Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kaunawaan

Kaunawaan

[sa Ingles, insight].

Pangunahin na, ang kaunawaan ay ang kakayahang makita ang nasa likod ng isang situwasyon. Ang pagkilos nang may kaunawaan ay nangangahulugan ng pagkilos nang may kapantasan, karunungan. Ayon sa Old Testament Word Studies ni Wilson, ang pandiwang Hebreo na sa·khalʹ ay nangangahulugang “tingnan; maging pantas, maingat; kumilos nang may kapantasan, maging matalino.” (1978, p. 461) Sa gayon, ang sa·khalʹ ay isinasalin bilang “may kaunawaan” (Aw 14:2), ‘kumilos nang may kapantasan’ (1Sa 18:5; Kaw 10:19), ‘magtagumpay’ (Kaw 17:8), ‘pangyarihing magpakita ng kaunawaan’ (Kaw 16:23). Ang pangngalang seʹkhel naman ay isinasalin bilang “kaunawaan.”​—1Sa 25:3; Aw 111:10.

Ang salitang Ingles na insight [kaunawaan] ay may malapit na kaugnayan sa understanding [unawa], ngunit may bahagyang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang terminong ito. Ganito ang sabi ng Theological Wordbook of the Old Testament: “Samantalang ang bin [understanding] ay nagpapahiwatig ng ‘pagkilala ng pagkakaiba,’ ang [sa·khalʹ] naman ay nauugnay sa isang matalinong pagkaalam sa dahilan. Kalakip dito ang proseso ng pag-iisip nang mabuti sa isang masalimuot na pagkakaayos ng mga ideya na ang resulta ay paggawi nang may karunungan at paggamit ng mahusay at praktikal na sentido komun. Ang isa pang resulta na idiniriin nito ay ang pagiging matagumpay.”​—Inedit ni R. L. Harris, 1980, Tomo 2, p. 877; tingnan ang UNAWA.

Sa Griegong Kasulatan, ang pandiwang sy·niʹe·mi ay isinasalin bilang “may kaunawaan” sa Roma 3:11, na sinisipi ng apostol na si Pablo mula sa Awit 14:2. Ang sy·niʹe·mi ay isinasalin din bilang ‘makuha ang diwa ng’ (Mat 13:13-15), ‘maintindihan’ (Mat 16:12), ‘maunawaan’ (Gaw 28:26), at ‘unawain’ (Efe 5:17).

Ang Diyos na Jehova ay nagbibigay ng kaunawaan sa kaniyang mga lingkod sa pamamagitan ng paglalaan sa kanila ng payo na magagamit nila upang ituwid ang kanilang mga hakbang at kontrolin ang kanilang mga pagkilos. (Aw 32:8; ihambing ang Dan 9:22.) Inilalaan niya ang gayong matalinong patnubay sa pamamagitan ng kaniyang Salita. Gayunman, upang magtamo ng kaunawaan, hindi lamang pagbabasa ng Bibliya ang dapat gawin ng isang tao. Dapat niya itong pahalagahan upang maudyukan siya na gawin ang lahat ng itinatagubilin ng Diyos. (Jos 1:7, 8; 1Ha 2:3) Kailangan din ang tulong ng espiritu ng Diyos. (Ne 9:20; ihambing ang 1Cr 28:12, 19.) Kapag natamo na ang kaunawaan, kailangan itong ingatan. Maaari itong maiwala ng isa kung tatalikod siya mula sa mga daan ng Diyos.​—Aw 36:1-3; Kaw 21:16.

Maipakikita ang kaunawaan sa iba’t ibang paraan, na ang resulta ay pagpapala sa nagtataglay nito at gayundin sa iba. Ang isa na “gumagawi nang may pakundangan [nang may kaunawaan] sa maralita” ay ipinapahayag ng salmista bilang maligaya. (Aw 41:1) Ang asawang babae na “pantas” (nagpapakita ng kaunawaan) ay inilalarawan bilang isang pagpapala mula kay Jehova. (Kaw 19:14) Ang kaunawaan, na tumitingin sa likod ng mga bagay na nakikita, ay tumutulong sa isa upang mabantayan niya ang kaniyang bibig (Kaw 10:19; 16:23) at upang malaman niya kung kailan siya mananahimik. (Am 5:13) Tinutulungan din nito ang isa na umiwas sa galit at palampasin ang pagsalansang. (Kaw 19:11) Ang taong may kaunawaan ay tumatanggap ng pagtutuwid. (Aw 2:10) Ayon sa Kawikaan 21:11, kapag ang taong marunong ay nagtamo ng kaunawaan​—samakatuwid nga, kapag maingat niyang isinaalang-alang ang impormasyong taglay niya at bilang resulta nito ay nagkakaroon siya ng mas malinaw na pagkaunawa sa isang bagay​—“nagtatamo siya ng kaalaman,” samakatuwid nga, alam niya kung ano ang gagawin hinggil sa bagay na iyon, kung anong mga konklusyon ang bubuuin, kung anong payo ang ibibigay.