampalataya kay Jesus.”—Ro 3:21-26; tingnan ang IPAHAYAG NA MATUWID.
Mat 6:33) Kailangan na patuluyang hanapin ng isa ang Kaharian; dapat niyang nasain ang pamahalaang iyon at maging matapat doon. Ngunit hindi niya dapat kalimutan na iyon ay Kaharian ng Diyos; dapat siyang umayon sa kalooban ng Diyos, sa pamantayan ng Diyos ng tama at maling paggawi, at dapat niyang patuluyang ‘baguhin ang kaniyang pag-iisip’ upang ang bawat pitak ng kaniyang buhay ay maging alinsunod sa katuwiran ng Diyos. (Ro 12:2) Dapat siyang “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.”—Efe 4:23, 24.
Hanapin ang Katuwiran ng Diyos. Pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig: ‘Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran ng Diyos, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.’ (Inakala ng mga Judio na ligtas sila at tatanggapin nila ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagsisikap na itatag ang sarili nilang katuwiran, ngunit hindi sila nagpasakop sa katuwiran ng Diyos. (Ro 10:1-3) Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Sapagkat sinasabi ko sa inyo na kung ang inyong katuwiran ay hindi nananagana nang higit kaysa roon sa mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo sa anumang paraan makapapasok sa kaharian ng langit.” Ang mga taong ito ay may anyo ng katuwiran sa kanilang pagsunod sa ilang kahilingan ng Kautusan at sa mga tradisyong idinagdag nila. Ngunit sa katunayan ay pinawalang-bisa nila ang salita ng Diyos dahil sa kanilang tradisyon, at itinakwil nila si Kristo, ang daang inilaan ng Diyos na sa pamamagitan niya ay maaari sana silang magtamo ng tunay na katuwiran.—Mat 5:17-20; 15:3-9; Ro 10:4.
Ang katuwiran ay hindi sa pamamagitan ng sariling mga gawa. Dahil dito, maliwanag na ang di-sakdal na mga tao ay hindi kailanman makapagtatamo ng tunay na katuwiran—hindi nila maaabot ang katuwiran ng Diyos—sa pamamagitan man ng pagsandig sa mga gawa ng Kautusang Mosaiko o sa pamamagitan ng sarili nilang mga gawang pagmamatuwid sa sarili. (Ro 3:10; 9:30-32; Gal 2:21; 3:21; Tit 3:5) Ang mga taong tinawag ng Diyos bilang “matuwid” ay mga taong nanampalataya sa Diyos at hindi nagtiwala sa kanilang sariling mga gawa kundi sinuhayan nila ang pananampalatayang iyon sa pamamagitan ng mga gawang kasuwato ng kaniyang matuwid na pamantayan.—Gen 15:6; Ro 4:3-9; San 2:18-24.
Ang Kautusan ay matuwid. Hindi ito nangangahulugan na wala sa Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang pamantayan ng Diyos sa katuwiran. Ang totoo ay nakapaloob ito roon. Nagpaliwanag ang apostol: “Kaya nga, sa ganang sarili, ang Kautusan ay banal, at ang utos ay banal at matuwid at mabuti.” (Ro 7:12; Deu 4:8) Tinupad nito ang layunin ng Diyos na mahayag ang mga pagsalansang at maging tagapagturo na aakay sa tapat-pusong mga Judio tungo kay Kristo, at ang pagkakaroon din ng anino ng mabubuting bagay na darating. (Gal 3:19, 24; Heb 10:1) Ngunit hindi ito nakapagdulot ng tunay at lubos na katuwiran sa mga nasa ilalim nito. Lahat sila ay mga makasalanan; hindi nila kayang tuparin nang ganap ang Kautusan; at hindi nagawang alisin ng kanilang mataas na saserdote ang kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang mga hain at mga paglilingkod. Dahil dito, makapagtatamo lamang sila ng katuwiran sa pamamagitan ng pagtanggap sa paglalaan ng Diyos ng kaniyang Anak. (Ro 8:3, 4; Heb 7:18-28) Yaong mga tumatanggap kay Kristo ay ipinahahayag na matuwid, hindi bilang kabayaran, kundi bilang kaloob, at sa kanila, si Kristo ay naging “karunungan mula sa Diyos, at katuwiran din at pagpapabanal at pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos.” Alinsunod dito, sa pamamagitan lamang ni Kristo maaaring dumating ang tunay na katuwiran. Dinadakila nito si Jehova, anupat ibinibigay sa kaniya, at hindi sa tao o sa sariling mga gawa, ang papuri bilang ang Bukal ng lahat ng katuwiran, “upang maging gaya nga ng nasusulat: ‘Siya na naghahambog, ipaghambog niya si Jehova.’”—1Co 1:30, 31; Ro 5:17.
Mga Pakinabang ng Katuwiran. Iniibig ng Diyos ang mga matuwid at pinangangalagaan niya sila. Sumulat si David: “Isang kabataan ako noon, ako ay tumanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.” (Aw 37:25) Sinabi ni Solomon: “Hindi pababayaan ni Jehova na magutom ang kaluluwa ng matuwid, ngunit ang paghahangad ng mga balakyot ay kaniyang itataboy.” (Kaw 10:3) Hahatulan ng Diyos ang tinatahanang lupa sa katuwiran sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, at lalalang siya ng “mga bagong langit at isang bagong lupa” na tatahanan ng katuwiran. (Gaw 17:31; 2Pe 3:13) Ipinangangako sa matuwid na sa dakong huli ay aariin nila ang lupa; papalisin mula sa lupa ang balakyot bilang “pantubos” sa matuwid, sapagkat hangga’t nangingibabaw ang balakyot, hindi magkakaroon ng kapayapaan ang matuwid. At mapupunta sa matuwid ang mga pag-aari ng balakyot, gaya ng sinasabi ng kawikaan: “Ang yaman ng makasalanan ay nakaimbak para sa matuwid.”—Kaw 13:22; 21:18.
Tinitiyak sa taong nagmamatiyaga sa katuwiran na tatanggap siya ng kabutihang-loob ng Diyos at ng pagsang-ayon ng mga taong matuwid ang puso ngayon at sa habang panahon, sapagkat “ang Kaw 10:7; Aw 112:6.
alaala ng matuwid ay pagpapalain [at magiging “hanggang sa panahong walang takda”], ngunit ang pangalan ng mga balakyot ay mabubulok.”—Igalang at Pakinggan ang mga Matuwid. Isang katalinuhan na igalang yaong mga itinuturing ni Jehova bilang mga matuwid at sundin ang kanilang payo at pagsaway, na magdudulot ng kabutihan sa mga tumatanggap nito. Tumanggap si David ng saway mula kay Jehova sa pamamagitan ng mga lalaking matuwid, mga lingkod at mga propeta ng Diyos, at sinabi niya: “Saktan man ako ng matuwid, magiging maibiging-kabaitan pa nga iyon; at sawayin man niya ako, magiging langis pa nga iyon sa aking ulo, na hindi tatanggihan ng aking ulo.”—Aw 141:5.
“Ang Baluti ng Katuwiran.” Yamang sinasabi sa atin ng Bibliya, “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay,” kailangang isuot ng mga Kristiyano “ang baluti ng katuwiran.” (Kaw 4:23; Efe 6:14) Bilang proteksiyon upang huwag sumamâ ang puso ng isang tao, mahalagang sumunod siya sa katuwiran ng Diyos yamang ang puso ng makasalanang tao ay mapandaya at mapanganib. (Jer 17:9) Kailangan ng puso ang maraming disiplina at pagsasanay. Makatitiyak lamang ang isang Kristiyano sa landasing ito kung mangungunyapit siya sa Kasulatan, na ayon sa apostol na si Pablo ay “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” Dapat niyang malugod na tanggapin ang disiplinang mula sa matuwid na mga lalaking gumagamit sa Salita ng Diyos sa gayong paraan.—2Ti 3:16, 17.