Kawal
Isang tao na naglilingkod sa isang hukbo. Sa Hebreong Kasulatan, ang mga tauhan ng militar ay kadalasang tinutukoy nang eksakto ayon sa espesipikong tungkulin na ginagampanan nila: mga kabalyero (Exo 14:9), mga mananakbo (1Sa 22:17), mga tagapagpahilagpos (2Ha 3:25), mga lalaking humahawak ng sibat at kalasag (2Cr 25:5), mga mamamana (2Cr 35:23; Job 16:13), o mga mambubusog (Isa 21:17). Ang salitang Griego para sa “kawal” ay stra·ti·oʹtes.—Tingnan ang HUKBO, I.
Noong panahon ng pamumuno ng Roma sa Judea, karaniwan lamang na makakita ng mga kawal doon. Yamang sinabi ng isang opisyal ng hukbo sa Capernaum: “Sapagkat ako . . . ay . . . may mga kawal sa ilalim ko,” ipinahihiwatig nito na may mga kawal na nakahimpil doon sa ilalim ng kaniyang pamamahala. (Mat 8:5-9) May mga hukbong Romano na nakahimpil sa Tore ng Antonia sa Jerusalem, na nagsilbing isang sentro ng pagkontrol sa mga Judio. Nang dumalaw si Pablo sa Jerusalem sa huling pagkakataon, iniligtas siya ng kumandante ng militar doon mula sa mga mang-uumog, at muli na naman noong sumunod na araw dahil sa panggugulo ng mga Pariseo at mga Saduceo. (Gaw 21:30-35; 22:23, 24; 23:10) Nang masiwalat ang isang pakana laban sa buhay ni Pablo, naglaan ang kumandante ng mga tagapaghatid na binubuo ng 70 mangangabayo, 200 kawal, at 200 maninibat upang dalhin si Pablo hanggang sa Antipatris, anupat mula roon ay patuloy siyang sasamahan ng mga mangangabayo hanggang sa Cesarea.—Gaw 23:12-33.
Mga Kawal na Judio. Noon ay mayroon ding mga kawal na Judio, kabilang dito yaong mga lumapit kay Juan na Tagapagbautismo at nagtanong, “Ano ang aming gagawin?” Posibleng nagsisiyasat ang mga ito gaya ng ginagawa ng mga pulis, lalo na may kaugnayan sa mga kaugalian o sa paniningil ng buwis.—Luc 3:12-14.
Noong Patayin at Ilibing si Jesus. Mga kawal na Romano ang ginamit sa pagpatay kay Jesus, yamang ibinigay siya sa Romanong gobernador, anupat pinaratangan siya ng sedisyon laban sa Roma. Lubha siyang hinamak ng mga kawal na ito, anupat nilibak siya, dinuraan siya, at sinaktan siya bago nila siya dinala upang ibayubay. (Mat 27:27-36; Ju 18:3, 12; 19:32-34) Pinaghati-hatian nila sa kanilang sarili ang kaniyang mga panlabas na kasuutan at pinagpalabunutan nila ang kaniyang panloob na kasuutan. Maliwanag na apat na kawal ang ginamit mula sa hukbo na nagbayubay kay Jesus. (Ju 19:23, 24) Palibhasa’y namasdan ang mga kababalaghang naganap at ang mga kalagayan noong mamatay si Jesus, sinabi ng opisyal ng hukbo na nangasiwa sa pagpatay: “Tiyak na ang taong ito ang Anak ng Diyos.” (Mar 15:33-39) Mga kawal na Romano rin ang inilagay bilang mga bantay sa libingan ni Jesus. (Mat 27:62-66) Kung ang mga bantay na ito ay mga Judiong pulis ng templo, hindi na sana ipinakipag-usap pa ng mga Judio ang bagay na ito kay Pilato. Gayundin, ipinangako ng mga punong saserdote na aayusin nila sa gobernador ang mga bagay-bagay kung maririnig nito ang tungkol sa pagkawala ng katawan ni Jesus.—Mat 28:14.
Ang Unang Kristiyanong Gentil. Pagkaraan ng mga tatlo at kalahating taon, isang kawal na Romano, isang senturyon, ang nagsugo ng dalawa sa kaniyang mga tagapaglingkod sa bahay at ng “isang taimtim na kawal” upang anyayahan si Pedro sa Cesarea. Habang nangangaral pa sa kanila si Pedro, si Cornelio at ang kaniyang sambahayan, walang alinlangang kabilang yaong “taimtim na kawal” na naglilingkod sa kaniya, ay binuhusan ng banal na espiritu at naging ang unang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano na kinuha mula sa mga Gentil.—Gaw 10:1, 7, 44-48.
Pagpapalaya kay Pedro. Nang maglaon, inaresto ang apostol na si Pedro sa utos ni Herodes Agripa I anupat ibinilanggo siya at pinabantayan sa apat na rilyebo ng tig-aapat na kawal. Sa bawat rilyebo, dalawang kawal na bantay ang nagbabantay sa pinto ng bilangguan habang dalawa naman ang personal na nagbabantay kay Pedro, na nakatanikala sa kanila, isa sa magkabilang panig. Isang anghel ang nagpakita nang gabing iyon, kinalag nito ang mga tanikala ni Pedro at pinalaya siya mula sa bilangguan. Dahil dito, nagkaroon ng kaguluhan sa gitna ng mga kawal, at matapos siyasatin ni Herodes ang mga bantay na may pananagutan dito, iniutos niya na “dalhin sila upang maparusahan,” malamang ay upang patayin ayon sa kaugaliang Romano.—Gaw 12:4-10, 18, 19.
Nagpakita ng Kabaitan kay Pablo. Nang ang apostol na si Pablo ay dalhin sa Roma lulan ng isang barko dahil sa kaniyang pag-apela kay Cesar, Gaw 27:1, 3, 9-11, 20-26, 30, 31, 39-44) Sa Roma, pinahintulutan si Pablo na tumira sa kaniyang sariling bahay na inuupahan kasama ang isang kawal na nagbabantay sa kaniya.—Gaw 28:16, 30.
inilagay siya sa pag-iingat ng isang hukbo ng mga kawal sa ilalim ng pamamahala ng isang opisyal ng hukbo na nagngangalang Julio na nasa pangkat ni Augusto. Pinakitunguhan ng taong ito si Pablo nang may kabaitan at pinahintulutan siya nitong pumaroon sa kaniyang mga kaibigan upang tamasahin ang kanilang pangangalaga. Maliwanag na noong una ay hindi niya pinaniwalaan na may patnubay ng Diyos si Pablo, kaya naman mas nakinig siya sa may-ari ng barko at sa piloto. Ngunit matapos tangayin ang barko ng isang napakalakas na unos at ilang araw itong ipaghagisan nang matindi at nang ilahad ni Pablo ang pangitain nito kung saan tiniyak na maliligtas ang buhay ng lahat ng mga nasa barko, ang opisyal at ang kaniyang mga tauhan ay nakinig kay Pablo. Nang magsimulang mawasak ang barko malapit sa Malta, nilayon ng mga kawal na patayin ang lahat ng bilanggo, ngunit pinigilan sila ng opisyal na si Julio, palibhasa’y nais niyang madalang ligtas si Pablo. (Makasagisag na Paggamit. Nang ipagtanggol niya ang kaniyang pagka-apostol sa kaniyang liham sa kongregasyon sa Corinto, sumulat si Pablo: “Sino nga ang kailanma’y naglilingkod bilang isang kawal sa kaniyang sariling gastos?” (1Co 9:7) Bagaman hindi tumanggap si Pablo ng materyal na tulong mula sa mga taga-Corinto, nangatuwiran siya rito na, bilang isang kawal na naglilingkod sa kaniyang Panginoong si Kristo, talagang may awtoridad siya na tumanggap nito. Itinuring din ni Pablo na mga kawal ni Kristo yaong mga nakipagtulungan sa kaniya sa pangangaral ng mabuting balita, anupat tinawag niya silang kaniyang ‘mga kapuwa kawal.’—Fil 2:25; Flm 2.
Si Timoteo, na inatasan ni Pablo ng mabigat na pananagutan, ay sinulatan ng apostol: “Bilang isang mabuting kawal ni Kristo Jesus ay makibahagi ka sa pagtitiis ng kasamaan. Walang taong naglilingkod bilang kawal ang sumasangkot sa mga pangkabuhayang pangangalakal, upang makamit niya ang pagsang-ayon ng isa na nagtala sa kaniya bilang kawal.” (2Ti 2:3, 4) Inaasahan ng isang mahusay na kawal na daranas siya ng mga kahirapan, at alam niya na kailangan siyang maging laging handang maglingkod at magbata sa ilalim ng pinakamahihirap na kalagayan. Hangga’t nasa digmaan siya, hindi siya maghahanap ng kaalwanan at ng mga bagay na nakalulugod sa kaniya. Ang kaniyang panahon at lakas ay nauukol lamang sa pagsunod sa kaniyang pinuno. Bukod diyan, tinatalikdan ng isang kawal ang negosyo, bukid, hanapbuhay, o bokasyon upang makapaglingkod siya. Hindi siya nakikisangkot sa iba pang mga bagay na maglilihis ng kaniyang isip at lakas mula sa napakahalagang pakikipaglaban na kaniyang itinataguyod. Kung hindi, malamang na mangahulugan ito ng kaniyang buhay o ng buhay niyaong mga umaasa sa kaniya. Ayon sa mga istoryador, hindi pinahintulutan ang mga kawal na Romano na maghanapbuhay at pinagbawalan silang maging mga tagapagturo o mga tagapangasiwa ng mga ari-arian upang hindi sila mailihis mula sa kanilang layunin bilang mga kawal. Maging sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang bagong-kasal na lalaki, o ang taong hindi pa nakapag-aalay ng kaniyang bahay o may ubasan na hindi pa niya napag-aanihan ng bunga, ay malaya sa paglilingkod militar. At tiyak na hindi magiging mahusay na kawal ang isang taong matatakutin at masisiraan lamang ng loob ang kaniyang mga kapuwa kawal dahil sa kaniya; sa dahilang ito, sa ilalim ng Kautusan, ang gayong tao ay malaya sa paglilingkod militar. (Deu 20:5-8) Kaya madaling mauunawaan ng mga Kristiyano, kapuwa ng Judio at ng Gentil, ang puwersa ng ilustrasyon ni Pablo.
Sa isang liham sa mga taga-Efeso, malinaw na binalangkas ni Pablo na ang pakikipaglaban ng kawal na Kristiyano ay hindi laban sa dugo at laman kundi laban sa “balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” Samakatuwid, ang baluti na kailangan para sa pakikipaglabang ito ay hindi maaaring manggaling sa sanlibutan, kundi ito’y dapat na ang baluti mula sa Diyos na Jehova, na siyang nagbibigay ng tagumpay sa ilalim ng kaniyang Kumandante ng hukbo, si Jesu-Kristo.—Efe 6:11-17.